Sa sala ako nagpalipas ng oras hanggang sa sumikat ang araw. Nakaupo ako sa sahig at sa harapan ko ay may maliit na lamesa na may nakapatong na ashtray na naglalaman ng ilang filter ng sigarilyo. Hindi ako sigurado kung kailan ako ulit bumalik sa paninigarilyo dahil simula noong umalis ako sa banda namin noong high school ay itinigil ko nang manigarilyo. Hindi ko rin alam kung bakit ako bumalik sa paghithit at pagbuga ng usok namalayan ko na lang na ilang araw na akong may bitbit na kaha ng sigarilyo.
Nakatulala ako sa ashtray habang tinatapik ng kaliwang kamay ko ang lamesa. Patuloy lang ako sa pagtapik dito na lumilikha ng mahinang tunog na tila isang beat ng isang kanta. Nagulat na lang ako nang biglang magsalita si Arthur sa gilid ko na may seryosong hitsura.
"Hoy, ang ingay mo." Parang pabulong lang ang pagkakasabi niya pero malinaw ko itong narinig.
"Sorry. Naistorbo ko ba ang tulog mo?" Tanong ko.
"Hindi naman. Nagising ako sa usok mo." Sabi nito kaya sabay kaming napatingin sa hawak kong sigarilyo. "Akala ko ba matagal ka nang nag-quit? Kailan ka bumalik?" Tanong niya saka dahan-dahang umupo at kumuha ng isang stick ng sigarilyo.
"Hindi ko rin alam e. Ikaw? Bakit ka nakuha sa yosi ko?" Pabiro kong tanong sa kanya.
"Pahingi lang. May kape ka diyan?"
"Meron. Saglit magpapakulo lang ako ng tubig." Sagot ko saka ako tumayo para magpakulo ng tubig. Matapos noon ay dumiretso na ako sa banyo para maligo.
Sino ba itong lalaking nasa salamin?tanong ko sa sarili ko. Grabe ang ipinayat ko kumpara noong araw na magkita ulit kami ni Leila. Lubog na ang mga pisngi at mata ko, napakalaki na ng eyebags ko na daig pa ang black eye sa itim, malalim na pati ang collarbone ko. Hindi ko na halos makilala ang sarili ko. Pinilit kong ngumiti sa harap ng salamin pero hindi ko magawa. Wala akong lakas para gawin ang simpleng bagay na iyon. Sa katotohanan ay hindi naman talaga madaling ngumiti, nagiging madali lang ito kung totoo ang sayang nararamdaman ng isang tao pero kung wala namang ni katiting na kasiyahan na nararamdaman ay parang pinilit mo lang igalaw ang mga muscle mo sa mukha para lumikha ng ekspresyon na masaya ka.
Hindi lahat ng tao ay kayang ngumiti kahit hindi sila masaya. Hindi ako isa sa mga taong iyon. Artista, pulitiko, modelo, receptionist, salesperson, ilan lang sa mga halimbawa ng mga taong alam kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay totoo ang ngiti. Madalas ginagawa lang nila iyon dahil sa yun ang trabaho nila o para makisabay lang sa agos ng mga pangyayari. Kaiangan mo ng malakas na mukha para piliting ingiti ang mga labi mo kahit sa sitwasyong mas gusto mong sumeryoso. Malakas na muscle sa mukha lang ang kailangan para roon.
Umalis ako sa tapat ng salamin bago pa ako masuka sa sarili kong hitsura. Masahol pa sa zombie ang taong nakikita ko sa salamin. Minabuti kong maligo na kaagad dahil alam kong maya-maya ay kailangan ko nang umalis para pumasok sa trabaho. Mabilis lang ang ginagawa kong pagligo lalo na sa mga araw na kailangan kong magmadalihindi naman ako nagmamadali ngayon pero mas pinili kong bilisan ang pag-aasikaso dahil alal kong may pasok din si Arthur.
