Juliet
Nakarinig na naman ako ng katok sa pinto pero hindi ko pinansin. Siguro si Adelina o kung sinumang magdadala ng pagkain ko ngayon.
Halos isang linggo o mahigit na rin siguro akong parang nababaliw na hindi ko alam. Una, hindi ko na alam kung anong nangyari kay Niño. Wala na akong narinig pa mula sa kaniya simula nang gamutin ko siya nung huling gabi na nakita ko siya. Simula rin nun, hindi ko pa nakikita sila Fernan o Andong kaya nababaliw na ako sa kakaisip kung ano na ang nangyayari sa kanila ngayon.
Pangalawa, hindi pa rin kami nag-uusap ng pamilya ko simula nang mag walk-out ako nung last breakfast sana na magkasama kami kaya naman wala na rin akong balita kung anong nangyayari ngayon sa mga Enriquez at kung okay pa ba ang pamilya namin sa kanila pero isang bagay ang sigurado ako—wala na talagang kasal na magaganap sa amin ni Niño. 'Yun ang huling balita sa akin ni Caden bago siya umalis para hanapin 'yung mga relong pinaghahanap niya at ang masaklap pa, hindi ko pa siya kinausap nang maayos nun dahil nga nababaliw na ako. Ghad! Juliet, get your shit together! Kaloka ka!
Pangatlo, gusto akong ipakasal nila Ama kay Angelito Custodio. Kaloka, 'di ba? Boss ko dati sa pagamutan tapos mapapangasawa ko? What a small world! Grabe, mababaliw na talaga ako sa mga nangyayari! Although sabi ni Caden kung tama ang pagkakaalala ko, malaki raw ang tulong ni Angelito kapag kinasal ako sa kaniya dahil malalayo na sa suspicions ang pamilya namin dahil wala na talagang relation sa mga Enriquez. Pero hindi pa rin ako makapaniwala na ganun kabilis naisipan ni Ama na ipakasal nalang ako ulit kung kanino after ni Niño. Ganito lang ba silbi ko rito? Ipapakasal lang kung kanino para mailigtas ang pamilya? Wala na ba akong ibang kwenta?
Nakarinig na naman ako ng katok sa pinto na nakapagpa-irita lalo sa akin kaya naman padabog akong naglakad papunta roon.
"Ayoko ngang kumain at bukas naman 'to bakit ka pa ba kumaka—" Halos mapanganga ako nang makita si Fernan. Nakailang kurap ako para makasigurong hindi ako namamalik mata at totoo nga, si Fernan nga. Nakablue na uniform siya, maayos na nakasuklay ang buhok, at iyon pa rin ang malalalim niyang titig na nakakalunod titigan.
Sa sobrang daming emotions, nayakap ko nalang siya at hindi ko alam bakit naluha nalang ako habang nakasubsob ang mukha ko sa dibdib niya. Parang sobrang tagal na simula nang magkaroon ulit ako ng kakampi sa lugar na 'to kahit na linggo palang yata nang huli kaming magkita.
Naramdaman kong yumakap siya pabalik at 'yung warmth ng yakap niya... ewan ko. Pakiramdam ko okay na ang lahat. Nang tumingala ako para makita siya, nakita ko ang pag slight curve ng mga labi niya at sandali siyang naghesitate bago hawakan ang mukha ko at pinunasan ang mga luha ko.
"Tahan na," Malumanay na sambit niya na nakapagpalambot sa puso ko na gusto ko na namang umiyak.
Kumalas na ako sa yakap at inayos ang sarili ko. "Sor—pasensiya na."
Pumasok na ulit ako sa kwarto at sinenyasan siyang pumasok na rin. Grabe, mukhang wala talaga siyang balak pumasok hangga't hindi ko sinasabihan. Iba rin talaga manners ng taong 'to huhu.
"Ilang araw ka na raw hindi kumakain." Sabi niya pagkahakbang papasok sa loob ng kwarto ko.
"Hindi totoo 'yon. Kumakain kaya ako ng tinapay." Sagot ko at naglakad papunta sa terrace. Sumunod naman sa akin si Fernan.
"Anong nangyari? Hindi ba kayo nahuli? Pero andito ka naman ngayon so... malaya ka naman, 'di ba?" Tanong ko.
