webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Ciudad
Sin suficientes valoraciones
54 Chs

What is this feeling?

Paulit-ulit na napapahawak sa pisngi si Rina. Kasalukuyan siyang nagpupunas ng pinggan na hinugasan niya ngunit hindi niya pa rin makalimutan ang ginawa ni Theo. Pangalawang beses na siyang hinalikan nito subalit sa pangalawang beses na iyon ay hindi niya maipaliwanag ang kaniyang damdamin. Ang bilis ng tibok ng puso niya, kinakabahan at natutuliro siya. Pakiramdam niya kapag nagkaharap na naman sila ni Theo ay kakabog na naman nang malakas ang dibdib niya.

Napahinto na naman siya sa ginagawa.

"Then help me to understand it." Nilayo na ni Theo ang labi nito sa labi niya at umayos ng upo.

Nanlalaki ang mata niya habang nakatingin sa lalaki. Dahan-dahan niyang hinawakan ang labi.

"What?" tanong nito.

Hindi niya maibuka ang bibig dahil wala rin naman siyang maisip na sasabihin dito.

"Bakit mo ginawa 'yon?" tanong niya. Sa wakas ay nakakuha na siya ng lakas ng loob na magsalita.

"Why? You didn't like it?" nakangising sabi ni Theo. Halatang inaasar siya nito.

"Hindi mo 'yon puwedeng gawin nang basta-basta," paliwanag niya rito.

"I just wanted to know how's the feeling in second time...and I discovered that it was nothing."

"Ang sama mo! Sa akin ka pa nag-eksperimento!" nahihiyang sabi niya at tinalikuran na ang lalaki.

Nagbalik si Rina sa sariling katinuan. Natulala na naman pala siya dahil naalala na naman niya muli ang nangyari kani-kanina lang. Nagpatuloy na lang siya sa pagpupunas ng pinggan.

Kaniya-kaniya sa puwesto ang mga tauhan sa LED hotel branch sa Manila. Bumuo ang mga ito ng isang linya upang salubungin ang pagdating ni Armando Ledesma at ang nakakatandang kapatid nito na si Eduardo Ledesma.

Bibihira lang dumalaw ang dalawa sa branch na pinamamahalaan ni Cliff. Minsan lang kung mahalaga ang sadya ng mga ito roon.

Sinalubong silang dalawa ni Cliff na nakatayo sa opisina nito. Nakangiti ito at nakapameywang sa kanila.

"Hello Tito," bati ni Cliff saka lumingon sa ama, "Kumusta Dad?"

"Ano ba ang pinaggagagawa mo sa buhay mo?" naiinis na bungad sa kaniya ng amang si Eduardo.

"Let's go to your office," utos naman ni Armando na umakto bilang professional at hindi bilang nakababatang kapatid ni Eduardo. Sinunod naman siya ng mag-ama.

Pagkapasok na pagkapasok sa loob ay bigla na lamang sinampal ni Eduardo ang anak na si Cliff. "Nakakahiya ka. Pinagkatiwalaan ka ng Tito Armando mo sa branch na 'to pero ano 'tong pinapakita mo sa kaniya? Nalulugi na tayo."

Hinawakan ni Cliff ang pisngi na sinampal ng ama. Galit na galit ang ama niya sa kaniya. "Sorry Dad," sabi na lang niya. Wala naman siyang magagawa dahil hindi siya mananalo sa ama kung dedepensahan pa niya ang sarili mula rito.

"You two, calm down," sabi ni Armando.

Lumingon ang mag-ama sa kalmadong si Armando. Nakaupo na ito sa sofa at hinihintay na lang ang pag-upo nilang dalawa.

Tumikhim muna si Armando bago magsalita. "How's Theo?" tanong nito kay Cliff.

"Tito, okay naman ang performance niya. Nagagawa niya nang maayos ang tungkulin niya. Sa katunayan marami siyang ideya na naiisip para mas makilala pa ang hotel."

"Nagpasya na bang lumabas ang anak mo sa kulungan niya?" natatawang tanong ni Eduardo sa kapatid.

"I don't know. Sinabi niya sa akin na tutulong siya kaya binigyan ko siya nang pagkakataon. Hindi ko alam kung kailan siya lalabas ng hawla," seryosong sagot ni Armando.

Umayos ng upo si Cliff. "Tito, ang sabi niya darating din daw ang panahon na 'yon."

"Hindi talaga ako makapaniwala sa anak mo. He's been hiding there ever since na nangyari 'yon sa kaniya. Hindi pa rin ba siya nakakalimot? Paano siya magiging kapaki-pakinabang sa negosyo?" naiinis na tanong ni Eduardo.

"Pero Dad, ginagawa niya naman ang makakaya niya. Hindi lang ta—"

"Manahimik ka!"

Pinandilatan si Cliff ng kaniyang ama kaya napahinto siya sa pagsasalita.

"Kahit anong sabihin niya, hindi pa rin magiging sapat ang tulong niya sa business natin kung magkukulong lang siya sa mansion," saad ni Eduardo.

Huminga na lamang nang malalim si Armando. "Let's change the topic."

"Tito, magaling po si Theo. Maabilidad, matalino at may skills siya sa business. Tiyak na—"

"Stop it Cliff! Hindi siya makakatulong hangga't gano'n ang kondisyon niya. Hindi siya pagkakatiwalaan ng mga empleyado natin kung alam nilang may psychological condition siya."

Tinikom na lamang ni Cliff ang bibig. Kontra na naman sa kaniya ang kaniyang ama kaya hindi na lang siya magsasalita pa ng tungkol kay Theo.

