Juliet
"Akala ko ba sa kabilang barrio lang? Bakit tayo magbabangka?" Tanong ko na nakasakay sa bangka habang tinutulak nilang tatlo 'yung bangka papunta sa tubig. Nang mapunta naman na sa tubig yung bangka ay sumakay na rin sila sa loob.
Kanina pa kami naglalakad kaya nagtataka ako bakit kailangan pa naming sumakay sa bangka. Sampung bundok ba ang pagitan ng mga barrio sa isa't isa??
"Mas maganda ang tanawin mula rito, binibini." Sagot ni Andong at may kinalikot sa ilalim ng inuupuan niya. Sina Niño at Fernan naman ang nagsasagwan.
Nagulat ako nang biglang magliwanag ang paligid at nakitang ang daming floating lanterns.
"Woah..." Nasabi ko nalang at hindi ko na naalis ang tingin ko sa mga floating lanterns. Ang dami nila kaya nagliwanag nang husto ang paligid.
Napalingon ako sa tatlong itlog dahil tumigil 'yung dalawa sa pagsagwan. Nagulat ako nang makitang may hawak na silang mga lanterns. Kasalukuyang sinisindihan ni Andong 'yung isa at inabot 'yun kay Fernan at kumuha ulit ng isa pang walang sindi at binigay kay Andong para sindihan.
Inabot ni Fernan kay Niño 'yung unang may sindi at inabot naman 'yun sa akin ni Niño.
"Tinatawag itong kongming sa bansang Tsina. Una itong nagamit noong ikatlong siglo ng mga sundalo upang humingi ng tulong kapag napapalibutan na sila ng mga kalaban. Kinalaunan ay ginamit na rin ito sa mga karatig bansa at sinusulatan ng kahilingan ng mga tao sa paniniwalang mababasa ito ng kanilang Diyos sa kalangitan." Kwento ni Niño pagkaabot ko sa lantern.
"So... susulatan ko 'to ng k-kahilingan ko?" Tanong ko at tumangu-tango si Niño bilang sagot.
"Fernan, pahiram ng iyong pluma." Sabi niya at naglabas naman ng pluma at tinta mula sa satchel niya si Fernan at inabot kay Niño. Nasindihan na ngayon lahat ng lanterns at nagsusulat na sila ng kani-kaniyang mga kahilingan sa lanterns nila.
Inabutan ako ni Niño ng pluma at nagsimula na rin siyang magsulat ng wish niya.
Hmm... ano bang wish ko?
Ah! Gusto ko nang makabalik sa present!
Nagsusulat palang ako eh tapos na sila kaya sinilip nila 'yung sa akin pero agad kong tinakpan 'yung sinusulat ko.
Bahagyang natawa si Niño nang takpan ko yung lantern ko.
"Hiniling mo ba na sana'y umuwi ako nang ligtas mula sa mga gerang kabibilangan ko upang matagal mo pa akong makasama, binibini?"
Pang-aasar lang 'yon ni Niño at obvious namang nagjo-joke lang siya pero natigilan ako. Parang may kung anong kirot sa puso ko nang marinig ko 'yun mula sa kaniya.
Hindi magtatagal at mamamatay siya sa isang digmaan.
Napatitig ako kay Niño na nakangiti ngayon sa akin. Napakaganda ng mga ngiti niya, 'yung tipong hihilingin mo nalang na sana lagi nalang siyang nakangiti nang ganito kapag nakita mo ang mga ngiti niyang 'to. Niño is so pure and beautiful.
Napatingin ako sa sinusulat ko at nakitang 'Sana' palang ang nasusulat ko. Yung dapat na 'Sana makabalik na ako sa kasalukuyan' ay pinalitan ko ng 'Sana magbago ang kasaysayan' at pinalipad ko na sa ere ang sky lantern ko katulad ng ginawa ng tatlong itlog na kasama ko.
"Bakit nga pala may ganitong okasyon sa barriong 'to?" Tanong ko habang pinagmamasdan 'yung mga lanterns.
"Halos puros intsik ang nakatira sa barriong ito, binibini at tuwing pagkatapos ng pista ng San Sebastian ay nagpapalipad sila nito upang humingi ng kahilingan sa kanilang Diyos na dinarayo rin naman ng mga taga-ibang barrio." Sagot ni Andong.
"Alam niyo ba na may alamat ang mga parol na ito?" Biglang sabi ni Fernan kaya napalingon kaming lahat sa kaniya.
"Malamang sa dami ng binabasa mong libro ay nakabasa ka na rin ng alamat tungkol sa mga kongming." Natatawang komento ni Niño.
Ngumiti lang si Fernan atsaka nagkwento.
