webnovel

Crumpled Paper

Sa bawat pahina ay mayroong taglay na abentura Mga nakakubling lihim sa katiting na patak ng pluma Walang boses man kung tumuklas sa nasaksihang istorya Idadala, aayusin para sa nagkagulong pamilya Pamilya lamang ba o pati ang mundong wala ng tama? Isang maling gawi, puso't buhay ay handa nang kumawala Sandigan ma'y matigas, rurupok din 'pag wala ng pag-asa Hahayaan bang gugusot ang magandang nakakubling tadhana? Kapag umibig ka sa taliwas ang pananampalataya Halos lahat ay tututol, pati ang nakaraang lumuluha Talunaryo ng alaala'y hindi pa rin nawawala Bawat tamis ay nawawasak na parang isang hibla Maaayos pa ba ang lahat kung sa una ay para nang isinumpa? Karampot ng papel Karampot ng tadhana Katiting ng pawis Papatak lahat ang luha Sa mga matang pagod na Titiisin pa ba ang pagdurusa?

Kristinnn · Real
Sin suficientes valoraciones
34 Chs

Lasap ng rehas (1.5)

Ang isang halakhak na aking naririnig noon ay tila pinaliligaya na nang lubusan ang aking puso. Subalit nang makita ko ang paghalakhak ng pulis na nasa harapan namin ngayon ay parang sa kahit anong oras ay guguho na ang aking mundo.

Nais kong sisihin si Uncle Jazzib dahil sa ginawang pagtakas kanina. Sabi na nga ba't ang desisyon nitong dakilang umid na kasama ko ay hindi halos lahat nakabubuti.

Isang hakbang.

Kakamutin ang ulo.

Buga ng hangin.

Suntok sa bakal.

Isang hakbang na naman.

"Bakit ba kasi napag-isipan mong tumakbo kanina, Uncle Jazzib? Ayan tuloy!" Naiinis na pagsenyas ko sa kaniya.

Nasa kama siya ngayon at kalamadong tinititigan lamang ako.

"Wala na tayong magagawa. Ginawa ko lang naman 'yon kanina upang may matulugan tayo ng maayos ngayon" aniya pa sa pamamagitan ng pagsesenyas.

Napasinghap ako dahil sa matinding pagkainis.

Ano ba ang sinasabi niya?

Pwede naman kaming umuwi pabalik dun sa bahay ah.

Kung titigan siguro kami ngayon ng mga tao ay para kaming mga duwag, nangangalay na nga ang aking mga kamay dahil lamang sa pagsesenyas.

Nais kong magdabog ng magdabog subalit may natutulog sa kabilang kama.

Ang angas pa naman ng katawan kaya't todo ingat ako ngayon sa aking mga kinikilos para lang hindi siya magising.

Hinarap kong muli si Uncle Jazzib na ngayon ay abot hanggang tenga na ang ngiti.

"Matutulog na ako" senyas niya pa matapos ay tumalikod na sa akin.

Hindi ko alam subalit labis na kumukulo ang aking dugo sa ngayon.

Naiinis ako sa lahat ng bagay.

Gusto ko mang magdabog, hindi ko naman magagawa.

Gusto kong magwala, pero bakit ko naman gagawin iyon?

Hindi naman ako baliw.

Hays, imbis na mag-isip nang kahit ano ay napili ko na lamang umupo sa aking kama.

Tiyak na mababaliw ako kung magtatagal pa ako sa lugar na ito.

Pinakatitigan kong mabuti ang kapwa ko presong natutulog sa kaharap na kama.

Nakabalukot ng kumot ang kaniyang buong katawan, ni ang takong niya nga ay nakabalukot, isali mo na rin ang ilang hibla ng kaniyang buhok.

Magmula nung pumasok kami dito ni Uncle Jazzib ay nakaganiyan lamang siya magpahanggang sa ngayon.

Tumaas ang aking pangamba nang bigla siyang manginig na parang nilalamig.

Baka mayroon siyang lagnatat hindi niya lang sinasabi.

Nakaramdam ako ng awa dahil sa sinasapit ng mga preso rito.

Walang mag-aalaga sa kanila sa tuwing dadapuan sila ng sakit. Tinitiis na lamang siguro nila ang pagod hanggang sa wala na silang maramdaman pang kahit anong kirot.

Pumalapit ako sa presong nanginginig pa rin hanggang ngayon. Umupo ako sa paanan nito at inoobserbahan pa rin ang kaniyang sinasapit.

Natatakot man ay pilit pa rin akong nagtatapang-tapangan upang ibuklat ang nakataklob na kumot sa kaniya. Iwinaksi ko ito at laking gulat ko na lamang nang mamataan ang kaniyang ginagawa.

Sinisipsip niya ang puting bagay na hindi ko alam kung ano ang katawagan mula sa maliit na selopin.

