Hindi alam ni Marble kung ilang minuto siyang namalagi sa loob ng banyo ngunit pagkalabas niya'y nasa loob na ng kwarto ang kanilang Madam, kasama si Bing bitbit ang almusal nila.
Kausap na ng kanilang amo si Gab na naririnig niyang nagpapaalam uling ipapasyal siya sa labas.
"Okay sige," pagpayag ng Madam. "Alam ba ng mommy mo 'tong ginagawa mo?" makahulugang tanong sa binatang tila pinaghandaan ang susunod na mangyayari.
"Ito po ang gusto ko, Tita. Hindi nila ako mapipigilan sa mga bagay na gusto ko," mariing sagot ng lalaki.
Sumulyap sa kanya ang amo. Umiwas agad siya ng tingin.
"Pa'no kung malaman 'to ng mga magulang mo?" baling uli nito sa binata.
"Nakahanda na po ako, Tita," lakas-loob nitong sagot saka bumaling sa kanyang biglang tumalikod at iiwas na naman sana nang tawagin na nito.
"Marble, nakapagpaalam na ako kay Tita Cielo na isasama kang mamasyal bukas," saad nito sa kanya.
Napilitan siyang humarap na uli sa lahat at nahihiyang tumingin dito, sabay ngiti kahit naaasiwa siya.
Napansin niyang nakatitig sa kanya ang mga naruon, maliban kay Bing na tila hindi alam kung anong usapan nila. Pakaswal lang nitong inilagay sa center table ang dalang malapad na tray ng kanilang pagkain.
"Ano Marble, sasama ka ba?" tanong ng madam.
Napakamot siya sa batok.
"Ano po kasi, marami po akong gagawin bukas 'tsaka po masama po pakiramdam ni Ate Lorie, baka po kung mapa'no siya 'pag iniwan ko," pagdadahilan niyang di tumitingin sa binatang rumihestro agad sa mukha ang lungkot.
Ang madam nama'y napatingin kay Lorie na yumuko agad at kunwa'y lumapit sa center table upang ayusin ang kanilang pagkain.
Kababangon lang din ng matanda nang mga sandaling 'yon kaya't agad niya itong inalalayang makababa ng kama.
"Sensya ka na Gab, 'di ka na namin maaasikaso ngayon. Alam mo namang busy din sila," anang Madam sa binatang napangiti na lang.
Si Bing nama'y ngumiti lang kay Lorie saka lumabas na ng kwarto.
"Okay lang po,Tita. Pupuntahan ko din po si Vendrick," sagot ng lalaki't nagpaalam muna sa kanya bago lumabas ng kwarto.
"Marble, pakainin mo muna si papa. Pumunta ka sa kwarto ko pagkatapos niyong kumain," utos ng madam sa kanya saka lumapit kay Lorie.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" usisa nito.
"Naku, kanina lang po 'yon, Madam. Okay na po ako ngayon," maagap na sagot ni Lorie at malapad ang ngiting ipinukol sa amo ngunit bigla ring napayuko.
"Segurado ka?" paniniyak ng amo.
"Opo. Segurado po ako," mabilis nitong sagot ngunit di tumitingin sa kausap.
Isang buntunghininga ang pinakawalan ng madam at nagmamadali nang lumabas ng kwarto.
Tila sila nabunutan ng tinik sa lalamunan nang maiwan silang tatlo. Sabay pa silang huminga nang malalim ni Lorie, sabay ring nagkatinginan saka naghagikhikan.
Wala namang pakialam ang kagigising na matanda't pagkakita sa almusal ay nauna nang umupo sa tiles na sahig at nilantakan ang pagkain sa center table, hindi na gumamit ng kutsara.
**************
"May relasyon ba kayo ni Gab?" pagkalapit lang ni Marble sa among nakatayo sa may tokador nito ay agad nitong usisa.
Namilog agad ang kanyang mga mata sabay baling dito.
"Naku wala po, Madam," tanggi niya agad. "P--pero po sabi niya mahal daw po niya ako," nahihiya niyang pag-amin at agad iniyuko ang ulo.
"Mahal mo ba siya?" tanong na uli nito.
Mabilis siyang umiling.
"Wala pa po akong panahon para magjowa, Madam. Gusto ko pa po talaga mag-aral. And'yan lang naman po 'yang pagmamahal na 'yan. Makakapaghintay po yan," mahaba niyang sagot.
