'LAKING pasasalamat ni Rafael at naging maayos ang magdamag na iyon. Walang ibang naghari kundi ang kasiyahan. At sa mga sandaling iyon, mas lalo siyang humanga sa kanyang kapatid nang wala siyang narinig na ano mang malutong na mura mula rito at wala rin nangyaring bangayan sa pagitan nito at ng kanilang ama.
Halos manlambot din ang puso niya sa ipinakitang pagpapahalaga ni Eris sa kanilang ina. Hindi ito humiwalay sa tabi ng kanilang ina. Hinayaan lamang ng kapatid niya na yakapin ito ni Agnes at walang sawang halikan sa pisngi na madalas niyang makita noong sanggol pa lamang ito, hindi tulad nitong mga nagdaang buwan na masagi lang nang hindi sinasadya, kung ano-anong mura at banta ang lumalabas mula sa bibig nito.
People change. They really do.
Plano ni Rafael na magkaroon ng masinsinang usapan kasama si Eris. Boys' talk, kumbaga. Panahon ng Pasko —panahon ng pagpapatawad— pero bago mahuli ang lahat, balak niyang itanong dito ang lahat ng bagay na noon pa man ay pilit na naghihimagsik sa isip niya. Mula sa bakit —paano— o ano ang rason kung bakit nalihis sa landas ang kapatid niya, kung gaano kalalim ang galit nito sa kanya, kung kumusta na ito, kung alam ba nito ang nangyayari sa matalik nitong kaibigan, at kung ano ang ibig sabihin ng ipinadala nitong text message sa kanya.
Pero sa kasamaang palad, hindi na niya nagawa. Bukod kasi sa okupado ng kanyang ina ang oras at atensyon nito —na naiintindihan naman niya—, naparami siya ng ininom na alak. Ni hindi nga niya alam kung papaano siya nakarating sa kanyang kuwarto. At kung sino ang nagpalit ng damit niya. Nakasuot siya ng itim na sando na pinarisan ng checkered na pajamas nang magising siya.
"Argh,' inda ni Rafael maramdaman ang bahagyang pananakit ng kanyang ulo. Para bang minamartilyo at pinipiga iyon nang paulit-ulit. Para ring may nakadagan na dalawang mabigat na mga bato sa talukap ng kanyang mga mata at hindi niya maimulat nang maayos ang mga iyon.
Kaagad na hinanap ng mga daliri niya ang kanyang sentido, saka iyon minasahe nang may diin. Napahinga nang malalim si Rafael at mariing napasalubong ang mga kilay niya. Hindi niya alam kung bakit pinagpapawisan siya nang husto at para bang malapit siya sa apoy. Hindi niya maramdaman ang lamig na ibinubuga ng aircon sa sobrang init ng paligid niya. Para rin siyang nakipagbugbugan sa sampung kriminal at ganoon na lamang ang pananakit ng kasu-kasuhan niya.
Gamit ang kanang palad, makailang-ulit niyang tinapik-tapik ang kanyang noo para mahimasmasan siya nang kaunti. Iyon ang ayaw na ayaw niya sa tuwing napaparami siya ng nainom na alak. Nagkakasakit siya kinaumagahan.
Kahit na mahirap ay sinikap ni Rafael na imulat ang mga mata niya. Ilang segundo muna siyang tumulala sa kisame. At nang kahit papaano ay luminaw ang paningin niya, saka niya iyon iginala sa kanyang paligid.
Nakatali sa magkabilang gilid ang mga mahahabang kurtina at nakabukas ang mga blinds ng lahat ng bintana. Naiwan ding nakabukas ang sliding door na nagdudugtong sa may kaliitang balkonahe sa kanyang kuwarto. Dahil doon ay mas maaliwalas na tingnan ang loob dahil pumapasok doon ang maliwanag na sinag ng araw.