Paglabas ko ng banyo ay agad akong nagbihis at naghanda ng mga gamit na dadalhin ko. Tumuloy ako sa lamesa at muling naupo sa sahig, nakalapag sa harap ko ang kape na itinimpla ni Arthur. Siya naman ang pumuntang banyo para maligo at maghanda bago kami umalis. Habang naghahantay ay nakatulala ako sa tasa ng kape at minamasdan kung paano sumayaw sa hangin ang usok nito. Sa mabagal na pag-alon nito ay madadama mo ang mala-hipnotismong pagkamangha. Napaka-elegante ng paggalaw ng usok sa hangin na parang niyayaya akong sabayan ito sa pag-indak. Idadgdag pa ang amoy ng kape na nagpapatindi sa pagkamangha ko sa nakikita kong scenario.
Biglang niluwa ng pintuan ng banyo si Arthur na hindi ko na pinagkaabalahang lingunin dahil abala pa rin ako sa panonood sa pagsayaw ng usok na mula sa mainit na kape. Hindi nagtagal at unti-unting humupa ang usok hanggang sa tuluyan na itong nawala. Sa oras na mawala ito sa paningin ko ay saka ko lang naisipang inumin ang kape sa harapan ko. Hindi na ganoon kainit ang inuming mabilis na dumaan sa lalamunan ko. Agad namang umupo sa harapan ko si Arthur saka mabilis ding ininom ang kape niya.
"Tara na?" Tanong ko sa kaniya.
"Tara." Sagot naman nito. Agad siyang tumayo sa kinauupuan niya. Pinauna ko na siyang lumabas habang nililigpit ko ang ilang mga gamit bago ko kinuha ang bag ko na nakasabit malapit sa pintuan ng kwarto ko. Pagkalabas ko ay ni-lock ko agad ang pinto saka kami umalis.
Naninibago ako sa opisina ngayon. Masyado ba akong matagal nawala o sadyang may nagbago lang talaga sa paligid? Minarapat kong h'wag na lang pansinin ang mga maliliit na bagay at magpatuloy na lang sa ginagawa ko. Masyadong maraming trabaho ang natambak sa akin ngayon dahil sa ilang araw kong pagkawala, swerte pa nga raw ako dahil ginawa na ng iba kong mga kaopisina ang ilan sa mga naiwan kong trabaho bago ako mawala ng ilang araw.
Isinandal ko ang likod ko sa sandalan ng upuan, may ilang minuto rin akong nakatulalang nakatingin sa monitor ng computer ko bago ako muling bumalik sa pagta-type. Minsan ay nililingon ko ang mga katabi ko bago babalik ang tingin ko sa monitor ng computer. May pagkakataon rin na idudukdok ko ang mukha ko sa desk at mananatili sa ganoong posisyon ng ilang minuto bago muling babalik sa trabaho. Ilan lang yan sa mga pagbabagong napapansin ko sa mga ikinikilos ko. Pakiramdam ko ay palagi na akong wala sa sarili at kailangang magpahinga maya-maya ng katawan ko.
Itinukod ko ang kamay ko sa kanto ng desk ko saka ko iniyuko ang ulo ko. Itinuon ko ang pansin ko sa sahig, wala akong iniisip na kahit ako basta lang ako nakatingin sa sahig na tila gusto kong tumagos dito. Wala akong naririnig, wala akong nararamdaman, ang tanging nakikita ko lang ay ang puting tiles na tinatapakan ko ngayon. Pakiramdam ko ay hinihigop ako pailalim ng isang pwersa na sapat para pabagsakin ang katawan ko pero hindi ako maibaba nito dahil sa mainam na pagkakatukod ng kamay ko sa desk.
Nakaramdam ako ng mahinang tapik sa kanang balikat ko. "Hoy, Jiojan, Lunchbreak na. Anong ginagawa mo diyan. Tara na." Yaya sa akin ni Simon, isa sa mga kasamahan ko.
"Ah... Sige susunod ako. Mauna ka na." Tugon ko sa kanya.
