webnovel

Hemira 2.5

"Mahal na haring Herman!" Bakas ang takot sa boses ni Ginoong Remus. Sabay rin silang napatikluhod ni Ginoong Sueret.

Ang lahat ng mandirigma ay nag-iba kaagad ng pwesto sa pagluhod at humarap sa kaniya sa pagkakarinig ng kaniyang pangalan.

Ako naman ay napatayo nang hindi ko nalalaman.

H-hari?

Nakatitig lamang ako sa kaniya at ngayon ko pa lamang siya nakita nang malapitan.

Hindi pa siya ganoong katanda at hindi rin maitatago ang kaniyang kakisigan. Ginoong-ginoo iyon.

Napansin ko na mayroon siyang benda sa kaniyang braso na siguradong nagtatakip sa sugat na natamo niya sa pakikipaglaban. Siguradong napakaraming mga malalakas na kalaban ang kaniyang kinaharap upang magtamo ng sugat na ganoon.

Naramdaman kong nabasa ang aking pisngi kaya napahawak ako roon. Hindi ko namalayan na may luha nang tumulo mula sa aking mga mata.

Napupuno ng labis na paghanga at kasiyahan ang aking dibdib sa pagkatupad ng isa sa aking matataas na pangarap na akala ko noon ay hindi ko kailanman maaabot. Iyon ay ang makita ang hari nang malapitan.

Napakapalad kong tao sapagkat siya ay nakatayo ngayon malapit sa akin at kitang-kita ng aking dalawang mga mata ang kaniyang maawtoridad na mukha.

Napansin ko na nagkaroon ng pagtataka sa kaniyang mukha habang nakatingin sa akin.

Biglang namang may humila sa aking kamay kaya naman ako'y napaluhod. Si Ginoong Sueret iyon at seryoso siyang nakatingin sa akin. Naramdaman ko ang pagkirot ng sugat sa aking braso at sa aking tagiliran dahil sa paghila niya sa akin pati na ang biglaan kong pagluhod ngunit dahil doon ay napabalik ako sa aking sarili.

Pinahid ko ang aking pisngi na basa ng luha at umayos na ako ng aking pagkakatikluhod saka yumuko sa direksyon ng hari. Hindi ko na rin ininda pa ang sakit na aking nadarama.

"Nasaan ang inyong heneral? Nais ko siyang makausap." Napakaawtoridad ng kaniyang tinig na kung marinig mo ay agad kang mapapasunod sa kaniyang utos.

Pumintig naman nang malakas ang aking puso sa kaba. "A-ako po, m-mahal na hari."

Napatingin siya sa akin. "Kung gayo'y ikaw ay sumama sa akin." Seryoso siyang nakatingin sa aking mga mata na tila ba hinahalungkat ang aking buong pagkatao.

Ako'y natulala dahil sa kaniyang sinabi.

"Sueret, sumama ka rin sa amin," dagdag pa niya.

Tumayo na si Ginoong Sueret. "Mahal na hari, ipagpaumanhin ninyo ngunit maaari rin ba akong magsama ng Renki para sa binibining ito? Siya ay lubos na sugatan dahil sa pakikipaglaban kanina sa mga mostro na sumalakay sa atin kaya kung inyong pahihintulutan ay magsasama ako kahit na isang Renki lamang." Nakayuko at magalang na sabi niya sa hari.

Napatingin naman ako sa kaniya miski na rin si Ginoong Remus na gulat na gulat at nanlalaki ang mga mata dahil din siguro sa kaniyang hiniling sa hari.

Nanatili pa rin siyang nakayuko.

"Walang problema. Pinahihintulutan ko, Sueret."

Napatingin naman muli kami nang sabay-sabay lahat sa hari. Seryoso pa rin ang kaniyang mukha.

"Maraming salamat po mahal na haring Herman." Nakangiti na si Ginoong Sueret habang nakayuko pa rin. Hinila niya na ako patayo.

Naramdaman kong muli ang labis na pagkirot ng aking tagiliran sapagkat bugbog na bubog na ang laman ng hiwa roon dahilan upang ako ay mapangiwi. Kanina pa ito patuloy na na naiipit nang naiipit sa aking pagtikluhod.

