webnovel

Her Gangster Attitude

Since her grandmother is in a coma, Maria Delaila Magtanggol is willing to do everything, give up her pride and enter a world so new to her. In her struggles and troubles, can she overcomes them using her charm and her gangster attitude? It's a story of friendship, brokenness, family and love.

Periwinkle0024 · Adolescente
Sin suficientes valoraciones
67 Chs

Chapter 1: Mother & Daughter

IYA

Huminga ako nang malalim saka tiningnan ang malaking mansyon sa harapan ko. Makalipas ang labing-limang taong pamumuhay ko sa mundo, ngayon ko lang makakaharap ang magaling kong nanay. Hindi ko nga alam kung anong trip n'ya sa buhay at nagparamdam pa sa amin. Wala naman talaga akong kabalak-balak na sumama sa kanya lalo na nung nagpunta siya sa amin pero dahil naaksidente ang lola ko, kailangan kong lunukin ang pride ko para masigurong maibibigay ang mga gamot na kailangan ng matanda.

Saktong tapos na ako sa Grade 8, bakasyon noon ng dumating s'ya sa bahay. Posturang-postura. Hindi iisiping nanggaling s'ya sa Bayan ng Katahimikan dahil mukha s'yang donya sa kilos at pananalita n'ya. Hindi s'ya nag-sorry o nagpaliwanag kung bakit n'ya ako inabandona sa pangangalaga ni lola. Basta sinabi lang n'ya na gusto n'ya akong kunin at s'ya na lang daw ang magpapaaral sa akin.

Mabilis ko s'yang tinanggihan at ipinagtabuyan. Bago s'ya umalis ay nag-iwan s'ya ng calling card. Ni hindi man lang s'ya nagpasalamat kay lola. Gusto ko sana s'yang batuhin ng hawak kong arenola noon pero nagpigil lang ako dahil baka madumihan lang ang arenola ni lola. At isa pa, punong-puno iyon ng isang buong gabing ihi ni lola. Papanghe ang bahay namin kapag nagkataon.

Kakagigil.

Kala n'ya naman kami pa ang may utang na loob sa kanya. Kapal ng mukha eh.

Okay na sana ang lahat. Hindi na s'ya nangulit. Hindi na s'ya nanggulo. Hindi na s'ya nagpapansin.

Kaso ang masaklap, naaksidente si lola nang minsang bumaba silang dalawa ni Trii sa ilog. Madulas ang daan kaya naman nagdire-diretcho pababa si lola habang si Trii ay natulala sa isang tabi. Mabilis namang naisugod sa pagamutan sa bayan si lola pero dahil sa impact ng pagkakabagsak--nacomatose s'ya. Wala pa rin s'yang malay at sa tubo na lang ipinapadaan ang mga pagkain n'ya na palagi pang ibini-blender.

Sa bahay na tumira ang isa pang anak ni lola. Forty years old na si Tiya Daning at dalaga pa rin. Kung hindi naaksidente si lola, hindi s'ya aalis sa amo n'ya sa bayan. Isa rin s'ya sa sumusuporta sa aming tatlo. Nakiusap s'ya na humingi ng tulong sa nanay ko, at ang kapalit noon ay magre-resign na s'ya bilang mayordoma sa bahay ng amo n'ya.

Ayaw ding pumayag ni Trii pero dahil nakikita n'ya ang sitwasyon ni lola. Pumayag na rin s'ya na sumama na ako sa nanay ko. Magkaiba kami ng nanay dahil limang taon after umalis sa bayan namin ang nanay ko, muling nag-asawa si tatay. Makalipas ang ilang taong pagsasama ni tatay at tiya Martha ay nagbuntis si tiya. Pero hindi nakayanan ni Tiya Martha ang hirap ng pagli-labor kaya naman binawian ito ng buhay. Sa ospital ito nanganak pero hindi pa rin ito naisalba ng mga doktor.

Mula noon ay hindi na tumingin pa sa ibang babae si tatay. Nag-focus na lang s'ya sa aming dalawa ni Trii. Pero sadyang napaka-unfair ng mundo dahil makalipas lang ang ilang taon ay si tatay naman ang nawala. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako kumbinsido kung nasagasaan ba talaga s'ya o kusang nagpasagasa. Hindi na lang ako nagtanong dahil kung gagawin ko iyon mas lalo ko lang pahihirapan si lola. Kaya nagsikap na lang ako na makatulong sa kanya sa napakamura kong edad.

"Sino sila?"

Mula sa pagmumuni-muni ay nagising ang diwa ko. Hindi ko namalayan na halos kalahating oras na pala akong nakatayo sa labas ng gate.

