webnovel

Crumpled Paper

Sa bawat pahina ay mayroong taglay na abentura Mga nakakubling lihim sa katiting na patak ng pluma Walang boses man kung tumuklas sa nasaksihang istorya Idadala, aayusin para sa nagkagulong pamilya Pamilya lamang ba o pati ang mundong wala ng tama? Isang maling gawi, puso't buhay ay handa nang kumawala Sandigan ma'y matigas, rurupok din 'pag wala ng pag-asa Hahayaan bang gugusot ang magandang nakakubling tadhana? Kapag umibig ka sa taliwas ang pananampalataya Halos lahat ay tututol, pati ang nakaraang lumuluha Talunaryo ng alaala'y hindi pa rin nawawala Bawat tamis ay nawawasak na parang isang hibla Maaayos pa ba ang lahat kung sa una ay para nang isinumpa? Karampot ng papel Karampot ng tadhana Katiting ng pawis Papatak lahat ang luha Sa mga matang pagod na Titiisin pa ba ang pagdurusa?

Kristinnn · Real
Sin suficientes valoraciones
34 Chs

Muling yapak, Pangalawa

Kung nakakaya mong tiisin ang paghihirap, mas malalasahan mo ang tamis ng kaligayahang matagal mo nang hindi muli natikman.

"Bumangon na kayo diyan mag-amang L'emaire, laya na kayo" hindi ko pa man naididilat ang aking mata ay nakikita ko na ang sinag ng araw.

Kinusot ko muna ang aking mga mata bago napag-desisyunang imulat ito.

Hindi ko alam kung bakit parang napapangiti ako ngayong araw, dahil siguro sa aking napanaginipan kanina lamang. Kung sana ay totoo lamang ang lahat ng iyon, hahalikan ko talaga ng todo si Mario.

"Hoy ano ba, ang tagal niyong kumilos bumangon na kayo diyan!" napagulantang ako nang makitang mayroon nang pulis ang bumungad sa labas ng aming selda habang binubuksan ang nakakandadong pintuan nito.

"Ayaw niyo bang lumabas diyan, sige diyan nalang kayo habang buhay" dali-dali akong napatayo nang akma niya na naman itong isara.

Ginising ko si Uncle Jazzib sa itaas na ngayon ay humihikab pa lamang, sinenyasan ko siyang makakalaya na kami kaya't mas mabilis pa sa kabayo ang kaniyang mga binibitiwang kilos.

Tiningnan ko ang pwesto nina Tiyo Gastor at Zero, hindi kami makakapagpaalam ngayon sapagkat humihilik pa silang dalawa, subalit kahit pa hindi nila alam na nakalaya na kami, ipapangako kong ipagpapiyansa ko si Tiyo Gastor upang makaalis dito nang maayos.

Agad na kaming dumiretso papalabas habang nakayuko pa rin.

"May pumiyansa ba sa'min?" nagtatakang tanong ko sa pulis na may nakatatak na Gombasa sa damit.

"Wala, inexamine lang naman namin kayo mahigit isang linggo upang alamin kung nagdodroga ba kayo o hindi, kahapon lamang lumabas ang resulta, labis nga akong nagsisisi kung bakit namin ikinulong ang dalawang inosente sa loob" aniya pa habang napapailing na patuloy pa rin sa paulit-ulit na paglalakad.

"Papaano ba itong aming mga suot, malalaman ng mga tao sa labas na nanggaling kami rito" agad siyang napahalakhak nang banggitin ko iyon.

"Isuot niyo muna diyan ang damit niyo nung nahuli kayo"

Tumango ako sa pulis matapos ay sinenyasan si Uncle Jazzib na ibalik ang suot naming damit noon.

Mabuti nga lang at nalabhan pa ito ni Uncle Jazzib.

"Dalian niyo na!" maawtoridad na sambit pa nito.

Napapatango na lamang kami habang pinagbabalaan kami nitong si Gombasa, wala akong respeto sa mga pulis ngayon kaya't wala silang magagawa sa mga pinag-uusal ko sa kanila. Kahit anong rangko pa ang meron sila, pare-parehas din naman ang kanilang mga pag-iisip, mga makikitid.

Napasapo ako sa noo dahil sa pinanghuhusga, masyado nang mababaw ang tingin ko sa mga pulis, subalit bakit naman? Dapat nga ay magpasalamat pa ako sa kanila dahil nakilala ko pa sila Tiyo Gastor.

Nais kong bawiin ang aking pinag-iisip kanina.

"Sa totoo lang, magkamukha talaga kayo ng anak ni Marselas na babae, kitang-kita ko talaga ang pagkakahawig" napaismid ako sa binulalas niya.

"Magkapatid kasi talaga kami bakit ba hindi kayo maniwala, ang layo-layo na nga ng mukha ni Marselas sa inaangkin niyang anak na babae" napatikhim siya na para bang may bumabara sa kaniyang lalamunan.

"Oo na, hindi naman ako ang nanghuli sa inyo bakit ba kayo nagagalit sa akin?"

"Kasi pulis ka rin?" napabuga siya ng hangin nang marinig niya iyon galing sa bunganga ko.