Sa katunayan, mas gusto niyang siya ang maglinis sa kanyang kuwarto. Nag-aalangan kasi siya na baka sa kung saan-saan mailigpit o maisuksok ng mga kasambahay ang mga importanteng dokumento o ng kung ano mang bagay na masyadong mahalaga para sa kanya. Pero napataas ang isang kilay niya nang mapansing maayos na naisalansan ang lahat.
Nag-iba rin ang puwesto ng mini-sala niya sa may balkonahe. May nakapatong na rin na vase sa may center table niyon at may nakalagay na sariwang bulaklak. Tinatangay ng hangin mula sa labas ang halimuyak ng mga iyon papasok sa loob. Pero sa kasamaang palad, hindi gumagana nang maayos ang pang-amoy ni Rafael. Nahagip din ng paningin niya ang kanyang uniporme na maayos na nakasabit sa pinto ng kanyang closet gamit ang hanger. Maayos ang pagkakaplantsa niyon. Litaw na litaw ang mga tupi sa mga manggas at iba pang parte na para bang bagong bigay pa lang iyon sa kanya.
Hindi naman iyon kaso kay Rafael. Nagpapasalamat siya at mas lalong umayos ang kanyang kuwarto. Pero imbis na mapangiti siya, napa-tsk si Rafael. Hindi na niya makilala ang kanyang kuwarto. Ang laki ng ipinagbago. Mas gusto niya iyong dati. Pakiramdam niya ay nasa isang pambabaeng kuwarto siya. At hindi siya kumportable roon. Sabihin na lang natin na hindi niya iyon gusto.
Napasabunot siya ng buhok at mariing ipinikit ang mga mata. Sa masamang pakiramdam ay wala pa sana siyang planong bumangon at bumalik na lang ulit sa pagtulog. Pero ganoon na lamang ang pagbalikwas niya ng bangon at napatitig sa kawalan nang mayroon siyang maalala.
Wala sa oras na dinampot niya ang kanyang cell phone sa ibabaw ng bedside table at napakagat siya sa ibabang labi. Bumungad kaagad sa kanya ang lagpas sa sampung text messages na galing kay Liam. Wala siya sa huwisyo na basahin ang lahat ng iyon pero ginawa pa rin niya. Iisa lang naman ang ibig sabihin.
'Ipinapaalala ko lang, Brod. May pasok tayo ngayon.'
Napatingin siya sa orasan ng kanyang cell phone. Pasado alas onse na nang umaga. Masyado nang huli para pumasok pa siya sa trabaho. Pinindot niya ang call button sa tabi ng phone number ni Liam at hinintay niyang sagutin nito iyon. Pero inunahan na siya nito sa pagsasalita.
"Ayos na ang lahat, Brod. Huwag ka nang mag-alala. Nagawan ko na ng paraan," masiglang sabi ni Liam, na para bang natatawa pa. Inilayo niya nang kaunti sa kanyang tainga ang cell phone nang halos matililing iyon sa sobrang lakas ng ingay sa paligid sa kabilang linya. Para bang may kasiyahang nagaganap sa kanilang istasyon.
Napakunot ng noo si Rafael. "Ano'ng ibig mong sabihin na ayos na ang lahat? I don't get it."
"Sige, mamaya na lang, Andrew. Kakausapin ko lang saglit si Rafael," tukoy ni Liam sa binatang nagligtas sa mga magulang niya noong gabing nangyari ang ambush. Kakatwang isipin at nalaman niyang isa pala ang dalawampu't tatlong taong gulang na si Andrew Almazan sa mga pumasa sa nakaraang pagsusulit para sa kursong BS Criminology. Isa iyon sa nakita niyang paraan para matulungan ito. Siya ang naglakad sa mga credentials ni Andrew sa tiyuhin niyang si Rob at masaya siyang isa na itong ganap na pulis. Ilang saglit pa ay unti-unting humina ang mga boses. "Pasensya na, Brod, sobrang ingay lang ngayon dito. Alam mo na… Pasko."
