webnovel

Kambal Tuko [TAGALOG]

Simula pa pagkabata ay makikita na ang malaking pagkakaiba ng magkakambal na sina Tina at Nana. Si Nana ay normal ang itsura samantalang si Tina ay may hindi pangkaraniwang kaanyuan na naging dahilan kung bakit naging tampulan ito ng tukso. Pero ng tumungtong si Tina sa legal na edad ay isang misteryo ang nangyari na nagbigay dito ng magandang kaanyuan. Dahil doon ay mas nadagdagan ang inggit ng kakambal nitong si Nana. At dahil din doon ay nalagay si Tina sa kapahamakan. Noong nawala si Tina ay nagsimula na rin ang misteryo na bumalot kay Nana at sa mga kaibigan nito. Gusto ni Nana na maitama ang lahat. Pero paano iyon gagawin ni Nana kung isa-isa nang namamatay ang mga taong nakapalibot dito at ito na ang isusunod? Book cover by: Shekina Grace Edited by: Elf King Publishing Editors

Jennyoniichan · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
23 Chs

CHAPTER 20

"TINA, si Jacob. Paano siya?" tanong ni Nana kay Tina, nag-aalala.

"Makakaya niya 'yon, Nana. Bilisan na natin, kailangan nating mabuhay. Wala na akong pakialam kay Jacob."

Napatigil si Nana sa pagtakbo dahil sa narinig. "Tina, ano ba 'yang sinasabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ni Nana.

"Huh? Wa-wala akong sinasabi. Halika na." Mahigpit nitong hinawakan si Nana at kinaladkad.

"Aray, Tina! Nasasaktan ako. Bitawan mo 'ko." Masama na ang kutob ni Nana.

"Akala ko ba gusto mo na akong makasama? Bakit ayaw mong sumama ngayon? Huwag nang matigas ang ulo, Nana."

Napaatras si Nana palayo. "Huwag mo akong hawakan. Hindi ka si Tina. Hindi magsasalita ng ganyan si Tina. Ilabas mo si Tina," buong tapang na sigaw ni Nana.

Unti-unting ngumisi si 'Tina' na nasa harapan ni Nana. "Bilib din ako sa 'yo, ha?"

Nanlaki ang mga mata ni Nana nang makita ang pag-iiba ng anyo ng kaharap. "A-Aya?" gulat na tanong ni Nana.

"Mabuti naman at naaalala mo pa ako," nakangising sabi ni Aya, tumawa.

"Paano mo nagawa ang lahat ng 'to kay Tina? Hindi ba magkaibigan kayo?" galit na tanong ni Nana.

"Kaibigan?" Tumawa si Aya. "Nagpapatawa ka ba? Kahit kailan hindi ko siya itinuring na kaibigan. Ginawa ko lang iyon para malinlang ko siya at mapunta siya sa amin ni Ina."

"Hindi ako makakapayag na makuha niyo kami. Ibalik niyo si Tina sa akin," puno ng katatagang sabi ni Nana.

"Ano ka sinusuwerte? Ngayon na matutupad ang mga pangarap namin ni Ina na mabuhay ng walang hanggan. Magiging imortal na kami at hindi ko palalagpasin ang pagkakataong ito," ani Aya, unti-unti itong lumapit kay Nana.

Patuloy lang sa pag-atras si Nana.

"Nana! Dito!" narinig ni Nana na sigaw sa likuran nito.

Lumingon si Nana at nakita si Aling Lourdes, kasama na nito si Tina. Si Aling Lourdes ang nakakita sa garapon at nagpalaya sa kaluluwa ng totoong si Tina.

"Tina!" tawag ni Nana sa kakambal.

"Nana, sa likod mo!" sigaw ni Aling Lourdes.

Biglang nandilim ang paningin ni Nana nang pukpukin ni Aya ang likuran ng ulo nito. Sa likod naman nina Aling Lourdes at Tina ay naroroon na si Aling Mercedes at hinampas din sa ulo ang dalawa.

