webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Ciudad
Sin suficientes valoraciones
54 Chs

Dr. Steve, Who Are You?

Humuhuni ang mga ibon, sumasayaw ang mga puno at halaman sa hardin ng Ledesma kung saan sumusunod iyon sa indayog din ng hangin na naglalakbay mula sa silangan papunta sa kanluran, base sa pwesto nang nagdidilig na si Rina. Nangingintab ang mga bulaklak na may bahid ng tubig na waring pinagpapawisan hindi dahil sa nilalabas ng hose, kundi dahil sa hamog sa umagang iyon.

May kakarampot ng liwanag subalit malaya pa rin ang mga insekto sa pagkanta ng paulit-ulit na liriko. Malawak ang ngiti ni Rina habang dinama iyon ng kanyang tainga. Maging ang hanging bumubulong sa kanya ay pinagsasawaan niya rin pakinggan. Ang banayad na takbo ng oras kaya pakiramdam niya ay nasa paraiso siya.

Napahinto lamang si Rina sa pagbubulay-bulay nang may taong humawak sa magkabilaan niyang balikat. Good mood siya ngayon at sana naman ay walang sumira sa araw niya.

"Dr. Steve."

"Kumusta, Rina? Nabalitaan ko ang successful event ng LED hotel sa Manila, a."

"Ay, oo nga. Masaya nga ako para kay Theo, e."

"E, kumusta naman pala si Theo?" tanong ng doktor.

"Ayos naman siya. Mukhang nagiging maganda na palagi ang mood niya nitong nagdaang araw."

"Mabuti naman. Bibihira na rin talaga akong nakakapunta rito. Na-busy lang talaga..." Inayos ni Dr. Steve ang tindig. "Isa pa, parang ayaw din ako makita ni Theo."

"Hindi naman siguro. Kausapin mo lang baka nahihiya lang din sa 'yo 'yon," pagpapalakas naman ng loob ni Rina sa doktor.

Maglalakad na sana muli si Rina upang ibalik ang hose kung saan ito nakalagay nang hawakan siya ni Dr. Steve sa dalawang kamay. Nagtagpo ang kanilang paningin at nagsimulang sumilay ang kislap sa mga mata ng doktor lalo pang nang tumama rito ang sinag ng araw.

"Mapatid ka," babala ng doktor na nakatingin sa nakapulupot na hose sa paanan niya.

Sinikap naman ni Rina na tumayo agad nang maayos upang mailayo na rin ang sarili sa doktor subalit ikinagulat naman niya nang nakitang nakatayo si Theo sa gilid nilang dalawa. Dumistansya pa siya lalo kay Dr. Steve.

Inalis ni Theo ang bara sa lalamunan at lumapit sa dalawa. Samantala, buong akala naman ni Rina ay magagalit na naman ang lalaki katulad nang huli nitong tagpo sa kanila ni Dr. Steve sa kusina ngunit ikinagulat niya ang pagngiti nito kay Dr. Steve.

"Dr. Steve, How are you?" Malawak ang ngiti sa mga labi ni Theo.

"Ayos lang naman ako. Ikaw ba?"

"I think I am finally okay now." Buo ang kumpyansa ni Theo sa kanyang sagot. Maganda rin ang gising niya sa araw na iyon kaya kahit matagpuan ang dalawa na magkalapit sa isa't isa ay hindi siya nakaramdam ng iritasyon.

"Punta tayo sa taas, matagal na kitang hindi nagagawan ng drinks," yaya ni Theo na pinangunahan na ang pagpasok sa mansion. Tahimik lang din namang sumunod si Dr. Steve na mukhang nagtataka sa inaasal ng pasyente.

Napagpasyahan ni Theo na buksan na ang sarili sa mga tao. Matagal-tagal na niyang nilalayo ang sarili sa iba. Iyon na siguro ang tamang oras upang palayain niya na ang kanyang sarili. Kailangan niya nang harapin ang matagal nang takot na kinikimkim tutal matagal na panahon naman ang nangyaring iyon sa kanya. Marahil patay na rin ang mga taong tumangay sa kanya noon.

"Ano'ng drinks ang gusto mo?" tanong ni Theo.

"Kahit ano, lahat naman ng gawa mo ay iniinom ko."

Naisip ni Theo na bakit pa nga ba niya ikukulong ang sarili sa takot kung may tao namang handang samahan siya upang harapin ang takot na iyon. Kung may tao naman na handang tulungan at suportahan siya upang harapin ang buhay. Hindi na siya nag-iisa sapagkat kasama na niya si...

'Rina'

Binigay ni Theo ang drinks na ginawa niya para kay Dr. Steve. Kinuha naman iyon ng huli at saka tumungga nang kaunti roon.

"Kumusta ka na, Theo?"

"Ayos na ako..."

"Kumusta ang paglabas mo sa mansion at ang pagpunta mo sa LED Hotel sa Manila?"

"Unti-unti na akong nasasanay. Noong una nakakaramdam pa ako ng takot pero sa tingin ko ay kaya ko na."

"Kaya mo yan, Theo. Hindi naman sila nangangagat," biro ni Dr. Steve.

"But, it's also hard to trust them."

"At bakit naman mahirap? May ikinatatakot ka bang mangyari? About pa rin ba sa nangyari sa 'yo noon na hindi mo pa rin nakukwento sa 'kin?" Huminga nang malalim si Dr. Steve. Hindi naman lingid sa kaalaman niya ang nangyari dito noong bata pa ito dahil naikwento na rin iyon ng mga magulang nito subalit nais niya sanang marinig na si Theo mismo ang nagkukwento ng tungkol doon sa kanya.

Tumungga rin si Theo sa baso niya bago sumagot. "Siguro..."

"Huwag kang mag-alala, sigurado namang hindi na mangyayari sa 'yo ulit iyon. Isa pa, imposibleng balikan ka pa nila baka matanda na ang mga tao na 'yon ngayon. " Tumungga muli si Dr. Steve sa hawak na baso. "Hindi lahat katulad nila. May mga tao rin na pwede mong mapagkatiwalaan kaya huwag mo isarado ang sarili mo sa lahat ng tao," payo ni Dr. Steve na may hinalang masyadong naging general ang pagtingin ni Theo sa lahat ng nag-e-exist na indibidwal sa mundo.

"Hindi lang naman ata iyon tungkol doon," wika naman ni Theo.

"Tandaan mo lang na nandito kami para sa 'yo. Kailangan mo lang buksan ang sarili mo sa iba. Sa mga magulang mo. Alam kong mahal ka nila, Theo kahit sobra silang abala sa negosyo ay sure akong nag-aalala sila para sa 'yo."

"You think? Are you really sure? Kung mahal nila ang anak nila, bakit hinayaan nila akong mag-isa rito? Bakit hindi ko maramdaman?"

"You have to understand them too dahil may negosyo ang pamilya ninyo at ang negosyong iyon ang bumubuhay sa inyo. Basta tandaan mo na nandito kami para sa iyo. Magtiwala ka. Si Rina, narito rin siya para sa 'yo."

Pilit na pinapasok ni Theo sa isipan ang mga katagang binitiwan ni Dr. Steve sa kanya. Magtiwala, marahil iyon nga ang kulang sa kanya. Magtitiwala na siya sa tao at katulad nga ng sinabi niya sa sarili nang nagising siya sa umagang iyon ay ang bubuksan niya na ang sarili sa iba. Hahayaan niya nang mapalapit ang sarili sa mga nasa paligid niya.

"Kung sakali mang dumating ang point na may taong mang-iwan sa 'yo, just let them go. Mag-focus ka sa mga taong nanatili sa piling mo. Isipin mong may nawala man, marami naman ang natitirang nagmamahal sa 'yo. Nandito kami, Theo. Pwede mo kaming masandalan."

Gumuhit ang ngiti sa labi ni Theo sa sinabi ni Dr. Steve. Oo, sisikapin na niyang pagkatiwalaan ang mga taong nasa paligid niya at kung saka-sakali namang may mang-iwan sa kanya o mawala, aalalahanin niya ang mga sinabi ni Dr. Steve na ituon niya na lamang ang sarili sa mga taong nanatili sa kanya.

Matapos ang dalawang serve ng drinks ni Theo ay natapos din ang pag-uusap nila ng doktor. Nagpaalam na si Dr. Steve kay Rina at Theo samantalang hindi pa man siya tuluyang nakakalayo sa main door ng mansion ng Ledesma ay nag-ring ang kanyang phone. Sinagot niya iyon.

"Good morning, Sir Eduardo."

"Kumusta ang pinapagawa ko sa 'yo?"

"Ayos naman ho." Mapaklang napangiti si Dr. Steve. Napipilitan mang sundin ang pinag-uutos ng kausap sa phone, hindi niya ito matanggihan sapagkat pinagkakautangan niya ito nang malaki. Isang atraso na hindi niya pa mabayad-bayaran hanggang ngayon.

Dear Readers,

Good day! Kung sakali man na matagal makapag-update si author sa mga susunod na araw, ibig sabihin ay natambakan na naman siya ng mga gawain. Pero salamat sa mga matatyagang naghihintay at sumusubaybay sa kwento nina Theo at Rina.

Mahal ko kayong lahat. Si author lang naman 'di n'yo love charot.

Again, thank you sa lahat! ^_^

Nagmamahal,

Annymalia

Teacher_Annycreators' thoughts