"No, no worries. Ayos lang iyon sa akin." Napasuklay siya sa magulong buhok gamit ang kabilang mga daliri. "Mabalik tayo sa usapan. Ano'ng ibig mong sabihin na nagawan mo na ng paraan?"
"Tinawagan ko 'yong isa sa katrabaho natin na sa gabi pa ang pasok. Buti nga at pumayag na magpalit kayo ng schedule kahit ngayong araw lang. Para kung sakaling bumuti na iyang pakiramdam mo, ikaw ang papasok mamayang gabi," imporma nito. "Ipinaalam ko 'to sa hepe at ayos lang naman sa kanya."
Kaagad na napasalubong ang mga kilay ni Rafael. "Huh?" hindi makapaniwalang tanong niya. "How come you do know that I'm sick? Wala pa naman akong pinagsasabihan na iba?"
"Pasalamat ka sa kasambahay n'yo, Brod," sagot ni Liam. "Tinawagan niya ako kaninang umaga. Mabuti na rin 'yon at nagawan ko kaagad ng paraan. Isa pa, alam ko naman na may pagkamatigas din minsan 'yang ulo mo at maganda na rin na hindi ka pumasok ngayon. Wala rin lang naman kaming masyadong ginagawa ngayon."
"Sino'ng kasambahay? Do you know her name?" nagtatakang tanong niya. Pero malakas ang loob niya na tama ang kutob niya. Isang tao lang ang kilala niyang gagawa niyon. Pero saan nito kinuha ang phone number ng kaibigan niya?
"Sa pagkakaintindi ko, Hannah ang pangalan." Napabuka ng bibig si Rafael nang marinig ang pangalang iyon. Nakumpirma niyon ang hinala niya.
"How did she contacted you? E, wala naman akong ibang pinagbibigyan ng number mo, Lee," hindi pa rin makapaniwalang sabi niya.
"Seryoso ka, Brod? Hindi mo alam?" Napakunot ang noo niya nang marinig ang mahinang pagtawa ni Liam. "Naku, delikado ka pala! Pa'no na kapag may milagro diyan sa gallery ng cell phone mo? E, 'di bistado ka kaagad niyan?"
Minsan ay hindi nasisiyahan si Rafael sa mga simpleng biro ng kaibigan niya. Kung nasa istasyon lang siya siguro, tinadyakan na niya ito sa singit. Pero sanay na siya rito. "In my entire life, have you seen me watching porn? So paano ako magkakaroon ng mga gano'n sa gallery ko?"
"Ikaw naman, 'di mabiro!" Narinig niya ang pag-ubo ni Liam. "Hindi, ang gusto ko lang naman iparating, hindi naman masamang maglagay ng password sa mga gadgets natin. For safety measures na rin 'yon pero nasa sa 'yo pa rin kung maglalagay ka o hindi. Pero seryoso, Brod. Hindi mo alam na ginamit niya 'yang phone mo para tawagan ako?"
"No," seryosong sabi niya. 'Rinig pa niya ang pag-tsk ni Liam.
"Naku, delikado pala siya kung gano'n," sabi pa nito. "Ni hindi nga mahawakan ng asawa ko 'tong akin, e. Alam kasi niya ang salitang privacy. At gano'n din naman ako sa kanya. Isang malutong na trust nga lang talaga ang solusyon para magtagal ang isang relasyon."
Sa mga sinabing iyon ni Liam ay walang pakialam si Rafael lalo na at hindi siya maka-relate. Pero umoo na lang siya. "Anyway, may balita na ba si Naoimi tungkol sa Alphas?"
"Ayoko sanang sirain ang vibes ng Christmas pero wala akong maisasagot diyan sa tanong mo, Brod. Kilala mo naman ang babaeng 'yon. Nasa dugo na yata ang pagkamadamot. Siya, ang team niya at ang hepe lang ang nakakaalam sa bagay na 'yan." Saglit na natahimik si Liam. "Pero, Brod, teka lang. May naalala lang ako bigla."
