webnovel

May Buwanang Dalaw

Sa bahay sa burol, halos tuwing Sabado ay naroroon si Miguel upang magsibak ng kahoy. Kung minsan ay mag-iigib siya ng tubig mula sa balon at pupunuin ang lahat ng mga banga upang may pang-inom. May mga Sabado na mag-araro siya sa bukid nila Don Salvador del Pilar. Minsan sa kalagitnaan ng linggo ay pupunta siya kila Amihan upang magtabas ng matataas na mga damo sa hardin. Ginagawa niya iyon kapag nangungulila siya sa dalaga.

"Hindi ba may pasok ka? Bakit ka nandirito?" Tanong ni Amihan habang dala-dala ang batya ng mga damit na isasampay. Napadaan siya sa hardin kung saan nakatungo at nakaluhod si Miguel na naghahawan.

Nang malamang nasa likod niya si Amihan, tumayo ito at iniunat ang mga braso at katawan saka sumagot, "Hindi kasi ako nakatulog kagabi. Nangulila ako sa iyo." Matamis na ngiti ang ibinigay niya sa dalaga.

"Hmp." Inismiran ni Amihan ang binata saka umalis.

Hinabol siya ng binata at hinawakan ang batyang dala ng dalaga na nakapatong sa kanyang ulo. "Ako na ang magdadala niyan, Amihan."

Napahinto si Amihan at tiningnan niya ang lalaki na may kahulugan. "Bakit, pati pagsasampay ay gagawin mo rin?"

"Bakit naman hindi?" Kinuha ni Miguel ang batya sa ulo ng dalaga. Hindi na tumutol pa si Amihan.

"Ang dumi-dumi ng kamay mo. Hindi pwede iyan." Turo ni Amihan sa mga mapuputik na kamay ni Miguel. Tiningnan ni Miguel ang isa niyang kamay habang hawak nito ang batyang isinandal niya sa kanyang baywang.

"Maghuhugas muna ako siyempre." Sabi ng binata habang naglalakad sila ni Amihan patungo sa lugar kung saan nagsasampay ng mga damit. "Mga baro mo ba ang mga ito?"

"Oo. Bakit?" Matigas na sagot ni Amihan. Tila kinakabahan ang dalaga baka kung ano ang gawin ni Miguel sa kanyang mga damit. Alisto ang kanyang mga mata.

"Kasi magaganda ang kulay at ang tela ay magagara. Parang galing sa ibang bansa." Matalas ang mata ni Miguel at nakita niya agad ang kalidad ng mga damit ni Amihan.

Nakarating sila sa likod bahay kung saan nagsasampay ng mga damit. Inilapag ni Miguel ang batya sa lupa malapit sa sampayan at tinungo ang balon kung saan siya maaaring maghugas ng kamay. Nang mga sandaling iyon sinimulan nang isampay ni Amihan ang mga damit.

"Tama ka. Galing nga ang mga telang ito mula sa Espanya, Alemanya at Pransya. Pasalubong ni Tiyo Marcelo sa akin. Dito na tinahi ang mga tela upang maging mga baro ko." Tumugon din si Amihan ng maayos kay Miguel.

Napangiti si Miguel sa sarili. Hindi niya maunawaan ang timpla ng kalagayan ng damdamin ng dalaga. Kung minsan ay masungit, kung minsan ay mabait.

"Nababagay talaga sa iyo ang mga kulay ng iyong mga baro." Pagmamasid ni Miguel sa mga nakasampay nang mga baro. Dahil iilang piraso ito, hindi na niya nagawang tulungan pa ang dalaga. Madaling naisampay ni Amihan ang kanyang mga baro.

"Dahil wala ka namang naitulong sa pagsasampay, marahil ay makakaalis ka na. Hindi ba may ginagawa ka pa sa hardin?" Masungit na sabi ni Amihan sa kanya matapos buhatin ang batya at ipatong ito sa tagiliran ng kanyang baywang.

Bakit na naman nagsusungit ito sa kanya? Kani-kanina lamang ay maayos itong kausap. Hindi kaya dumating na ang buwanang dalaw nito? Wala mang kapatid na babae si Miguel ay may mga kamag-aral siyang babae. Napapakinggan niya minsan ang kanilang mga usap-usapan tungkol sa buwanang dalaw ng mga babae habang tahimik siya na nagbabasa sa isang sulok ng kanilang silid-aralan.

"Sige, babalik na ako sa aking ginagawa." Tanging naging tugon ni Miguel at lulugo-lugo itong tumalikod sa dalaga saka naglakad papalayo mula dito.

Ilang sandali lang ang nakalipas, narinig na ni Amihan ang sigaw ni Tiya Pacita. Tinatawag nito ang kanyang pangalan.

"Amihan! Tawagin mo na si Miguel at kakain na ng hapunan." Dumungaw si Tiya Pacita mula sa bintana ng kusina kung saan natatanaw nito si Amihan na nakatayo lamang habang pinanonood ang likod ni Miguel.

"Huh?" Pagtataka ni Amihan. Hindi pa naman madilim bakit maghahapunan na agad. Anong oras na ba? Naalala niyang Biyernes pa lamang at biglang dumating si Miguel matapos ang klase nito sa umaga at makapagpananghalian. Siya naman ay naglaba ng kanyang mga baro matapos makakain ng pananghalian. 'Tila alas-sais na ng gabi', sabi nito sa sarili.

"Naghihintay na ang Lolo Salvador mo sa komedor. Dali! Pumanhik na kayong dalawa." Muling sigaw ni Tiya Pacita.

Napatingala si Amihan sa langit. Hindi pa lumulubog ang araw at napakaganda ng panahon. Sana matuyo ang kanyang mga sinampay, isip nito. Tinungo ni Amihan ang hardin kung saan naroroon muli si Miguel na naghahawan.

"Tawag na tayo upang kumain ng hapunan." Kinalabit ni Amihan ang pawising likod ni Miguel. Minsan kailangan pang hawakan ang lalaking ito upang pansinin siya. Sinasadya kaya nito na magbingi-bingihan?

Lumingon sa kanya si Miguel habang ang isang tuhod nito ay nakaluhod sa lupa. Nabigla siya nang sabihin ni Amihan ang salitang 'tayo' ngunit may kakaibang tuwa ang dumaloy sa kanyang puso.

"Mauna ka na doon at susunod na ako. Maglilinis lamang ako ng aking sarili." Nakatayo na si Miguel ng sabihin niya ito kay Amihan. Pinagpag nito ang mga dumi at alikabok sa kanyang mga kamay at mga braso.

"Dalian mo diyan." Paismid na sabi ni Amihan. Naglakad na ito patungo sa bahay.

Sa hapag kainan magkakasalo sina Lolo Salvador, Lola Azon, Amihan, Miguel, Tiya Pacita, Tiya Nene at Tiya Belen. Masayang nag-uusap ang mga matatanda. Nakikinig lamang sina Amihan at Miguel na magkatabi sa upuan. Paminsan-minsan ay naglalagay si Miguel ng naalisan na ng tinik na laman ng isda sa pinggan ni Amihan nang hindi nito nahahalata. Ngunit si Lolo Salvador ay may mabilis na mata. Nakikita niya ang gawi ng binata sa kanyang apo.

"Miguel Ponce." Tawag ni Lolo Salvador sa lalaki.

Napatingala si Miguel sa direksyon ng matanda. Nakita kaya nito ang kanyang ginagawa na paglalagay ng ulam sa pinggan ni Amihan. "Ano po iyon, Don Salvador?"

"Huwag mo na akong tawaging Don Salvador. Lolo Badong nalang." Ngiti ng matanda sa binata.

"Opo. Lolo Badong." Paulit-ulit na binanggit ni Miguel sa kanyang isip ang ipinatatawag na pangalan sa kanya ng matanda. Napakagaan ng pakiramdam niyang tawagin niya itong Lolo Badong. Tila pakiramdam niya ay apo na siya ng matanda at napakalapit na ng relasyon nila ni Amihan.

"Ilang linggo ka na bang naninilbihan dito sa amin?" Nakataas ang makakapal na kilay ng mestisong-Kastilang matanda.

"Apat na linggo na po, Don...Lolo Badong. Bale magiisang buwan na." Sagot ni Miguel habang itinutuwid ang kanyang likod. Muntik na niyang matawag itong Don Salvador.