"Bilisan mo ha."
"Oo aayusin ko lang saglit tong mga gamit ko."
Mabilis akong gumalaw at inayos ang mga gamit ko na sinundan ng pagpunas ko ng mga maliliit na butil ng pawis na unti-unting namumuuo sa noo ko. Hindi ko alam kung bakit pero noong oras na kausapin ako ni Simon ay bigla na lang akong nakaramdam ng kaba na hindi ko alam kung saan nanggaling. Dahan-dahan akong tumayo bago ako naglakad palabas ng opisina. Paglabas ko ay nakaabang na sa akin si Simon kasama ang iba ko pang mga kasama. Umalis kami agad para kumain sa pinakamalapit na kainan. Pagkatapos noon ay wala nang nangyari na kakaiba.
Wala nang araw nang lumabas ako sa building na pinagtatrabahuhan ko. Puro ilaw na lang mula sa iba't ibang establisimiyento, mga sasakyan at mga streetlight ang nagbibigay liwanag sa buong siyudad. Kailan nga ba ulit yung huling pagkakataon na nagandahan ako sa tanawin na ito? Walang bago sa paningin ko pero iba sa pakiramdam ang tanawing nakikita ko habang naglalakad ako papunta sa sakayan.
Nakakita ako ng ilang mga pusang nagtatakbuhan sa gilid papasok sa isang parke. Isa sa mga ito ang tumigil at matagal na tumitig sa akin. Sinundan ako nito ng tingin habang naglalakad ako sa harapan niya. Medyo weird sa pakiramdam na titigan ng isang pusa sa kalye, animo'y may nakikita siyang hindi nakikita ng iba pang mga buhay. Hindi na ako nag-abalang lapitan pa ang pusa bagkus ay nagpatuloy lang ako sa paglalakad.
Nakarating ako sa apartement ko bandang alas otso na ng gabi. Pagkarating ko sa apartment ay agad akong naupo sa sofa para ipahinga ang katawan ko. Hindi ko alam kung anong kulang sa araw ko ngayon. Basta na lang ako nakarakdam na tila ba may kulang sa araw ko pero hindi ako sigurado kung ano iyon.
Hinayaan ko na lang kung ano man ang hagay na kulang at nagpatuloy na lang ako sa pagpapahinga. Mga kalahating oras ang lumipas bago ko naisipang maghanda ng makakain, medyo nadama ko na rin ang gutom. Papatayo pa lang ako ng marinig ko ang doorbell kaya agad akong tumungo sa pintuan at sinilip kung sino ang tao sa labas. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang mukha ni Cassandra na nakangiti ng malawak at may bitbit na plastic ware.
"Yo neighbor. Kain tayo." Alok nito saka iniabot sa akin ang dala niya. Agad din siyang pumasok sa apartment ko kaya isinara ko na lang ang ñintuan at sumunod sa kanya papasok.
"Bakit ka nandito?" Tanong ko.
"Kakain nga. Dinalhan ka na nga ng pagkain parang ayaw mo pa."
"Hindi naman. Hindi lang ako sanay."
"Nako h'wag ka nang maarte. Gusto ko lang ng kasabay kumain."
"Ah... Sige. Salamat dito sa pagkain."
Hindi na siya muling nagsalita, namalayan ko na lang na nagdadala na siya ng mga plato at kubyertos papunta sa maliit na lamesa sa sala. Kasunod noon ay ang pagbukas niya sa refrigerator para kumuha ng maiinom.
"Parang sanay ka na sa unit ko ah." Nagtataka kong sabi.
"Ah, oo. 'Di ba nga hindi ko firat time dito?" Tugon nito. "Kain na."