Ito na ba ang katapusan namin? Iyon ang tanong ni Nana sa sarili bago mawalan ng malay.

NAGISING si Nana dahil sa ingay sa paligid.

"Hindi pa ba tapos 'yan, Ina?" tanong ni Aya.

Napabalikwas si Nana. Nasa isang kuwarto ang mga ito na puno ng kagamitan para sa mangkukulam. May mga kalansay sa paligid. Napansin ni Nana na nasa tabi nito si Tina. Nakaupo ang mga ito sa isang bilog na guhit, may mga nakasulat na inkantasyon na hindi maintindihan ni Nana.

"Tina," mahinang tawag ni Nana sa kapatid pero hindi pa rin ito nagigising.

"Oh, tingnan mo, Ina, nagising na ang isa. Kumusta, Nana?" nakangising tanong ni Aya.

"Mga demonyo kayo. Pakawalan niyo kami ng kapatid ko. Mga walang hiya kayo! Mamamatay-tao!" galit na sabi ni Nana.

Tumawa lang sina Aling Mercedes at Aya.

"Matagal na naming alam 'yan, Nana. At ngayon kayo namang dalawa ang mamamatay sa mga kamay namin," sabi ni Aling Mercedes.

Napaiyak na si Nana dahil sa ikalawang pagkakataon, hindi na naman nito matutulungan si Tina. Wala akong kuwenta. Sorry, Tina... Napayuko si Nana, tahimik na umiyak.

"Nana? Tahan na..."

Napamulat si Nana nang marinig ang boses ni Tina. Magkalapat ang mga likod ng mga ito habang nakatali ang mga kamay at paa.

"Tina? Ikaw na ba talaga 'yan?" masayang bulong ni Nana. Patuloy pa rin sina Aya sa ginagawa ng mga itong paghahanda.

"Ssshhh, Nana, tahan na. Makakatakas tayo dito, tiwala lang."

Mas lalong napaiyak si Nana. Napakaduwag ko talaga. Hiyang-hiya si Nana sa sarili nito. Simula pa noon ay duwag na ito. Si Tina ang nasasaktan ng lubos pero hindi ito natatakot. Naisip ni Nana na sa lahat ng ginawa nito kay Tina, hindi ito karapat-dapat sa kabaitan ng kakambal. Pinagsisisihan ni Nana ang lahat ng ginawa kay Tina noon.

"Patawad, Tina. Mahal na mahal kita. Patawad sa mga nagawa kong kasalanan dahil sa inggit ko sa 'yo," humihikbing sabi ni Nana.

Napatingin si Aya sa gawi ng magkambal. "Nagising na din ang isa," sabi nito, tumawa. "Mag-usap na kayo diyan dahil malapit na kayong mamatay. Malapit na matapos ang inkantasyon ng aking ina, mapupunta na sa amin ang kaluluwa ninyo."

"Nana..." tawag ni Tina kay Nana, malungkot. "May gusto akong sabihin sa 'yo."

"Ano 'yon?" Kinakabahan si Nana sa maririnig.

"Nana, matag—" Hindi na natapos ni Tina ang sasabihin nang bigla itong mapasuka ng itim na likido na may mga uod.

"Tina?! Tina, ano'ng nangyayari sayo? Anong ginagawa niyo sa kanya?" Tiningnan ni Nana ng masama ang mag-ina na may gawa ng lahat ng ito.

Nagbubunyi na sina Aling Mercedes at Aya. "Umeepekto na. Ikaw naman ang susunod, Nana, humanda ka na," mala-demonyo ang tawang pinakawalan ni Aya.

"Tina? Tina, please, magsalita ka," umiiyak na sabi ni Nana.

"Nana... huwag mo na akong alalahanin. Mas mahalaga na makatakas ka dito. Matagal na akong wala sa mundong ito, Nana. Patay na ako. Hindi na ito ang totoong katawan ko, ginawa na lang ito gamit ang mahika para maipanatili at maikulong ang kaluluwa ko," malungkot na sabi ni Tina. "Hindi na rin ito magtatagal."

