webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Ciudad
Sin suficientes valoraciones
54 Chs

Accident

Napalabas muli ng kuwarto si Rina dahil sa pagdating ng mommy at daddy ni Theo. Nagbihis siya muli ng leggings at t-shirt bago nagpakita sa mga amo. Alas onse pa lang ng gabi, mabuti na lang at gising pa siya nang dumating ang mga amo.

Pagkalabas ay hinandaan niya agad ng maiinom ang dalawa.

"Magandang gabi po," bati niya sa dalawa. Pansin niya ang pagod sa mukha ng mommy at daddy ni Theo.

Tinanggap naman ni Caridad ang inalok na kape sa kaniya ni Rina. "Magandang gabi rin, mabuti gising ka pa?" tanong nito sa kaniya habang ginagalaw-galaw ang leeg upang mawala ang sakit noon mula sa pagtatrabaho.

"Oho." Tumango si Rina at binigyan din ng kape si Armando. Sumandal ito sa sofa at huminga nang malalim. Galing pa ang mga amo sa Baguio kaya tiyak siyang pagod na pagod ang mga ito.

"Kumusta naman si Theo?" tanong ni Armando.

"Ayos naman ho," maikling sagot niya.

"Hindi naman ba kayo nag-aaway? Pagpasensyahan mo na si Theo. Magagalitin talaga ang anak kong 'yon," paumanhin naman ni Caridad sa kaniyang anak. Aminado siyang may pagkukulang din talaga siya sa anak kung kaya ito naging ganoon. Kulang na kulang kasi ang oras na binibigay niya rito.

Tanging ngiti lang ang sinagot ni Rina sa babaeng amo. Sa tooo niyan, napansin niya na ang pagbabago sa ugali ni Theo. Hindi na ito basta-basta nagagalit. Natututo na rin itong huminahon kapag nagagalit.

"Balita ko lumabas na siya rito?" tanong naman ni Armando sa kaniya. Kapag titingnan talaga ni Rina ang ama ni Theo ay hindi niya maiwasan ang matakot dito. Umaatras ang dila niya sa tuwing malapit ang presensya nito sa kaniya. Marahil sa likas nitong awra na animo'y pinagbabawalan ang sino man na magkamali. Iyon din siguro ang mga nararamdaman ng mga empleyado nito sa hotel na pinamamahalan.

"Oho," nauutal niyang sagot.

"Kumusta naman ang paglabas niya?"

Napalunok si Rina at bumuwelo sa pagsasalita. Kailangan niyang mag-ingat sa mga salitang bibitiwan niya dahil ayaw niyang lumikha ng gulo sa pagitan ng mag-ama.

"Ayos naman ho. Kaso hindi pa rin po talaga niya kayang magtagal sa labas. Pero sinusubukan niya ho."

Umismid si Armando sa kaniya. "Kung matagal niya nang pinag-isipang lumabas dapat matagal na siyang naka-recover."

"Para ano? Para mapakinabangan mo na ako sa negosyo?"

Napatingin silang lahat sa kararating lang na si Theo. Nakakuyom ito at nakayuko.

"Anak." Tumayo si Caridad at niyakap si Theo.

Napaiwas na naman si Rina ng tingin nang lumantad ang makinis na hita ng ina ni Theo nang yakapin ang anak. Alam niyang hindi dapat siya magselos dahil nanay naman ito ni Theo pero hindi niya maiwasan na mainggit sa ganda ng ina nito. Walang-wala ang kulay niya sa balat ng ina nito na si Caridad.

Mahina siyang napabuga ng hangin. Gusto niyang pagtawanan ang sarili dahil nagseselos siya sa ina ni Theo.

"Bakit kayo nandito?" tanong ni Theo.

"Bawal na ba kaming pumunta rito?" kunot-noong balik na tanong naman ni Armando. "Bahay namin 'to kaya malaya kaming pumunta rito."