Naging sunod-sunod ang pagbaba ng kita ng branch ng mga Ledesma sa Manila. Nag-aalala ang lahat na baka magtuloy-tuloy pa iyon. Kung mangyayari iyon ay tuluyan na silang malulugi at ang masaklap ay baka tuluyan nang magsara ang branch na iyon.

Kulang na kulang ang kakayahan ni Cliff para patakbuhin ang hotel. Sa katunayan, hamak na mas magaling si Theo sa pinsan subalit hindi nito maipapamalas ang kakayahan sa business kung palagi lang itong nagkukulong sa mansion. Kailangan nila ng skills ni Theo. Hindi na sila puwedeng magdagdag pa ng empleyado dahil lalaki lalo ang expenses nila—dagdag pasahod na naman.

Nasa harap si Theo ng kaniyang laptop. Katulad ng dati niyang gawi ay nakatambay na naman siya sa paburito niyang spot ng mansion, kung saan nakalagay ang mahal niyang koleksyon ng mga alak.

Binabasa niya ang e-mail ni Cliff sa kaniya at kasalukuyang inaaral iyon. Base sa nakita niya ay walang problema sa accounting. Naka-record lahat ng mga pumapasok at lumalabas na pera. Wala rin siyang nakita na nawawalang pera. Ibig sabihin ay hindi sa accounting ang problema.

Tiningnan niya ang ilan pa sa mga records kaya napansin niya kung ilan ang mga naging customer nila sa loob ng apat na buwan. Pinagkumpara niya iyon. May iilan siyang nakita na bumalik at may iilan naman na hindi. Paunti nang paunti ang tumutuloy sa hotel. Ngayon ay alam na niya ang problema.

Napalingon siya kay Rina na pumasok sa loob ng kuwarto kung nasaan siya.

"May kailangan ka?" tanong niya.

"Magwawalis lang ako rito," sagot ni Rina. Pinunasan nito ang pawis sa noo gamit ang likod ng kamay. Nakatarintas ang buhok nito subalit nagtatayuan na ang ilan sa hibla ng buhok ng babae.

"Basta siguraduhin mong wala kang babasagin," paalala muli ni Theo. Ayaw niya nang maulit ang nangyari noong nakaraan. Ganoon siya kaingat sa kaniyang mga koleksyon.

"Sige," sabi ni Rina sabay ngiti sa kaniya.

Hindi maiwasan ni Theo na tumingin kay Rina habang nagwawalis. Kahit na pawisan ay nangingibabaw pa rin ang ganda ng babae. Hindi niya iyon napansin noong unang kita niya rito subalit kapag tinitigan pala ito nang matagal ay doon pa lang mapapansin ang totoong ganda nito.

Ininom niya ang laman ng kaniyang baso habang nakatitig pa rin kay Rina na pahinto-hinto sa pagwawalis dahil sa paulit-ulit nitong pagpupunas ng pawis. Maski manggas ng damit ay ginamit na rin nito upang punasan ang pawis sa noo.

Tumayo si Theo at lumapit kay Rina.

"Anong gagawin mo?" nagtatakang tanong ni Rina. Hindi pa nga siya nakakalimot sa ginawa nitong paghalik sa kaniya ay may panibago na naman itong kalokohang gagawin.

Tuluyang nakalapit si Theo at tumitig sa kaniya. Nakipagtitigan din naman siya sa lalaki dahilan para mapansin na naman niya ang nakakaintrigang nangyari sa mukha nito. Pero kahit na may mahabang peklat ang lalaki sa pisngi ay nakakaakit pa rin ang itsura nito kaya naman habang nakikipagtitigan ay wala sa sarili niyang tinaas ang kamay upang hawakan ang peklat sa pisngi ni Theo.

Nanlaki ang mata ni Theo nang maramdaman ang palad sa kaniyang pisngi.

"Theo, ang pisngi mo, ano ba talaga ang nangyari dito?"

Yumuko si Theo at hinawakan ang kamay niya sa pisngi nito.

"Is it ugly?" tanong nito kaya umiling siya agad.

"Hindi, ang cool kaya tingnan sa 'yo."

Hindi makapaniwala si Theo sa narinig niya kay Rina. Papuri ba ang sinabi nito o pang-iinsulto? Paanong naging 'cool' ang peklat na iyon? Sa tuwing makikita niya ang peklat ay naaalala niya ang lahat. Naaalala niya kung paano niya nakuha iyon.

Tumingala siya at humarap sa babae. Nilapit niya rin ang kamay sa mukha ni Rina kaya napaatras ito nang bahagya palayo sa kaniya.

Binaba na lang niya ang kamay. Sobra ba siyang nakakatakot para lumayo ito sa kaniya? Balak niya lang sanang hawiin ang mga buhok na nakaharang sa mukha nito. Hindi niya na lang tinuloy ang gagawin at tumalikod na sa babae.

"Magsuklay ka, mas magulo pa ang buhok mo sa walis na hawak mo," pang-aasar niya kay Rina.

Nang makabalik siya sa upuan ay humarap siya muli kay Rina. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napangiti. Basta masaya siya habang tinitingnan kung paano inaayos ni Rina ang buhok gamit ang mga daliri.

Hindi rin malaman ni Theo ang dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng saya sa presensya ng babae. Kadalasan kasi ay napapangiti lamang siya sa tuwing darating ang kaniyang ina. Subalit pakiramdam niya ay iba ang saya na nadarama niya noon sa sayang nadarama niya ngayon.

'What is this feeling?'