CHAPTER 5
***
MASAYANG pumasok si Infinity sa isang building. Magulo ang paligid nito, napapalibutan kasi ito ng malaking mall at condominiums. Pero payapa na ang kapaligiran pagpasok mo sa loob ng malaki nitong compound.
Ang tahanan ng mga matatandang walang ibang tahanan.
Matagal na nang huli siyang dumalaw sa lugar na'to. Siguro ay may dalawang buwan na. Una dahil sa sobrang naging busy siya sa trabaho. Pangalawa ay dahil hanggat maari ay ayaw na sana niyang makakita ng mga taong kasama sa nakaraan niya.
Masyado na siyang nilalamon ng lungkot sa araw-araw. Baka hindi na kayanin ng puso niya kung may tao pang lagi niyang makakasalamuha na parte noon.
Pero ibang usapan ang taong bibisitahin niya ngayon.
Ito ang taong naging sandalan niya 'nong mga panahong walang wala siya. Naging pader niya sa panahong wala siyang masandalan.
May dala siyang puto at ensaymadang madaming keso at itlog na pula. Paboritong paborito ito ng taong bibisitahin niya.
~~
Nang marating niya ang tapat ng kwarto ng taong bibisitahin ay sumilip siya sa bukas na pintuan nito. Kumatok siya para makuha ang atensyon nito at biglang nagliwanag ang mukha nito ng makita siya.
Itinaas niya ang dalang plastic na mas lalong nagpasaya dito.
"Pasalubong ko sa'yo."
Hindi mababayaran ang ngiting binigay nito sa kanya.
"Hindi ka na dapat nag-abala pa! Ikaw talagang bata ka!"
Lumaki ang ngiti niya dahil sa sinagot nito sa kanya.
Salamat naman sa Diyos at ayos ito. Ayos dahil mukhang naaalala siya nito...ngayon.
"Kayo naman manang, minsan na nga lang ako dumalaw dito. Syempre kailangan may pasalubong ako sa inyo." Nag mano pa siya dito bago umupo sa silyang katabi ng kama nito.
"Ano ba 'yang dala mo?" May bahid ng kasungitan ang boses nito pero nahihimigan din niya ang pagkatuwa dito.
Ganito talaga ang ugali ng matanda. Kunwari lang na nagtataray pero sa totoo lang ay mabait ito at mapagmahal. Ugaling dahilan kung bakit niya ito minahal ng sobra.
"Favorite mo." Dahan dahan niyang nilabas ang puto at ensaymada sa dala na plastic. Tinaggal niya sa plastic ang isang ensaymada pagkatapos ay tinapat sa bibig nito.
"Kain na. Ahhhh." Minostra pa niya ang pagbukas ng bibig nito.
"Anong akala mo sa'kin, bata?" Mataray na sagot nito sa kanya.
"Ang manang naman! Sige na. Ahhhh. Masarap 'to." Mas dinikit niya sa bibig nito ang ensaymada.
Hindi naman nagtaray pa ang matanda at agad kumagat sa ensaymada.
"Masarap?"
Hindi naman siya sinagot ng matanda pero kitang-kita niya ang pagpipigil ng ngiti nito.
"Kainin niyo po ito lahat." Inabot niya ang ensaymada sa kamay ng matanda. Pagkatapos ay tumayo siya sa kinauupuan para ayusin ang iba pa niyang dala.
"Hindi masyado." Pagsusungit pa din nito sa kanya kahit punong-puno naman ng ensaymada ang bibig nito.
Si manang talaga.
"Kamusta na nga pala yung ano...iyong sinusulat mo?" Tanong nito habang panay naman ang kagat at nguya.
Pilit naman niyang tinatago ang pagkabigla. Natatandaan nito ang huli nilang pinag kwentuhan months ago.
"M-Maayos naman po." Sagot niya dito habang papaupo ulit sa tabi nito.
"Malungkot nanaman ba ang tema ng sinusulat mo?"
Inabutan niya ito ng isang basong tubig dahil naubos na nito ang isang buong ensaymada.
"S-Siguro po."
Bigla nitong hinampas ang kama na kanyang kinagulat.
"Ano ka ba namang bata ka! Aba! Kung malungkot ka at galit ka sa mundo ay huwag mo ng idamay ang mga mambabasa mo! Hala sige ka. Baka hindi na nila tangkilikin ang mga storya mo."
Pilit niyang pinipigilan ang sariling matawa.
Ganito lang talaga ang matanda. Pranka itong tao, sasabihin niya agad sa'yo kung hindi ka niya gusto o kung may mali kang ginawa para sa kanya.
Naalala pa niya ang una nilang pagtatagpo. Halos maihi siya sa salawal sa takot dito. Pero naiintindihan naman niya kung bakit ito ganoong ka-itrikto.
Matagal din bago tuluyan niyang nakuha ang loob nito. Pero pagkatapos naman ng lahat ng pagsubok na binigay nito sa kanya ay minahal naman siya nitong parang isang anak. Ganoon din naman siya. Ina na ang tingin niya dito.
"Ang manang naman." Binigyan pa niya ito ng matamis na ngiti. "Sino bang nagsabi sa'yong malungkot ako? Ayos lang ako. M-Masaya ako manang. At hindi ako galit sa mundo."
Inismiran siya ng matanda. Kitang-kitang hindi ito naniniwala sa kanya.
