Sa totoo lang, noong nakita palang ni Yang Sisi na sinusulat ni Xu Jiamu ang
"Song Xiangsi" sa papel imbes na ang pangalan niya, gustong gusto niya ma
talagang umiyak.
Aminado siya na nahulog na din talaga siya rito, kasi sino ba namang hindi
mamahalin ang isang Xu Jiamu na sobrang mabait at maalaga.
Kaya habang pinagmamasdan niya ito noong sinusulat nito ang mga salitang
"Song Xiangsi" pakiramdam niya ay parang sinasaksak ang puso niya.
Sobrang nagalit siya noong nalaman niyang ginamit nito ang birthday ni Song
Xiangsi sa lahat ng passcode nito.
Bilang babae, nasaktan siya noong nalaman niyang substitute lang siya.
Pero pagkatapos niyang pakinggan ang tunay na kwento, kusang humupa ang
galit at sakit.
Sa totoo lang, hindi siya kinilig sa kwento nina Xu Jiamu at Song Xiangsi, dahil
kumpara sa kwento nina Lu Jinnian at Qiao Anhao - na mula pagkabata
hanggang sa pagtanda ay walang ibang ginawa kundi makipaglaban sa
pagmamahal - ano ba naman ang kwento ng mga ito?
Pero aaminin niya na sobrang natuwa siya sa katapatan nito… Oo masakit,
pero mas mabuti na ito kaysa habambuhay nitong pagtakpan ang
katotohanan… Isa pa, kahit kailan, hindi niya naramdaman na tinignan siya
nito ng mababa kahit pa alam nitong mahirap lang siya.
At kahit alam nitong masasaktan siya, naglakas loob pa rin ito, para patunayan
sakanya na nirerespeto talaga siya nito.
Kaya kung tatanungin kung malungkot ba siya? Oo.. Pero konti lang.
Sa puntong 'to, alam ni Yang Sisi na wala na ring magagawa kung iiyak o
magwawala sa harapan ni Xu Jiamu, kaya para matapos na rin ang lahat,
huminga siya ng malalim at nakangiting nagpatuloy, "Jiamu, kahit na medyo
malungkot ako na naghiwalay tayo, masaya ako na hindi ka nagsinungaling
sakin.
"Diba nga may kasabihang, 'easy come, easy go'? Pero bago tayo tuluyang
maghiwalay, pwede bang kumain muna tayo?"
-
Hindi tumanggi si Xu Jiamu sa huling request ni Yang Sisi, kaya pagkarating
nila sa siyudad, dinala niya ito sa pinaka masarap na restaurant para
mananghalian.
Alas tres na noong matapos silang kumain… oras na para maghiwalay... kaya
pagkalabas nila ng restaurant, kalmadong nagtanong si Xu Jiamu, "Saan ka
pupunta? Hatid na kita."
"Ayos lang." Natatawang sagot ni Yang Sisi.
Hindi na nagpumilit si Xu Jiamu at pinara nalang ito ng taxi, pero bago
pumasok si Yang Sisi, bigla itong huminto. "Makikipagbalikan ka ba kay Song
Xiangsi? Hindi ba nakakalungkot naman kung pakakawalan mo nalang siya?"
'Makipagbalikan…' Natawa nalang si Xu Jiamu sa narinig niya pero pinilit niya
pa ring ngumiti at sumagot, "Babalik na siya sa America bukas."
Bagamat kalmado lang itsura ni Xu Jiamu, kitang kita ni Yang Sisi ang lungkot
sa mga mata nito.
"Hiniwalayan mo na ako, bakit ayaw mo pang makipagbalikan sakanya."
Sa pagkakataong ito, hindi kaagad nakasagot si Xu Jiamu. "….Kasal na siya."
'Kasal? Ibig sabihin… Kahit alam ni Xu Jiamu na hindi na niya pwedeng
mabawi si Song Xiangsi, ayaw niya pa ring maghanap ng iba?'
'Pero trenta palang siya… malayo pa sa kamatayan… ibig sabihin… mas
gugustuhin niya pang tumandang binata nalang kaysa magmahal ng iba, tama?
Nakakalungkot naman…'
"Anong plano mo?"
Para sa tanong na ito, tumingala lang si Xu Jiamu sa kalangitan at hindi na
sumagot.
'Plano? Kahit siya, hindi niya rin alam….'
-
Kahit na tinanggap kaagad ni Yang Sisi ang pakikipaghiwalay ni Xu Jiamu,
masakit pa rin ito para sakanya, kaya pagkasakay na pagkasakay niya ng taxi,
tuluyan na siyang humagulgol.
Nakakatawa lang kasi isang buwan lang naman silang magkakilala, kaya bakit
ba siya nasasaktan?