"Maria Delaila Magtanggol," kaagad kong saad. Hindi ko alam kung sa kaba ba kaya nasabi ko ng buo ang pangalan ko, o dahil lang sa lungkot kaya parang wala ako sa sarili ko. "Hinahanap ko po si Mrs. Wendy del Rosario?"

Kumunot ang noo nang katulong. Tinitigan n'ya ako mula ulo hanggang paa. Maya-maya pa ay umigkas na pataas ang kilay n'yang halos makalbo na dahil sa labis na pagbunot doon.

"Sandali, itatanong ko lang kung kilala ka ba ni Ma'am," mataray pa niyang sambit sabay flip ng buhaghag n'yang buhok. Feeling n'ya yata ang ganda-ganda ng buhok n'ya dahil pinaunat. Hindi n'ya alam na sa sobrang dry noon, pwede ng pamalit sa walis tambo. Sinundan ko lang s'ya ng tingin habang naglalakad s'ya papasok sa loob ng mansion.

Makalipas ang kalahati pang oras ay muling lumabas ang katulong. Binuksan n'ya ang maliit na gate saka ako pinapasok. Dinala n'ya ako sa harapan ng isang magarang pintuan.

"Ma'am, nandito na po ang bisita n'yo," napakagalang na sambit ng katulong. Ibang-iba sa pakikitungong ginawa n'ya sa akin kanina.

"Tell her to come in," anang mala-donyang tinig mula sa loob.

Binuksan ng katulong ang pintuan saka ako iginaya papasok. Umalis din s'ya kaagad nang makapasok na ako. Saglit kong inilibot ang paningin sa loob ng silid. Although bago ang lahat sa paningin ko ni hindi man lang ako nakaramdam ng kahit ano. Mahilig akong bumili ng mga second hand magazines kaya naman palagi rin akong nakakakita ng ganito kagagarang silid at kagamitan. Pangarap kong makapagpatayo ng ganitong bahay para kay Trii at lola. At dahil umuwi na si tiya Daning ngayon...syempre kasama na rin s'ya sa mga plano ko. Hindi man kami palaging nagkikita o nagkakasama ni tiya Daning wala namang masamang dugong namamagitan sa aming dalawa. Hindi kami close pero normal lang naman siguro iyon sa dalawang tao na isang beses sa isang buwan lang kung magkita. Minsan nga ay hindi pa.

"Take a seat,"

Tumayo ako ng tuwid saka tiningnan ang babaeng nakaupo sa mamahalin at magarang upuan. Napaka-elegante ng office table n'ya. Puro salamin iyon at mukha namang hindi bababa sa daang libo ang halaga.

Naupo ako sa upuan na nasa harapan ng table n'ya.

"Delaila,"

Panimula n'ya. Ilang beses s'yang lumunok at tiningnan ako ng masinsinan.

"Disappointed?" Nakangising tanong ko. Ewan ko ba, hindi ko maramdamang nanay ko s'ya. Parang ang bigat-bigat ng loob ko sa kanya.

Tumikhim s'ya ng ilang beses saka kinuha ang ballpen na tila gawa sa ginto. Ilang beses nya iyong itinapik-tapik sa lamesa. Mukhang hindi rin n'ya inaasahan ang pagdating ko sa palasyo n'ya. Hindi rin ako nagsasalita. Mapanisan na kami ng laway, sanay naman akong hindi nagsasalita.

"So, bakit nagbago ang desisyon mo?" Para lang s'yang nakikipag-usap sa kakilala. Hindi sa anak. At mas lalong hindi sa kadugo.

"Naaksidente si lola. Hindi na n'ya ako kayang papag-aralin," mas lalong walang emosyon kong saad. Para ring hindi ko s'ya nanay kung makipag-usap ako. Alangan namang magpabebe ako diba? Eh, di nagmukha lang akong katawa-tawa sa harapan n'ya.

Huminga s'ya ng malalim. Ilang minuto ring namayani ang katahimikan bago s'ya muling nagsalita.

"Papag-aralin kita but you have to work for it,"

Hindi nagbago ang timpla ng emosyon ko. Deep within me. Inaasahan ko na 'yun.

"So, magiging katulong ako dito sa palasyo mo?" Walang kagalang-galang kong tanong. Can she blame me for being rude?

"Not necessarily,"

"Ibebenta mo mga lamang loob ko? O bilang hostess? Alipin?" Walang paligoy-ligoy at ni hindi kumukurap kong tanong. Tila naumid naman ang dila n'ya dahil ilang sandali din s'yang hindi nakaimik.

