webnovel

AGNOS

Ako si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang dahilan at sinapit ko ang mga bagay na ito. Kaparusahan ba ito? Kaparusahan sa anong kadahilanan? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline. Ang kuwento ng pamilya, pag-ibig, poot, inggit, paghihiganti, trahedya -ang kuwento sa loob ng agnos. (WATTY'S STORYSMITHS WINNER)

mjtpadilla · Historia
Sin suficientes valoraciones
18 Chs
avataravatar

ANG DILIM NA BUMABALOT

Nagmadali na akong tumahak sa daan patungo sa bangin. Nasa bandang timog-kanluran ng isla ang aking kuwebang pinaglabasan noon at matatagpuan rin ito sa gilid ng 'di kataasang karugtong na bangin — dito 'yon, ayon na rin sa aking pagkakatanda. Hinanap ko agad ang bunganga. Nang makita, pumasok na agad ako sa lagusan at pansamantalang nanatili sa bukana nito. "Ginoo? Avir? Avir?" Sinuong ko pa ang dilim ng kakaunti at paulit-ulit pang nagsisigaw. Tila may kaluskos akong narinig mula sa aking likuran, ngunit wala naman akong nasilayan. Ilang minuto pa ang nakalipas at sinubukan ko pang suungin ang loob ng yungib nang unti-unting magliwanag ang paligid.

"Ginoo? Avir?!" laking gulat ko nang biglang may humatak sa akin. Naging panatag ang aking kalooban ng masilayan ko muli ang mukha ng ginoo dahil sa bitbit nitong sulo. Muling may kumaluskos mula sa aking likuran. Muli ko itong nilingon ngunit wala na naman akong nakita.

"Bakit mo 'ko kilala?" pambungad na katanungan sa akin ng ginoo sabay kapit nito sa aking braso. Ipinatong niya ang sulo sa ibabaw ng isang malaking bato. "Anong ginagawa mo dito? Sabi ko 'di ba wag ka nang bumalik?" Napatingin na lamang ako sa kaniyang kamay nang mas lalo pang humigpit ang kaniyang pagkakahawak.

Inialis ko ang aking kamay at nagpatuloy upang ipaalam ang dahilan ng aking pagbalik. "Alam mo bang mag-uusap muli ngayong gabi ang aking ama at ang pinuno ng bansa? Nagpaplano silang maglikas ng mga mamamayan at sa gilid ng bangin ilalagay ang mga bangka." tumuro ako sa direksiyon ng dagat. "Araw o oras na lang ang bibilangin bago nila madiskubre ang mga kuwebang ito't ika'y madakip." Mungkahi ko, "Bakit 'di ka pa tumakas?"

"Ano'ng pinagsasabi mo?" 'di nagbabagong-tonong tugon ng ginoo. Nagtaka ako sapagkat ako'y kaniyang pinandilatan.

Huminga ako nang malalim. "Alam ko na ikaw ang kriminal na nakatakas," pinakita ko ang isang kopya ng kalat na paskil sa bayan na patunay na siya'y pinaghahanap. "Ito." madiin ko itong tinuro.

"Kilala mo na pala ako. Kung gayon, bakit hindi mo ako ipasupil?" agad niyang hinablot ang paskil at pinagpupunit. Naiwang nakabukas ang aking palad sa pagkabigla.

"Iniligtas mo ako. Tanaw ko ang aking buhay sa'yo." Kinuha ko ang kaniyang kamay at ipinatong ang isa kong nakatiklop na palad. Nginitian ko siya, "Sa'yo na itong kabibeng hugis puso, katibayan ng taos-puso kong pasasalamat."

