webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · Historia
Sin suficientes valoraciones
98 Chs

LXXVIII

Naglalakad-lakad si Fernan sa paligid ng barong-barong kung saan pansamantalang naninirahan si Niño at iba pang mga sundalo habang kani-kaniya ng ginagawa ang mga ito.

"Kuya Fernan!"

Agad na napalingon si Fernan at nakita ang nakababatang kapatid na si Manuel. Naka amerikana ito't puting polo at suot ang kaniyang bilugang salamin.

"Manuel, paano mo—"

"Ikakasal na si Binibining Juliet kay Angelito Custodio!" Sabi ng binata sa kuya na para bang nagsusumbong ito. Nanatiling walang imik si Fernan at inalis nalang ang tingin sa kapatid.

"Ba-Bakit—Alam mo ba ang tungkol rito??" Tanong ni Manuel na ngayon ay nakakunot na ang noo.

"Ito ang mas makabubuti kay Binibining Juliet." Tipid na sagot ni Fernan kay Manuel at akmang aalis na sana nang magsalita ulit ang huli.

"Ngunit mahal mo siya!"

Agad na napalingon si Fernan kay Manuel. Bakas ang pagkagulat sa ekspresyon ng mukha nito. Sobrang bilis ng kabog ng puso niya dahil sa narinig mula sa kapatid. Naging palaisipan sa kaniya kung paano nito nalaman ang tungkol sa bagay na iyon. Gayumpaman, pinilit niya ang sariling maging kalmado at humarap muli sa kapatid. Lumunok muna siya bago nagsalita.

"Wala na akong magagawa."

Walang ka-ekpresyon-ekpresyon sa mukha ni Fernan nang bitawan niya ang mga salitang iyon na nakapagpainit nang todo sa ulo ni Manuel. Paano nito nagagawang talikuran nalang ang dalagang iniibig? Paano nito nasisikmurang ipakasal ang dalagang kaniyang minamahal sa taong hindi naman nito gusto?

Bago tuluyang makatalikod sa kaniya ang koronel ay hinila ni Manuel ang kapatid at pinadapo ang kaniyang kamao sa mukha nito. Agad na napalingon ang mga sundalo sa kanilang koronel na bumagsak sa lupa at agad ding pinagtulungan si Manuel.

"T-Teka! Tumigil kayo!" Saway ni Fernan sa mga sundalo pagkabangon ngunit huli na ang lahat. Halos lahat ng sundalo ay nadapuan na ng kanilang kamao o paa ang kawawang binata.

Natigilan naman agad si Eduardo na kalalabas lang mula sa barong-barong at nanlaki ang mga mata nang makilala ang binatang nasa lapag. Agad itong lumapit kay Manuel at inalalayang tumayo ang binata.

"Anong ginawa niyo kay Ginoong Manuel?" Nagtatakang tanong ni Eduardo sa mga kasamahan pagkatayo nila ng binata.

"Sinuntok niya si Koronel Fernandez!" Sagot ng isa kaya naman agad na napatingin si Eduardo kay Fernan at nakita nga ang pasa sa mukha nito. Napatingin si Eduardo kay Manuel atsaka ibinalik ang tingin kay Fernan at lumingon sa kaniyang mga kasamahan. Napakunot na ang noo niya sa pag-iisip kung ano ang nangyari.

"Ilang segundo lang akong nasa loob..." Nasabi niya dahil gulung-gulo siya kung anong puwedeng nangyari sa sandaling pumasok siya sa barong-barong at paglabas niya'y nagkagulo na nang ganito ang lahat.

"Hayaan mo na. Iwan niyo na kami ni Manuel." Malumanay na wika ni Fernan at isa-isa na ring nag-alisan ang mga sundalo kasama na si Eduardo.

"Manuel? Si Manuel Fernandez ba ang binatang iyon?" Bulong ng isa sa mga sundalo habang palayo sila sa koronel at binatang pinagtulungan nila kani-kanina lang.

"Sa palagay ko..." Sagot ng isa.

"Manuel na kapatid ng koronel?!" Gulat at pabulong na tanong ng isa pa.

"Hindi ba tayo malintikan nito?"

"Huwag kayong mag-alala." Nalang ang nasabi ni Eduardo at tuluyan na nga silang nakalayo kung nasaan ang magkapatid na Fernandez.

"Ayos ka lang ba?" Lapit sana ni Fernan kay Manuel ngunit agad itong lumayo sa kaniya at binigyan siya ng masamang tingin.

"Kung wala kang gagawin, ako ang gagawa." Wika ni Manuel at agad na sumakay sa kaniyang kabayo at mabilis itong pinatakbo palayo.

