webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Ciudad
Sin suficientes valoraciones
54 Chs

Sharing is Caring

Walong taong gulang si Theo nang lumabas siya sa kanilang mansion nang nag-iisa. At dahil mula sa mayamang pamilya at bata pa lamang, puntirya siya ng mga masasamang loob o mga taong naghahangad ng yaman nila.

Walong taong gulang siya nang ma-kidnapped. Tatlong araw lamang ang tinagal niya sa poder ng mga kidnapper subalit hindi naging maganda ang pagtatro ng mga ito sa kanya. Sinaktan, kinulong, tinakot at hindi pinakain ng isang araw mahigit. Ang naging karanasan niyang iyon ang dahilan kung bakit siya na-trauma at kung bakit ayaw niya na ring lumabas. Natatakot na siyang mangyari ulit iyon sa kanya. Natatakot na siyang makaranas muli ng mga hampas at palo mula sa mga taong gumawa niyon. 

"Iyon pala ang nangyari sa 'yo, doon mo pala nakuha ang peklat mo sa mukha at sa ibang parte ng katawan mo," sabi ni Rina habang tumatango-tango dahil sa pagkukuwento ni Theo.

Nagpatuloy si Theo sa pagkukuwento kaya nakaramdaman din ng saya si Rina dahil sa pagtitiwala ng lalaki sa kanya.

Sa pangatlong araw ni Theo sa poder ng mga kidnapper, hindi rin lingid sa kaalaman niya ang kapwa niya kabataan na nag-iiyakan at nagsisisigaw sa ibang silid. Para bang ang lugar na pinagdalhan sa kanila noon ay kulungan ng mga kabataan na pinamamahalaan ng mga sindikato para makakuha ng pera sa mga tao.

"Oo...doon nga."

"Paano ka nakaalis doon?"

Napabuntong-hininga si Theo. Wala rin siyang ideya kung paano, basta narinig niya lamang sa mga kumuha sa kanya noon ang salitang ransom at pagdating ng ikatlong araw, dinala siya ng mga iyon sa isang lugar at iniwan na lamang ng mag-isa roon. Hindi niya rin alam ang gagawin ng mga oras na iyon dahil nawala na rin siya sa sarili basta ang sigurado siya, may sumundo sa kanya sa lugar na pinag-iwanan sa kanya upang ibalik sa mansion.

"Hindi ko alam, wala ako sa sarili ng oras na 'yon."

Napatango-tango muli si Rina. Ngayon na alam na niya ang nangyari kay Theo noon, mas naintindihan niya pa lalo ang lalaki. Kaya dapat lang talaga na bago husgahan ng iba si Theo, alamin muna ng mga ito kung ano ba talaga ang pinagdaanan nito noon.

Hindi masisisi ni Rina si Theo kung bakit takot na ang lalaki na lumabas ng mansion dahil hanggang ngayon nga ay bakas pa rin sa mukha at katawan nito ang mga peklat dahil sa ginawang pananakit ng mga kidnapper sa lalaki. Hindi na rin siya magtataka kung nagkaroon ito ng nararamdaman para sa ina dahil ang ina lamang nito ang kaisa-isang babae na nakakasama sa mansion. Pero siguro kung naagapan ang counseling kay Theo at kung nakipaghalubilo na sa labas noon pa lang ay baka sanay na ito ngayon subalit paano? Kung ang lalaki mismo ang tumatanggi sa paglabas. Mahirap din naman na pilitin si Theo na lumabas kung hindi naman talaga nito kaya.

Kaya lamang, ang tanging paraan para ma-overcome nito  ang takot ay ang harapin iyon.

Nginitian ni Rina si Theo sapagkat nais niyang mapanatag ito sa kanya. Nais niya na maging palagay na ito o maipakita rito ang kasiguraduhan na mapagkakatiwalaan siya sa mga kuwento nito, na hindi niya kailanman huhusgahan ang lalaki.