Nanlalaki ang kaniyang mga matang napatingin sa aking gawi. Napatigil siya sa kaniyang ginagawa matapos ay mabilis na tinago ang puting bagay na iyon mula sa kaniyang likuran. Napabalikwas siya ng upo matapos ay namumutlang tinititigan ako.

"S-sabihin mo. Wala kang nakita 'diba?" Natataranta siya ngayon habang hinahawakan ang aking dalawang balikat.

Umaapaw na ang aking kaba ngayon dahil sa nakikita kong ekspresyon ng kaniyang mukha at ang kaniyang maskuladong katawan.

Hindi ako makapagsalita dahil nasasaktan na ako sa paraan ng kaniyang pagkakahawak sa aking balikat.

"S-subukan mong magsumbong sa pulis d'yan sa labas at malalagutan ka talaga ng hininga! Naintindihan mo?"

Napapailing at napapatango ako na parang baliw ngayon habang inaanalisa ang pabulong na sigaw ng presong ito.

"Hindi po" Tila parang isang hangin na lamang ang lumabas sa aking bibig dahil sa takot.

Ang sakit-sakit na ng aking balikat.

Napabuga ng hangin ang preso matapos ay binitiwan na ako.

Pormado siyang umupo sa tabi ko at tila pinapakalma ang sarili.

"Isa ka bang turista rito?" Mahinahon na ang estilo ng pagkakabigkas ngayon subalit nananalaytay pa rin ang kakisigan ng kaniyang pananalita.

"Hindi po" Pabulong na sagot ko sa kaniya habang patuloy pa rin siyang tinititigan.

"Ano bang nagawa mo at bakit naparito ka?" Kailangan ba talagang detalyado kung sagutin ang kaniyang mga katanungan.

Isa ba siyang paparazzi sa labas noon?

"T-tumakbo lamang po kami ng aking tiyuhin mula sa mga taong nagsusubok na arestuhin kami. Nakatakas na sana kami nun subalit hindi namin alam na ang tahanang aming maaabutan ay ang bahay ng pulis na iyon"  Nang tingnan ko ang kaniyang mukha ay parang hindi niya naintindihan ang aking mga sinasabi pero sa katagalan ay napapatango na lamang siya.

"Akala ko ay nagtutulak ka ng droga eh, sayang naman" Bigla akong nagtaka sa sinaad niyang iyon.

"Hindi ko po alam kung ano ang mukha ng tinatawag niyong drogang iyan sapagkat hindi po ako gumagamit niyan" Nababagot siyang tinitignan ako.

"Ilang taon ka na ba at para kang duwag na hindi nalalaman ang mukha ng droga?" Tanong niya matapos ay kinumutan ang sarili.

"Sa totoo po ay labinlimang taon palang ako..."

"Huwag ka ngang magbiro diyan, walang under age na nakukulong bata" Parang hindi siya makapaniwala sa aking nasabi.

"Iyon na nga po eh. Sinabi ko kasi sa pulis na nagsusulat ng mga data na labing-walong taon na ako, ginawa ko lang naman po iyon sapagkat ayokong iwanan dito ang aking tiyuhin" Alam kong naaawa siya sa akin dahil sa kaniyang ekspresyon.

"Nasaan ba ang tiyuhin mo?"

Tinuro ko ang direksiyon kung nasasaan si Uncle Jazzib.

Napapatango siya habang tinatanaw ang natutulog na si Uncle Jazzib, muli siyang tumingin sa aking gawi.

"Isa po siyang umid kung kaya't hindi ko po siya dapat iiwanan dito ng mag-isa"

"Napakabait mo naman kung ganun. Ano bang pangalan mo?" Naiinis na ako dahil sa kay dami ng kaniyang mga katanungan subalit ayoko namang malagutan ng hininga sa batang edad pa lamang.

"Sa kaalaman po ng mga pulis sa labas ay ako si Clovis L'emaire subalit ang totoo po niyan ay Khalil Marid Zavier ang aking pangalan. Iyan naman po si Nico L'emaire sa pagkakaalam ng mga pulis. Siya po talaga si Uncle Jazzib"

Sa aking munting palaisipan ay mas ginugusto ko ang ginawa kong pangalan at apelyido namin ni Uncle Jazzib sa mga pulis. Nanggaling ito sa isang aklat na aking binabasang lubos ko talagang hinahangaan dahil sa taglay nitong kuru-kuro.

"Isa kang pantas, bata at nakayanan mong linlangin ang mga walang kwentang pulis diyan sa labas" Napahagikgik ako ng mahina dahil sa narinig.

Pumalapit ako sa kaniya at may binulong sa kaniyang tenga.

"Hindi po ako pantas, makikitid lang po talaga ang kanilang utak"