Sabik na ginagap ni Dylan ang kamay ni Mira at mariing nagpasalamat rito. Si Mira man ay punong-puno ng kasiyahan dahil sa wakas ay napatotohanan nila ang kanilang mga hakahaka noon. Matapos ang konting usapan at agaran na din silang bumalik sa kanilang higaan upang makapag-pahinga. Hindi man nila alintana ang pagod ay malaki pa rin ang magiging negatibong epekto nito sa kanilang mga katawan. Pinilit nilang makatatulog upang kahit papaano ay maging handa sila bukas kung ano man ang gagawin sa kanila. Hindi na din sila nababahala dahil ayon kay Jacob, labindalawang araw ang epekto ng gamot sa katawan nila matapos itong maactivate sa kanilang system. Walang matitinong resulta na mapapala ang grupo ni Alejandro hangga't hindi pa lumilipas ang labindalawang araw.
Kinaumagahan, nagising si Mira dahil sa ingay na nanggagaling sa labas ng kanilang silid. Bumangon siya at nakita niyang nakaupo na din sa higaan si Dylan. Sumenyas ito na nakahanda na ang gamot na ihuhulog nila mamaya sa kwarto nila Allysa at Allena. Tumango naman si Mira at nagkunwaring nakatulala, gano'n din ang ginawa ni Dylan. Pagkapasok ng apat na kalalakihan ay nakita nilang wala silang pinagbago. Inakala nilang may epekto pa din ang gamot na ibinigay sa kanila kahapon kaya naman naging kampante ang mga ito.
Habang tinatahak nila ang kahabaan ng bwat silid na naroroon ay kausap ni Mira sa kaniyang isipan si Lisa. Mayamaya pa ay narinig niya ang isang pamilyar na himig na nagpakabog nang husto ng kaniyang dibdib.
"Si Allena ang kumakanta. Kapag narinig mo ito, doon mo ihulog ang gamot. Ikaw na ang bahala kung paano mo gagawin iyon, basta mag-iingat ka." Wika ni Allysa. Tinikis niya ang bugso nang kaniyang damdamin at itinuon ang buong atensyon sa misyon nilang gagawin. Nang marating nila ang pintuan kung saan nanggagaling ang himig na iyon ay pakunwaring natumba roon si Mira habang ang isang kamay niya ay napakapit sa butas ng pinto para doon maihulog ang gamot. Matagumpay niyang nailaglag iyon nang hindi napapansin ng mga lalaki.
"Hawakan mo yang mabuti, marahil ay hilo pa yan sa gamot na itinurok sa kaniya kahapon. Malalagot tayo kay Lider kapag nagasgasan yan." Singhal pa ng isang lalaki sa kaniyang kasamahan na siyang umaaktong lider ng grupo.
"Sigurado ba silang uulitin nila ang proseso? Nakailang ulit na sila kahapon ah, pero hindi parin tumutugma ang compatibility test ng cells nila. " saad naman ng isa.
"Wala tayong karapatang magdesisyon diyan. Tauhan lamang tayo ." Putol nito sa winika ng kasama. Lihim na napangiti si Dylan at Mira dahil matagumpay nilang naibigay sa mga ito ang gamot na kailangan ni Allyana.
Samantala, maaga pa lamang ay nag-usap na si Allena at Allysa tungkol sa planong nabuo kagabi kasama ang bagong kaibigan nila.
"Nakaliko na sila sa pang-apat na kanto Allena. " Hudyat ni Allysa at nagsimula na siyang kumanta. Sadyang nilakasan niya ang kaniyang tinig upang marinig ito sa labas silid nila.
Dahil sa pagnanais niyang gumaling si Allyana ay kakapit siya sa kahit sinong makakapagbigay-lunas para rito.
Mayamaya pa ay narinig niya ang pag-umpog ng isang tao sa labas ng pinto at nakita niya ang isang kamay ng isang babae na naghulog ng isang maliit na bote na gawa sa plastic. Mabilis niya itong kinuha at pabulong na nagpasalamat sa kung sino man ang nagbigay nito.
"Yana, gagaling ka na. Mawawala na ang sakit. Hindi ka na maghihirap pa, pangako ilalabas kita rito." Mangiyak-ngiyak na wika ni Allena habang pinapabangon si Allyana. Inilagay niya sa bunganga nito ang gamot at pinisil ng bahagya hanggang sa lumabas ang kulay asul na katas na agad din naglandas mula sa bunganga ni Allyana papasok sa sistema nito.
Muli na niyang inalalayan ang kaniyang kapatid para makahiga ito nang maayos. Hindi pa man din nakakalimang-minuto ay nakita niya ang pagkalma ng paghinga nito at pagkawala ng pagkunot ng noo nito. Hudyat na hindi na ito nakakaramdam ng matinding sakit.