Napakuyom si Theo sa sinabi ng kaniyang ama. Nagtataka siya kung bakit napapadalas ang pag-uwi ng mga ito sa mansion. Hindi naman ganoon ang mga ito dati.

"Oo nga pala, kumusta na ang hotel natin sa Manila?" tanong nito sa kaniya na mas lalo niyang ikinagalit. Mas inuna pa nitong kumustahin ang negosyo kaysa sa sariling anak.

"Itanong mo na lang kay Cliff," sagot niya saka umakyat muli papunta sa kaniyang kuwarto.

Nagkatinginan na lang ang mag-asawa sa inasal ng kanilang anak. Samantalang tahimik lang na nagmamasid si Rina sa mga ito.

Maagang nag-asikaso sina Theo at Rina. Hinihintay na lang nila ang pagdating ni Cliff pagkatapos ay didiretso na sila sa Marikina upang makipagkita kay Mr. Ellasar.

"Insan!" bungad ni Cliff na ikinalingon naman nilang dalawa.

Akmang aakbay si Cliff kay Theo subalit mabilis na nag-iba si Theo ng puwesto kaya sa halip na mayakap ang pinsan, hangin ang sumalo sa bisig niya.

"Ano tara na? Mukhang sa atin papabor ang pagkakataon," masayang kuwento ni Cliff. "Baka pumayag na si Mr. Ellasar sa parnership na gusto natin." Pinaikot-ikot niya ang hawak na susi ng kotse sa daliri.

"Let's go," yaya ni Theo.

Palabas na sana sila nang main door subalit narinig nila ang malakas na tili ni Caridad. Nilingon nila kung saan nagmula ang pagsigaw at doon ay nakita nila ang walang malay na si Armando sa baba ng hagdan.

Mabilis na lumapit si Theo sa ama. "Dad!" sigaw niya. "Dalhin natin siya sa hospital!" sigaw muli ni Theo na wala na naman sa sarili.

Pinagtulungan ni Theo at Cliff na buhatin si Armando subalit nang malapit na sila sa pinto ay napahinto muli si Theo.

"Theo," sabi ni Cliff.

Nahalata naman ni Rina ang takot sa mukha ni Theo. Kapag nakikita niyang ganito ang lalaki, siya rin ang nahihirapan kaya naman ay lumapit siya sa lalaki at hinawakan ang likod nito.

"Tara na, Theo," yaya niya.

Dahan-dahang naglakad si Theo. Nakasunod lang si Rina sa kanila at pumuwesto sa likod ng lalaki.

"Tara na," utos ni Theo kaya naman dali-daling ini-start ni Cliff ang kotse.

Hindi na sana sasama si Rina subalit nagulat siya nang hawakan ni Theo ang kamay niya. Tumingin ito sa kaniya. "Sumama ka." Sasagot pa lang sana siya subalit hinatak na siya ni Theo papasok sa loob ng kotse.

Nang makasakay na ang lahat ay pinaharurot na ni Cliff ang kotse papunta sa hospital.

"Ano ba ang nangyari?" tanong ni Theo. Hindi man sila magkasundo ng ama ay mahalaga pa rin ito sa kaniya. Nandoon pa rin ang pag-aalala niya para dito.

"Hindi ko rin alam, basta 'pag labas ko ng pintuan sa kuwarto namin ng dad mo, nakita ko na pagulong-gulong na siya sa hagdan. Kaya napasigaw ako," kuwento ni Caridad.

Pagkadating na pagkadating nila ay sinalubong sila agad ng mga nurse na may dalang stretcher. Nilipat nila doon si Armando at pinasok sa Emergency Room.

"Theo, paano si Mr. Ellasar?" singit ni Cliff kahit hindi iyon ang tamang oras upang alalahanin ang bagay na iyon.

Napakuyom naman si Theo. Sa totoo lang ay nawala na iyon sa isip niya kanina subalit nang banggitin ng pinsan ay bigla siyang nag-alala. Tumingin siya sa kaniyang relo. Hindi na sila aabot. At kahit naman magpunta sila ay hindi pa rin siya mapapalagay kung hindi malalaman ang lagay ng kaniyang ama. Bakit ba nangyayari ito sa kanila? Kung kailan naman ayos na ang pakikipagkasundo nila kay Mr. Ellasar ay mangyayari pa ito.

