webnovel

Chapter 36

Sa pagkawala ng liwanag ay agad na bumungad sa kanilang mga mata ang matipunong pangangatawan ng isang lalaki. Napatingala naman si Mina dito at muli siyang napahagulhol ng iyak nang makilala ang lalaking iyon.

"Kuya Sinag!!!" palahaw ni Mina at saka yumakap dito. Doon ay ibinuhos niya ang lahat ng hinanakit at sama ng kanyang loob. Ikinumpas naman ni Sinag ang kanyang mga kamay, kasabay nito ang pagdausdos ng mga Garuda mula sa kalangitan upang atakihin si Sitan.

"Tahan na Mina. Nandito na ako." Wika ni Sinag habang mahigpit na niyayakap ang kapatid. Hindi man sila magkadugo ay higit pa doon ang kanilang pagiging magkapatid. Ramdam ni Sinag ang sakit na dinaramdam ngayon ni Mina at kahit siya ay nahihirapan sa sitwasyong ito. Kahit papaano ay naging mahalaga na rin sa kanya si Isagani. Nilingon niya ang nilalang na ngayon ay pinagtutulungan na ng mga garuda at nakita niya ang maladem*nyo nitong kaanyuan. Malayo ito sa maamomg kaanyuan ni Isagani.

Muli ay narinig niyang mangusap si Malandok at Mapulon sa kanyang isipan.

'Sinag, oras na para tapusin mo ang laban. Hindi na maaring lumaban pa ang itinakda dahil masyado na itong naguguluhan. Kapag nagtagal pa ito ay maraming buhay na ang mapapahamak. Sa kasalukuyan, ay marami na ang nagbubuwis ng buhay sa iba't ibang dako ng daigdig.' paalala sa kanya ni Mapulon.

Batid niya ang kahalagahan ng misyong ito. Kailangang maikulong nilang muli si Sitan pabalik sa impy*rno bago pa mahuli ang lahat. Kailangan nilang maialis ang kaluluwa nito sa katawan ni Isagani at maipasapi ito sa isa pang katawan.

'Ang binatang ginagabayan ng anghel ang siyang may hawak ng susi. Siya ang nakakaalam ng dasal upang mapalayas ang kaluluwa ng dem*nyo sa katawan ni Isagani.' wika naman ni Malandok at naibaling niya ang tingin sa binatang nakamasid lang din sa kaniya.

"Ikaw si Miguel?" Tanong ni Sinag.

"A-Ako nga po." Nauutal pang wika ni Miguel habang kaharap si Sinag. Bukod kay Mina ay isa din ito sa nagbigay ng kakaibang kilabot sa kanya. Manghang-mangha si Miguel habang nakatingin lang sa lalaki.

"May ipapagawa ako sa iyo." Wika ni Sinag at doon niya inilahad ng mabilisan ang kaniyang plano. Napatulala naman ang binata sa narinig dahil iyon ang unang beses niyang gagawin ang ganoong ritwal at hindi niya alam kung kakayanin niya ito. Aminado kasi siya sa kanyang sarili na hindi pa ganoon katindi ang kanyang karanasan sa mga ganoong bagay.

"Kakayanin mo ba?"

"Kuya Sinag, posible bang mailigtas natin si Gani sa ganyang paraan?" Tanong ni Mina na noo'y unti-unti na ring kumakalma.

"Maari ngunit meron itong magiging epekto kay Isagani dahil ang ritwal na gagamitin ni Miguel ay isang banal na ritwal at maaring masugatan nito ang kaluluwa ni Isagani dahil sa bertud ng gabunan na nasa katauhan niya. Ganunpaman, kapag nagtagumpay tayo ay maibabalik natin siya ng buhay. " Wika ni Sinag at doon lamang nabuhayan ng loob ang dalaga. Napatingin naman si Mina kay Miguel, puno ng antisipasyon ang mukha nito.

"S-susubukan ko." Wika ni Miguel at kinuha nito ang isang krus na kasinglaki lamang ng kanyang palad. Kulay pilak ito at nakakabit ito sa kristal na kwentas. Taimtim iting nagdasal at ilang ulit na hinalikan ang krus na iyon.

"Patnubayan niyo po kami Panginoon." Huling bulong ni Miguel bago nito ipinulupot sa kanyang kamao ang kwentas na krus.

Naghanda naman sila Mina at Sinag uoang muling atakihin si Sitan. Kailangan nilang pahinain ang katawan ni Isagani upang magawa nila itong maitali at mapigilan. Habang nakikipaglaban sila kay Sitan kasama ang mga Garuda ay siya namang pagdating ng grupo nila obet. Hatak hatak ng mga ito ang isang katawan ng aswang na naigapos na nila ng mahigpit na baging.

Agaran nila itong dinala sa dalawang ermetanyo at inilahad nila ang plano ni Sinag. Natuwa naman si Tandang Karyo dahil kahit papaano ay may pag-asa na silang mailigtas si Isagani.

Sa sobrang tuwa ay agad na isinagawa ng mga ermetanyo ang paglilipat ng ritwal sa katawan ng aswang na nahuli nila Obet. Agaran din ang paglapit doon ni Miguel upang mabigyan ng tulong ang mga ermetanyo. Ilang minuto pa ang lumipas ay tuluyan na nga nilang makompleto ang ritwal at ang tanging hinihintay na lamang nila ay si Sitan.

Nagpatuloy ang laban ni Sitan sa mga Garuda, iilan na din sa mga nilalang ang bumagsak dahil sa kalaksan ni Sitan. Ni hindi nila magawang ito ay sugatan. Ganunpaman ay walang tigil pa rin ang pagpapaulan ng atake ng mga ito sa nilalang. Nang makisali na sa labanan si Sinag at Mina ay doon na sila nakalamang. Subalit naroroon pa din ang takot sa bawat atake ni Mina.