"Hi-hindi. Hindi, Tina. Hindi totoo 'yan. Buhay ka pa," naluluhang sabi ni Nana. Hindi nito matatanggap iyon. "Please, Tina. Sabihin mo sa akin na nagbibiro ka lang."

"Kawawa nga 'yang si Tina, eh. Sarili niyang kapatid hindi siya tinulungan. Kayo mismo ang pumatay sa kanya, Nana. Kaya karapat-dapat lang na mamatay kayo," sabi ni Aya.

Alam iyon ni Nana. Kaya kinasusuklaman na nito ang sarili. Hindi na nito gustong mabuhay ngayon na wala si Tina. Iniisip nito na dapat nga itong mamatay. Unti-unti nang nanghihina at nawawalan ng ganang mabuhay si Nana. At iyon ang hinihintay ng mag-inang sina Aling Mercedes at Aya.

Nasa plano ng mga ito na patayin ang mga kaibigan ni Nana para mawala sa sarili si Nana, para lamunin ito ng konsensiya at isipin na mas mabuti pa ang mamatay. Manghihina ang enerhiya ni Nana at mas mapapadali ang pagpatay dito. Mas madaling makuha ang kaluluwa ng isang taong sumuko na sa buhay.

"Nana, 'wag kang makinig sa kanya. Kailangan mo pang mabuhay. Nandiyan pa si Jacob. Alam ko na pinagsisihan niyo na ang lahat," sabi ni Tina.

"Ti-Tina, pa-patawarin mo ako," umiiyak na sabi ni Nana.

"Matagal na kitang napatawad, Nana. Kayong ni Jacob. Kaya, please, mabuhay ka. Mabuhay ka para kay Jacob at para sa sarili mo. Basta tatandaan mo na palagi akong nasa tabi mo at binabantayan ka. Mahal na mahal kita, Nana. Mahal na ma—"

Napahinto sa pagsasalita si Tina. Nilingon ito ni Nana at napahagulhol nang unti-unting nawawalan ng malay ang kakambal.

"No! Tina! 'Wag mo akong iiwan. Tina!" sigaw ni Nana pero nakapikit na si Tina.

"Tumahimik ka na diyan, Nana. Wala ka nang magagawa. At ngayon... ikaw naman ang susunod," sabi ni Aya.

Unti-unting lumapit si Aya kay Nana dala ang isang kutsilyo. Ang handle ng kutsilyo ay gawa sa ginto na may nakaukit na inkantasyon. "Paalam, Nana," sambit ni Aya.

Nasa ere na ang kutsilyo nang biglang may sumunggap sa kinauupuan nina Nana palayo.

"Jacob," sambit ni Nana sa pangalan ng lalaki, ito ang nasaksak ng kutsilyo.

"Pakialamero. Hindi—" Hindi na natapos ni Aya ang sinasabi nang may sumaksak sa likuran nito—si Aling Lourdes. Nakita rin ni Nana na nasa sahig na si Aling Mercedes, duguan at may saksak sa likuran.

Nang iwan ni Aling Mercedes si Jacob kanina na walang malay, inakala nito na mamamatay na si Jacob. Pero ginawa ni Jacob ang lahat para makatayo at hanapin sina Nana. Doon nito nakita si Aling Lourdes na walang malay sa labas. Iniwan lang ito doon ng mag-ina dahil hindi naman kailangan.

Tinulungan ni Jacob si Aling Lourdes at hinanap ng mga ito ang kinaroroonan nina Nana. Laking pasasalamat ng mga ito dahil nakatuon ang atensiyon ng mag-inang mangkukulam sa ginagawang ritwal kaya hindi nakita ang pagpasok nina Jacob at Aling Lourdes sa kuwarto.

Lumapit si Aling Lourdes kay Nana at kinalas ang mga tali nito sa mga kamay at paa. Tiningnan ni Nana ang kakambal na si Tina pero wala na doon ang katawan ng kakambal.