Napakuyom siya. Pinipilit niya ang sarili na makatulong sa paglago ng business nila pero palagi na lang may hadlang. Sa tingin niya ay kontra talaga sa kaniya ang pagkakataon.

Napaupo siya sa sahig at napahawak sa ulo. Naalala niya ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ama.

"Bibigyan kita ng pagkakataon na patunayan ang sarili mo...hahayaan kitang tumulong sa business natin sa Manila."

Simula noong bata siya, ang tanging hiling lang niya ay ang presensiya ng ama niya. Noong panahon na nagdurusa siya dahil sa nangyari sa kaniya, ni minsan ay hindi niya man lang ito nakita sa tabi niya. Hindi niya nakita ang ama niya na nag-alala para sa kaniya. Palaging nasa business ang utak nito.

Minsan hiniling niya sa sarili na 'sana' balang araw ay mapansin naman siya ng ama. Sana balang araw ay paglaanan siya nito ng oras. Na sana balang araw ay maipagmalaki siya nito bilang anak. Subalit hindi niya iyon nararamdaman dito.

Sa halip na pagmamahal ng isang ama, ramdam niya kung paano siya ikahiya nito simula nang may tumangay sa kanya noon noong bata pa siya. Narinig niya mismo mula sa kuwarto niya ang pag-uusap ng ama at ng kanyang ina kung paano siya ikahiya nito sa mga kakilala. Pinaghihigpitan nito ang mga guwardiya sa mga papasok sa loob ng mansion dahil ayaw nitong makita siya ng ibang tao na ganoon ang kalagayan. Kinahihiya nitong makita ng lahat na mayroon itong anak na dumaranas ng mental health condition. Kasalanan niya bang nakaranas siya ng trauma? Kasalanan niya bang takot na takot siya dahil sa pag-kidnapped sa kanya noong bata pa lamang siya? Inaamin niya na may kasalanan din siya dahil kahit pinaghihigpitan na siya at binabantayan ng mga yaya niya noon ay lumabas pa rin siya ng mansion. Ano ang magagawa niya? Bata pa siya noon at wala pang kamuwang-muwang sa mundo kaya naman ninais niya minsan na ma-explore ang labas subalit hindi rin naman niya inaasahan na mauuwi iyon sa pagtangay sa kanya ng hindi niya kilalang tao.

Dahil sa nangyari sa kanya, ginusto na lamang talaga ng ama niya na nasa loob lang siya ng mansion. Mas Lalo siya nitong pinaghigpitang lumabas. Iyong nakatago lang para hindi siya magbigay ng kahihiyan sa pamilya nila. Kaya iyon nga ang ginawa niya, nanatili na lang siya sa mansion at tumangging lumabas. Akala niya ay matutuwa na sa kaniya ang ama subalit hindi pa rin pala. Pinaparamdam nito sa kaniya kung gaano siya kawalang-kuwentang anak. Ramdam niya iyon dahil bukam-bibig nito ang negosyo nila.

Ngayon namang nagpasya na siyang lumabas at tumulong sa negosyo, ang ama pa rin ang humadlang sa kaniya. Iyon na nga lang ang nagsisilbi niyang motibasyon para marinig ang papuri nito subalit mabibigo na naman pala siya.

Gusto niyang marinig ang papuri ng ama kahit isang beses lamang subalit hindi niya talaga makuha iyon dito. Kaya naman ganoon na lang din ang galit niya para dito. Galit siya pero hindi niya pa rin maiwasan na mag-alala rito. Galit siya pero mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal niya sa kanyang ama.

"Anak."

Nilingon niya ang ina na lumapit sa kanya kaya yumakap siya rito nang mahigpit. Ang ina niya na lamang talaga ang tanging masasandalan niya.