"JULIET!!!"
Gulat na napalingon si Juliet sa sumigaw pero huli na ang lahat. Nakabitaw na siya at mahuhulog na.
Tumahimik ang lahat. Huminto ang malakas na ihip ng hangin. Huminto ang tunog ng mga relo.
Mabilis na tumakbo si Caden papunta kay Juliet na hindi makagalaw sa mga oras na iyon, nakahinto lang sa ere, at natumba sila pareho sa loob nang hilahin ni Caden ang dalaga. Pagkatumba nila'y nagpatuloy na ulit ang pagdaloy ng hangin at takbo ng oras. Gayon din ang paggalaw ng mga puno sa labas.
Agad na lumingon si Juliet kay Caden upang komprontahin ito ngunit pagkakita niya sa binata ay labis siyang nagulat at nagtaka sa itsura nito. Sobrang putla ng mga labi nito't halos wala nang kulay ang kaniyang mukha. Mas nagulat pa si Juliet nang hilahin siya ni Caden at hawakan ang kaniyang mukha. Pinunasan nito ang luha ng dalaga atsaka nagsalita.
"A-Alam kong pagod ka na. Alam kong labis kang nagdurusa dahil sa pagkadawit mo sa pagpunta mo rito kaya nais kong humingi ng tawad. Patawad dahil nasasaktan ka ngayon. Patawad dahil wala akong magawa upang pagaanin ang nararamdaman mo pero ipinapangako ko sa iyo, babalik tayo sa panahon mo at babalik ka sa normal mong buhay. Kapag nahanap ko na kahit isa sa mga relo ay ibibigay ko sa iyo ang isang kahilingan nito. Maaari mong hilingin ang kahit anong gusto mo." Sabi niya at hinawakan ang kamay ng dalaga atsaka ito hinila't niyakap.
"Magtiwala ka sa akin, Juliet. Hindi kita papabayaan. Hindi na ulit kita iiwan mag-isa rito."
Hindi na napigilan ni Juliet ang mga luha niya at napahagulgol nalang ng iyak sa bisig ni Caden. Iniisip ni Juliet simula palang pagpunta niya sa panahong ito ay mag-isa siya pero ngayon ay siniguro ni Caden na hindi na siya ulit mag-iisa.
Si Niño ang naging gabay at sandalan ni Juliet sa panahong ito at ngayong wala na siya'y gagampanan ni Caden ang pwestong naiwan niya.
¤¤¤
Nakaupo lang sa may asotea ng kaniyang kuwarto si Juliet, nakatitig sa relong pagmamay-ari ni Niño. Ito ang relong naisipan pa niyang isangla noong una niyang makita dahil ginto ito at ngayon ay isa nalang itong relo na hindi umaandar, isa sa mga bagay na pinanghahawakan niya upang mapawi ang pangungulila sa nasawing heneral.
Nang umihip ang malakas na hangin ay pinakiramdaman itong mabuti ni Juliet. Malamig ang simoy nito at nakakaginhawa sa pakiramdam. Sa panahong ito'y wala pa ganoong polusyon kung kaya't nakasisiguro si Juliet na sariwang hangin itong nilalanghap niya ngayon.
Matapos iligtas ni Caden mula sa muntik nang pagpapakamatay ay nakapag-isip-isip si Juliet na hindi solusyon ang pagsuko. Maaaring nais na niyang matapos ang lahat dahil sa labis na siyang nahihirapan ngunit pagkatapos ng lahat ay napag-isipan niyang nais nalang niyang bumalik na sa kaniyang kinabibilangang panahon pagkatapos ng mga nangyari at ngayo'y malinaw na sa kaniya na hindi na niya dapat ulitin ang gano'ng bagay.
Pasalamat siya kay Caden dahil nailigtas siya nito pero kung nagkataong hindi siya nailigtas ni Caden ay wala na sana siya ngayon. Ngayon lang niya napagtanto kung gaano kahalaga ang buhay at labis niyang pinagsisisihan ang ginawa niya. Simula ngayon ay pahahalagahan na niya ang buhay niya at gagawin ang lahat para ingatan at alagaan ito.
Napalingon si Juliet sa may pinto ng asotea nang makatunog na may tao at bumungad nga naman sa kaniya si Caden.
"Ayos ka na ba?" Tanong ni Juliet sa binata at napansing nanumbalik naman na ang natural na kulay nito kumpara kanina.
Matapos gamitin ni Caden ang 'di pangkaraniwan niyang kakayahan na patigilin ang oras ay labis siyang nanghina kaya naman inalalayan siyang bumaba ni Juliet mula sa kampana pagkatapos ng pangyayari at nauna na silang umuwi. Tumangu-tango si Caden atsaka tumabi sa dalaga.
"Sandali mo lang pinatigil yung oras pero halos mamatay ka na." Komento ni Juliet kaya bahagyang natawa si Caden.