Nagmamadaling lumapit si Nana kay Jacob na duguan sa sahig. "Jacob... Jacob, gumising ka," umiiyak na sabi ni Nana. Ipinatong ni Nana ang ulo ni Jacob sa mga hita nito.

Unti-unti namang nagmulat ng mga mata si Jacob, malungkot itong ngumiti. "N-Nana... mabuti naman at ayos ka na. Pasensiya na kung—" Hindi na nito naituloy ang sinasabi nang mapaubo ng dugo.

"Ssshhh, Jacob. 'Wag ka na munang magsalita," sambit ni Nana, niyakap si Jacob.

"Paparating na ang mga pulis at ambulansya dito. Tinawagan na rin namin sila," sabi ni Aling Lourdes habang tinatalian sina Aya at Aling Mercedes. Hindi pa patay ang mga ito dahil hindi naman malalim ang natamong mga sugat.

Napahagulhol ng malakas si Nana nang makita ang unti-unting pagpikit ng mga mata ni Jacob. Jacob, please. Hindi mo ako puwedeng iwan. Hindi ko na kakayanin ang lahat ng ito. Mahal na mahal kita.

IMINULAT ni Jacob ang mga mata at napansin na nasa isang hindi pamilyar na lugar ito—sa isang gubat. Mga huni ng ibon, ang preskong amoy ng mga dahon na gumagawa ng ingay dahil nadadala ang mga sanga sa ihip ng hangin—iyon lamang ang pumupuno sa tainga ni Jacob.

"Nasaan ako?" takang tanong ni Jacob sa sarili. Nagpalinga-linga ito sa paligid, inaalala kung paano ito napunta sa lugar na iyon. Ngunit wala itong maalala. Tumayo si Jacob at naglakad palalim sa kagubatan nang may tumawag sa pangalan nito. Napahinto ito.

Lumingon ito sa likuran, nahigit ang hininga nang makita si Tina kasama ang engkantong ama nito. "Tina..." walang lakas na sambit ni Jacob sa pangalan ng dalaga.

Ngumiti si Tina at lumapit kay Jacob. Nakasunod lang ang engkantong ama ni Tina. Huminto ang mga ito sa harapan ni Jacob na hindi makagalaw sa kinatatayuan.

"Jacob, nailigtas mo ang aking kapatid. Nagawa mo rin akong palayain mula sa kapahamakan. Alam kong may mabuti kang kalooban kaya naman pinapatawad na kita," nakangiting sabi ni Tina.

Hindi maipaliwanag ni Jacob ang saya na nararamdaman, hindi nito napigilan ang mapaiyak sa saya. Pinagsisisihan niya ng sobra ang lahat ng nagawa kay Tina—ang pagiging duwag noon, ang pagdala dito sa kapahamakan.

"Ama..." nakangiting tawag ni Tina sa ama nitong engkanto. Walang ekspresiyon sa mukha ang ama ni Tina. Bakas talaga ang kaibahan nito—patulis ang mga tainga at may hindi pangkaraniwang taas.

"Batid ko ang pagsisisi mo sa mga nagawa mong kamalian," sabi ng engkanto kay Jacob, malamig at seryoso ang boses nito. "Sa paghihinagpis mo dati'y sinubukan mong kitilin ang sarili mong buhay. Ngunit sinagip kita at ginawa ring engkanto dahil alam kong ikaw lang ang makakatulong kay Nana para matapos ang lahat. At napagtagumpayan mo ang iyong misyon, Jacob. Hiling ng anak kong si Tina ang kasiyahan mo at ng kapatid niyang si Nana. Kaya naman binabawi ko na ang aking sumpa sa 'yo. Ibabalik kita sa pagiging tao. Sana'y gamitin mo ang ikalawang pagkakataon na ito sa tama at pahalagahan si Nana. Inaasahan ko ang iyong mabuting hangarin, Jacob. Pinapatawad na rin kita. At pagagalingin ko rin ang iyong mga natamong sugat gamit ang aking kapangyarihan."

