webnovel

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)

TaongSorbetes · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
24 Chs

Chapter 1

Chapter 1 - Suntok ni Da Kwin

SINO kaya ang babaeng ito? Ito kaagad ang paulit-ulit na tanong na pumasok sa isip ni Richard. Nagulat na lang siya kanina nang may mahawakan siyang malambot na bagay. Ang hindi niya alam, dibdib pala ito ng isang babae. Halos pumaga na nga yata ang pisngi niya dahil sa mga sampal na inabot niya mula rito. Kanina pa nga rin itong nagtata-talak... Isa raw itong prinsesa ng kung saang kaharian at halos ibaon na rin siya sa lupa kung siya'y laitin nito.

"Lapastangang lalaki! Ano'ng lugar na ito? Bakit hindi ito maatim tingnan ng aking mga mata? Napakapangit at napakarumi!"

Napapaisip tuloy si Richard kung dapat ba niyang sakyan ang kahibangan ng tila baliw na babaeng nasa harapan niya? Baka siya raw naman ang mapunta sa mental 'pag pinatulan niya ito, kaya naisip na lamang niya itong paalisin.

"Ito ang kaharian ko," sabi niya na pilit pinatitikas ang boses. "Siguro naman ay masaya ka na? O sige. Umuwi ka na at mukhang 'di ka nababagay rito."

"Dalhin mo ako sa palasyo ng hari niyo. Alam kong nagsisinungaling ka. Isa akong prinsesa kaya hindi mo ako malilinlang. Alipin!" iritadang sagot naman sa kaniya ng dalaga. Medyo naasar nga lang siya nang sabihin siyang alipin nito.

"Oo na! Alam ko na kung saan kita dadalhin. Hintayin mo ako. Magbibihis lang ako." Pumasok siyang muli sa loob ng kaniyang bahay at nagbihis. Naisipan niyang dalhin ito sa barangay hall para hindi na siya mamroblema.

"Anong arte..." bulong niya habang tinitingnang maglakad ang kasama niyang parang paparada sa Santacruzan dahil sa suot nito. Iritadang-iritada rin kasi ito sa paglakad sa medyo maputik na lupa sa lugar. Pinagtitinginan na nga rin sila ng mga nakakakita sa kanila.

"Saan mo ba ako dadalhin? Magdahan-dahan ka at narurumihan ang sapatos kong yari sa balat ng puting ahas! Humanda ka 'pag nakauwi ako ng Florania..."

"Ipapapugot ko ang ulo mo!" dagdag pa ng dalaga at napailing na lamang siya sa mga naririnig.

"Alipin! Mabaho! Hampas-lupa!" Akala ni Richard ay wala nang sasabihin ang kaniyang kasama pero mali pala siya. Dahil din sa kaniyang narinig kaya naisipan na lamang niyang iwanan ang babaeng animo'y baliw dahil sa mga sinasabi.

"Bahala ka na! May tililing!" sabi pa niya rito.

"Ano ang iyong sinabi? Tililing?" sagot naman sa kaniya nito at pagkatapos noon ay iniwanan na niya ito. Mangangalkal na rin kasi siya ng basura upang may panggastos siya sa maghapon.

Nang makapagpalit siya ng damit niyang pang-trabaho ay agad siyang nagpunta sa malaking tambakan ng basura na nasa lugar nila. Marami siyang kakompitensya kaya kailangan niyang magmadali pero sa kaniyang paglalakad ay nakita niya ang baliw na babaeng kanina'y kasama niya. Hindi na niya sana ito papansinin, pero nakita niyang kasama pala nito ang isa sa mga adik sa lugar nila. Mukha rin itong naka-droga at maraming beses na rin itong nakulong pero nakakalaya pa rin. Minsan na rin itong naakusahan ng rape pero hindi nakulong.

"Masama ito..." bulong niya habang pinagmamasdan ang baliw para sa kaniya na dalaga. Maganda at maputi kasi ito, mapanlait nga lang. Sigurado siyang may masamang mangyayari rito kaya agad niyang nilapitan ang dalawa.