"What is it?" tanong niya.
"Hindi ko alam kung siya ba 'tong tinutukoy nila pero siya lang naman ang Hannah na pumupunta at nakiki-cooperate kay Naoimi." Nakuha niyon ang atensyon ni Rafael. "Aksidente ko lang na narinig kanina na may gusto raw na mag-set ng interview tungkol sa kaso. Ipapalabas daw sa mga network stations at sa ngayon, pinagdidiskusyunan pa iyan ng nakatataas. At mukhang gusto raw humarap ni Hannah sa mga media 'pag nagkataon. Hindi ko alam ang nangyayari pero sa tingin ko, Brod, napakaimportante niya sa kasong 'to."
Napakagat ng ibabang labi si Rafael at unti-unting lumalim ang bawat paghinga niya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Para bang sasabog na hindi ang puso niya na kung tutuusin ay hindi naman niya dapat maramdaman iyon. Isa pa, mas lalong lumalalim ang katanungan sa isip niya.
Naiwan sa ere ang sasabihin sana niya kay Liam nang makarinig siya ng tatlong katok sa pinto ng kuwarto niya. "Just a minute, Lee."
Tinakpan niya ang mouthpiece ng kanyang cell phone at napatingin siya sa may pinto. "The door's not locked."
Kasimbagal ng pagbukas ng pinto ang pagpasok ni Hannah. Nakangiti lamang ito habang maingat na naglalakad palapit sa kanya habang may hawak na isang service tray na gawa sa kahoy. Nakapaibabaw roon ang isang baso ng tubig, iba't ibang gamot na hindi niya alam kung para saan, at ang kanyang pang-umagahan.
Pero ang labis na nakaagaw sa pansin ni Rafael ay ang ayos ni Hannah. Nakasuot ito ng casual na damit at pinarisan iyon ng pantalon na nagsisimula nang mangupas ang madilim na kulay. Maayos din ang pagkakatali sa mahaba nitong buhok at presentable naman ang hitsura. Para bang mayroon itong pupuntahan.
"Where are you going?" Iyon ang unang mga salitang kumawala mula sa bibig ni Rafael.
Maingat na ipinatong ni Hannah ang hawak na tray sa ibabaw ng parihabang couch sa may paanan ng kama, saka siya nito hinarap. "Sir, tinawagan kasi ako ni Ma'am Naoimi. Pinapatawag daw ako sa MCPD."
"Don't get me wrong, Hannah, but for what reason?" Desidido na talaga si Rafael na malaman ang katotohanan. Napatitig sa kanya si Hannah na para bang may tanong na isipan. "Forgive me kung ganito ako makipag-usap sa 'yo ngayon. Sadyang hindi lang maayos ang timpla ko ngayon. I hope you understand that."
Isang simpleng ngiti ang kumawala sa mga labi ni Hannah. "Naku, Sir, ako nga po dapat ang humingi ng dispensa. Mukhang nakakaabala po ako sa inyo at sa kausap n'yo sa cellphone."
"There's nothing to worry about," sabi niya pero nanatili ang pagsasalubong ng mga kilay niya. "Ilang beses na kitang nakikitang pabalik-balik sa istasyon namin," sabi niya. "And you're teasing my nerves to ask you about it pero pinipigil ko ang sarili ko because that's not part of my business and I respect your rights. Pero habang tumatagal, unti-unting nagiging hinala ang mga curiousities na iyon. Para bang may seryoso kang problema. And now, may natanggap akong tawag. Tama ba ang natanggap kong balita na balak ka nilang isama sa interview tungkol sa mga Alphas? For what reason, huh? Ano'ng kinalaman mo sa kaso? Sino ka nga ba talaga, Hannah?"