Nanahimik lamang siya sandali't yumuko. Laking gulat ko na lamang nang sagiin ni Avir ang aking kamay kaya't tumilapon rin ang aking handog. Napahawak ako sa aking bisig dahil sa lakas nito. Kumunot ang kaniyang noo't bigla siyang naging mabalagsik, "Alam mo ba kung bakit ninais kong tumakas ngunit nagdesisyong 'di lumayo? Dahil 'yon sa'yo." Nakapagtataka ang bigla niyang ikinikilos. Idinudulog niya ang kaniyang bahagyang nakasarang mga palad sa aking harapan, nagsusumamo, "Nabighani ako noong una kitang nasilayan nang ika'y napadpad sa bilangguan. Wari ko'y ikaw ang pinakamagandang dilag na nakita ko sa aking talang buhay." Kakaiba ang aking naramdaman. Ninais ko ang mga ganoong salita ngunit ako'y kinabahan dahil sa tono ng kaniyang pagkakasabi — kay lalim ng hangarin. Lumapit siya sa akin, nilaro-laro ang mahaba kong buhok, hinimas-himas ang aking mukha gamit ang likod ng kaniyang palad, at mahigpit niyang hinawakan ang aking mga balikat. Sinubukan kong iiling ang aking mukha papalayo. Mas hinigpitan naman niya ang pagkakakapit sa akin at tinitigan niya ako gamit ang kaniyang mga matang tila puno ng lumbay, "Kaya naman sinubukan kong tumakas." Lumayo siya sa kinatatayuan ko't tumalikod. Nagmamakawa naman siyang dumaing, "Sa rehas, lagi kong binabanggit ang iyong pangalan, 'Cateline!'. May isang nakarinig ng aking mga panalangin." Isang mahinang hagikhik ang aking narinig, "Ang taksil ang sa aki'y nagpalaya." Nagpatuloy pa siyang magsalita habang nakatingin sa gitna ng kawalan. "Madalas kitang pinagmamasdan mula sa malayo habang nakakubli. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon na lapitan ka, lalo na noong ika'y nasa panganib …" kumapal at lumalim pa ang kaniyang boses, "agad akong lumapit."

Nalilito ako sa kaniyang gawi, ngunit alam ko sa aking sarili ang aking nararamdaman. "M-masuwerte ka ginoo," nauutal kong tugon, "at ganyan rin ang aking nararamdaman." Lumunok ako't nagpatuloy, "Alam kong ikaw ang kriminal. Kalat ang mukha mo na nakapaskil sa bayan." Sinubukan kong humakbang papalapit. Namamawis na ang aking palad at nangangatog na bahagya ang aking tuhod. "'Yun ang nakikita nila, ngunit mas nakikita ko ang kabutihan sa iyong puso."

"Kabutihan?" humarap siya sa akin at humalakhak.

"Alam ko rin na ikaw ang lalaking nagliligtas sa mga mamayan!" mabilis kong panawagan sa kaniyang damdamin.

Huminahon siya't naging tuyo ang ekspresiyon, "Siguro nga, kabutihan iyon." "Hindi mo ba alam," biglang naging mapanukso ang kaniyang pananalita't tinitigan ako nang masidhi, "may sumagi sa isip kong gawan ka ng masama noong tayong dalawa lang, tulad ng ganitong pagkakataon." Nanlaki ang kaniyang mga mata. Muli siyang lumapit at inilapat ang kaniyang labi sa aking tainga. Ipinuwesto niya ang kaniyang ulo sa gilid ng aking mukha. Huminga siya nang pagkalalim sa aking tainga at sinadyang dinikit ang kaniyang dibdib sa aking dibdib. Tumayo ang aking balahibo sa bawat hanging dumadampi sa aking tainga. Bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba. Halos mangiyak ako sa takot nang bigla niya pang mas ilapit ang aking katawan sa kaniya. Nakahinga ako nang malalim nang dahan-dahan siyang lumayo. "Ngunit. …" ngumisi siya't tumitig sa aking mga mata. "Ngunit!" lumukso ang tibok ng aking puso sa gulat nang bigla siyang sumigaw at mabilis na nagbigkas, "May kung anong pumipigil sa akin na 'di ko maintindihan. Pinigil ko ang sarili ko." Nagdiin ang kaniyang mga panga't kamao. "Hindi ako ganito!" paulit-ulit pa siyang bumubulalas kasabay ng paghampas ng kaniyang kamay sa kaniyang ulo, "Hindi ako ganito!"

"Avir. Ano b'ang nangyayari sa'yo?" Hindi ko na hustong maintindihan ang nangyayari kay Avir.