"Pareng Asiong..." Agad naman siyang nilingon nito na pangisi-ngisi at pupungay-pungay pa ang mata.

"Oh... P'reng Richard... B-bakit?" sabi nito sa akin. Naamoy niya rin kaagad ang amoy-alak niyang katawan at mukhang lasing na. Inginuso pa nga nito sa kaniya ang babaeng kasama nito. Ang sama rin kaagad ng tingin ng dalaga sa kaniya.

"Pare... Kaibigan ko 'yan. Kanina ko pa ngang hinahanap..." sabi niya rito. Ito namang si Asiong... Paniwalang-paniwala kaagad sa kaniya. Ang bilis maniwala kumbaga.

"N-naku... Pasensya na." Pipikit-pikit pa ang mga mata nito. Kinuha naman kaagad ni Richard ang dalaga at napansin pa niya si Asiong na inamoy-amoy pa ito. Manyakis talaga, naibulong na nga lamang niya. Nagtataka nga lang siya dahil ang tahimik na ng babaeng kanina lang ay halos marindi siya. Balak pa nga sanang sumunod nito sa adik na si Asiong, pinigilan lang niya.

"Nag-iisip ka ba? Adik 'yon!" sabi niya sa dalaga.

"Kailangan kong sumama sa kaniya. Isa raw siyang heneral at alam daw niya ang dapat tahakin patungong Florania." Napakamot ng ulo na lamang siya nang marinig ito mula sa dalaga. Gusto niyang matawa na hindi dahil mas pinaniwalaan pa raw nito si Asiong kaysa sa kaniya. Napagdesisyunan na rin niyang siya na muna ang bahala rito. Babae pa rin daw ito kahit may sira sa ulo at isa pa'y baka raw mapahamak pa ito. Dinala niya ito sa barangay hall. Nagtataka nga pa rin siya dahil hindi na siya binubungangaan nito.

Sa loob ng barangay hall, tinanong ng Kapitan ang dalaga sa impormasyon tungkol sa sarili nito pero ang sagot nito ay puro hindi kapani-paniwala. Prinsesa raw ito sa Florania. Nagmamataas pa nga ito sa pagsagot.

"Ituro niyo na sa akin ang daan patungo sa Florania. Bibigyan ko kayo ng gantimpala sa oras na makauwi ako." Napapailing na lang sila dahil sa mga naririnig. May sira nga raw yata talaga sa ulo ang dalaga.

"S'ya, sige Kap'. Kayo na po ang bahala," sabi ni Richard na mukhang aalis na ng barangay hall na napapatawa. "Ipagtanong n'yo rin po kaya sa mental!"

"Hampas-lupa! Ano 'yong mental?" sabat naman ng dalaga at pigil silang natawa.

"L-lugar iyon para sa mga prinsesang tulad mo." Nagtawanan sila sa sinabi ni Richard at pagkatapos noon ay umalis na siya.

Magtatanghali na nang umuwi si Richard mula sa pangangalkal ng basura. Nakangiti siya dahil naka-250 pesos siya mula rito. Bihira lang kasi niya itong kitain sa loob ng kalahating araw. Pakiramdam tuloy niya ay swerte siya ngayon. Bumili na rin siya ng pagkain dahil wala pa siyang agahan. Laking-gulat nga lang niya nang makitang bukas ang pinto ng kaniyang bahay.

"Tangina! Nanakawan yata ako," biro niya sa sarili habang papasok sa maliit at tagpi-tagpi niyang bahay. Subalit napamura lalo siya nang isang babae ang makita niya sa loob.

"Mabuti at dumating ka na. Kanina pang kumakalam ang aking sikmura. Ipaghanda mo ako ng makakain!" utos kaagad sa kaniya ng babaeng baliw na dinala niya kanina sa barangay hall. Nakaupo pa ito na tila señora.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ni Richard.

