Matapos ang sandaling pag-uusap ay katahimikan na naman ang bumalot sa hapag. Ang mga nagkikiskisang kutsara, tinidor at plato lamang ang maririnig sa buong paligid. Maging ang bawat pagnguya rin ng mga nakaupo ay pigil pa o nag-iingat na hindi makalikha ng ano mang tunog.
Nilunok ni Armando ang pagkain sa kanyang bibig at saka uminom ng tubig. Hindi niya alam kung paano muli magsisimula ng topic dahil ramdam din niya ang bigat ng paligid na animo'y lahat ay may dala-dalang hinanakit sa isa't isa.
Napatitig siya sa anak na si Theo. Hanggang sa oras na iyon ay nilalamon pa rin siya nang matinding guilt dahil sa kasalanang nagawa niya. Hindi nga niya matanggap iyon sa sarili, paano pa kaya ang iba? At mas lalong natatakot siya sa posibilidad na baka tuluyan din siyang ayawan ng anak na si Theo.
Nagawi ang tingin niya sa plato ng anak na paubos na ang laman. Nais niya sanang pagsandukan ang anak ngunit pinangungunahan talaga siya ng hiya. Sa huli, hindi niya naituloy ang binabalak sa halip ay binalik na lamang niya ang kamay sa kaninang hawak na kutsara't tinidor.
"Cliff, kumusta naman sa Baguio?" simula niya.
"Ayos naman po, Tito. Kinakaya ho."
Nakahinga siya nang maluwag. Mainam na nasa mabuting lagay pa rin ang hotel na matagal na niyang pinagbuhusan ng araw at oras. Malaking failure talaga sa kanya kung mababalitaan niya na lamang na may malaking problemang pinagdadaanan ang hotel.
Bata pa lamang si Armando ay naisalang na siya sa pagma-manage ng hotel. Ni hindi na nga niya na-enjoy ang pagkabinata niya dahil kailangan niyang magpakasubsob sa gawain lalo pa't napakaistrikto ng mga magulang nila ng nakatatandang kapatid na si Eduardo. Kailangan niyang sumunod sa mga ito sapagkat takot siyang matulad sa kapatid na napagbubuhatan ng kamay ng mga magulang kapag mayroon itong hindi nasusunod at nagagawa nang maayos. Kaya naman sinikap talaga niyang magpa-impress sa mga magulang para hindi rin siya makarinig ng masasakit na salita.
Duwag na siya kung duwag pero kasalanan niya bang takot lamang siyang mawala ang tiwala ng mga magulang niya sa kanya? Takot lamang siya na baka hindi na niya marinig muli ang mga papuri galing sa mga ito. Takot lamang siya na baka ang pagmamahal at atensyon na sinikap niyang abutin ay bigla na lamang maglaho na parang bula. Kaya naging masunurin siyang anak.
"Mabuti naman," aniya kay Cliff.
Naging sunod-sunuran si Armando noon at maging ang buhay pag-ibig nga niya ay tinalikuran niya para masunod lang ang kagustuhan ng mga magulang. Hindi lingid sa kaalaman niya noon na ang mapapangasawa niya ay ang kasintahan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Eduardo, subalit sa kanyang kuruwagan, hinayaan niyang magpatali sa isang kasal at sa babaeng hindi naman talaga niya minahal.
Iyon ang pinagsisisihan niya. Ang isang taong pagsasama nila noon ni Luisiana ay hindi naging masaya sa kanya sapagkat si Caridad ang kanyang iniibig.
"Ikaw pa ba, Cliff? You are my son, kaya alam kong magagawa mong i-manage nang mabuti ang hotel sa Baguio," singit ni Eduardo subalit hindi na niya ito pinansin.
Alam ni Armando na malaki ang kasalanan niya sa kapatid ngunit ipinagpapasalamat niya na hindi niya narinig ang reklamo nito tungkol doon. Hindi niya lamang sigurado kung wala ba talaga itong reklamo sa kasal nila noon ni Luisiana o sadyang kinikimkim lamang nito ang galit sa kanya.
