Hindi talaga siya nakatulog ng maayos dahil sa nangyari kagabi. Siguro'y mga isa o dalawang oras lamang. Tapos bandang alas-tres ay hindi na talaga niya maipikit ang mga mata kahit anong pilit niya. Kaya ang ginawa na lamang niya ay inayos ang mga gamit niya sa maleta at naligo. Bandang alas kwarto ay natapos na din siya sa pag-aayos.
Maingat siyang lumabas sa pinto para hindi makagawa ng ingay pero muntik na siyang tumili ng umabot na siya sa sala at may napansin siyang bulto na kagaya talaga kay Bryan. Nakatayo ito malapit sa family portrait ng pamily Sevilla at nakatingala doon. Alam niya na kahit anong ingat niya ay mahuhuli talaga siya nito.
Kaya ayon. Napabalik tuloy siya sa taas.
Napabuntong-hininga na lang siya ng nakaabot na siya sa kwarto niya. Binagsak ang maleta niya sa sahig at nahiga na lamang ulit sa kama. Aantayin na lamang niyang makaalis na dito si Bryan bago siya aalis at baka insultuhin lang siya nito pag nalaman nito 'yon.
Hindi pa din talaga siya makatulog at kung anu-ano na ang pumasok sa isip niya habang nakadilat ang mga mata at nakahiga sa kama.
Bumalik na naman sa alaala niya ang naganap at ang palitan nila ng salita ni Bryan. Totoo 'yong sinabi niya dito. Ang hindi tatanggapin ang alok ni Mr. Sevilla ang napagpasyahan niya. Kasi ang plano niya para makatulong sa mga ito ay mag-iisip at gagawa na lang siya ng paraan na sa tingin niya ay gagana para maging maayos ulit ang relasyon ng mag-ama. Baka kasi magkamali na naman si Mr. Sevilla at imbes na maging maayos sila ay magagalit lang lalo si Bryan sa ama nito.
Mag se-seven na ng umaga ng kinatok siya ni Manang Rosa para mag-agahan. Sabay na nga daw silang pumunta sa ospital para bisitahin si Mr. Sevilla. Gusto niya magtanong dito tungkol kay Bryan pero nahihiya siya. Sumabay na siya ditong bumaba at agad na napasinghap ng nakita niya si Bryan na nakaupo sa hapag at kumakain din ng agahan.
Mariin itong nakatingin sa kanya at agad naman siyang umiwas ng tingin dito. Natulos na din siya sa kanyang kinatatayuan.
"Kyra? Kumain ka na at aalis na tayo." Sabi sa kanya ni Manang Rosa.
Mabagal siyang umupo sa upuan malayo kay Bryan. Sa pwesto na hindi siya nito makikita.
"K-kain po tayo." Yaya niya kay Manang Rosa pagkatapos niya magdasal. Pinilit niya talaga ang sarili na huwag tumingin sa banda ni Bryan. Baka hindi na siya makakain kung mangyari pa 'yon.
Bakas din sa mukha ni Manang Rosa na parang napapantiskuhan ito sa asal niya, pero laking pasalamat niya na hindi ito nagtanong.
"Senyorito. Pupuntahan namin si Don Eduardo sa hospital. Baka gusto mong sumama? At sana'y wag ka munang umalis hangga't hindi pa nakakauwi ang ama mo." Sabi ni Manang Rosa na binalingan na lamang si Bryan.
Nag-aabang siya sa sagot ni Bryan sa sinabi ni Manang Rosa gamit ang gilid ng mata. Mga ilang minuto pa ang nagtagal bago ito tumango.
'Ano bang sagot 'yon?
Oo na sasama siya o oo na mananatili muna ito dito sa mansyon?'
Parang gusto niya tuloy pagsabihan ito na ayusin ang sagot nito. Gago siya!
Pasalamat na lamang siya ng tanungin nga ito ulit ni Manang Rosa.
So ayon nga. Hindi daw ito sasama sa pagbisita pero mananatili daw muna ito sa bahay. Nasabi na din nito na aalis daw muna ito mamayang tanghali para kunin ang mga damit sa penthouse at babalik din sa gabi.
Nag usal talaga siya ng pasasalamat sa isip niya dahil magpapaalam talaga siya kay Mr. Sevilla. Sana pagkauwi niya dito mamaya ay hindi pa ito nakabalik.
Mag-to-2pm na ng nalipat si Mr. Sevilla sa pribadong kwarto galing sa ICU. Nakausap na din niya ang doktor nito at nasabihan na siya na kailangan pa manatili ni Mr. Sevilla sa hospital ng 2-3 days.
"U-uncle.."
"Don Eduardo.."
Bati nilang dalawa ni Manang Rosa ng naipwesto na ito ng maayos sa kama. Matamlay na ngumiti ito sa kanila.
"Kamusta na po ang pakiramdam mo, Uncle?" Tanong niya dito pagkalabas ng mga nurse at orderly sa kwarto nito.
Inabot nito ang kamay niya at pinisil 'yon ng mahina. "I-Im okay na, iha. Masamang damo kaya matagal pa talagang mamamatay." Sagot nito sa kanya at natawa pa.
Inirapan niya tuloy ito, "Uncle naman eh!"