"May isang mahusay na sundalo noon sa Tsina, sa sobrang galing niya ay lahat ng labanan ay napapanalo niya. Ngunit isang araw, pinalibutan siya ng sobrang daming kalaban upang sa wakas ay matalo na siya kaya nagpalipad siya ng kongming, umaasang makikita ito ng kaniyang mga kakampi. Sa kabutihang palad ay dumating nga ang kaniyang mga kakampi at nailigtas sila ng kaniyang kapwa mga sundalo."
"Nang makauwi ay ikinuwento niya ang muntikan nang kamatayan sa kaniyang kasintahan. Dahil dito, nagmakaawa ang kaniyang kasintahan na huwag na siyang sumabak muli sa gera ngunit masyadong tapat ang sundalong ito sa kaniyang tungkulin. Binigyan ng sundalo ang kaniyang kasintahan ng kongming at sinabing kapag sinindihan ito ng dalaga at pinalipad ito sa langit, babalik siyang muli sa piling niya." Kuwento ni Fernan at tumingin sa akin kaya nagulat ako.
"Yun na 'yun?" Taas kilay na tanong ni Andong kaya bahagyang natawa si Fernan at tumuloy sa pagku-kuwento.
"Hindi na muling bumalik ang sundalo sa kaniyang kasintahan kahit pa tapos na ang gyera kaya naman pinalipad ng dalaga ang kongming. Lumipas ang isang taon mula nang paliparin niya ito ngunit hindi pa rin bumabalik ang sundalo kaya nagpalipad siya muli, umaasang makikita na ito ng sundalo at babalik na muli sa piling niya. Taun-taong nagpapalipad ang dalagang iyon ng kongming sa paniniwalang gagabayan ng mga kongming ang kaniyang kasintahan pabalik sa kaniya. Kaya naman nagsisindi rin taun-taon ang mga tao sa Tsina ng kongming, umaasang babalik na ang sundalo sa piling ng kaniyang kasintahan." Tapos ni Fernan sa kwento at ewan ko ba pero parang may kung anong tumutusok-tusok sa puso ko.
Ang lungkot naman ng alamat na 'yun. Bakit ba ang tragic lagi ng mga alamat? Hindi ba uso ang happy ending nung unang panahon?!
Napalingon ako kay Niño at nakitang nakatingin lang siya sa lapag, mukhang malalim ang iniisip. Pero hindi nagtagal at tumingin siya sa amin at nagsalita.
"Sigurado akong kapiling na ng dalagang iyon ang kasintahan niyang sundalo ngayon."
"Siguro nga." Nasabi naman ni Fernan at napangiti.
"Paano niyo naman nalaman?" Tanong ni Andong kaya natawa kaming tatlo sa kaniya kaya mas lalo siyang naguluhan sa mga nangyayari.
Ba't feeling ko siya 'yung kaibigan mong slow. 'Yung tipong alam naman naming lahat na hindi naman totoong alam nila Niño at Fernan 'yung sinabi nila pero sinabi lang nila 'yun para gawan ng happy ending yung story pero si Andong nagfo-focus masyado sa lahat ng details nung story.
"Hindi ko kayo maunawaan. Bakit kayo natatawa?" Sabi pa ni Andong at patuloy lang kami sa pagtawa.
Nang wala nang mga lanterns ay nagsagwan na rin pabalik sa lupa sila Niño at Fernan at naglakad na kami ulit pabalik.
"Matulog ka nang mahimbing, binibini." Ngiti ni Niño at umakyat na ako sa kumot na ibinaba ni Adelina.
Pagkaakyat ko, kumaway pa ako sa kanilang tatlo at naglakad na rin sila pauwi.
"Ngayon ko lang po nakitang hindi nakauniporme si Heneral Niño." Sabi ni Adelina.
"Oo nga at ang gwapo pa rin n—" Natigilan ako nang maalala ko 'yung sinabi ni Fernan dati na hindi lumalabas si Niño nang hindi nakauniporme pero para ipakita sa akin 'yung mga sky lanterns... lumabas siya nang naka camisa de chino. Wow, Niño did that for me?
Napailing-iling ako. Huwag kang assumerang palaka, Juliet.
"Akala ko po'y nagtanan na kayo sa tagal niyong bumalik, binibini." Sabi ni Adelina kaya napalingon agad ako sa kaniya.
What??!! Anong tanan?? Mukha ba ako ganung klaseng babae??
"Ni hindi ko nga siya boyf—este—kasintahan eh, tapos magtatanan." Sabi ko.
"Hindi nga ba, binibini?" Pang-aasar ni Adelina at ewan ko ba pero natawa ako bigla sa itsura niya.
Para kasi siyang malisyosong palaka diyan na nang-aasar. Nakakatuwa lang at parang hindi na siya masyadong naiilang sa akin dahil nang-aasar na siya ngayon.
Pagkatapos niya akong asarin ay sinabi niyang matulog na ako at lumabas na rin siya.