'Saan naman pupunta 'yun?' Naisip ni Fernan na nakapagpakunot sa noo niya. Gayumpaman, minabuti na niyang sundan ang kapatid kaya agad din siyang sumakay sa kaniyang kabayo at pinatakbo ito nang mabilis upang masundan si Manuel.

Matagal hinanap ni Fernan si Manuel dahil hindi niya ito naabutan ngunit oras na ng kasal ay hindi pa rin niya ito nahahanap kaya naman minabuti nalang niyang dumiretso sa simbahan, nagbabakasakaling makita niya rito ang kapatid.

Pagkarating sa simbahan ay nakihalubilo si Fernan sa mga kakilala niyang panauhin sa kasal. Marami ang nagtatanong tungkol sa nangyari kay Heneral Enriquez at agad naman niyang iniiba ang paksa kapag napupunta na rito ang usapan. Hangga't maaari'y ayaw niyang magsalita tungkol dito dahil ayaw niyang mapasama lalo ang tingin ng mga tao kay Niño ngunit kailangan din niyang protektahan ang kaniyang pamilya.

Hindi nagtagal ay bumukas na ang pinto ng simbahan at nabato nalang siya sa kaniyang kinatatayuan nang makita ang tanging dalagang bumihag sa kaniyang puso. Hindi na niya naalis ang tingin sa natatanging ganda ng dalagang ikakasal na ngayon kay Angelito Custodio. Buong akala niya noon ay makikita niya ang dalagang minamahal na ikakasal sa kaniyang matalik na kaibigan ngunit ibang-iba ang nangyayari ngayon. Pinaghahanap ang kaniyang matalik na kaibigan na inaakusahan pang traydor at narito naman ang dalagang kaniyang minamahal, ikakasal na sa ibang lalaki.

Matagal na nakatayo lang sa tapat ng pintuan ang dalaga at ang ama nito ngunit kahit na gano'n ay nanatiling nakangiti ang lahat, hinihintay ang kaniyang paghakbang palapit sa mapapangasawa. Nang pahakbang na nga ang dalaga ay nagulat ang lahat nang imbis na papunta sa altar ay paatras ito at 'di nagtagal ay nagmamadaling tumakbo palayo. Nagulat ang lahat. Unti-unting dumami ang mga nagbubulungan kaya kinuha na ni Fernan ang pagkakataon. Pasimpleng umalis si Fernan sa simbahan at dali-daling sumakay sa kaniyang kabayo't sinundan ang dalaga.

Nang medyo bumagal na sa pagtakbo si Juliet ay minabuti na ni Fernan na medyo dumistansya upang hindi siya agad mapansin nito. Hindi rin naman nagtagal at huminto na ito at umupo sa lapag. Napagtanto ni Fernan na naiinis ang dalaga sa sarili dahil sa kaniyang sariling desisyon kaya naman bumaba na siya at lumapit dito.

"Huwag mong saktan ang sarili mo." Wika ng binata nang hawakan ni Juliet ang kaniyang sariling buhok dahil sa pagkairita. Agad namang napalingon ang dalaga at nanlaki ang mga mata nang mapagtantong si Fernan ang nasa harap niya ngayon.

"F-Fernan..." Nasabi ni Juliet nang makasigurong si Fernan nga ang nasa harap niya.

Yumuko si Fernan upang maging magkasing-taas sila ni Juliet at inilahad niya ang kamay niya sa dalaga. Hindi naman nagdalawang-isip si Juliet kunin ang kamay ng binata at tinulungan siya nitong tumayo. Pagkatayo ni Juliet at napansin niyang napatingin si Fernan sa mga paa niya ngayong walang anumang pantapal at nagulat nalang siya nang buhatin siya sa likod nito.

"A-Ayos lang ako—"

"Kumapit ka nang mabuti, binibini." Putol ni Fernan sa dalaga at nagsimula nang maglakad.

Buhat-buhat ni Fernan si Juliet sa kaniyang likod kaya naman sa dalaga niya pinahawak ang tali ng kabayo kaya naglalakad din ito sa likod nila.

"Saan tayo pupunta? At bakit hindi nalang tayo sumakay sa kabayo?" Tanong ni Juliet.

"Nais kong maglakad kasama ka ngunit wala ka sa sitwasyon upang maglakad kaya ako na rin ang maglalakad para sa'yo." Sagot ni Fernan habang patuloy lang sa paglalakad.

"Isang tanong ko lang ang sinagot mo." Sabat ni Juliet.

"Gusto mo bang makita si Niño?"

Natigilan si Juliet nang marinig ang pangalan ni Niño. Marinig palang ang pangalan ng binata ay sapat na upang bumilis ang tibok ng puso niya kaya naman hindi na siya nakasagot pa.