"Aba'y sinong niloko mo? Hoy Infinity! Sarili mo lang ata ang kinukumbinsi mong ayos ka lang. Hindi ko bibilin 'yang pinagsasabi mo." Pagtataray pa nito lalo sa kanya.
Hindi naman siya makatingin sa matanda. Niyuko ang ulo at pinaglaruan ang mga daliri. Tama ito. Hindi siya masaya, at sarili niya lang ang kinukumbinsi niyang ayos lang siya.
Pero anong magagawa niya? Gusto man niyang bumangon ay hindi niya alam kung saan magsisimula. Sobrang hirap. Lalo na kung sa iisang tao lang binigay 'yong lahat mo. At 'yong taong 'yon walang binigay sa'yo pabalik. Naubos ka.
Alam mo 'yong pakiramdam na gumigising ka na lang sa araw-araw para itanong sa sarili kung hanggang kailan mo ba aalagaan ang sakit?
Darating din ang araw na 'yon. Pero hindi pa siguro ngayon.
Napansin ng matanda ang pag tahimik niya. Inabot nito ang kanyang kamay sa kanyang kandungan at bahagyang pinisil ito.
"Anak, hindi ka pa ba nakakaahon?" Malungkot na tanong nito.
Agad naman nanlabo ang kanyang mga mata. Namuo ang luhang kanina pa sana gustong kumawala.
Mas hinigpitan niya ang paghawak sa kamay nito. Tila ba sa ganoong paraan ay matulungan siya nitong umahon sa sakit na dulot ng kahapon.Tigmak na ng luha ang kanyang mga mata, may kumakawala na ring hikbi mula sa kanya.
"H-Hindi pa 'nay. At sa totoo lang...at sa totoo lang hindi ko po alam...hindi ko po a-alam kung kailan ako m-makakaahon." Agad niyang sinubsob ang mukha sa kandungan nito at doon iniyak lahat ng bigat sa dibdib na nararamdaman niya ngayon.
Naghalo halo na lahat.
At hindi pa nakakatulong sa kanya ang mga pangyayaring wala siyang kontrol. Hinagod nito ang kanyang ulo. Kagaya ng haplos ng isang ina ay nagpapagaan ito ng kanyang damdamin.
"M-Manang. Ang...ang hirap. Ang hirap hirap. Ang sakit sakit kahit ang tagal na." Patuloy pa din siya sa pag-iyak, patuloy lang din ito sa paghaplos sa kanyang ulo.
Lumipas ang ilang minuto ay saka niya lang nakalma ang sarili.
Inangat ng isang pares ng mainit na kamay ang kanyang mukha. Pagkatapos ay pinunasan nito ang luha sa kanyang mga mata.
"Alam kong masakit. Alam kong hindi pa naghihilom ang sugat sa puso mo. Pero Infinity, wag mo namang ipagkait sa sarili mong maging masaya. Kung hindi mo pa kayang maging malaya sa nakaraan, piliin mo na lang maging masaya."
Nagbabadya nanamang tumulo ang kanyang mga luha at hikbi ng itapat nito ang daliri sa kanyang bibig.
"Shhh...Tama na. Huwag ka ng umiyak. Hindi bagay sayo. Masyado kang pumapanget!" Pagkatapos ay sinabayan nito ng tawa. 'Yong tawang halakhak.
Parang batang pinahid niya ang luha sa mga mata gamit ang likod ng kanyang kamay.
"M-Manang naman! Wala po akong angulong panget!" Pagtatanggol niya sa sarili, pagkatapos ay nakitawa na rin siya dito.
"Ganyan nga, Infinity." Hinawakan nito ang dalawa niyang braso. "Tumawa ka. Magsaya ka. Piliin mong maging masaya. Masakit. Pero tama na. Kahit si Elroy ay sigurado akong hindi na masaya sa ginagawa mong bata ka!"
Pangaral pa nito ulit sa kanya.
"S-Salamat manang."
Hinalikan siya nito sa noo. Magaan lang ito pero sobrang bigat ng naging impact nito. Lalo na sa kagaya niyang ulila ng lubos at wala ng ibang kamag-anak, ang halik ng taong itinuturing niyang magulang ay tunay na gamot sa sugatan niyang puso. Gumaan ang pakiramdam niya.
"Hala sige! Pagbukas mo ko ulit ng isa pang ensaymada." Utos nito sa kanya.
Agad naman siyang tumalima sa utos nito. Pinagbukas niya ito ng isang supot pang ensaymada at inabot dito.
Kumagat ito sa tinapay at sandali silang na tahimik, habang kumakain ay muli itong namintana. Inayos niya ang lamesang punong-puno ng pagkain sandali, saglit pa'y naupo siya ulit sa upuang katabi ng kama nito. She is her source of light into her world of darkness.
For a better reading experience, the writer urges you to play the songs included per chapter. Please visit my Facebook page for the Playlist on Spotify, feel free to listen to them while reading!
Please wash your hands regularly, humans!
Thank you so much for giving time to my story! Appreciated! Will work hard more for your reads :) Please do leave a rating/comment! I am reading them :)
Comments? Reactions? Feel free to comment on them down below :)
Follow me on my social media platforms!
Facebook Page: RNL Stories
https://www.facebook.com/RNLStories
Twitter: @RomanceNovelist
Instagram: @romancenovelist_wp
e-mail: romancenovelistlady@gmail.com