Matapos ang salo-salo sa kaarawan ni Armando, nagsimula nang magligpit ng pinagkainan si Rina. Nasa sala ang iba pa samantalang mag-isa siyang nasa kusina upang maghugas ng plato.
Noong sumilip siya kanina sa sala ay nakita naman niyang nakikipag-usap na si Theo sa lahat. Dala-dala na palagi ng lalaki ang ngiti sa labi kaya masaya si Rina habang lihim na tinititigan ang mukha ng minamahal. Panalangin niya na sana ay magtuloy-tuloy na iyon at sana mas lalo pang bumuti ang kondisyon ni Theo.
Binalik niya ang tingin sa sinasabunang plato nang bigla naman niyang naramdaman ang pag-vibrate ng kanyang phone. Lihim niya iyon sinuksok sa bulsa sapagkat bawal talaga siyang gumamit ng phone. Tutal, madalas namang wala ang mag-asawang Ledesma sa mansion, nagagawa niya pa ring magamit iyon nang palihim. Huwag lamang talaga siya papahuli kung hindi ay katapusan na rin niya.
Pinasok niya ang kamay sa bulsa at kinapa ang keypad upang i-decline ang call subalit makailang segundo na naman ang lumipas ay nag-vibrate na naman iyon. Pinatay niya iyon ulit ngunit nag-vibrate na naman. Sa huli ay kinuha niya ang phone at tiningnan ang caller. Hindi niya nakuhang sagutin ang tumawag kaya tiningnan niya na lamang ang history. Tawag iyon mula sa kanyang kapatid. Mayroon din itong message na pinadala.
'Ate, nasa hospital si Mama.'
Ang kaninang takot na naramdaman ni Rina na gamitin ang kanyang phone ay naglaho na parang bula at napalitan ng takot para sa kanyang ina. Dali-dali niyang tinawagan muli ang kapatid at mabilis naman iyong sinagot nito.
"Jan? Ano'ng nangyari?"
"Si nanay. Andito kami ngayon sa hospital, Ate. Ilang linggo na rin kasi siyang walang tigil sa pag-ubo tapos nanghihina rin siya. Wala laging ganang kumain. Gusto ka raw niyang makita ngayon."
Tumalikod si Rina sa lababo at nang nakaharap na siya sa pinto, doon naman niya nakita si Eduardo na nakakrus ang mga braso at matalim ang pagkakatitig sa kanya. Wala sa sariling naibaba niya ang kanyang phone.
"Sa pagkakaalam ko, pinagbabawalan kang gumamit ng phone habang nandito ka sa mansion."
"Pasensya na po," aniya sa utal na boses. "May emergency po kasi."
"Ano ba ang nangyari?"
"Nasa hospital po kasi si Mama. Gusto ko sana siyang puntahan kaso sa susunod na linggo pa ang day-off ko."
Tumango-tango si Eduardo habang nakahawak ang isang kamay sa baba.
"Pwede mo naman siyang puntahan. Pagkatapos mo sa ginagawa mo pwede ka nang umalis. Ako na ang bahalang magsabi sa kanila."
Hindi makapaniwala si Rina sa tinuran ni Eduardo sa kanya. Sa pagkakaalam niya kasi, katulad ng kapatid nitong si Armando, istrikto rin ito sa lahat ng bagay kaya hindi niya talaga inaasahan na lalabas iyon sa labi ng kausap.
"Pero," utal na sabi niya.
"Ako na ang bahala, kaya bilisan mo na riyan. Pero gaano ka ba katagal doon?"
"Hindi ko pa po alam, depende sa lagay ni mama."
"Don't worry kahit matagal ka pa ay maiintindihan namin. Ako na ang magpapaliwanag sa kanila."
"Thank you po."
Binilisan ni Rina ang paghuhugas ng plato samantalang si Eduardo naman ay lihim na napangiti bago iniwan sa kusina ang babae. Nagtungo ito sa sala upang kausapin ang lahat at upang ipagpaalam si Rina.
Masaya si Theo na makita ang pamilya niya sa oras na iyon. Bibihira ang pagkakataon na magsama-sama sila. Kung dumalaw man ang mga ito sa mansion, hindi para magdiwang kundi para sa kanilang negosyo o tungkol sa hotel. Ang mas malala pa ay iyong magsasama-sama sila para lamang bumuo ng magulong eksena dahil sa pagtatalo.
