Juliet
Natigil ako sa pagtitig sa mga puno nang marinig kong bumukas ang pinto ng terrace kung nasaan ako. Nakita ko si Caden at tumabi siya sa akin, pinatong din ang elbow sa railings ng terrace.
"Ayos ka lang ba?"
Napalingon ulit ako sa kaniya nang magtanong siya. "Nababasa mo naman ang iniisip ko, bakit hindi mo alam?"
Nagkibit-balikat siya. "Malay ko ba kung pareho lang ang tumatakbo sa utak mo at nararamdaman mo."
Binalik ko nalang ang tingin ko sa magandang lupain ng Hacienda Cordova at pinagmasdan ulit ang mga punong nagsasayawan gawa ng ihip ng hangin.
Sa totoo lang... hindi ko na rin alam kung ayos pa ba ako.
Alam kong hindi permanente 'tong katahimikan na nararanasan namin ngayon at hindi ko alam kung paano pipigilan ang gulong darating dahil sa totoo lang... hindi ko na talaga 'yon magagawang pigilan pa.
"Nagbago ka simula nang umalis ka. Pagbalik mo rito mula sa labanan ay ibang Juliet Cordova na ang sumalubong sa amin... sa akin." Sabi ni Caden.
Nanatili akong nakatitig sa mga puno. "Sabi ni Andong, walang masama sa pagbabago... lalo na kung makabubuti ito sa nakararami."
"Makabubuti ba sa nakararami ang pagbabago mo?" Agad na tanong ni Caden.
"W-Well..." Humarap ako sa kaniya. "Wala naman akong malaking role na gagampanan sa history kaya... siguro nga walang sense ang pagbabago ko."
Nakita ko ang pagkunot ng noo niya atsaka siya humakbang palapit sa akin. "Alam mong ikaw ang dahilan kung bakit humihinga pa rin hanggang ngayon si Niño Enriquez, 'di ba? Alam mong ang pagpunta mo rito ang dahilan kung bakit buhay pa rin si Niño Enriquez?"
"Oo pero wala namang halaga 'yun. Hindi naman 'to masusulat sa kasaysayan, hindi naman 'to malalagay sa mga history books—na may babaeng nagtime-travel at naligtas ang isang heneral sa nakatakda nitong kamatayan—at hindi pa nga ako sigurado kung magtatagal pa na buhay si Niño dahil kapwa na niya sundalo ang gustong pumatay sa kaniya."
"Hindi mahalaga kung ano ang nakasulat sa hindi, Juliet. Ang mahalaga ay kung ano ang kalalabasan nito at ikaw lang ang makakapagbago no'n. Sa'yo nakasalalay ang huling pagkakataon na ibangon ang Pilipinas." Sagot ni Caden habang nakatitig sa mga mata ko. Naramdaman ko ang kamay niya sa braso ko kaya napatingin ako roon at binalik ang tingin sa kaniya.
"Hindi ka isang pagkakamali, Juliet. Ipinanganak ka sa mundong ito dahil mayroon kang misyon at layunin na kailangang gampanan. Dahil sa ilang libong taon ko na sa mundong 'to, hindi pa ako nakakilala ng isang taong walang mahalagang gagampanan sa bawat siglo. Lahat ng pangyayari'y magkakaugnay."
"Caden... ano ba talaga ang purpose ng pagpunta ko rito? Nung una sabi mo aksidente lang, walang magbabago sa kasaysayan tapos naging walang aksidente, may rason kung bakit ako napunta rito. Tapos ngayon may misyon at layunin na ako bigla?? Ano ba talaga ang kailangang mangyari, ang dapat mangyari, at kailangan kong gawin?!" Frustrated sabi ko dahil naguguluhan na talag ako sa lahat.
Mas nainis pa ako nang makita ko ang pagkurba ng labi ni Caden na para bang nang-aasar pa siya.
"Tingin mo ba'y pumunta ako rito kasama ka na may hawak na script kung saan nakalagay ang bawat kilos na kailangan mong gawin, bawat salitang kailangan mong bigkasin, at bawat bagay na kailangan mong tapusin? Pumunta lang ako rito para hanapin ang mga kasama nito." Napatingin ako sa relo na kinuha niya mula sa bulsa ng coat niya. Ito 'yung relo na nahulog niya at dahilan ng pagkapunta ko rito sa past. Kulay bronze na pocket watch na may mahaba pang lace na iniikot niya ngayon sa palad niya.