"Bumalik ako dahil sa ako'y pinagtatawanan ng mga opisyales ng kahariang ito. Mga wala silang silbi!" seryoso namang sagot ng dalaga sa kaniya. Natatawa na nga lamang siya.

"Eh saan ka ba talaga galing?" tanong ni Richard, naisipan niyang tanong-tanungin ito.

"Sa Florania at natitiyak kong hindi mo alam ang daan patungo roon." Napailing na lamang si Richard sa narinig. Saan nga naman daw niya hahanapin sa Pilipinas ang kahariang iyon.

"Saan mo na balak tumigil ngayon?" tanong pa niya.

"Pansamantala ko munang pagtitiyagaan ang pangit mong tirahan. At gusto ko ay pagsilbihan mo ako!" Napanganga na lamang si Richard sa narinig. Ayaw pa niyang pumayag pero sa huli ay napapayag na rin siya.

"Pambihirang buhay ito..." Napakamot na lamang siya sa ulo nang oras na iyon.

* * * * *

"Nakakain ba talaga ito?" tanong sa kaniya ng dalaga habang pinagmamasdang maigi ang nakalagay sa tasa na nasa harapan niya.

"Ano ngang tawag dito? Mo-model?" Napahagalpak na lamang si Richard ng tawa dahil doon.

"Nu...dels! Noodles! Hindi model," pagtatama niya rito at pagkatapos noon ay pinakain na niya ang dalaga. Napangiti na nga lamang siya nang makitang ganado ito. Parang ngayon lang ito nakakain ng pagkaing sawang-sawa na siya.

"Ngayon ka lang ba nakakain n'yan?" tanong pa niya rito nang simutin nito ang huling hibla ng noodles na nasa tasa nito.

"Oo. Sa Florania kasi ay kadalasang karne, isda at gulay ang kinakain ko. Pero ito..."

"Kakaiba at masarap..." sagot ng dalaga sa kaniya. Ibinigay na nga rin niya rito ang noodles na para sana sa kaniya. Ganadong-ganado kasi itong kumain. Tuyo na nga lang ang inulam niya. Napabuntong-hininga na nga rin lang siya nang mapatingin sa dalaga.

"Makakasama ko sa iisang bubong ang babaeng ito..."

Pinahiram na rin niya ito ng damit. Naasiwa kasi siya sa suot nito. Puro pang-lalaki nga lang ang naipahiram niya at ang dami pang pinagdaanan bago ito suotin ng dalaga.

"Ano bang klaseng kasuotan ito? Ang papangit! Ayaw ko nito," angal nito sa kaniya.

"Pagt'yagaan mo na lang. Itong maliit na short ang gawin mong panty at itong sando ang ipang-ilalim mo sa t-shirt," paliwanag niya rito na paulit-ulit niyang sinabi.

"S-short? P-panty? T-s-shirt? Alin ba iyon dito sa mga pangit mong kasuotan?" Napailing na nga lang siya sa mga pinagsasabi ng dalaga. Pinapasok na lamang niya ito sa loob ng maliit na kwartong nasa dulo ng munti niyang bahay. Ito ang tumatayo niyang CR at pinagpalit na niya ng damit ang dalaga rito.

Napakamot nga lang siya sa paglabas ng dalaga. 'Yong maliit na short kasi ang ipinang-ibabaw nito sa pajama at si Richard pa ang sinabihan nitong hindi marunong. Para namang masisiraan na ng bait ang binata dahil nakailang pagpapalit ang dalaga.

"Tama na ba ito? Ganito ba ang tamang pagsusuot ng mga pangit mong kasuotan?" pagtataray sa kaniya ng dalaga nang lumabas ito. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil tama na ito.

"Iyan... Gan'yan nga," sabi niya. "Ano nga uling pangalan mo?"

"Prinsesa Ruby. Dapat iyon ang tawag sa akin ng mga tulad mong alipin!" sagot naman sa kaniya ng dalaga at napailing na lang siya. Ayaw na rin kasi niya itong patulan.