Nag-umpisa kaming kumain. Walang nagsalita sa amin ng mga panahong iyon hanggang sa matapos kaming kumain. Medyo naiilang pa rin ako sa babaeng ito. Ni hindi ko alam kung anong koneksiyon ko sa kaniya. Alam kong minsan niya akong tinulungan at nagpapasalamat ako sa pagtulong niya sa akin pero hindi pa rin maalis sa akin na isa pa rin siyang estranghero at walang matibay na ugnayan ang namamagitan sa amin. Sa kabila ng katotohanang iyon ay komportable siyang gumalaw sa paligid ko na tila baga'y matagal na kaming magkakilala.
Hindi na ako ganoon kakomportable sa sitwasyon kaya minabuti ko na lang na lumabas. Umakyat ako sa rooftop ng building kung saan ako nakatira para makasagap ng sariwang hangin. Hindi ako ganoon kagaling mag-adapt sa sitwasyon kaya imbis na tiisin ko ang nakakasakal na atmospera ay mas pipiliin ko na lamg na umalos sa ganoong lugar. Akala ko kasi noon ay kaya kong magtiis sa ganoong mga sitwasyon kaya sa maraming pagkakataon ay pinipigilan ko ang sarili kong umalismas akma siguro ang salitang tumakasat iwan kung ano man ang bagay na nasa harapan ko.
Natapos ang araw na iyon sa ganoong pangyayari. Bukod sa biglaang pagpunta ni Cassandra sa unit ko ay wala nang kakaibang nangyari sa araw ko. Lumipas ang isang linggo na walang nangyayaring kakaiba sa akin. Hindi normal para sa katulad kong nabubuhay ng hindi normal ang magkaroon ng normal na arawna ngayon ay umabot na ng mahigit isang linggo.
Alam ko sa sarili ko na dapat akong mabahala sa biglaang paghupa ng mga kakaibang bagay. Sigurado akong may nagbabadya na matinding pangyayari na ikasisira komapa-reputasyon man o ng mismong pagkatao ko. Kailangan kong maghanda pero mukhang huli na bago ko na-realize na kailangan kong maghanda.
Habang nakaupo ako sa bench sa reception area ng building kung saan ako nagtatrabaho ay may bumabagabag sa akin na hindi ko mawari. May pakiramdam ako na hindi magiging maganda ang araw na itohigit pa sa masamang pangyayari ang inaasahan ko. Sinubukan kong magmasid sa paligid para kumpirmahin kung may kakaiba ba sa lugar kung nasaan ako ngayon o sadyang may kakaiba lang sa akin.
Tumayo ako nang pumatak sa alas siete y media ang orasan na kaharap ko. Mabilis akong naglakad papunta sa elevator na agad din namang nagbukas sa oras na mapatapat ako sa pintuan nito. Pagkapasok ko ay mabilis ding napuno ang elevator. Nakapwesto ako sa isang sulok kung saan nakapaligid sa akin ang iba pang sakay ng elevator (isang lalaki sa kanan ko at dalawang babae sa harapan ko). Pinanatili kong nakatingala ang ulo ko at pilit kong isinisiksik ang katawan ko sa sulok para maiwasang mapadikit sa akin ang sinuman sa tatlong tao na nakapaligid sa akin.
Mabilis ding narating ng elevator ang floor kung nasaan ang opisina na pinapasukan ko kaya agad akong lumabas. Hindi ko na sinubukan pang tumingin sa mga taong kasama ko sa loob at dali-dali akong naglakad papuntang opisina ng nakayuko. Iniiwas ko ang tingin ko sa ibang tao dahil pakiramdam ko ay may mangyayaring hindi maganda sa oras na tumama ang tingin ko sa kahit kaninong tao na makakasalubong ko.
Pagkapasok ko ng opisina ay agad akong naupo sa pwesto ko. Binuksan ko ang computer ko. Nilapag ang layout ng gagawin kong poster para sa advertisement ng product ng company. Saka ako muling tumayo para sana kumuha ng kape pero bago pa man ako tuluyang tumayo ay biglang may naglapag na ng tasa ng kape sa desk ko. Nang lingunin ko ito ay nagulat ako sa kung sino ang nagbigay ng kapesi Arthur.