"Excuse me for being rude. Ganito siguro talaga kapag laki sa bundok," sabi ko sabay ngisi.

Ni hindi ko man lang s'ya nakitang nagulat o nasaktan. Parang hindi talaga dugo n'ya ang nananalaytay sa bawat hibla ng ugat ko. Muli lang s'yang tumikhim.

"My daughter is sick and she's needing  blood donor every month. Napaka-rare ng dugo n'ya and luckily same type kayong dalawa. In exchange of your blood, papag-aralin kita. I will give you money and everything. You can't tell anyone about me being your biological mother. Ipapalabas ko sa lahat na pamangkin kita. You can't call me mom, mama or even nanay. Tita is fine. Aside sa pagsusuporta sa pag-aaral mo, sa pagbibigay ng montly allowance at mga pangangailangan mo wala na akong maibibigay na iba pang special treatment. Sa maid's quarter ka matutulog, but don't worry nakabukod naman ang kwarto mo sa kanila. Sa kanila ka sasabay kumain,"

She said those things in one breath.

Ako naman ang natigilan. Pino-process ko pa sa utak ko ang mga sinabi n'ya dahil talaga namang hindi ako maka-relate. So kaya n'ya lang ako naisipang hanapin kase madededo na ang anak n'ya? Kailangan ng blood transfusion every month at magka-blood type kaming dalawa? Kung hindi nagkasakit ang anak n'ya, malamang hindi s'ya makakaisip na hanapin ako hindi ba?

Bakit parang hindi na ako nagulat?

Oo masakit. Pero hindi nakakagulat. Matagal naman na kase akong nasasaktan kaya manhid na ako.

"Magkano ang montly allowance ko? I tell you, kapag hindi ako na-satisfied...baka umurong ako,"

Muli na naman s'yang natigilan. Hindi siguro n'ya inaasahan na ganito akong makitungo, at magsalita. Well, kung hindi n'ya maipakitang anak n'ya ako bakit ko naman ipapakita sa kanyang nanay ko s'ya?

"How much do you want?"

How much do I want? Dahil ibinigay na ng government hospital ng Katahimikan ang mga mga equipment na ginagamit ni lola, iyong mga prutas at gulay na lang ang kailangang bilhin at mga maintenance na gamot. Humigit kumulang ay fifteen thousand ang kailangan n'ya monthly. Kung tutuusin kaya naman iyong sustentuhan ni Tiya Daning...pero kung nagtatrabaho s'ya doon na lang mapupunta ang buong sweldo n'ya. Kailangan ko ring huminto sa pag-aaral para bantayan si lola.

Ayaw pumayag ni tiya na huminto ako sa pag-aaral kaya nakaiusap s'ya sa akin na humingi ng tulong sa nanay ko. At sinong mag-aakala na kailangan n'ya pala ang tulong ko kaya naman hindi ko na kailangang e-elaborate ang tungkol sa problema ng lola ko. Hindi na n'ya kailangan pang malaman na na-comatose ang lola ko. Sapat na iyong sinabi kong naaksidente. Sino ba s'ya para i-concern pa ang sarili n'ya?

"Twenty thousand," sagot ko makalipas ang ilang minutong pagkukwenta mentally. Kung 15k ipapadala ko kila tiya Daning monthly, may matitira pang 5k para panggastos ko rito.

"I'll make it double. Basta gawin mo lang ang pinag-usapan natin. Walang pwedeng makaalam na ako ang biological mother mo. Nandito ka bilang pamangkin ko at para mag-donate ng dugo kay Wella Mitch. Lahat ng mga kakainin mo ay base lang sa mga pagkaing ibibigay ng personal doctor ni Wella. Bawal kang kumain ng mga pagkaing makakasama sa wellbeing ng anak ko,"

Huminga ako ng malalim. Para akong sinasaksak ng libong beses kapag binabanggit n'ya ang salitang 'anak ko' patungkol sa isa pa n'yang anak at ang tawag n'ya naman sa sarili n'ya ay 'biological mother' ko. She's just my biological mother. Parang napakalaking difference na kapag inalis ang 'biological' sa unahan ng salitang 'mother'. Pero hindi ako nagpahalata. Kung ito ang kapalit para matustusan ang pangangailangan ng lola kong kahit uugod-ugod na ay itinaguyod pa rin ako at ang kapatid ko, gagawin ko ito ng maayos. Ika nga, trabaho lang walang personalan.

"Okay deal. Hindi naman ako mapili sa pagkain. May pipirmahan ba tayong kontrata? Anong malay ko ba, mamaya ginogoyo mo lang pala ako diba?"