Natawa lang ulit ito sa kanya at binalingan si Manang Rosa. "Rosa. Kayo doon sa bahay? Kumusta? Si B-Bryan?"
"Okay naman kami Don Eduardo. Nakausap ko si Bryan kanina at mananatili daw siya sa mansion. Kumuha lang muna ng damit at babalik din pagkatapos." Malumanay na sabi ni Manang Rosa dito.
Kitang-kita niya ang pagkislap ng mga mata nito pagkarinig sa sinabi ni Manang Rosa. Pinisil niya tuloy ang kamay nito ng nakita niyang tumulo ang isang luha nito.
"M-Mabuti naman kung ganoon." Sabi nito sabay baling sa kanya.
Nagkwentuhan pa silang tatlo doon sa loob, at nang nagCR muna si Manang Rosa ay 'yon na ang pagkakataon na naisip niya para sabihin kay Mr. Sevilla ang plano.
"Ahmm.. Uncle.."
"Yes, iha?"
"M-Magpapaalam po muna sana ako na kung pwede eh uuwi muna ako sa bahay namin? Habang nandito ka pa po sa hospital? P-Pero bibisita pa rin po ako dito at babalik din doon sa m-mansiyon pagkalabas mo po. Kung okay lang po, Uncle?" Kinakabahang sabi niya dito.
"Bakit, Kyra, iha? May ginawa ba ulit si B-Bryan sa'yo?" Tanong nito sa kanya.
"Ah? Wala po, Uncle! Parang namimiss ko na po kasi sina daddy at mommy. Nagtatampo na din po sila, lalo na si daddy, kasi hindi ako nakabisita kahit day-off ko.. T-Tsaka namimiss ko na rin po ang mga stuff toys ko doon! Hehe!" Tunog loka-loka na sabi niya dito.
Ngumiti ito sa kanya at kahit nag aalinlangan ay pumayag na din. Basta daw ay babalik siya.
Hindi niya pa din nasabi dito ang naging desisyon niya sa alok nito. Pero mukhang mahihirapan na siya sa pagsabi at pagpaintindi dito tungkol sa desisyon na 'yon, lalo pa't ayaw na niyang makaharap or makausap man lang si Bryan.
Lampas 5pm na ng nakarating sila sa mansiyon ni Manang Rosa. Alam na din nito na aalis siya ngayon at nagbilin pa si Mr. Sevilla dito na ihahatid siya ni Manong Andres pero mariin siyang tumanggi kasi aabutin ng isang oras at kalahati ang papunta pa lang sa bahay nila galing sa mansiyon. Magagabihan lang din si Manong Andres sa pag-uwi. Tsaka meron namang dumadaang taxi sa labas ng subdivision na 'to. Hindi nga lang makapasok kasi sa sobrang strikto ng lugar. Halos lahat ng mayayaman na gusto ng tahimik at pribadong buhay ay nakatira kasi dito.
Pagkapasok niya sa loob ng mansiyon ng mga Sevilla ay agad siyang nagmatyag kung may presence ba ng halimaw. Nag-aabang din siya sa itatanong ni Manang Rosa sa mga nag aantay na kasambahay pero waley.
Hinanap niya tuloy muna si Grace at doon na lamang magtanong. Nahihiya kasi siya iba magtanong.
Nakita niya din ito sa wakas sa kusina at agad na hinila palayo sa iba.
"Uy, Kyra!"
"Grace. Shh.. Nandito na ba si B-Bryan?" Tanong niya dito.
"Ay! Wala pa siya, Kyra! Bakit?" Tanong nito pabalik.
"Oh, thank God!" Usal niya pagkatapos marinig 'yon. "Uuwi muna ako sa amin Grace. Nagpaalam na din ako kay Uncle kanina."
"Hala! Eh pagabi na, Kyra! Tsaka parang uulan daw ngayong gabi sabi kanina sa radyo." Pigil sa kanya ni Grace.
"Really? Eh baka mamaya pa naman 'yon. Mag sun dance na lang ako mamaya! Gayahin ko si Sarah G." Sabi niya dito sabay sayaw nga.
Tawang-tawa tuloy si Grace sa kanya. "Loka ka talaga! Eh kaso mag gagabi na, wala ng araw!"
"Eh 'di gawan ko ng pang gabing version! Moon dance, ganern!" Sira-ulong sabi niya dito.
Pagkatapos nilang magtawanan ay agad na siyang nagpaalam dito. Nakalimutan niya tuloy na nagmamadali pala siya para hindi na maabutan pa ni halimaw. Pero medyo may kutob siyang hindi ito uuwi ngayon.
'Sana nga!'
Naibaba na niya ang maleta niya at agad na nagpaalam na sa mga tao doon. Sinabihan ulit siya ni Manang Rosa na magpahatid na lamang pero mariin talaga siyang tumanggi sa alok nito.
Pagtingin niya kay Grace ay kita niya na parang may sinesenyas ito sa kanya pero umayos naman ang expression nito noong napabaling ang ibang kasamahan nito dito. Akala niya tuloy ay namamalikmata lamang siya. Kaya binalewala na lang niya 'yon at tuluyan na ngang nagpaalam at umalis.