"Yo, Jio. May problema ba? Pinagpapawisan ka 'ata." Nagtatakang tanong nito.
"Ah... Siguro kasi nagmamadali ako kanina." Sagot ko.
"Nagmamadali? Bakit?" Tanong niya ulit.
"Akala ko mali-late ako e." Mabilis kong sagot. "Bakit... Ka nga pala nandito?" Dugtong ko pa sa sinabi ko.
"Ah may meeting ako together with Mister Morales. Mga 8:30. Inagahan ko na para mabilis matapos."
"Ahhhhhhh." Hindi ko na dinugtungan pa ang pag-uusap namin dala ng masamang kutob ko. Mabilis din siyang umalis nang makita niyang papasok na ng opisina si Mister Morales kaya medyo nakahinga ako ng maluwag.
Habang nakatingin sa screen ng computer ko ay bigla akong nahilo at nakaramdam ng init sa mukha ko. Medyo nanlalabo na rin ang paningin ko kasabay ng tila pag-ikot ng mga bagay sa harapan ko. Bigla akong may narinig na boses.
"Humanda ka~" isang mahina ngunit malalim na boses na paulit-ulit na umiikot sa ulo ko. Tatapat ang tunog sa kanang tainga ko saka hihina na parang gumagalaw papunta sa likod ng ulo ko na muling lalakas pagtapat sa kanang tainga ko. Tila umiikot ang boses sa ulo ko na lalakas lang sa tuwing tatapat sa mismong tainga ko. Nagtagal ito ng halos limang minuto. Nawala na lang ito ng tapikin ako ni Simon sa balikat.
Lumingon ako sa kaliwa ko kung saan ako tinapik ni Simon na tinawag pa ang pangalan ko. Iniangat ko ng bahagya ang ulo ko para tingnan ang mukha niya ngunit napatigil ako sa nakita ko. Tila isang kandilang natutunaw ang mukha ni Simon saka dahan-dahang nagbabago ang boses niya sa tuwing uulitin niyang tawagin ang pangalan ko.
"Jiojan." Biglang umangat ang mala-kandilang balat ng mukha niya pabalik sa kinalalagyan nito hanggang sa unti-unting pumormang muli ang kanyang mukha.
"Jiojan." Mas malalim kaysa sa nauna, sa pagkakataong ito ay buo na ang mukha niya ngunit hindi mukha ni Simon ang nabuo kundi ang sarili kong mukha.
"Jiojan..." Mas malalim pa sa mga nauna kasabay ng pagngiti niya ay ang unti-unting pagkahilo ko. Hindi ko na maigalaw ang katawan ko. Nanlalamig ang dulo ng mga daliri ko. Pakiramdam ko ay susuka akosa kinauupuan ko.
"...Akin na 'yang katawan mo!" Lumakas ang boses sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan ang sarili ko. Dala ng adrenaline rush ay mabilis akong tumayo saka ko inihagis papunta sa taong nasa harapan ko ang mga gamit sa desk ko. Nang mawalan siya ng balanse ay agad ko siyang tinulak papunta sa pader saka ko sinakal ang leeg niya. Pilit siyang pumipiglas kahit na ginamit ko na ang buo kong lakas.
"Hoy pre itigil mo yan! Anong ginagawa mo?!" Sigaw ng lalaki na biglaang lumapit sa akin. Hinawakan niya ang kanang braso ko at pilit hinahatak para matanggal sa pagkakasakal. Hindi ko pa rin binibitawan ang leeg ng taong nasa harapan ko. Hinding-hindi ako magpapatalo sa taong ito na gustong kumuha sa katawan ko. Nakangiti lang siya habang mahigpit na nakapulupot sa leeg niya ang mga kamay ko. "Pre tigil na. Mapapatay mo siya!" Nilingon ko ang lalaking nasa kanan ko na pilit pinipigilan ang braso ko. Napabitaw ako ng makita ko ang mukha nito. Kaparehong kapareho ng mukha ko. Sa gulat ko ay napakalas ang kamay ko sa leeg ng taong sinasakal ko.