Napatingin ako sa hari at napansin ko sa kaniyang mga mata ang pagkaawa ngunit agad din siyang tumalikod at naglakad na paalis.

Sumunod na rin kami ni Ginoong Sueret sa kaniya.

*~* * *~*

~Silid ng Pagpupulong~

"Bilang heneral ng mga mandirigma, ikaw ang inaatasan ko na magligtas sa aking prinsesang si Ceres. Si Sueret na ang magsasabi sa iyo ng ibang mga detalye sa iyong misyon kaya naman makinig kang mabuti sa kaniyang sasabihin," sabi ni haring Herman habang nakaupo sa kaniyang trono.

Nakatayo naman sa gilid niya si Ginoong Sueret habang may hawak pergamino (scroll - dito nakasulat ang mga kautusan na nagmula sa hari).

Nakatayo rin ako sa harapan nila ngunit nakayuko ang aking ulo bilang pagbibigay-galang sa hari na nakaupo sa aking harapan. Napapakagat ako ng aking ibabang labi dahil sa hapdi ng sugat sa aking tagiliran na kasalukuyang ginagamot ng isang babaeng Renki.

Ang mga Renki ay isang dangkal lamang ang taas. Anyong tao sila at berdeng-berde ang kanilang katawan at kasuotan. May maliit na mga pakpak din sila na kapag pumapagaspas ay naglalaglagan ang mga makikintab na abo. Mga halamang gamot naman ang gamit nila sa kanilang panggagamot.

Tinapalan na nito ang sugat sa aking tagiliran at ang sunod naman niyang ginagamot ay ang malaking kalmot sa aking braso. Natuyo na ang dugo roon.

"Batid mo ba Hemira ang banta sa ating kaharian ng pagkawala ni prinsesa Ceres?" tanong sa akin ni Ginoong Sueret.

Hindi ako makasagot ngunit inangat ko na ang aking mukha upang tumingin sa kaniya.

Nakatingin siya nang deretso sa akin. "Pagkasapit ng ikatlong buwan mula ngayon, gaganapin na ang ikadalawangpung kaarawan ni prinsesa Ceres kung saan lalabas na ang tunay niyang kapangyarihan na namana niya pa mula sa kaniyang amang hari. Ang kapangyarihang iyon ay kayang-kaya tumalo sa kahit gaano kalakas na kalaban ngunit sa loob ng mga buwan na iyon, hindi niya pa magagawang mapalabas ang kaniyang buong kapangyarihang kaya ang mga mahikang alam niya lamang ang maaari niyang gamiting panlaban sa mga nais manakit sa kaniya."

Tumango ako bilang pagtugon.

"Ang mabuti roon ay hindi siya tuluyang mapapatay ng kahit na sino. Masusugatan siya at magdurugo ngunit hindi siya tuluyang mawawalan ng buhay subalit kapag sumapit na ang kaniyang ikadalawangpung kaarawan..." Tumigil siya sa pagsasalita at siya'y napatingin sa mahal na hari na animo'y humihingi ng pahintulot na ipagpatuloy ang kaniyang sasabihin pa.

Hindi naman ito tumingin sa kaniya at tanging sa akin lamang nakatingin.

Ang pananahimik nito ang hudyat upang siya'y magpatuloy.

"Sa saktong oras na siya ay magdalawangpung taon, kahit isang mapurol na espada o puniyal ay kayang-kayang kitilin ang kaniyang buhay."

Nanlaki ang aking mga mata.

"Naiintindihan mo ba ang daloy ng mga sinabi ni Sueret Hemira?" tanong sa akin ng hari.

"Opo, mahal na hari. Kaya binihag ng mga mostro na iyon ang prinsesa ay upang hintayin ang araw na siya ay magdalawangpung taon at kapag dumating na ang araw na iyon ay roon na nila kikitilin ang kaniyang buhay upang sila na ang makapaghari sa ating mundo, silang ubod ng sasama." Nakuyom ko ang aking mga kamao sa galit.

"Maaari niyang magamit ang kalahati ng kaniyang kapangyarihan ngayon ngunit kapag magamit niya iyon sa padalos-dalos na paraan, maaaring ang buhay niya ang maging kapalit kahit pa hindi pa siya dalawangpung taong gulang."

Natigilan ako sa kaniyang sinabi. Ibig sabihin pala ay hindi pa rin ligtas ang prinsesa sa ngayon.

Biglang may humila sa ilang hibla ng aking buhok kaya naman napatingin ako sa Renking nanghihila roon.

Nakangiting tinuro niya ang aking braso kung saan ako may kalmot at may tapal na rin iyon ng mga dahon. Mukhang tapos na siya sa paggagamot sa aking mga sugat.

Bumunot ako ng isang hibla ng aking buhok at ibinigay iyon sa kaniya. Iyon ang kabayarang hinihingi ng mga Renki sa mga ginagamot ng mga ito.

Isang hibla ng buhok.

Nang ibinigay ko iyon sa kaniya ay tuwang-tuwa siyang lumipad paikot-ikot sa akin kaya naman nasabuyan ako ng kumikintab na mga abo na nanggagaling sa kaniyang mga pakpak. Yumuko siya sa akin saka lumipad na papalabas nang pagbuksan siya ng mga kawal sa labas ng pinto.

Tumingin muli ako kay Ginoong Sueret na nakatitig lamang sa akin.

Pinagpagan ko ang aking sarili dahil sa makikintab na abong isinaboy sa akin ng Renki na iyon.

"Ngayon ko lamang nakita na naging ganoon kasaya ang isang Renki sa pagtanggap ng kabayaran sa kaniya. Lubos na nagandahan siya sa hibla ng buhok na iyong binigay sa kaniya." nakangiting puri niya sa akin.

Napangiti rin ako ngunit biglang tumikhim ang hari kaya naman napaseryoso kaming muli.

Nang buksan na ni Ginoong Sueret ang pergamino at ibinigay iyon sa hari ay agad akong napatikluhod at napayuko. Isang kautusan iyon na nagmula sa hari kaya kailangan kong lumuhod at yumuko.

Buong buhay ko ay ngayon lamang ako makatatanggap ng isang kautusan na nanggaling pa mismo sa hari. Kahit na ako ang heneral ng mga mandirigma ay si Ginoong Sueret lagi ang nagbibigay ng kautusan sa akin.

"Bilang heneral ng mga mandirigma ng Gemuria, ikaw Hemira na nagmula sa ikatlong lahi ng mga maheya, ang Tritus, ay aking inaatasan, akong Hari ng Gemuria na magligtas sa aking anak na si Ceres. Nais kong bawiin mo siya nang buhay at ligtas mula sa mga masasamang nabubuhay na pinumumunuan ng pulang mangkukulam na si Abellona." basa ng hari roon sa nakalagay sa pergamino.

Mas lalo kong iniyuko ang aking ulo. "Tinatanggap ko po ang inyong kautusan ng buong puso, mahal na hari."

"Ngunit bago mo magawa ang kautusang iyon ay may anim na nabubuhay ka munang kailangang hanapin upang makasama mo sa iyong paglalakbay at sa pagliligtas kay prinsesa Ceres," saad naman ni Ginoong Sueret kaya aking nang inangat ang aking ulo.

Nakatayo na siya sa aking harapan at may isang papel na nakatupi ang iniaabot niya sa akin. "Dito nakasulat ang mga pahiwatig tungkol sa makapangyarihang mga nabubuhay na makakasama mo sa iyong paglalakbay."

Kinuha ko sa kaniyang kamay ang papel na iyon at aking binuksan subalit blangko lamang ito kaya napatingalang muli ako sa kaniya.

*"Papel na blangko, ibuniyag mo ang sikretong nakasulat sa iyo," aniya at nang mapatinging muli ako sa papel ay nagkaroon na nga iyon ng mga sulat.

Binasa ko ang nakasulat doon.

Kaharian, kaharian, kaharian ng Gemuria

Tahanan ng katahimikan at puno ng payapa

Prinsesa ng kahariang ito, binihag at kinuha

Ng pulang mangkukulam, itong si Abellona

*

Isang babae, pinuno ng mga mandirigma

May taglay na lakas, talino at ganda

Katapangan, sa iba'y hindi maikukumpara

Siya ang inatasan, nagngangalang Hemira.

"Ikaw ang una Hemira ngunit hindi ka kasali sa bilang na anim na aking sinabi kanina kaya't ang tunay na bilang ninyo ay pito. Kayong lahat ang magliligtas sa prinsesa." Nakatingin siya sa akin nang diretso.