Nagpatuloy siya sa pagsubo ng pagkain.
Ang pagpapakasal kay Luisiana ang isa sa pagkakamali ni Armando. Kung pinaglaban niya lamang sana ang pag-ibig niya para kay Caridad ay hindi siya hahantong sa ganoon. Si Caridad sana ang napakasalan niya kaso naging duwag siya kaya nangyari ang lahat ng iyon.
Noong namatay ang kanilang mga magulang, doon pa lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob. Malungkot siya sa pagkawala ng mga magulang subalit sa kabilang banda ay para din siyang nabunutan ng tinik, para siyang isang hayop na nakatakas o nakalaya sa hawla. Doon ay hindi na siya nagtimpi pa, hindi na niya nilihim sa lahat ang lihim niyang relasyon kay Caridad. Hindi na siya takot sapagkat wala na rin ang mga taong naging pulot-dulo ng kanyang takot. Pakiramdam niya ay malaya na siyang magdesisyon para sa sarili niya.
Naging malungkot siya noong hindi naging maganda ang relasyon nila ni Luisiana subalit hindi niya ito mahal at kahit ano'ng pilit niya, hindi niya makuhang maging masaya kapiling ito.
At nang nagkaalaman na nga ang lahat, nag-divorce sila ni Luisiana at umalis ang babae sa mansion. Iyon na rin ang huling kita niya rito.
"Salamat, Dad," sabi ni Cliff sa ama.
"Malago na rin ang Cebu. Baka magulat ka na lang, Armando, nangunguna na ang branch sa Cebu kaysa sa Baguio," pagbibida muli ni Eduardo.
"Then, that's a good news to hear. But, masaya talaga ako ngayon sa naging achievement ng hotel sa Manila and that's a big thanks sa aking anak na si Theo." Nilingon ni Armando ang anak at ngumiti rito, hindi naman siya nabigo na makita ang ngiti nito pabalik sa kanya.
"Masaya rin ako sa 'yo, Theo. Bumubuti na talaga ang kondisyon mo," wika ni Eduardo.
"Masaya rin ako sa 'yo, Anak," si Caridad.
"Congrats, Theo," ani naman ni Dr. Cliff na sinundan din nang pagbati ni Rina.
Hindi sinasadayang nagtapo ang tingin nina Dr. Steve at Eduardo. Sumenyas naman ang huli sa doktor na sinasabing maging normal lamang siya sa kanyang pagkilos ngunit kahit pilitin niya pang umakto bilang isang normal, hindi siya mapakali dahil sa kasalanang ginawa kay Theo.
Bago naging personal psychiatrist si Dr. Steve ni Theo, abala na talaga siyang nagtatrabaho sa isang hospital. Samantalang kapag may oras pa siya, bumibisita siya o nagpupunta sa mga unibersidad na may kinalaman din sa kanyang kurso, kapag may nag-iimbita sa kanya. Doon ay minsan siyang nagtuturo sapagkat marami rin ang nagmamangha sa angkin niyang potensyal. Bukod sa biniyayaan siya ng gandang lalaki, mayroon din siyang talino at skills na maipagmamalaki.
Subalit sa kabila noon, nakuha niya ang lahat-lahat ng achievement niya hindi lang dahil sa sarili niyang pagsisikap at abilidad kundi dahil sa impluwensya ng Ledesma lalong-lalo na si Eduardo na siyang nag-angat sa kanya dahil sa taglay nitong pera.
Nakapagturo siya sa iba't ibang unibersidad, nakapunta siya sa iba't ibang lugar sa Pilipinas maging sa ibang bansa, nagkaroon siya ng sariling kotse, nagkaroon siya ng sariling condo unit at marami pang iba hindi dahil sa sarili niya lamang kundi dahil pagtulong ni Eduardo sa kanya.