Napatingin nalang siya sa buhok ni Fernan na maayos na nakasuklay na nasa tapat ng mukha niya ngayon. Pasimple niyang inilapit ang ilong niya dito at inamoy ang buhok ng binata na ikinatuwa niya.

'Ang bango naman ng buhok nito' isip niya habang patuloy na inaamoy ang buhok ng binata kaya naman napakunot ang noo ni Fernan nang maramdaman ang ilong ng dalaga sa ulo niya.

"Inaamoy mo ba ang buhok ko?" Tanong ni Fernan na nakapagpagulat kay Juliet. Sa sobrang gulat ay muntik na siyang mahulog mula sa pagkakabuhat ni Fernan sa kaniya dahil masyado niyang nilayo ang sarili niya sa binata sa sobrang hiya.

"H-Hi--Hindi ah..." Tanggi agad ni Juliet at inayos naman siya ni Fernan sa likod nito.

"Oo na, hindi na. Umaayos ka na ng kapit, binibini." Natatawa nalang na sabi ni Fernan at nagpatuloy na sa paglalakad.

"Bakit ka pala tumakas?" Simula ni Fernan ng usapan.

Napahinga nang malalim si Juliet bago sumagot. "Hindi ko rin alam..."

"Alam mong malaking gulo ito, hindi ba?" Tanong ni Fernan.

"Oo..."

Napabungong-hininga nalang si Fernan.

"Teka, bakit mo ako dadalhin kay Niño?" Tanong ni Juliet.

"Wala ka naman ibang mapupuntahan na hindi pamilya mo kundi si Niño." Sagot ni Fernan.

"Hindi ako naniniwala." Sabat ni Juliet. Napatigil si Fernan sa paglalakad.

"Alam kong si Niño lang ang makakapagkumbinsi sa iyong mas makabubuti sa iyo ang ikasal kay Angelito kaya kita dadalhin sa kaniya." Amin ni Fernan atsaka muling naglakad.

"Hindi ko naman sinadyang tumakas..."

"Hindi mo pa sinadya ang pagtakas sa lagay na ito ah?" May pagka-sarkastikong tonong sabi ni Fernan kaya naman napasimangot ang dalaga.

"Natakot lang ako..."

Napalingon si Fernan sa dalaga kahit pa hindi naman niya ito nakikita dahil nasa likod niya ito. "Saan?"

"Na hindi ko na muling makikita si Niño pagkatapos nito." Pag-amin ng dalaga kaya natahimik si Fernan.

Hindi niya alam kung matutuwa siya bilang kaibigan ni Niño dahil mahal na mahal nga ito ni Juliet o masasaktan dahil nga mahal na mahal ng dalagang kaniyang minamahal ang kaibigan niya.

"Kahit isang beses nalang..." Sambit ng dalaga.

"Gusto ko siyang makita... mahawakan... at makausap..."

"...kahit sa huling pagkakataon nalang."

Naramdaman ni Fernan ang pagtulo ng luha ng dalaga sa leeg niya kaya naman napahinto siya. Agad na humingi ng pasensya ang dalaga nang mapagtantong natuluan niya ng luha ang binata ngunit tuloy lang sa pagkuha ng panyo sa kaniyang bulsa si Fernan at inabot ito kay Juliet atsaka nagpatuloy sa paglalakad.

Ginamit nga ni Juliet ang panyo pamunas sa luha niya atsaka napansin ang magandang burda ng 'Fernan Fernandez' sa puting panyong ito.

"Si Pia ba ang nagburda nito?" Tanong ni Juliet kaya napatingin si Fernan sa panyo at napangiti.

"Oo." Sagot ng binata at ibinalik ang tuon sa daan.

Sandali pa silang naglakad at natanaw na ni Fernan ang barong-barong kung nasaan si Niño at iba pang mga kasamahan. Malayo-layo pa ngunit nais na niyang ipakita sa dalaga ang barong-barong kaya naman tinawag niya ang dalaga.

"Doon—" Ituturo na sana ni Fernan kay Juliet ang barong-barong nang makarinig sila ng sunud-sunod na palitan ng putok ng baril. Agad na ibinaba ni Fernan si Juliet at yumuko sila pareho.

"Dito ka lang." Mabilis na sabi ni Fernan at naglakad palapit sa barong-barong habang nakayuko nang mabuti. Tinanaw niya ang barong-barong at nakita ang ilang mga sundalo nila at ilang sundalo ni Aguinaldo. Agad na bumalik si Fernan kay Juliet at isinakay ito sa kabayo.

"T-Teka, anong nangyayari?" Bulong ni Juliet.

"Yumuko ka lang at huwag na huwag kang hihinto. Alam niya kung saan ka niya dadalhin." Sagot ni Fernan at hinampas ang kabayo kaya tumakbo na ito.

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts