webnovel

Fulfilled Duties (Tagalog)

Kahit panay ‘No results found’ ang napapala ni Byeongyun gamit ang kaniyang mga robot sa paghahanap niya sa nobya niyang misteryosong inilayo sa kaniya apat na taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Kahit kasi iniwan na niya ang South Korea para manirahan sa Pilipinas upang magsimula muli ay hindi siya iniiwanan ng bangungot ng kaniyang nakaraan. Ngunit sa tulong ni Deborah ay marami ang mahahalungkat na sikreto at mga tanong na unti-unti ng mabibigyan ng sagot. Bukod sa may babalik upang manira ay maraming magbabalat-kayo para lamang makapaghiganti.

AMBANDOL · Real
Sin suficientes valoraciones
39 Chs

Chapter 17

DEBORAH'S POV

Hindi na ako lumabas ng aking kuwarto. Hindi ko kasi alam kung paano ako haharap kina Mama at Papa matapos ng inasal ko kanina.

Alam ko namang mabuting tao si Byeongyun, hindi ko nga lamang maiwasan na hindi mag-isip nang hindi maganda gayong isa iyon sa mga pangyayaring ayaw ko nang maulit pa, ang ipahiya at mapahiya na damay ang buong pamilya ko.

Kung tutuusin, mas gugustuhin ko pa na walang pumansin sa akin kaysa ang mapansin para lang kutyain at maliitin.

Natatakot ako na baka isang araw, maulit muli iyon lalo pa ngayon na may mga nagagalit sa akin sa pagiging malapit ko kay Byeongyun.

Hindi ko na nagawa pang basahin ulit ang sanaysay na aking ginawa kanina dahil sa sama ng loob. Nakatulog ako ng may pag-aalala sa mga maaari pang mangyari.

Kinabukasan ay maaga akong pumasok dahil alas otso impunto ay sisimulan ang mga patimpalak na gagawin ngayong selebrasyon ng Buwan ng Wika.

Tahimik kong binaybay mag-isa ang daan patungong gym.

"Hey!"

Agad naman akong napalingon sa aking gilid nang may biglang umakbay sa aking balikat.

Doon ko nakita si Watt at si Einon kaya bahagya naman akong ngumiti.

"Kumusta? Good luck mamaya. Galingan mo!" pagbibigay-suporta ni Einon sabay thumbs up sa akin.

"Salamat. Sa tingin ninyo ba ay kaya kong ipanalo iyon?" nag-aalangan kong tanong.

"Oo naman! Balita ko kasi, nahirapan din sa pagpili iyong ibang Department dahil walang may gustong sumali sa sanaysay! Malay mo, mas lamang ka kasi writer ka, 'di ba?" masayang sabi ni Einon.

"Sino ba'ng gaganahan sa pagsusulat? Ikaw kaya ang pagsulatin ng tatlong libong salita sa loob ng dalawang oras? Iyon ngang mga chat ko ay pinaiikli ko hanggat kaya e," pabirong saad naman ni Watt.

Dagdag pa niya, "Iyong mga lectures din natin. Nai-summary na ng professor pero paiikliin ko pa lalo."

"Hindi ka talaga magandang ehemplo, Watt!" saway ni Einon sabay sapok dito.

"Tsk! Aray ha!"

Natawa na lamang ako sa kanilang kakulitan.

"Deborah? Nakita mo na ba si Byeongyun?" biglang tanong sa akin ni Watt.

"Oo nga. Kanina pa raw siyang narito sa school e. Nasaan na kaya iyon?"

Nang marinig ko ang pangalan niya'y agad kong naisip ang nangyari kagabi.

Nahihiya ako.

"H-hindi pa. Kararating ko lang din kasi," tugon ko naman.

"Naku! Malamang ay nasa gym na iyon. Alam mo naman, President na iyong kaibigan natin!" bulalas naman ni Einon.

Bigla akong kinabahan. Mukhang kahit kay Byeongyun ay hindi ko pa kayang humarap.

Maya-maya'y nagpaalam din sina Einon at Watt sa akin na may dadaanan daw muna sila bago dumiretso sa gym.

Nang maiwan akong muling mag-isa habang naglalakad ay doon ko napansin ang maalikabok kong sapatos.

Palibhasa ay napaadaan ako sa may inaayos na kalsada kanina kaya bahagyang namuti ang kaninang nangingintab kong itim na sapatos.

Yumuko ako at agad iyong pinunasan gamit ang aking kamay.

"Stay shiny—"

Natigilan ako nang pagtunghay ko'y si Byeongyun ang bumungad sa aking paningin.

"Hi," nakangiti niyang bati sa akin na parang walang nangyaring hindi maganda kagabi.

Agad akong umiwas ng tingin habang pinapagpagan ang aking mga kamay.

"Did you sleep well? Ready ka na ba para mamaya?" tanong pa niya ngunit hindi ko siya tinugon.

Nanatiling sarado ang aking bibig at nakaiwas ng tingin sa kaniya.

Paano ba ito? Bakit kasi ngayon ko pa siya nakita?

"Um? Here... I bought some fries and sundae for you, pampagana bago ka lumaban mamaya," sambit pa niya.

Bahagya ko siyang nilingon. Bumababa rin agad ang aking tingin sa kamay niyang may bitbit na supot ng McDo na iniaabot niya sa akin.

Hindi ko alam kung bakit niya ginawa sa akin ito ngayon.

Kahit sanay na ako sa mga panlilibre niya, hindi ko pa rin maiwasang hindi maisip na hindi ba niya nahahalatang ayaw ko pa siyang makaharap ngayon?

Umiling ako.

"Hindi ako gutom," nauutal kong sabi.

"Come on, midget. Take this."

"H-hindi na. Ikaw na lang ang kumain niyan," mariin ko pang pagtanggi saka nagsimulang maglakad palayo sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakalagpas sa kaniya ay naramdaman ko na ang kamay niyang nakahawak sa aking braso para pigilan ako.

Agad na umangat ang aking ulo upang siya'y tingnan.

"What's the problem?" seryosong tanong niya kaya agad rin akong napaiwas ng tingin sa kaniya.

Sa halip na sagutin siya ay inalis ko ang kamay niyang nakahawak sa aking braso.

"Come on, Deborah."

"Hindi nga ako gutom."

"Gusto ko lang namang pagaanin iyang loob mo para makapag-focus ka mamaya. Don't you remember our deal? Sige ka, kapag natalo ka—"

"Please!" pasigaw kong sabi dahilan para matigil siya sa kaniyang sinasabi. "Wala ako sa mood ngayon para makipagbiruan! Huwag muna ngayon, Byeongyun!"

Batid kong ikinagulat niya ang ginawa ko. Kahit naman ako ay ganoon din.

Para makatakas sa nangyayari ay tinangka kong muling maglakad paalis ngunit agad din niya akong napigilan dahilan para matabig ko nang malakas ang kaniyang kamay.

"Byeongyun!"

"Deborah, you don't have to do this to me!"

Nagkatitigan kaming dalawa. Habang nakatingin ako sa mga mata niya ay hindi ko maiwasang hindi maluha.

Agad akong napayuko para itago ang namamasa ko ng mga mata.

"Deborah," aniya sabay hawak sa magkabilang balikat ko, "I'm not sure about what really upsets you about me helping your father. That's why I'm here. I want to talk to you. Please, don't ignore me like this."

Hindi ko alam pero ramdam ko sa boses niya ang pag-aalala. Bakit? Ano ba'ng pakialam niya?

"Please, let's talk. I want to know—"

"Layuan mo muna ako!" sigaw ko sa kaniya.

Wala na akong ibang sinabi pa maliban sa huli kong ginawa, ang itulak siya nang malakas palayo sa akin na agad ko ring pinagsisihan.

Nangangatal akong napaurong sa aking kinatatayuan habang nagsisilapitan ang mga estudyante sa nakahandusay ngayong si Byeongyun sa hallway na may mga dugo sa bahagi ng kaniyang ulo.

Kahit iyong bitbit niyang pagkain ngayon ay nagkalat na sa maalikabok na sementong daan.

Nasipat ko si Soobin na tumatakbo papalapit. Gulat na gulat siya lalo pa nang makita niya nang malapitan si Byeongyun.

"Yoon Byeongyun! Oh, God! Help! Wake up, Byeongyun!" hiyaw ni Soobin pagkaupo niya sa gilid ni Byeongyun.

"Oh my! Si Byeongyun iyon, 'di ba?"

"Dalhin ninyo sa clinic! Bilis!"

Hindi ko magawang makalapit sa kaniya. Ang tanging nagawa ko lamang ay umiyak habang nakapanood sa kanila.

Nang makita ako ni Soobin ay agad niya akong nilapitan.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi ko na nagawa pang salagin ang palad niyang dumapo agad sa aking pisngi.

Halos pumihit ang aking mukha sa gilid dahil sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin.

"How dare you!" sigaw niya habang nanlilisik ang kaniyang mga mata.

Paulit-ulit akong napailing. "H-hindi ko sinasadya. H-hindi—"

Napapaling na lang ako sa kabila dahil sa kabilang pisngi naman niya ako sinampal. Dahilan iyon para mas lalong tumulo ang aking luha.

"Soobin... h-hindi ko naman sinasadya. Wala akong alam—"

"Oh, shut up! I saw what you did, you rascal! If you had not pushed him, he wouldn't have been hit on the head with that... that f*cking flower pot! You bitch! I'm going to crush your face!"

"Choi Soobin! Soobin, tama na!"

Muli sana akong sasampalin ni Soobin ngunit agad iyong napigilan ni Einon.

Nakita ko siya sa aking harapan na nakaharang kay Soobin, hawak niya nang mariin ang kamay nito.

"King ina! Byeongyun!" bulalas ni Watt saka kumaripas ng takbo palapit kay Byeongyun.

Pakiramdam ko ay mauubusan na ako ng lakas dahil sa nangyari. Ramdam ko ang pangangatog ng aking mga kamay habang nakahawak ako sa magkabila kong pisngi.

"Look what you have done, Deborah! Byeongyun really got hurt! Ugh!" sigaw pa niya sa akin bago niya tinabig si Einon. Galit na galit niyang binalikan si Byeongyun na walang malay at duguan.

"Lahat ng kalahok sa Pagsulat ng Sanaysay ay inaanyayahan na magtungo sa silid-aklatan dahil anumang minuto ay magsisimula na ang ating patimpalak. Aking inuulit, ang lahat ng kalahok sa Pagsulat ng Sanaysay..."

Iyon ang sumunod naming narinig mula sa gym.

"Look, Deborah," sambit ni Einon saka niya ako hinawakan sa magkabila kong balikat. "Wala pa kaming ideya kung ano ang nangyari pero kami na ang bahala, okay?"

Napailing akong muli. Napahikbi ako bago ako nakapagsalita.

"H-hindi ko sinasadya. Hindi ko alam..." naiiyak ko pang sabi.

"Shhh... Byeongyun will be fine. Ang kailangan mong gawin ngayon ay pumunta na sa library. Magsisimula na ang contest."

Parang wala ako sa aking katinuan ngayon. Sa halip na sagutin ko pa si Einon ay tanging pag-iling ko na lamang ang aking naitugon.

Wala akong kasalanan! Hindi ko ginustong mabagsakan siya ng isang malaking paso sa ulo niya mula sa third floor. Wala akong alam!

"Wala a-akong kasalanan..."

"Tahan na, Deborah."

Sa huli ay si Einon ang umalalay sa akin patungong library.

Tinanong pa niya ako kung kaya ko bang tumuloy sa pagsulat ng sanaysay at tumango ako sa kabila nang mabigat kong pakiramdam.

Sa buong dalawang oras ay umiiyak ako habang nagsusulat. Hindi ko na rin mawari kung naaayon pa ba ang aking mga isinusulat sa aking papel na nababasa na dahil iyon ang sumasalo sa luhang pumapatak sa aking mga mata.

Wala na rin akong pakialam ng mga oras na iyon kung ang halos lahat ng tao sa library ay nakatingin sa akin at nagtataka kung bakit ako umiiyak.

Sa bigat ng aking nararamdaman ay tanging pag-iyak na lamang ang huli kong magagawa.

Paano kung may mas masama pa'ng mangyari kay Byeongyun? Paano na? Ano'ng gagawin ko?

Dahil sa mga naiisip ko ngayon ay mas lalo akong nababagabag at naluluha.

Sa gitna ng aking pagsusulat ay may biglang naglapag ng isang puting panyo sa gilid ng aking mesa.

"Hai già pianto prima. Per favore resta," You've been crying for awhile now. Please, stop already.