"Hindi kami nadamay dahil mag-isa lang namang pumunta si Niño noon at ang dahilan nila ay tinangka ni Niñong patayin ang kasamahan naming sundalo kaya naman hindi nila mapalabas na may kinalaman kami dahil wala naman kami nang mangyari iyon." Sagot ni Fernan at napatangu-tango nalang ako.
Naalala ko sabi ni Adelina ang kumakalat daw na bali-balita ay napikon daw si Niño sa kasamahan niya kaya tinangka niyang patayin 'yon. Grabe, 'di ba? Mag-iimbento nalang ng kwento, ang wala pang sense dahil first of all, hindi naman pikon si Niño at alam din ng mga tao sa bayang 'to na hindi siya ganoong klaseng tao.
"Binibini," Tawag ni Fernan kaya napalingon ako sa kaniya. Nakapatong ang elbow niya sa railings habang nakatingin sa akin.
"Pumayag ka nang magpakasal kay Angelito."
Parang biglang tumigil sa pag-ikot ang mundo ko nang marinig ko ang mga salitang 'yon mula kay Fernan.
"P-Pati ba naman ikaw?" Sabi ko at napailing-iling nalang dahil sa disbelief.
Tuwing pinipilit ako ni Adelina kumain, cino-convince rin niya akong magpakasal na kay Angelito para maging maayos na raw ang lahat kaya nga pakiramdam ko wala na akong kakampi at ngayong nandito si Fernan na akala ko kakampi ko, tinutulak din niya ako kay Angelito?!
"Alam kong hindi madali ngunit ito lang ang paraan para mailigtas ka, para mailayo ka sa gulo." Sabi niya at hinawakan ang kamay ko.
"Ito rin ang gusto ni Niño."
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang pangalan ni Niño.
"N-Niño? Kamusta siya? Gising na ba siya? Asan siya?" Tanong ko at mas lumapit si Fernan sa akin.
"Nasa mabuting kalagayan na si Niño at bumalik na ang lakas niya. Sa katunayan ay... pinangungunahan na niya ang rebolusyon laban kay Aguinaldo at mga Amerikano." Mahinang sagot ni Fernan.
"Re--Rebolusyon? Paano niyo gagawin 'yun? Ang dami niyong kalaban." Sabi ko.
"Akala ko rin noong una ay imposibleng kalabanin ang kalaban at sariling kakampi ngunit marami ang umanib kay Niño sa kabila ng mga hindi magandang paratang sa kaniya ng mga sundalo ni Aguinaldo."
Wow. Ngayon gets ko na kung bakit threatened itong si Aguinaldo kay Niño. Lakas pala talaga ng hatak eh.
"Pero Fernan, hindi ko gustong magpakasal kay Angelito." Sabi ko.
"Ito lang ang paraan upang mailayo ka sa gulong magaganap, binibini."
"Pero paano kung ayaw kong malayo sa gulo? Paano kung ayos lang naman sa akin madawit? Please, Fernan." Sabi ko at mukhang hindi na alam ni Fernan ang isasagot nang nakaisip ako ng idea.
"Bakit hindi nalang ikaw?" Tanong ko na ikinagulat ni Fernan.
"Ayos lang naman kung sayo ako ikakasal, 'di ba?" Tanong ko.
Napansin kong medyo namula si Fernan at nakailang lunok bago nakahanap ng isasagot sa akin. "P--Pasensiya na ngunit hindi maaari, binibini."
"Ha? Bakit naman?" Agad na tanong ko.
"Hindi magtatagal ay malamang makakahanap na rin sila ng paraan upang madispatya kami kaya hindi ligtas na sa akin o kay Andong ka masangkot. Mahigpit na binabantayan ang mga Fernandez at Hernandez ngayon na ni hindi makaalis ng bansa si Kuya Jose papuntang Espanya maski sina Pia at Alejandro. Ganoon din ang pamilya niyo, binibini kaya nais kang ipakasal ni Don Horacio kay Angelito Custodio sa mas lalong madaling panahon." Sagot ni Fernan.
So... wala pala talaga akong choice kundi magpakasal kay Angelito huh?
"At oo nga pala, binibini. Pupuntahan ka ni Niño mamaya. Huwag mong isasara ang pintuang ito." Hawak ni Fernan sa pintong katabi niya ngayon.
Bigla namang bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig na makikita ko na ulit si Niño. At hindi ako makapaniwala na kailangan ko nang magpakasal sa iba pero parang kahapon lang sa kaniya dapat ako ikakasal... sa kaniya at hindi kay Angelito.