"Tatlo lang ang ganitong relo sa buong mundo; ito, isa pang kulay pilak, at isang kulay ginto. Ninakaw ito ng isa sa mga diyos upang ayusin ang pagkakamaling ginawa niya pero nang malaman na sa mortal lang gumagana ang mga kahilingang binibigay nito, pinagtatapon nalang niya 'to kung saan-saan. Sa taong 'to nagkataong nagkasama ang pilak at ginto sa Pilipinas kaya naman sa taong 'to ako bumalik para hanapin sila."
"Teka, so... 'yung mga relo lang talaga 'yung pinunta mo rito? Hindi mo talaga alam na masasama mo ako?"
"Juliet, kung ikaw ang nasa posisyon ko... kailangan mong maghanap ng dalawang relo na malamang ay maraming kamukha't kapareho at hindi mo pa alam kung nasaang bahagi ng Pilipinas mo sila hahanapin, magsasama ka pa ba ng sakit sa ulo?"
Agad ko siyang hinampas nang tawagin niya akong sakit sa ulo at agad naman siyang natawa kaya natawa na rin ako. Pang-asar talaga 'to eh!
"Pero... paano mo nalaman na may misyon ako kaya ako nandito?"
"You know, Juliet... the one who gives us chances doesn't say anything. He'll never say a word. He just gives signs and it's up to us to interpret these signs so that's what I do, I interpret the signs and they serve as my guide."
Halos mapanganga ako sa amazement nang mag-English si Caden. Hindi naman 'to 'yung first time na nag-English siya pero nakakatulala talaga kapag nag e-English siya dahil ang ganda ng diin sa mga salita kapag sa kaniya galing.
Napailing-iling ako para mabalik sa katinuan. "P-Pero... paano mo nasabing malaki ang role ko?"
"Binabago mo ang kasaysayan, Juliet. Hindi ba malaki 'yon sa'yo?"
"I mean—paano ka nakakasiguro?"
"May punto ka. Minsan, maaaring mali ang pagkaka-intindi ko sa mga nais Niyang ipahiwatig pero sa pagkakataong 'to, hinayaan Niyang masama kita rito at dahil dito ay naligtas si Niño Enriquez sa kamatayan hindi lang isa kundi dalawang beses. Naisip ko... bakit naligtas si Niño Enriquez? Bakit nagbago ang kasaysayan para mailigtas si Niño Enriquez? Ano ang mayroon kay Niño Enriquez? At doon ko napagtanto na maaaring isa itong pagkakataon na ibinibigay Niya dahil maaaring si Niño Enriquez ang makakapagpabago sa kahihinatnan ng bansang ito. At hindi niya magagawa 'yon kung wala ka, Juliet."
"Kaya ba tinatanong mo ako dati kung anong klaseng tao si Niño? Gusto mo bang i-point-out noon na huwag akong mag-alala dahil hindi pwedeng mamatay si Niño dahil kailangan pa siya sa pagbabagong 'to... dahil meron pa siyang mas malaking role na gagampanan?"
"Maaaring oo, maaaring hindi." Sagot niya kaya kinurot ko siya.
"Aray!" Daing niya.
"Ayos kasi!" Reklamo ko.
"Hindi ko naman alam kung ano ang kahihinatnan nito, Juliet. May iba rin akong misyon kaya ako napunta rito at kailangan ko rin magawa 'yon dahil bilang na ang mga araw natin sa taong 'to."
"Ha? Bilang na? Hindi pwede!" Protesta ko.
"Sinabi ko naman sa'yo simula palang na matagal nang naka-ayos ang pagpunta at pag-alis ko rito kaya wala nang makakapagpabago nito pero noong sinabi mong gusto mong makaalis agad dito, edi humanap ako ng paraan para mapaaga ang alis natin tapos ngayon ayaw mo na naman? Wala na. Final na 'to."
"'Yan din naman 'yung sinabi mo tungkol sa kasaysayan ah! Oh, ano na? Nagbabago na, 'di ba?"
"Iba ang relong ito. Tingin mo ba may pakialam ito kung natapos natin o hindi ang misyon natin dito?"
Natahimik nalang ako nang marealize ang sinagot ni Caden. Ano nga namang pakialam ng relo sa misyon at kailangan naming gawin dito, 'di ba?
"Juliet," Napalingon ulit ako kay Caden nang marinig ang malumanay na pagtawag niya sa pangalan ko.
Nang magtama ang mga tingin namin ay dumapo ang palad niya sa pisngi ko. "Huwag kang mag-alala. Magagawa natin ang misyon natin." Sabi niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.
Bahagya siyang ngumiti bago ako bitawan at lumabas ng kwarto ko. Natahimik ako sandali atsaka naisip na... tama si Caden. Magagawa namin ang misyon namin!