Mabagal akong umatras para ilayo ang sarili ko sa dalawang taong gumaya sa wangis ng mukha ko. Dahan-dahan namang lumapit sa akin ang lalaking kanina ay umaawat sa akin. Bigla itong ngumiti habang mabagal na naglalakad papalapit sa akin. Maya-maya ay may mga sumulpot pang ilang tao sa likuran at gilid niya na may iisang hitsura. Lalaki, babae, payat, mataba, matipuno, iba't ibang katauhan pero iisa ang mukha nila; mukha ko.
Napasigaw ako sa nakita ko saka mabilis na kumaripas papunta sa pinto. "Layuan niyo 'ko!" Buong lakas kong isinigaw ang mga katagang ito saka dali-daling binuksan ang pinto papalabas ng opisina. Paglabas ko ay tumakbo agad ako papuntang elevator para sana umalis sa lugar na iyon pero pagbukas ng elevator ay may isa pang grupo ng mga tao na may iba't ibang katangian ng katawan ngunit gamit ang mukha ko. Sa takot ko ay tumakbo ako papuntang fire exit kung saan ako mabilis na bumaba.
Tinakbo ko ang lobby ng building ng mabilis. Hindi ko nilingon ang sinumang makasalubong ko. Patuloy lang akong tumakbo hanggang sa makalayo ako sa lugar na iyon. Nakarating ako sa isang creek kung saan kaunti lang ang tao. Naupo ako sa gilid ng puno malapit sa may creek para magpahinga dahil pawis na pawis ako mula sa pagtakbo.
Habang nakaupo sa gilid at nakayuko ay may lalaking tumayo sa harapan ko. Hindi ko ito nilingon sa takot na isa rin siya sa mga taong may kapreho ko ng hitsura. "Nahabol din kita." Kilala ko ang boses na narinig ko kaya dahan-dahan komg iniangat ang ulo ko para tingnan kung sino ang nasa harapan ko. Pagtingala ko ay nakita ko ang nakangiti nitong mukha na naging dahilan para muli akong mapasigaw.
"Jio! Jio! Anong nangyayari sa'yo." Hinahawakan ni Arthur ang mga braso ko para pigilan akong magwala. "Jio, ako 'to si Arthur." Malakas na sabi nito kaya tiningnan ko ang hitsura niya ng maigi. Nang makumpirma kong siya nga si Arthur ay kumalma ako.
"A-arthur..." Mahina kong sabi kasabay ng sunod-sunod na paghinga ng malalim.
"Jio, anong nangyari?" Tanong niya sa akin. Hindi ko gustong sumagot. Wala namang magandang paliwanag para sa ginawa ko. Iisa lang naman ang kalalabasan kahit na ipaliwanag ko ang sarili ko. Hindi nila ako paniniwalaan. Alam ko iyon. Sa mundong ito, ang kakaiba ay hindi tinatanggap. Ang kakaiba ay kinatatakutan. Ang kakaiba ay nilalayuan. Imbis na ipaliwanag ang sarili ko ay mas pinili kong lumayo. Agad akong tumayo saka tumakbo palayo kay Arthur ng walang sinasabing kahit na ano.
Tumakbo ako ng buong lakas. Kailangan kong tumakas sa mga taong iyon. Hindi dahil sa kapareho ko sila ng hitsura kundi dahil alam kong may ginawa akong isang bagay na hindi malulutas ng simpleng paghingi ng tawad.
Nang marating ko ang unit ko ay agad kong inilagay sa isang travel bag ang mga damit ko kasama ang iba ko pang mahahalagang gamit. Mabuti na lang at nasa bulsa ko ang wallet at cellphone ko nang mangyari ang insidente kanina kaya nadala ko ito habang papalayo ako sa lugar na iyon. Nang masinop ko na ang gamit ko ay agad akong umalis kahit na alam ko sa sarili kong wala akong tiyak na pupuntahan.