May inilabas s'yang typewriting mula sa drawer ng glass table. Sosyal. Pati yung drawer, glass. May isinulat s'ya s'ya papel bago ibinigay n'ya iyon sa akin. Binasa ko naman ang mga nakasaad doon. Nilagyan n'ya ng 40k ang monthly allowance ko at pirma n'ya sa baba. Kahit pirma n'ya, pang-mayaman talaga. Lahat nga mga nakasulat doon ay mga bawal kong gawin. Like bawal akong kumain ng matatamis o maalat. Bawal magpuyat.  Bawal ganito at ganyan.

"Hanggang kailan 'to gagawin?" Seryoso kong tanong na ni hindi inaalis ang paningin mula sa papel.

"Hanggang tuluyang gumaling si Wella. Isang araw sa isang buwan pwede ka namang kumain n'yang mga pagkaing pinagbabawal but in moderation,"

"Nabasa ko nga," hindi pa rin ako tumitingin sa kanya. Tinapos kong basahin hanggang sa kahuli-hulihang page saka ko iyon pinirmahan ng makita kong hindi naman ako agrabyado.

Nakasulat din doon na kung sakaling gumaling na ang anak nila, papag-aralin pa rin nila ako hanggang makatapos ako ng kalehiyo. Pero ang forty thousand allowance ay magiging 15k na lang a month. Hindi na rin iyon masama, saan naman ako makakapulot ng ganoong halaga hindi ba? Kung magaling na ang anak nila ibig sabihin noon, pwede ko ng gawin lahat ng gusto kong gawin sa katawan ko. Okay lang ang magpuyat dahil wala naman na akong susustentuhan ng dugo kaya pwede na akong humanap ng part time job noon.

"Kapag gumaling na s'ya. Pwede na ba akong lumipat sa isang boarding house na malapit sa school?"

Tanong ko saka ibinalik sa kanya ang papel. Saglit s'yang nag-isip pagkuwan ay tumango.

"No problem. Basta't walang makakaalam na ako ang---,"

"Don't worry, hindi nakaka-proud ang bagay na iyon kaya makakaasa kang wala talagang makakaalam noon. I don't like being your biological daughter anyway. Pwede na ba akong lumabas at magpunta sa sarili kong silid?"

Ilang sandali na naman s'yang natigilan. Tinitigan ko lang s'ya na para bang normal na bagay lang ang lumabas sa bibig ko. Wala naman talagang masama sa sinabi ko, hindi ba? Takot na takot s'yang malaman ng iba na s'ya ang biological mother ko, akala ba n'ya nakaka-proud 'yun?

Alam kong bastos na ang dating nang pananalita ko at gusto kong hangaan ang tibay ng damdamin n'ya. Siguro para marating kung ano ang meron s'ya ngayon...ibayong pasensya at pagtitiis talaga ang ibinigay n'ya kaya naman parang wala na rin sa kanya ang mga narinig mula sa bibig ko.

Dinampot n'ya ang intercom at may kinausap s'ya doon.

Napatingin ako sa pintuan ng bumukas iyon. Pumasok sa loob ang may edad ng babae. Maliit lang s'ya at mataba.

"Nanay Loleng, s'ya ang pamangkin ko si Delaila. Dito na s'ya titira sa atin. Ituro mo na lang sa kanya ang magiging kwarto n'ya. Kung ano ang kakainin ni Wella iyon din ang ipapakain n'yo sa kanya,"

Sinipat naman ako ng may edad na babae mula ulo hanggang paa.

"S'ya po ba ang blood donor ni Miss Wella, Ma'am?"

Tumango naman ang magaling kong nanay este tiyahin pala ang sabi n'ya. I laugh at myself. Ang tsunga ko eh. Inulit-ulit na ngang pamangkin n'ya lang dapat ako. Mamaya kakaisip kong magaling ko s'yang nanay ay madulas ako ng wala sa oras.

"Oo s'ya nga,"

"Ay, hello po Miss Delaila. Welcome po sa Del Rosario Villa," magalang na sambit ng babaeng may edad. Kumpara sa katulong kanina, mukhang mas may breeding ang isang 'to.

"Naku, Iya na lang po itawag n'yo sa akin. Medyo masakit sa tenga ang Delaila," nakangiwi kong sambit. Lumapit ako sa kanya. "Mauna na ho ako Tiyang," baleng ko kay Wendy na nakatingin lang sa akin.

Nang makita ko s'yang tumango ay sumunod na ako kay Aling Loleng palabas ng magarbo n'yang opisina.