Nagkatitigan silang dalawa kung saan kapwa silang paulit-ulit na napapalunok ng laway. Bahagya pa ngang napalayo si Rina sa sofa nang maramdaman ang pagkilos ni Theo. Unti-unting lumalapit ang lalaki sa kanya kung saan napansin niya rin ang pagbaba ng tingin nito sa labi niya.

Hindi naman sa assuming si Rina subalit parang alam na talaga niya kung ano ang tumatakbo sa utak ni Theo kaya nga wala sa sariling napakagat-labi siya. Nakabawi naman siya agad at nagbalik sa sarili kaso nga lang ay tuloy-tuloy pa rin ang paglapit ni Theo sa kanya.

"Theo?"

Ilang pulgada na lamang ang layo nila sa isa't isa nang bumukas ang pinto kasunod nang pagpasok ni Cliff sa pintuan. Napahinto pa nga ito nang makita ang posisyon nina Theo at Rina pagkatapos ay ngingiti-ngiti itong tumingin kay Theo.

"Insan, hindi ko alam na ganyan ka pala," pang-aasar ni Cliff.

"Don't say anything stupid," sagot naman ni Theo at patay-malisyang bumalik na lamang sa pagkakaayos ng upo.

"Sorry na, Insan. Nandito lang talaga ako para ibigay 'to." Inabot ni Cliff ang hawak na papeles kay Theo. "Nakalagay riyan ang tungkol sa VIP guest natin, si Mr. Fuentes. Basahin mo na lang."

Humakbang paatras si Cliff nang makuha na ni Theo ang dala niyang papeles. Salitan siyang tumingin sa dalawa at makahulugang nag-iwan ng mensahe kay Theo. At bago pa tuluyang isarado ni Cliff ang pinto, kumindat pa ito at ngumisi kay Theo. "Ituloy n'yo na, Insan," anito at kasunod ng tunog nang pagsara ng pinto.

Nagkatinginan na lamang sina Theo at Rina nang sila na lamang muli ang nasa loob ng silid pagkatapos magkapanabay ring nag-iwas ng tingin sa isa't isa.  Lumayo nang kaunti si Rina kay Theo samantalang si Theo naman ay tinuon na lang ang atensyon sa hawak na papeles at ini-scan iyon.

"Mr. Milandro Fuentes," basa ni Theo nang malakas sa magiging special guest nila sa susunod na linggo. Kailangan talaga nila iyong paghandaan upang magpa-impress dito. Mayroon daw itong sadya malapit sa hotel nila at kung papalarin pa ay baka mapili pa nito ang LED Hotel upang pagdausan ng event ng business nito.

Napalingon si Rina kay Theo nang narinig ang pangalan na binasa nito. "Sandali, hindi ba iyan 'yong may-ari ng IVO brand phone?"

"Oo, siya nga. Dito siya tutuloy ng ilang araw dahil malapit lang sa hotel natin ang lakad nito."

"Ang alam ko, world wide na ang business nila. Maging sa ibang bansa ay kilalang-kilala ang brand na IVO."

"That's right, kaya kailangan din na ma-impress siya sa LED hotel para ito rin ang piliin niya para sa annual celebration ng success ng kanilang business."

Nilipat ni Theo sa susunod na pahina ang hawak niyang papeles at nagbasa muli roon.

"Kaya kailangan n'yo talagang paghandaan ang pagdating niya," sabi ni Rina.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay katahimikan na naman ang namagitan sa kanilang dalawa. Tahimik lamang na pinapanood ni Rina si Theo habang nagbabasa sa hawak nitong mga papel. Naisip niya na kapag nagsalita pa siya ay baka maistorbo na si Theo. Hinayaan niya na lamang ito dahil tiyak din niyang nag-iisip na ito ng plano o mga dapat gawin upang makuha ang papuri ng VIP guest sa service ng LED hotel.