"Richard ang pangalan ko. Hindi ako alipin!"

Sa pagtulog ng dalaga ay kung ano-ano pa ang pinagawa nito sa kaniya. Bukod sa maliit na higaan niya ito humiga. Pinagpaypay pa siya nito dahil nilalamok daw ito. Ayaw nga niya sanang gawin dahil binging-bingi na siya sa kung ano-anong panlalait nito, pero mabuti na lamang at nakatulog din agad ito.

* * * * *

Pakiramdam niya ay parang lumilindol. Palakas nang palakas hanggang sa naalimpungatan na si Richard mula sa pagkakatulog. Umaga na rin pala.

"Alipin! Ipaghanda mo ako ng pampaligo! Bilisan mo. Tama na ang pagtulog!" utos kaagad sa kaniya ni Ruby. Medyo naasar naman siya sa ginawa at sinabi nito.

"Ano ba?! Hindi ka ba marunong? Hindi mo ba kayang maghanda para sa sarili mo?" Hindi na siya nakapagpigil pero bigla na lang hinila ng dalaga ang kwelyo ng damit niya. Inilapit din sa kaniya ang mukha nito dahilan para mapatitig siya rito. Naalala rin niya ang ginawa niyang pagtingin sa mukha nito kagabi habang natutulog ito.

"Tumatanggi ka sa pinag-uutos ko?!" Hindi alam ni Richard ang nangyari sa kaniya. Bigla lang nabahag ang kaniyang buntot dahil sa ginawa ni Ruby.

"'Eto na nga! Magtatanggal pa ng muta."

"Pasaway na babae ito..." bulong pa niya.

Kinuha niya ang dalawang malaking gallon na igiban niya ng tubig. Ang mahal pa namang mag-presyo ng tubig kina Mang Igme, isip-isip niya. Aalis na nga sana siya kaso biglang sumunod si Ruby sa kaniya.

"Pasaan ka?" tanong niya rito.

"Nais kong sumama sa iyo. Nais ko ring makita ang mga mamamayan dito. At nais ko ring makita ang balon na pagkukuhanan mo ng tubig." Napakamot si Richard sa ulo. Napa-iling din dahil sa kaniyang narinig lalo na sa balon.

"Anong balon ang pinagsasa-sabi mo? 'Di na uso 'yon. Sa gripo, poso tayo kukuha ng tubig na galing Maynilad."

Tumango na lang si Ruby at parang hindi naintindihan ang mga narinig.

Habang sila ay naglalakad, kaliwa't kanan silang pinagtitinginan ng mga nakatira roon. Hindi sila makapaniwalang may magandang babaeng kasama si Richard. Ang ilang kalalakihan nga ay halos hubaran na sa tingin si Ruby dahil napansin nilang wala itong bra.

"Alipin... Bakit gan'yan kung tumingin ang mga kalalakihan sa akin? Sumagot ka."

"Dapat kasi ay hindi ka na sumama. Basta 'wag ka na lang aalis sa tabi ko," paalala naman ni Richard sa dalaga.

Naabutan nila ang mahabang pila sa gripo ni Mang Igme. Napadasal na lamang si Richard na sana'y huwag mainip ang kasama niya.

"Gaano pa katagal bago tayo makakuha ng tubig?" seryosong tanong ni Ruby.

"Basta pumila tayo..." sagot naman ni Richard, kaso'y biglang kinuha ni Ruby ang gallon nilang dala at parang prinsesa na lumakad papunta sa unahan ng pila.

"Paunahin mo ako sa pagkuha ng tubig. Iniuutos ko!" sabi pa niya sa matabang babaeng nasa unahan ng pila. Nagulat naman ang marami dahil kilalang nila ang inuutusan ni Ruby. Isang palabang babae. Siga at maraming beses ng hiniwalayan ng mga naging kalaguyo nito dahil sa takot. Malakas din itong uminom ng alak at walang inuurungang away, mapa-lalaki man o babae. Siya si Aling Susan, ang binansagang Da Queen sa lugar nila dahil sa kapangalan nito ang asawa ng artistang si Da King.