Naging banayad at payapa na ang paghinga nito na kanina lamang ay napakabilis. Muli siyang napaiyak sa kagalakan at agad na ginagap ang kamay ng kapatid.
"Lysa, maayos na si Yana. Napakabisa ng gamot na iyon. Sino ba ang mga batang iyon at bakit sila nandito?" Tanong ni Allena sa kapatid na nasa kabilang silid.
"Hindi ko rin alam, ngunit nabanggit niya sa akin na may mga kasama silang naghihintay sa labas. Tutulungan nila tayong makaalis dito. Lena, nasasabik na akong matakasan ang impy*rnong ito. Paglabas ko, hahanapin ko si Dylan, ang anak ko." Palahaw nito sa mahinang boses.
Tumango-tango naman si Allena. Kahit siya ay nasasabik na ding makita ang anak niya si Gunther, nahanap na kaya niya ang kaniyang kapatid? Kumusta na kaya si Liam? Malusog pa ba ito? Punong-puno ng katanungan at pananabik ang puso ni Allena. Hindi niya sukat-akalain na aabot sila sa pagkakataong muling mabubuhay ang pag-asang makakalabas sila ng buhay dito.
Sa kabilang banda naman ay seryosong inihahanda na nila Sebastian ang kanilang pangkat. Minamadali nila ang lahat dahil hindi nila maaring ipagsawalang-bahala ang kaligtasan nina Mira at Dylan. Hindi na rin maatim ni Sebastian ang hindi mag-alala kay Mira at Dylan. Sa bawat araw na wala ang mga ito sa tabi niya ay kung anu-ano na ang pumapasok sa kaniyang isipan.
Tuso at malupit ang Orion pagdating sa mga bata at mga taong nasa loob ng kanilang laboratoryo. Kumbaga ay hindi tao ang tingin nila sa mga ito kun'di mga guinea pig. Wala ring paglagyang ang pangungulila niya para sa kaniyang asawa. Kung hindi lamang kailangan ay hindi niya ito papayagan umalis.
"Mira, this will be the last time I will allow you to leave me. No more next time." Bulong ni Sebastian na tila ba kausap nito si Mira. Bakas sa mukha nito ang labis na kalungkutan at pangungulila sa dalaga.
"Bro, nakahanda na ang mga tao ko, hihintayin na lamang natin ang mga armas galing sa pangkat ni Gunther." Saad ni Leo na noo'y kararating lamang sa kanilang bagong hideout malapit sa Regal Plaza.
"Good, nakausap ko na si Gunther ukol diyan at malapit na rin niyang maihanda ang mga kakailanganin natin. Nakipagtulungan na din ang tatlong General sa pamumuno ng Lolo ni Veronica. I hope this work well. I need to get Mira and Dylan out there as soon as possible." Maigting na wika naman ni Sebastian at natahimik na lamang si Leo at iba pa nilang kasama. Batid din nila ang panganib na kinalalagyan ni Mira at Dylan sa bawat araw na naroroon sila sa loob ng Orion's base.
Sa pagdaan pa ng araw na iyon ay parehong tinikis ng magkabilang panig ang mga nararamdaman nilang kasabikan. Lihim na napapakuyom ng kamao si Mira habang iniinda ang matinding sakit na dinudulot sa kaniya ng mga ginagawa ng mga ito sa kaniyang katawan. May namumuo nang pawis sa kaniyang noo habang ang paghinga niya ay tila kumakapal ng bahagya.
Habang nasa ganoon siyang sitwasyon ay narinig niya ang pagpasok ni Alejandro sa laboratoryo.
"What happened? Bakit nag fail?" Tanong nito
"Hindi rin namin alam, kahapon lamang ay okay ang lahat pero nang isalang na namin sila sa proseso ay naging incompatible ang kanilang cell structure sa mga subjects natin. Kusa itong namamatay kapag pumapasok na sa katawan ng bagong host. Para bang ayaw makisama ng kanilang cells." Paliwanag ng isang doctor.
"D*mn it. Ayusin niyo ang mga trabaho niyo. This will be our last chance. Kapag wala kayong matinong samples na makuha, dalhin niyo dito si Allyana!" gigil at puno ng galit na sigaw ni Alejandro.
"Pero Sir, hindi na kakayanin ng katawan ni Allyana. Mamamatay siya kapag ipinagpatuloy natin ang pagkuha ng kaniyang mga cells." Saas naman ng isang doktor na halatang napapakunot na ang noo.
"Then do something!" Singhal ni Aljenadro at galit na lumabas ng laboratoryo.