"Sa tingin mo ba ay sapat na ang panahong iyon upang tanggapin ka ng aming pamilya?" Lahat ay napatingin kay Miguel nang sabihin ito ni Lolo Salvador, naghihintay ng kasagutan sa binata. Subalit ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanya rin namang kuro-kuro sa tanong na ito.

Para sa mga tiyahin ni Amihan, kahit hindi pa sapat ang isang buwang paninilbihan, kaya na nilang tanggapin si Miguel sapagkat tanggap ng lalaki ang ugali ng kanilang pamangkin. Magaan din ang loob nila sa binata hindi lang dahil simpatiko ang mukha nito ngunit dahil sa mabait din ito.

Para naman kay Amihan, hindi siya nagmamadaling tanggapin ang lalaking ito sa kanilang pamilya lalo pa sa kanyang buhay. Alam niyang bata pa siya kahit nasa hustong gulang na siya. Gusto niya ring marating ang mga bansang narating ni Dr. Jose Rizal. Gusto niyang maging isang manunulat katulad din ng kanyang Tiyo Marcelo at ni Rizal. Gusto niya ang mga ideya ng lalaking taga-Calamba.

Ngunit dahil kamag-anak din ni Miguel si Mariano Ponce na kasama sa La Solidaridad ng kanyang tiyo at ni Rizal, marahil ay mapapabuti rin naman siya sa binatang ito. Mas maraming kakilala sa panunulat, mas mabuti para kay Amihan. Mas marami siyang matututunan. Hindi niya nga lang alam kung ano ang pangarap ni Miguel. Paano kung hindi sila magkatulad ng pangarap. Baka malabong magkasundo sila sa anumang bagay na personal at pangkabuhayan.

Hindi agad nakasagot si Miguel. Bakit siya ang tatanungin ni Lolo Salvador? Hindi ba dapat sila ang magsasabi kung sapat na ang kaniyang paninilbihan sa kanila? Hindi kaya sinusubukan lang siya ng matanda?

"Lolo Badong, sa aking palagay ay sapat na ang aking paninilbihan sa inyong tahanan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na tapos na rin ang aking panliligaw kay Amihan. Patuloy ko po siyang susuyuin hanggang sa mahulog na rin ang loob niya sa akin. Sa palagay ko, kung makikita niya ang aking katapatan ay matututunan niya rin akong mahalin. Hindi po ako susuko. Kahit may iba pang maglakas din ng loob na manligaw sa kanya. Hindi pa rin ako susuko." May kumpiyansa sa sarili na sinagot ni Miguel ang tanong ni Lolo Salvador. Kung hindi man ito magustuhan ng matanda wala siyang magagawa. Sa kanyang sarili, ito ang tunay niyang saloobin.

Napatango si Lolo Salvador. Sumandal ito sa kanyang upuan at banayad na tiningnan si Miguel. Pinagmasdan niya ang mukha nito at nakita niya ang katapatan sa mga salita ng binata. Higit sa kanyang gulang ang pag-iisip ni Miguel. May tuwang dulot ito sa puso ng matanda.

"Napahanga mo ako sa iyong mga pananalita, Miguel. Kung ganoon ay tapos na ang iyong paninilbihan. Subukin mo namang gumaan ang loob ni Amihan sa iyon." Tanging nasabi ng matanda bago inumin ang tubig sa baso. Tapos na itong kumain. Tiningan nito si Amihan na nakayuko habang kumakain. Hindi ito kumikibo. Kita niya ang paggalaw ng mga kilay nito na parang ginagantsilyo. Ano na naman kaya ang iniisip ng apo.

Nang matapos ang hapunan, madilim na sa labas. May isang karwaheng pumarada sa may tarangkahan ng bahay nila Amihan. Napadungaw sila Amihan at Miguel sa bintana. Si Lolo Salvador na nakaupo sa kanyang tumba-tumba ay napaupo ng tuwid at napatingin kay Miguel. Sinusundo na ba si Miguel sa mga oras na ito?

salamat sa lahat ng sumusuporta sa aking nobela.

salamat din sa inyong mga boto.

labis ninyong pinatutuwa ang aking puso.

mabuhay kayong lahat.

sana ay habaan niyo rin ang inyong pasensya kung hindi agad ako nakaka-update. Mahirap talaga ang internet sa lugar ko.

Cancer_0711creators' thoughts