Walang pagsidlan ang saya sa puso ni Jacob sa mga narinig. Ang mga salitang narinig nito ay ang magpapalaya dito mula sa pighati ng kahapon. Ito ang magsisilbing paa nito para makahakbang sa susunod na kabanata ng buhay nito. Pero gusto pa rin nitong sabihin ang tunay na nilalaman ng puso.

"Maraming sa-salamat." Bumaling si Jacob kay Tina. "Mahal pa rin kita, Tina... hindi ko alam kung paano kita makakalimutan." Napaluhod na si Jacob sa lupa at lalong napaiyak.

"Tumayo ka, Jacob. Harapin mo ako," mahinahong sambit ni Tina.

Napatayo si Jacob at muntik pang mabuwal dahil sa panghihina ng mga tuhod. Tiningnan nito si Tina, nanlalabo ang mga mata.

"Kailangan mo na akong kalimutan, Jacob. Hindi na maaari ang iyong hinahangad. Simula pa lang ay hindi na maaari ang ating pag-iibigan," sabi ni Tina. "Dahil maaring mag-resulta na naman ito sa mga pangyayaring makakasama sa mga taong nasa paligid natin. Kailangan na nating tanggapin na hindi tayo ang para sa isa't-isa."

Nakatitig lang si Jacob kay Tina, hindi pa nito handang tanggapin ang lahat ng naririnig.

"May kilala akong maaari mong paglaanan ng iyong pansin, Jacob," pagpapatuloy ni Tina. "Ang babaeng kayang gawin ang lahat para sa 'yo, ang babaeng mamahalin ka ng katulad ng pagmamahal ko. Si Nana, Jacob. Alam kong matututunan mo siyang mahalin. Pakiusap, Jacob, gawin mo ito hindi para sa akin. Kung hindi para sa iyong sarili. Kailangan mong bumangon at magsimula muli. Si Nana ang makakatulong sa 'yo. Matutulungan ninyo ang isa't isa."

Napayuko si Jacob dahil wala na itong magagawa kundi gawin ang nararapat. Naniniwala rin itong magagawa nitong mahalin si Nana. Hindi lang nito alam kung kailan. Pero nakakasiguro si Jacob na gagawin nito ang lahat ng makakaya. Ipinangako nito sa sarili na aalagaan si Nana.

"Paalam, Jacob."

Nag-angat ng ulo si Jacob. Wala na sina Tina sa harapan nito. Isang boses na lamang ang naririnig ni Jacob na tumatawag sa pangalan nito—ang boses ni Nana.

DINADAMA ni Nana ang ihip ng hangin sa sementeryo habang nakatingin sa maaliwalas na kalangitan. Tumingin ito sa pangalang nakaukit sa lapida na nasa harapan—Tina Dela Cruz.

Malungkot na napangiti si Nana, puno pa rin ito ng pagsisisi dahil sa mga nagawa nitong hindi maganda kay Tina. Pinagpala si Nana ng kapatid na may mabuting kalooban. Pinatawad na ito ni Tina at hiniling pa nito ang magandang buhay para dito.

Ngunit hindi pa rin mapigilan ni Nana na magalit sa sarili paminsan-minsan. Pero kahit ganoon pa man ay gumagawa na ito ng mga hakbang para maitama ang lahat. At sisimulan na nito iyon sa pagtanggap ng sarili nitong kamalian at maging mabuting bersiyon ng sarili nito. "Alam ko na palagi mo akong binabantayan kung nasaan ka man, Tina. Sana makamtan mo diyan ang kasiyahang nararapat para sa 'yo. Mahal na mahal kita. Salamat sa pagpapatawad sa isang tulad ko."

PLEASE READ!

Napublished na po ang kwentong ito, kaya hindi po mapopost lahat ng chapter dito. Like epilogue at 2 special chapters. Sa book at ebook version lang po ninyo ito mababasa. :)

Book price: Php370+ shipping fee

Ebook price: Php120

To order or inquire, just message me here;

FB account: Alina Genesis

Jennyoniichancreators' thoughts