Tumigil siya sa pananakit sa sarili at nagpatuloy, "Mabuti pang lumayo ka na. Hindi ka mapapabuti sa aking tabi. Tama ka nga, siguro mas mabuti nga na tumakas na lamang ako." Nagsimulang mamula ang mga mata ni Avir, tila nararamdaman ko ang bigat na kaniyang dinadala sa bawat titig naming nagkakatagpo. Kung hahayaan niya lamang akong malaman. "Bakit ganito? Ano itong nararamdaman ko?" nakatingin siya sa kaniyang mga kamay. Nanginginig niyang unti-unting iniangat ang kaniyang kanang palad at biglang hinigpitan muli ang kamao kasabay ng pag-agos ng kaniyang luha. Panandalian siyang nanahimik, muling tumalikod, ibinaba ang mga kamay, at mahinahong bumulong habang nakayuko, "Katangahan ito."

"Ngayon lang din ako nakaramdam ng ganito. P-pag-ibig?" Buong-tapang akong lumapit at hinawakan ang kaniyang balikat. "Kung nais mo ay sasama ako sa iyong pagtakas." Sinubukan kong ilapat ang aking ulo sa kaniyang likuran ngunit agad siyang dumistansiya papalayo.

"Pag-ibig?" ngumisi siya. "Umalis ka na bago ka pa madamay at masaktan."

"HIndi ako aalis. Kung tatakas ka'y isama mo ako sa iyo. Tulad mo, ayaw ko ring mapalayo sa iyo. Hindi mapapabuti kung mahuhuli ka nila. Mas paghihigpitan ka nila." Hindi ko alam ngunit tila buo na ang aking loob. Dama ko sa aking sarili na gusto ko siyang makasama.

"Ano ba ang nakita mo sa akin?" ngasngas ni Avir, "Sa likod ng hitsura na ito ang kagimbal-gimbal na krimeng aking nagawa!" Humarap si Avir at sinagi niya ako pataboy. Nawalan ako ng balanse kaya't sinubukan kong kumapit sa isang malaking bato. Tuluyan akong napatumba sa sahig ng kuweba kasabay ng pagbagsak ng nasagi kong sulo.

"'D-di ako naniniwalang …" Pinilit kong tumayo ngunit masama ang aking pagkakabagsak.

Malalim niyang sambit, "Nabulag ka nga." Nagningas at mas lumakas ang apoy mula sa sulo. Mas nakita ko ang kaniyang ngiti, ngiting … nakakapangilabot. "Mamahalin mo pa rin ba ako 'pag nalaman mo na ako'y isang, mamamatay-tao?"

Tumitig sa akin si Avir. Nanlisik ang kaniyang mga mata. May kung anong matinding kaba ang pumipigil sa aking makapagsalita. Hindi ko na lubos maintindihan ang nagaganap. Naguguluhan at hindi na ako makapag-isip pa ng maayos.

Sa pagningas ng apoy sa ilalim ni Avir ay mas lumaki ang kaniyang anino, tila may isang demonyo na gawa ng kaniyang pagkatao ang sa likod niya'y sumasayaw. Sumasayaw kasabay ng indayog ng apoy. Dahan-dahan siyang lumapit. Sinubukan kong tumayo ngunit tila nanghihina ang aking tuhod. 'Di ko alam ang gagawin; pinangungunahan ako ng takot. Mas nasinagan ng ilaw ng apoy ang kaniyang hitsura habang papalapit pa siya ng papalapit. Sa aking paningin, dahan-dahang mas nanlaki ang kaniyang mga mata, at dahan-dahan ring mas lumawak ang kaniyang ngiti. Nasaan na ang Avir na may maamong mukha na aking nakilala?

Muling tumaas ang tono ni Avir, "Pinilit kong hindi matulad sa aking ama! Ang aking amang nagpakababad sa ligaya ng laman! Ang aking amang hinayaan at pinabayaan ang kaniyang pamilyang magdusa matapos ang digmaan." Unti-unti pa siyang lumalapit sa akin. Hinahabol ko na ang aking hininga. "Ngunit, noong ako'y unang nakatikim, nalulong ako sa pagkakamali. Nalulong ako sa ligaya na dala ng pakikipaglaro sa apoy. Sa ligaya at sarap na dala nito. Nabaliw ako sa sensayon, naghanap pa ako." "Ano kaya ang lasa ng bawat kababaihan?" humalakhak pa siya na parang, nababaliw.