Halos mapunit na nga rin ang mga pisngi niya sa pagkakangiti. Basta napupuno ang puso niya ng galak dahil ang inakala niyang mansion na mala-impyerno ay maaari naman palang maging paraiso. Ito ang pinakaunang masayang memorya na pag-iingatan niya sapagkat ito rin ang araw na nagkausap sila nang maayos ng ama at naging okay sila ng pamilya.
Habang nasa kusina si Rina, marami-rami na rin siyang nakwento sa mga kasama. Nagiging open na siya sa kanyang nararamdaman. Kinaya niya na ring makipagsabayan o makisakay sa kwentuhan ng lahat. Napag-usapan din nila ang tungkol sa hotel na pinamamahalaan ni Cliff sa Baguio at maging ang pamamahala naman niya sa Manila. Kapwa silang magpinsan na nakatanggap ng papuri kay Armando. Ayon pa nga sa ama niyang si Armando, kapag mas bumuti-buti pa raw ang kalusugan nito, maglalaan siya ng oras upang i-celebrate ang achievement niya at ni Cliff.
"Hala, hindi na kailangan, Tito Armando," sabi ni Cliff.
"Kailangan iyon dahil naging malaki ang tulong ninyo sa amin ng ama mo, Cliff. Thank you rin anak, Theo sa pagtulong mo kahit na alam kong hindi ka pa masyadong nakaka-recover sa nangyari noon."
"Ayos lang sa 'kin Dad. Nakatulong din naman sa 'kin ang paglabas-labas ko."
"Masaya ako para sa 'yo."
"Thank you, Dad."
Habang abala naman sila sa pagkukwentuhan saka naman dumating si Eduardo sa sala na nagpaalam na magtutungo lamang sa banyo.
Nakangisi itong tumingin sa lahat saka naupo sa tabi ng kapatid na si Armando.
"Mukhang masaya ang pinag-uusapan n'yo, a," umpisa nito.
"Napag-usapan lang namin ang mga naging achievements nila," ani ni Armando.
"Gano'n ba? Kaya mas pagbutihin n'yo pa lalong dalawa dahil alam kong hindi lang 'yan ang kaya ninyong gawin."
"Yes, Tito. I will," sagot ni Theo. Iyon naman talaga ang plano niya sapagkat alam niya sa sarili niyang kulang na kulang pa ang naitulong niya sa hotel sa Manila. Alam niyang mas kailangan pa niyang paghusayan para tuluyan na talagang umangat ang branch nila roon. Simula nang ipagkatiwala ang hotel na iyon sa kanya, hinanda niya na rin ang sarili na pasanin ang responsibilidad na nag-aabang o naghihintay para sa kanya.
"Ano na ba ang next mong plano sa hotel?" tanong ni Armando.
"Magkakaroon kami ng meeting bukas. Hihingian ko ng report at suggestions ang ibang tauhan natin."
"That's great. Keep it up, anak," papuri muli ni Armando na ikinangiti niya pa lalo.
Samantala, lalo ring napangisi si Eduardo sa narinig kay Theo pagkatapos noon ay saka siya sumingit sa pag-uusap ng mag-ama.
"Good luck sa mapag-uusapan ninyo bukas," makahulugang sabi ni Eduardo.
"Thank you, Tito."
Matapos ang ilang minutong pag-uusap ay nabanggit ni Eduardo ang tungkol sa pag-alis ni Rina. Hindi pa nga matanggap ni Theo noong una pero sa kabilang banda ay naintindihan naman niya si Rina dahil ang ina nito ang pinag-uusapan. Kaya nga lang, may kung ano sa kanya ang nangangamba dahil hindi niya pala ito makakasama sa meeting kinabukasan. Hindi siya sanay na wala ito sa tabi niya pero susubukan niya pa rin. Hindi niya ika-cancel ang meeting dahil lang wala si Rina. Gusto niya na mas lalo pang mapaglabanan ang takot at tuluyan nang maka-recover.
Ipu-push niya ang meeting dahil ayaw niyang biguin ang mga taong nasa paligid niya. Gusto niyang mas mapatunayan pa ang sarili sa mga ito lalo na ng kanyang ama upang mapansin at mabigyan siya nito ng papuri. Gusto niya kasi na mas magustuhan pa siya ng mga tao sa paligid niya dahil inaamin niyang fulfilling iyon lalo pa't kung positibo lahat ang natatanggap.
'Good luck bukas!'