"Bata ano ka ba, ginagawa lang naman namin ang naaayon eh"

Nakokonsensiya na ako sa aking mga pinagsusumbat.

"Nagbibiro lang naman po ako, sa totoo nga po ay nagpapasalamat pa ako dahil pinapasok niyo kami roon, ang dami po naming natutunan"

Nais ko pa sanang sumatsat subalit nasa harapan na namin si Akiran na ngayon ay nakaupo sa kaniyang upuan.

"Pirmahan niyo muna ito pagkatapos ay pwede na kayong umalis" wala akong pinapakitang kahit anong emosyon sa kaniyang harapan kundi ang pagsimangot lamang.

Kung pwede lang sapukin ang kaniyang mukha ay nagawa ko na, wala kaming ginagawang masama pagkatapos ay patitirahin kami sa bilangguan?

Sa hitsura naming ito ay sa bilangguan niya kami patitirahin, eh mas bagay pa nga sa mukha niyang pumalagi sa loob ng bilangguan.

Patawarin pa sana ako ng Panginoon sa aking nagawang panghuhusga, hindi ko na kasi mapigilan ang aking pagkainis.

May kaunting tuwa rin naman akong naramdaman nang ipasok niya kami dun, ang dami kong natutunan at ang dami ko ring naisipang pagpipiyansahan sunod.

Nais ko silang makalaya lahat subalit wala pa akong sapat na pera panggastos, ni piso nga ay wala pa kami.

Dadating lang ang araw at makakalaya rin sila, hindi ko lang alam kung kailan iyon.

Pabagsak kong ibinaba ang pluma pagkatapos kong mapirmahan ang iniutos ni Akiran sa amin, matapos ay padabog itong kinuha ni Uncle Jazzib at pabagsak din itong nilagay sa ibabaw ng papel pagkatapos.

"Maraming salamat po" walang emosyong usal ko.

Nakasimangot lamang kaming dalawa hanggang sa tuluyan na kaming makalabas sa estasyon.

Putangina, sa wakas ay nakalabas na rin kami.

Agad kong nasampal ang sariling bunganga nang may lumabas na isang mura, labis talaga akong nahawa sa mga bunganga ng mga presong iyon.

Subalit mas mabuti nga ang ideyang nakasama ko sila sa isang linggo, ang dami-dami kong natutunan bukod sa pagsasabi ng putangina.

Binalingan ko ng tingin si Uncle Jazzib, kasalukuyan din siyang nakangiti na para bang nakakita ng napakagandang babae sa harapan.

Wala na naman kaming matutulugan ngayon, ang layo na rin ng bahay namin kapag maglalakad pa kami. Nung sa palengke pa nga ang nilakad namin ay mahigit dalawang oras na ang aming naigugol, paano nalang kaya rito sa estasyon ng mga kapulisan na ang layo.

Daglian kong nasapo ang mukha nang biglang may lumapat na papel dito tangay ng hangin.

Nandito na naman itong kunot na papel eh, pagkatapos ay idadala na naman kami sa panganib.

Subalit nang buksan ko ito ay parang may gumuhit na namang saya sa aking mukha.

'Prinastini, for hire- five waiters and seven waitresses'

Kapag sineswerte ka nga naman, ipinakita ko ito kay Uncle Jazzib na ngayon ay umiinom ng tubig.

"Wala tayong matitirhan kapag wala tayong trabaho kaya't wala na tayong pagpipilian pa"

Senyas niya pa sa akin matapos ay hinila ako papunta sa mga nakahilerang jeep.

Mukhang gagawin naman namin ngayon ang ginawa namin noon dun sa tricycle driver.

Hawak-hawak ko pa rin ang papel habang umaaktong may hinahanap at para bang balisa.

Agad ngang gumana ang aming plano nang may humintong jeep sa aming harapan, wala pa itong sakay na pasahero sapagkat masyado pang maaga.

"Looks like you need help" sa aking pananaw ay hindi lamang kalayuan ang agwat ng aming edad.

Masasabi kong mayroon siyang taglay na hitsura subalit hindi naman hamak na mas gwapo ako kaysa sa kaniya. 

"Do you know where we can find this place?" inabot ko sa kaniya ang papel matapos ay napatikhim.

"Prinastini, iyong barko pala ang kanilang hinahanap" dinig kong bulong niya pa sa sarili.

"I know where to find this place" usal niya sa amin matapos ay sinapo ang gumugulong buhok.

"Can you take us there, but..."

"Sure I can take you there, do you have any problem?" bulalas niya pa matapos ay nginuya ang bubble gum.

"We forgot to sustain our money with us" napagitla kami nang hinampas niya ang kamay sa manibela.

"Punyeta 'tong mga dayuhang ito, kay aga-aga eh uubusin ang gas ng sasakyan ni papa, ang layo-layo pa naman nun" hindi niya alam na naintindihan ko ang kaniyang pinagsasatsat, putangina.

"It's okay if you'll not accept our help" hindi ko na alam kung ayos pa ba ang aking pagsasalita ng Ingles, parang ang baluktot na ngang pakinggan.