Basang-basa na ang aking damit sa pagkababad ko sa tubig sa lapag ng yungib. Itinukod ko ang aking mga kamay at sinusubukan kong umatras. Tila nanlalambot at nanlalamig ang aking katawan. Bumigay ang aking braso't napatukod ang siko ko sa sahig.

"Nagpakalulong ako sa ligaya. Gano'n naman pala ang pakiramdam no'n." nilalapit niya pa ang kaniyang mukha't umaangil. Sinusubukan kong gumalaw ngunit 'di ko na talaga kaya. "Ngayon alam ko na ang dahilan ng pagkahumaling ni ama sa pagtataksil sa yumao kong ina." inikot niya ang kaniyang dila sa kaniyang mga labi. "Gabi-gabi, nandadakip ako ng mga kababaihan. Mas masarap kung birhen. Pinaglalaruan, tinutukso, hinahalay ko sila." "Minsan na noong may nakatakas," inilapit niya ang kaniyang kanang kamay at idiniin ito sa aking paningin. Ngasngas niya, "Napakalalanding mga babae! Matapos kong gamitin ay magpapagamit naman sa iba? Ano pa nga ba ang gamit ng babaeng gamít na? Wala!"

"G-g-gu.." Gumising ka na Avir. Hindi ko masabi; walang lumalabas sa aking bibig.

Napadilat ako't kumutog ang aking puso nang bigla niya akong hablutin patayo. Hinigpitan niya ang pagkakakapit sa aking damit, tinitigan ako ng nanlilisik nitong mga mata, at pilit pa akong hinahatak papalapit. "Mga walang kwentang alaga!" mas lalo pang humigpit ang kaniyang kapit sa aking damit. Hinablo't hinahampas ko ang kaniyang braso. Napangiwi ako't namimilipit. "Bilang mabait na amo, ipinaskil ko ang kanilang mga litrato't pangalan sa aking koleksiyon. Ngunit, ano ang isusukli nila? Matapos ko silang 'dalhin sa langit', lahat sila'y gusto akong takasan. Tutal tapos na ang kanilang layunin, mas mabuti pa ngang tuluyan na silang dalhin sa langit." Inilapit niya ang kaniyang mukha't nagdikit ang aming mga ilong. Mapanukso siyang ngumiti at ako'y pinandilatan.

"A-avir b-b-bitawan mo 'k-ko, nasasaktan ako." 'di ko mapigilan ang pagpatak ng aking mga luha, "A-av. …"

"Pinatay ko sila!" bumagsak na lamang ang aking mga kamay sa aking tagiliran nang marinig ko iyon.

"Avir tama na!" bigla akong napasigaw.

Bigla namang umiyak na parang musmos si Avir. Binitawan niya ako't muling napabagsak sa sahig. Agad akong namaluktot at ipinantakip ang aking mga kamay sa nasira kong damit.

"Cateline," mas tumulo pa ang mga luha ni Avir. Dahan-dahan siyang lumalapit sa akin. Mas lalo pa akong namamaluktot sa paglapit ng nangingig niyang kamay. Naapakan niya ang sulo't unti-unti nang nanghina ang liwanag na nagmumula rito. "Patawad, Cateline. Ano itong aking ginawa." At nagdilim muli ang paligid.

'DI ko mapigilan ang aking kaba't luha. Ilang minuto pa akong nanatiling nakaupo sa madilim at malamig na lapag ng kuweba. Nangingig sa ginaw at nangangatog sa takot. 'Di ko mawari kung bakit ito nangyari. Wala akong makita sa karimlan. Ang tangi ko lamang naririnig ay ang mga pagpatak ng tubig at ang paghikbi ni Avir. May biglang mas lumalakas na tunog na gawa ng pagtapak sa tubig kasabay ng dahan-dahang muling pagliwanag ng yungib. Ini-angat ko ang aking ulo't nasilayan ang kaniyang pagtangis.