"Paumanhin po ginoo. Batid kong tunay na malakas si Abellona ngunit bakit ganoon kami karami na dapat magliligtas sa prinsesa?" puno ng kuryosidad na tanong ko sa kaniya.

"Hindi lamang naman si Abellona ang iyong makakalaban Hemira. Pati ang mga halimaw at iba pang mga masasamang nabubuhay na iyong masasalubong sa inyong paglalakbay ay mga balakid din. Marami ang pipigil sa iyo upang hindi ka makarating sa Abellon, ang kaharian ni Abellona."

Napatango-tango ako dahil naging malinaw na sa akin iyon.

"Ang bawat isa sa mga nabubuhay na iyan ay may magiging malaking ambag sa iyong paglalakbay at sa pagtalo mo sa pulang mangkukulam kaya kailangan mo silang lahat na maisama."

Tiningnan kong muli ang papel na aking hawak ngunit wala na itong ibang laman na sulat bukod sa tulang tungkol sa akin. Tiningnan ko pa ang likod nito ngunit blanko iyon.

"Sugatan mo ang iyong daliri saka mo iyon idikit sa papel na iyan. Kailangan ang dugo ng nabubuhay na nakasulat sa papel upang makita mo ang sulat na makakapagsabi kung sino ang susunod mong hahanapin. Iyan ang ibinigay ko sa iyo upang ikaw lamang ang makabatid kung sino ang susunod mong mga makakasama sapagkat kapag nakarating sa kaalaman ng mga kalaban ang mga nabubuhay na iyong makakatulong sa paggapi kay Abellona ay siguradong uunahan ka nila upang paslangin ang mga ito. Naiintindihan mo ba?"

"Opo, Ginoong Sueret."

"Iyan ay tinatawag na 'papel ng sikreto'. Mahalaga ang papel na iyan kaya huwag na huwag mong iwawala. Ang iyong unang hahanapin ay ang iyong magiging daan patungo sa mga susunod mong kasamahan pati na sa prinsesa. Napakalayo pa ng iyong lalakbayin upang makarating sa kaharian ng Abellon kaya napakahalaga sa iyo ng nabubuhay na ito."

Inabutan niya ako ng isang puniyal.

Kinuha ko iyon at sinugatan ang aking hinlalaki saka ko idinikit ang aking daliring may dugo sa papel na iyon. Nabura naman ang mga nakasulat doon at napalitan ng ibang mga salita.

Binasa kong muli ang mga nakasulat doon.

Karagatan, karagatan, karagatan ng Syierian

Tirahan, tahanan ng mga pangkatubigan

Doon ay mga nabubuhay na puno ng kahiwagaan

Na hindi pa nakikita nang maraming sinuman

Isang maalamat na librong nasa pinakailaliman

Nakapagsasalita't nakapagtuturo ng daan

Saan man ang lugar na iyong nais puntahan

Nariyan ang Ariadne, iyong lubos na maaasahan

* * *

Renki - ang mga ito ay bihasa sa pangaggamot na talaga namang mabisa sa kahit na anong sakit, karamdaman o sugat. Sila mismo ang nagtatanim at nagpapalaki sa mga halamang gamot na ginagamit nila.

Hindi rin sila nakapagsasalita ngunit naiintindihan nila ang salita ng mga tao. Ang hinihingi nilang kabayaran ay hibla ng buhok ng kanilang ginamot dahil ginagawa nilang koleksyon iyon.

Kapag hindi ka nagbigay sa kanila ay sila mismo ang bubunot sa buhok mo ngunit ang ibang pasaway ay napakarami ng binubunot kaya nagkakapanot ang hinihilahan nila ng buhok.

* * *

Mahahalagang impormasyon ukol kay Hemira.

Pangalan: Hemira

Edad: 19

Kinalakihan: Kontinente ng Notos (Timog)

Tirahan: Palasyo ng Gemuria

Lahi: Puting Maheya ng Tritus (Ikatlong angkan)

Posisyon: Heneral ng mga mandirigma ng Gemuria

Bihasa: Sa iba't-ibang sandata lalo na ang dalawang espada.

Kahinaan: Hindi marunong gumamit ng mahika.