"Hindi naman ako ang pinakamataas na diyos o kung anumang napakamakapangyarihan para kayanin basta-basta ang gano'ng mga bagay." Sagot ng binata.
"Pero mas malakas ako dati." Dagdag niya.
"Eh bakit mahina ka na ngayon?" Tanong ni Juliet.
"Matagal na akong nandito sa mundo niyo namumuhay kasama ang mga mortal na kagaya mo kaya unti-unti nang nawawala ang lakas ko. Unti-unti akong nagiging mortal." Simpleng sagot ni Caden na para bang pangkaraniwan lang ang lahat ng sinasabi niya.
"Bakit hindi ka pa bumalik kung saan ka man galing?"
"Marami pa akong kailangang gawin dito." Sagot ng binata.
"Edi bumalik ka nalang pagkatapos mo magpahinga."
"Juliet, iba ang araw namin doon. Kapag umalis ako ngayon, malamang pagbalik ko ay apo ng apo mo nalang ang madatnan ko. Kaya hindi ako puwedeng basta-basta bumalik dahil marami pa akong kailangang gawin dito."
"Ganun katagal? Alien ka ba? Ano ka ba?" Nagtatakang tanong ni Juliet. Natawa nalang si Caden sa tanong ng dalaga kaya tinapik-tapik niya ang ulo nito.
"Kung nagtataka ka pa rin bakit ko niligtas 'yong batang pasyente niyo, ito'y dahil siya ang papalit sa akin. Siya si Eros Valentin. Kailangan ko pa siyang sanayin at turuan kung ano ang kahulugan ng pag-ibig kaya matagal-tagal pa ako rito sa mundo niyo."
"Wala akong nagets." Blankong komento ni Juliet dahil wala siyang naintindihan sa ipinaliwanag ni Caden.
"Hindi mo naman kailangang maintindihan ang lahat. Tandaan mo lang na iuuwi kita nang ligtas, maliwanag?" Tanong ni Caden kaya tumangu-tango naman si Juliet. Tatayo na sana si Caden nang maagaw ang atensyon niya ng relong hawak ni Juliet.
"Kanino ito?" Turo niya sa gintong relo.
"Kay Niño. Bakit?" Tanong ni Juliet.
"A--Ayan ang relong kailangan ko." Sagot ni Caden at natawa pa sa sarili dahil kung saan-saang lugar siya nagpunta upang hanapin ang mga relo at dito lang pala sa mismong bahay niya ito matatagpuan.
"Kailan pa nasa iyo ang relo na iyan?" Tanong muli ni Caden.
"Matagal-tagal na rin. Simula nung unang beses na muntik mamatay si Niño." Sagot ng dalaga.
"Maaari ko bang hawakan?" Tanong ni Caden. Nag-alangan sandali si Juliet kung iaabot ba niya o hindi pero sa huli'y inabot din niya sa binata.
"Napakamakapangyarihan ng relong ito. Bukod sa maaari ka nitong dalhin sa iba't ibang panahon ay maaari kang humiling ng isang kahilingan at mangyayari ito sa tamang oras."
'Well, orasan siya kaya ang ewan naman kung tutuparin niya yung wish sa maling timing' komento ni Juliet sa isip niya na narinig naman ni Caden kaya natawa siya nang kaunti ngunit nagpatuloy na rin sa kaniyang sinasabi.
"Isa pa'y tapat sa iisang may-ari ang mga relong ito kaya hindi ko rin ito makukuha sa iyo. Wala na si Heneral Enriquez kaya ikaw na ang may-ari nito, nakikita mo ba?" Bukas ni Caden ng relo at ipinakita kay Juliet ang loob nito.
"Ang alin?"
"Ang pangalan mo. Nakasulat—" Napahinto si Caden nang makita ang pangalan ni Niño Enriquez sa loob ng relo. Kinuha niya ang kulay tanso na relo sa kaniyang bulsa kaya nakisilip naman si Juliet at nakita ang pangalang 'Eros' na nakaukit sa tansong relo.
"Bakit mo tinitignan? Atsaka bakit sayo Eros? Ninakaw mo ba 'yan? Pero teka... Eros yung pangalan nung batang niligtas mo, 'di ba? Sakaniya ba 'yan?" Tanong ni Juliet pero masyadong okupado ang pag-iisip ni Caden ngayon.
"Kusang nawawala ang pangalan ng dating may-ari kapag wala na siya kaya naman puwede nang tumanggap ng bagong may-ari ang relo." Wika ni Caden.
"...pero ang relong ito ay may nakaukit pa rin na pangalan ni Heneral Enriquez." Wika ni Caden habang hawak ang gintong relo ni Niño at napakunot naman ang noo ni Juliet nang maunawaan na ang sinasabi ng binata.