webnovel

Prologue

Prologue

HINDI alam ni Romulos kung saan siya dadaan. Sa isang masukal na damuhan o sa isang malinis na daan?

Hindi niya alam kung paano siya nakarating sa lugar na kinatatayuan niya ngayon. Ang alam lang niya ay naghahanap lamang siya kanina ng punong mangga para sa buntis niyang asawa. Sigaw kasi ito ng sigaw sa kaniya na gusto nito ng hilaw na mangga.

At dahil malayo pa sa bayan ang kanilang bahay ay pumunta na lamang siya sa likod ng kanilang bahay at pumasok sa isang masukal na gubat. Sigurado siyang maraming punong mangga ang makikita niya roon at hitik sa mga bunga. Ngunit, mukha yata siyang nagkakamali. Wala siyang makitang ni isang mangga kanina pa.

Di yata't nagmamalik mata lamang siya noong isang araw nang mapadpad siya rito sa kagubatan habang nangangahoy?

Ipinilig na lamang niya ang ulo mula sa malalim na pag-iisip. Bumalik siya sa kaniyang kinasasadlakan ngayon. Ano nang gagawin niya? Mukha yatang naligaw siya at hindi na alam ang daan pabalik sa kanila.

"Lagot ka na naman sa asawa mo, Romulos," kausap niya sa sarili habang iiling-iling.

Sigurado na naman siyang bubungangaan na naman siya ng asawa mamaya kapag nakarating na siya ng kanilang bahay at wala siyang dala na hilaw na mangga.

Napapangiti na lamang siya habang ini-imahinasyon niya ang napakagandang mukha ng kaniyang asawa habang nangigilaiti ito sa galit. Hindi niya magawang magalit rito, naiintindihan naman niya kung bakit ito palaging mainitin ang ulo. Dala na siguro sa pag-bubuntis nito.

"Kumilos ka na, Romulos...tss..huwag mong hintayin ang mag-gagabi. Wala pang kinain ang asawa mo. Baka nakakalimutan mong buntis iyon," suway niya sa sarili.

Kung may mga tao lang siguro ngayon sa lugar na kinatatayuan niya iisiping baliw siya dahil sa pakikipag-usap niya sa kaniyang sarili. Kumibit balikat na lamang siya at tumungo sa isang napakalinis na daan.

Mukhang iyon yata ang daan papalabas ng gagubatang ito. Baka papunta na iyon sa kalsada. Bibilhan na lamang niya ng hilaw na mangga ang asawa sa bayan.

Sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakad biglang bumigat ang kaniyang pakiramdam. Kumuno't ang kaniyang noo at nagpalinga-linga sa paligid. Ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makakita siya ng isang napakalaking puno ng mangga at hitik na hitik ito sa bunga. Napakarami niyon.

"Sabi ko na nga ba, at tama ako ng hinala. Ito nga ang nakita kong puno ng mangga na napakaraming bunga!"

Wala siyang pag-alinlangang umakyat ng puno saka nanguha ng ilang piraso ng mangga.

Napakalawak ng kaniyang ngiti nang makababa na siya ng puno at inilagay ang limang piraso ng bunga ng mangga sa dala niyang basket.

Ganoon na lamang ang pag-atras niya at gimbal na naramdaman nang makita niya ang isang taong nakatayo sa kaniyang harapan.

Nakasuot ito ng kulay puting damit na napakaliwanag. At ang mas nakapanindig sa kaniyang mga balahibo sa katawan ay ang malamang napakaliwanag ng mukha nito. Wala itong mukha. Isang napakagandang babae. Pero walang mukha?

"S–sino ka?" nanginginig niyang tanong rito.

Nabitawan na niya ang hawak hawak na basket kanina na naglalaman ng limang pirasong bunga ng mangga.

Pakiramdam niya nanuyot ang kaniyang lalamunan. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod at ang bilis ng tibok ng kaniyang puso. Kinakabahan siya— hindi, natatakot siya sa nilalang ngayon na nasa harapan niya. Totoo pala ang mga diwata! At ngayon, nasa harapan na niya!

"Ako ang diwata ng kalikasan. At ako ang nangangalaga sa napakalaking puno ng manggang iyan. Iyan ang aking tahanan," sagot nito sa napakahinhin na tinig. Parang musika iyon sa kaniyang pandinig.

"P–paumanhin binibini, h–hindi ko sinasadyang manguha ng mga bunga sa punong iyong t–tahanan. Nais ko lamang dalhan ang buntis kong asawa," halos mangisay niyang paliwanag rito.

"Alam ko ang iyong intensyon, ginoo. Subalit hindi ko mapapalampas ang iyong kapangahasan sa pagpasok sa aking teritoryo at pag-akyat sa aking tahanan. Ang lahat ng pagkakamali ay may kapalit na kaparusahan."

Tela yata siya napako sa pagkakabuwal habang nakatingin sa diwatang sa kaniyang harapan.

"N–ngunit, mahal na diwata. Ipagpaumanhin po ninyo ako, maawa kayo sa akin. Ako na lamang ang maasahan ng aking mag-ina ngayon...huwag mo po akong—"

"Paglipas ng panahon, malalaman mo ang kaparusahang aking iginawad sa `yo. Sa ngayon, hindi mo pa ito matutuklasan. Ngunit darating ang panahon ng iyong pagdurusa. Humayo ka na ginoo, at ibigay sa iyong asawa ang aking munting regalong mangga para sa kaniya..."

Sa isang iglap naglahong parang bula ang babae sa kaniyang paningin. Naiwan na lamang siyang tulala, at hindi matanggap ang mga nangyari.

Sa araw na iyon, pinagsisisihan niya ang pagkuha ng hilaw na mangga sa kagubatang iyon.