"Cateline! Ano'ng ginawa niya sa'yo." sigaw ni David. Agad niyang sinugod at sinuntok sa mukha si Avir — na nagpatumba rito't nagdulot ng matinding pagdurugo. Hindi lumaban at 'di man lang pumalag pabalik si Avir.

"Tama na, David." maluha-luha kong sambit nang muling aambahang suntukin ni David si Avir.

"Anong tama na, Cateline?" humarap siya sa akin at nasilayan ko ang mapanglaw at namumula niyang mga mata. "Kung hinayaan mo lang akong sumama…" lumapit siya sa akin at inalalayan akong tumayo. Muntik pang muli akong bumagsak, tila hapo pa sa naganap.

May mga armadong sundalo ang biglang dumating. Nagpahayag ang mga ito ng layuning hulihin si Avir, "Kung ayaw mong masaktan, sumuko ka na at sumama sa amin." Tinutok nila ang baril sa kaniyang direksiyon.

"Dakpin niyo na siya!" sigaw ni David.

Tumayo na lamang si Avir at pinunasan ang kaniyang luha't dugo. At naglakad siya papunta sa mga sundalo.

"Ano'ng ginagawa mo Avir? 'Wag," nagsusumamo kong hiling, "'Wag kang sumama." sinubukan kong kunin ang kaniyang mga kamay ngunit nagpatuloy lamang siya sa paglalakad.

"Huwag kayong mag-alala. Kusa akong susuko." sambit niya. Tumingin siya sa aking mga mata't ngumiti. Ngiting kay sarap tignan. Nagpatuloy pa siya sa paglakad at pinulot naman ang nahulog kong handog — ang kabibeng hugis puso. Bumuntong-hininga siya, "Katangahan nga ito."

"Avir," nanlulumo kong sambit ngunit tila may umusbong sa aking loob na kaligayan.

Sumama na si Avir sa mga armadong lalaki. Binalak kong sumunod sa kabila ng aking pagod ngunit bigla naman akong pinigilan ni David.

"Mapanganib siyang tao, Lin!" giit ni David. Mahigpit niya akong hinawakan sa aking balikat at tinitigan.

"Pumunta pa nga ako rito para siya'y patakasin."

"Ganiyan ka na ba nasilaw sa kaniya? Nawawala ka na ba sa iyong sarili?" Kumunot ang kaniyang noo't naglapit ang mga kilay. Patuloy pa ring namumula ang puti sa kulay asul niyang mga mata.

"Siguro nga." napayuko ako sa pagkadismaya sa sarili. 'Di ko alam, ganito nga siguro ang pag-ibig. Ganito nga ba dapat ang umiibig?

"'Di ko hahayaang mas mahulog pa ang loob mo sa isang kriminal." mariing binitawang mga salita ni David.

"Pakiusap, David. Bitawan mo na ako."

"Pakiusap rin, Lin." tumamlay ang kaniyang mukha. Inilapit niya ang kaniyang kamay at pinunasan ang aking luha.

"Ba't 'di mo ko hayaan—"

"Lin!" bigla siyang sumigaw. "Lin." At pumatak rin ang mga luha ni David.

"Pakiusap,"

Ngumiti si David at napayuko. Umiling siya't bumuntong hininga. At binitawan na niya ako sa pagkakakapit. Patawad, David, ngunit kailangan ko siyang sundan. 'Di ako mapakaling hindi malaman ang kahihinatnan ni Avir. Nais kong muling masilayan ang kaniyang mukha, at marining muli ang kaniyang boses. Agad na akong humayo bagamat kay bagal. Muli akong lumingon kay David ngunit naiwan lamang siya roong nakatayo't nakayuko.

Nakisakay ako sa ibang sasakyang pansundalo. Nang makarating sa bilangguan, sa 'di inaasahan, hindi ko na muli pang nasilayan ang mukha ni Avir dahil dinetina na ito sa hanay ng mga bartolina kung saan walang sinuman ang hinahayaang magtungo. Umuwi na lamang ako sa aming bahay, nahiga, nagbalot ng kumot, namaluktot, at sinubukang matulog.