Napatayo si Aling Susan sa pagkakaupo nito mula sa dala nitong gallon. Nakita nila parang may umusling ugat sa kanang sintido nito kaya natakot ang ilan sa mga naroon.

"Aba! At sino ka naman para ako ay utusan? Hindi mo ba ako kilala..." Nakangisi pero mukhang nanggigil nitong hinarap si Ruby.

"Bago ka lang dito kaya 'wag kang umastang reyna!" pagalit pang sabi nito. Pero mukhang hindi nasindak si Ruby rito. Pinagtaasan pa nga niya ito ng kilay.

"Sino ka para ako'y pagsalitaan ng ganiyan? Hindi mo ako masisindak!" matapang namang sagot ng dalaga.

"Aba teka! Narinig niyo ba iyon? Mukhang nagtatapang-tapangan oh!" sigaw ni Aling Susan sa marami at agad namang naghiyawan ang mga nandoon.

"Turuan na 'yan ng leksyon!" kantyaw ng isa sa mga katropa ni Aling Susan.

Kinakabahan naman si Richard sa maaaring mangyari. Nararamdaman na niya ang kahihinatnan ng tensyong bumabalot mula kay Ruby at kay Aling Susan. Isa na rin lang ang nasa isip niya, ito ay ang iuwi kaagad si Ruby kapag nawalan ng malay.

"Aling Susan! Aling Susan!" Naghiyawan na rin ang karamihan at pinaikutan ang mga kasali rito. Si Ruby naman ay hindi man lang nakakitaan ng takot. Mukhang lalaban din.

"Ako yata ang hindi mo kilala..." Nagtaas-noo pa si Ruby.

"Matabang babae?" Biglang natigilan ang lahat sa sinabing iyon ni Ruby. Maging si Richard ay napahawak na lamang sa noo dahil sa kaniyang napasukan.

"Lagot na 'yong chix, ang ganda pa naman!" sambit noong isang malapit sa kanila.

Napalunok na ng laway si Richard dahil mukhang nagdilim na ang paningin ni Aling Susan matapos iyon. Nag-iisip siya kung ano ba ang dapat na niyang gawin sa sitwasyong iyon.

"Sayang ang ganda mo. Pero dapat kang turuan ng leksyon!" wika ni Aling Susan at sinundan niya ito ng isang suntok. Diretso ito sa mukha ni Ruby. 

"Owww..." bulalas ng marami.

"Ah!" bulalas naman ni Richard. Sapul siya sa mukha matapos ihara ang mukha niya sa mukha ni Ruby. Nagpakabayani siya para sa isang babaeng baliw.

"P-pa-pasensya na po A-aling Susan..." Pilit pa siyang nagsalita at inihingi ng paumanhin ang ginawa ni Ruby. Kasunod din noon ay ang kantyawan ng marami.

"Ang lupit mo Richard Gutierrez! Sinalo mo ang kamao ni Da Kwin!" Narinig niya pang pinagtawanan pa siya. Mayroon pa ngang nagsitayuan at pinalakpakan siya. Nakakahiya, ito ang naramdaman niya bukod sa sakit ng mukhang kaniyang tinamo.

"Pagsabihan mo ang syota mong iyan..." sabi pa ni Aling Susan sa kaniya.

"H-hindi k-ko po siya s-syota..." sagot naman niya at pumila na uli sila para maka-igib na ng tubig.

"Malakas pala ang babaeng iyon. Kahanga-hanga siya..." sabi naman ni Ruby at napamura na lamang siya dahil doon.

"Tangina! Malas! Malas!" Damang-dama pa rin niya ang sakit ng mukha niya at ang masaklap, hindi man lang siya pinasalamatan ng babaeng pinrotektahan niya.