webnovel

Sa Panimula't Pagkamulat

Inocencio Miguel Santos y Mendoza.

Inong na lamang, hindi ko nais na ako'y tawagin sa aking pangalawang pangalan.

Musmos pa lamang ako nang mabanaag ko ang pagpupunyagi ng Espanya sa munting bayan namin ng Malolos. Kay laki ng mga gusaling gawa sa tisa na hindi maikakailang maganda sa paningin ng madla. Mauulinigan ang mga padyak ng kabayong humihila sa kalesa ng mga bantog na Ilustrado sa kabayanan. Dinig din ang matinis na tunog na 'di mawari buhat sa tahanan ng pinakamamahal kong babae, si Maria.

El nombre de Padre, y del Hijo, y del Espiritu Santo. Amen.

Lumaki akong sinasambit ang mga Kastilang katagang ito. Tila walang araw na lumipas na hindi ko ito naturan; sa pagkain, pagtulog, sa pagpasok ko sa escuela, sa pagdalo ng Santa Misa tuwing Linggo. Hindi ko batid ang ibig sabihin nito, ngunit isa lamang ang natanim sa munti kong isipan; ito'y pagtawag sa Diyos.

Katorse años, subalit tila batid ko na ang mga kinakaharap naming mga taong kung ituring ng nakatataas ay mga 'Indio'. Pangmamaliit, pang-aalipusta, pagkitil sa kalayaan naming mamuhay ng matiwasay.