Sa katunayan, minsan na siyang naimbitahang magturo sa dating pinapasukan ni Rina. Hindi sinasadyang nabangga siya ng isang babae noon. Sinikap niyang tumabi pero hindi nakatingin sa nilalakaran ang babae kaya tuluyan siya nitong nabangga.
"Sorry," sabi sa kanya ng babae at nag-angat ng ulo. Doon ay nakita ni Dr. Steve ang basang-basang mukha ng babae dahil sa luha.
Nagbaba agad ng ulo ang babae nang napansin na nakatitig siya sa mukha nito. Pasimple nitong pinunasan ang mga luha samantalang nanatili lamang si Dr. Steve na nakatingin dito. At dahil nga sa pagtingin niya sa babae, hindi rin sinasadyang nagawi ang mata niya sa ID nito kaya naman aksidente ring nakita niya ang pangalan at kurso nito. Iyon ang unang beses na nagtagpo sila ni Rina na sa tantiya niya ay nasa labing lima o labing anim na taong gulang pa lamang.
"Sorry ulit," sabi nito at naglakad na palayo sa kanya.
Ang sandaling tagpo nilang iyon ni Rina ay naging malaki ang impact sa kanya. Hindi niya maitatangging humanga siya sa babae sapagkat kahit basang-basa na ito ng luha at kahit magulo na ang buhok nito sa pag-iyak, hindi naalis ang ganda nito.
Simula noon, minsan sa isang linggo na siyang dumadalaw sa unibersidad na pinapasukan nito subalit hindi niya na muli natagpuan pa si Rina. Ilang taon ang lumipas simula nang araw na iyon at nagulat na lamang siya nang nagtagpo na naman muli sila ng landas ng bababe. Masasabi ni Dr. Steve na maswerte pa rin siya sapagkat nabigyan siya ng pagkakataon na makita ito.
Nalaman niya na ang babaeng matagal niya nang hinahanap noon ay ang babae ring kinuha nina Armando at Caridad na magtrabaho sa loob ng mansion. Nalaman niya iyon sapagkat isa siya sa tumingin sa resume na pinapasa ng mag-asawa sa babae. Simula nang nalaman niya iyon, hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa dahil kinabukasan ng araw na iyon ay dali-dali siyang nagtungo sa mansion upang palihim na masilip ang babae.
Masaya siyang pinagmamasdan ito kahit pa sa malayo. Masaya na siyang makita na ang babaeng huli niyang natagpuan na umiiyak ay nakangiti na ngayon. Masaya na siya na ang babaeng hinangaan niya noon ay natagpuan niya na mas lalo pang naging isang ganap na babae, nag-matured ang pangangatawan at mas lalo pang gumanda.
Nagbalik si Dr. Steve sa kasalukuyan. Kinuha niya ang kanyang baso, nagsalin ng tubig at tumungga roon habang nakatitig kay Rina kumakain din sa harap niya.
Inamin na ni Dr. Steve sa sarili na ang dating nararamdaman niya para sa babae ay hindi na lang isang normal na pagkagusto sapagkat sigurado na siyang mahal na niya ang babae. Nais niyang ligawan ito kung saan siya ang magiging lalaki na palaging magpapasaya rito. Ayaw niya na kasing makita muling umiiyak ito, hangga't maaari ay hiling niya na sana masaya na lamang ito palagi.
Mahal na niya si Rina at nais niyang ipagtapat iyon sa babae. Nais niyang gumawa na ng hakbang o simulan na rin ang panliligaw rito ngunit ang maisip niya pa lamang ang pasyenteng si Theo, nag-aalangan na siya lalo pa't malaki ang kasalanan niya sa lalaki simula nang makipagkasundo siya kay Eduardo. Hindi na niya dadagdagan ang kasalanan kay Theo sapagkat ayaw niyang mas lalo pa siyang kasuklaman nito.