Takot na baka masugatan niya ng malubha si Isagani at hindi na ito makaligtas pa. Ngunit nandoon din ang pag-asang muli niya itong makakasama.

Sa pagpapatuloy ng kanilang laban ay tuluyan na ngang umatras ang mga garuda dahil na din sa utos ni Sinag. Naiwang nakikipaglaban si Mina at Sinag kay Sitan.

"Dalawa laban sa Isa. Nakakatuwa naman. Ang gabay ng itinakda. Magaling at hindi mo na ako pinahirapan pa. " Wika ni Sitan habang ang mapupulang mata nito ay nanlilisik sa galak. Walang patis na din ang pagtulo ng malalapot nitong laway at maging ang sungay nito ay puro na din sugat at ang isa naman ay putol na.

"Dating gabay. Hindi na ako gabay ni Mina dahil ganap na siyang babaylan. Isang dibinong babaylan." Wika ni Sinag at may kung ano itong iniabot sa dalaga.

Isang libreta.

"Iniwan iyan ni Inay Loring sa akin, ibibigay ko lamang iyan kaoag naging ganap ka nang makapangyarihang babaylan. Mina, nasa iyo na iyan ngayon, nawa'y gamitin mo ito sa kabutihan hanggang katapusan. " Wika ni Sinag at agad namang binuklat iyon ni Mina.

"Napamulagat naman ang mga mata niya nang mabasa ang mga katagang napapaloob dito. Mabilis namang kinuha ni Sinag ang atensyon ni Sitan upang magawang basahin ni Mina ang lahat ng nakasulat sa libretang puti.

Nang makita ni Mina ang ginawa ni Sinag ay walang pagdadalawang isip niyang isinaulo ang lahat ng mga katagang naroroon.

"Inay, salamat. Gabayan mo po ako sa labang ito. Panginoon, kayo na ang bahala sa amin." Bulong ni Mina. Sinimulan niyang banggitin ang mga katagang kanina'y sinasaulo lamang niya.

Sa bawat pagbigkas niya sa mga buhay na kataga, kasabay naman nito ang dahan-dahang pag-ikot ng malakas na hangin sa kaniyang paligid.

Nagulat naman sila Luisa dahil sa biglaang pagbabago ng panahon at temperatura ng paligid. Nang madako nga ang kanilang mga mata sa dalaga ay doon nila nakita ang pagbabago sa kaanyuan nito. Ang mahaba at itim nitong buhok ay tila maging kulay pilak, nagliliwanag din ang mga mata nito maging ang kanyang buong pagkatao. Papaikot sa dalaga ang napalakas na hangin ngunit kapansin-pansin ang pagiging kalmado nito na tila ba hindi ito naaapektuhan ng malakas na hanging iyon.

Ramdam na ramdam ni Mina ang bagong enerhiyang umiikot sa kaniyang buong katawan. Sa kanyang pagmulat ng mata ay nakita niya ang mga tila puting kalukuwang pumapaikot sa kaniya. Nasa gitna nito ang kanyang ina at ang isa pang babaeng pamilyar sa kanya.

"Mina, anak. Masaya akong naabot mo ang ganitong antas. Nawa'y patnubayan ka ng Amang bathala sa lahat mg labang iyong sususungin. " Wika ni Loring na mas matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Napangiti na din si Mina habang tahimik na tumutulo ang mga luha niya.

"Iligtas mo ang aking anak, itinakda. Gamitin mo kami upang masukol niyo ang dem*nyong si Sitan." Wika naman ng Ginang at doon niya napagtantong iyon ang Ina ni Isagani.

Tumango lamang siya at nagpatuloy sa kanyang pag-uusal hanggang sa maramdaman na lamang niya ang pag-ikot ng mga ito at nag-anyo ang mga ito bilang isang malaking puting aninong may pakpak.

Mabilis siyang tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Sitan habang nag-uusal at inilabas agad niya ang kanyang espada. Walang pagdadalawang isip niyang itinarak sa binti nito ang talim ng espada at ikinumpas ang kanyang kamay dahilan upang ang malaking puting anino na nakasunod sa kanya ay lamunin ang buong katawan ni Sitan.

Pilit na nagpumiglas si Sitan ngunit ang puting aninong iyon ay biglang naging malalaking kadena na gumapos sa dalawang kamay at braso niya, maging sa paa at binti niya. Pumulupot din ang hindi mabilang na baging sa buong katawan ni Sitan habang sumisigaw ito nang malakas at pilit pa rin nagpupumiglas.

"Mga walang kwentang tao. Pakawalan ninyo ako rito." Galit na sigaw ni Sitan.

"Wala ka nang ligtas ngayon Sitan." Wika ni Mina.

"Papatayin ko si Isagani kapag hindi mo ako pinakawalan rito." Muling sigaw ni Sitan at napahinto si Mina. Napangiti si Mina at napatingala sa langit.

"Nakapagdesisyon na ako, kapag namatay si Isagani, susunod ako sa kanya. Kahit saan siya mapunta, susunod ako, kahit sa kailaliman pa ng Impyerno." Sagot ni Mina at muling sumigaw si Sitan. Galit na galit ito at kahit ang pagsigaw nito ay tila ba nasa rurok ng pinag-ipon ipong galit ng lahat ng nilalang.

Wala naman itong nagawa dahil sa ang gumagapos diti ay ang hinabing kaluluwa ng lahat ng nagdaang babaylan sa angkan ni Mina. Maging ang mga baging na nakagapos sa katawan ni Sitan ay may basbas ng banal na salita ng Diyos.