"Good. 'Wag mong kalilimutan ang pangako mo sa'kin. Hindi ka pwedeng magkaruon ng kaugnayan sa kahit na kanino sa'min," malamig na saad nito.
"Opo. Pangako po, tutuparin ko po 'yon." May katiyakan sa mga sinasabi.
Katahimikan...
"By the way, kunin mo ang mga librong 'yan sa ibabaw ng tokador," anito maya-maya.
Nawala bigla ang hiya niya't nerbyos nang makita ang pito yatang akat na patung-patong na inikalagay sa ibabaw ng tokador.
"Wow! Sa'kin po 'tong lahat, Madam?" bulalas niya sabay hablot sa isang libro.
Sa wakas ay napangiti na rin ang among babae pagkakita sa kanyang tuwang-tuwa habang pinagmamasdan ang pamagat ng libro.
"English and Writing." Ang title ng aklat na hawak.
"Naku Madam. Marami pong salamat. Salamat po talaga." Halos mapalundag siya sa sobrang tuwa. Napakapalad talaga niya, nagkaruon siya ng mabait na among babae.
"Oo na sige na." Nadala naman ang amo sa hagikhik niya't umaliwalas na ang mukha sa kanya.
"By the way. May pupuntahan tayo bukas. Ipapaayos natin 'yang dalawa mong pangil." wika na uli nito.
Tigagal siyang napatitig dito.
"Sabi ng doktor na nakausap ko, pwede pa daw 'yan maayos. Pero kailangan mong magpahinga ng dalawang linggo para seguradong walang maging komplikasyon sa gagawin sa ngipin mo," dugtong nito.
Hindi siya makapaniwala sa narinig o kung totoo ba talaga ang narinig niya. Ipapaayos ng Madam ang kanyang dalawang ngipin tapos papagpahingahin siya ng dalawang linggo? Tapos hindi na siya lalaitin ng mga nakakakita sa mga pangil niya? Ituturing na siyang tao ng iba at hindi na bampira?
Sa sobrang tuwang 'di niya mailabas, hindi niya namalayang tumutulo na ang kanyang luha.
"O bakit ka umiiyak?" natatawang puna ng amo.
Nabitiwan niya ang libro at biglang lumapit dito saka niyapos nang mahigpit at sa dibdib nito napahagulhol ng iyak.
"Maraming salamat po talaga, Madam. Napakabait niyo po sa'kin. Maraming salamat po talaga," sambit niya sa pagitan ng pag-iyak.
Sandali itong natahimik, pagkuwa'y hinahagod na ang kanyang likod.
"Okay lang 'yon. Ang mahalaga, mabait ka kay papa. Balewala sa'kin kahit gumastos ng pera tutal 'yon din naman ang gusto ni papa para sa'yo," sagot nito.
"Maraming salamat pa rin po sa inyo, Madam," pag-uulit niya.
"O siya, tama na. May pupuntahan pa ako," anito't kumawala na sa pagkakayakap niya at pinulot ang binitawan niyang aklat.
"Sagutan mo lahat ng mga tests d'yan dahil 'yan ang pagbabasehan ng grades mo. Galingan mo ha? Gusto kong matataas ang mga marka mo sa bawat subject. 'Wag mo akong ipapahiya sa school na pinag-enrolan ko sa'yo," bilin nito.
"Opo Madam. Makakaasa po kayo, mag-aaral po akong mabuti," humihikbi pa rin niyang sagot pero natatawa nang nagpahid ng luha at binitbit ang mga libro palabas ng kwarto.
Pagkapasok lang niya sa silid ng matanda, sumalubong agad si Lorie.
"Ano'ng nangyari? Pinagalitan ka ba? Bakit may dala kang mga libro?" sunud-sunod na tanong nito.
Duon na siya lumukso nang lumukso sa sobrang saya.
"Ate, ipapaayos na ni Madam bukas ang mga pangil ko!" humahagikhik niyang sagot.
"Ows talaga? Wow! Masaya ako para sa'yo, Marble!" bulalas ng kababayan.
Pumalakpak naman ang matandang nakikinig pala sa kanilang usapan.
"Yehey, gaganda na ang nanay ko!" hiyaw nito habang pumapalakpak. Inilapag niya muna sa malinis nang center table ang mga librong dala bago lumapit sa alagang naglalaro na naman ng baraha sa sahig at mahigpit itong niyapos.
"Anak, ikaw ang dahilan kung bakit nangyayari sa'kin ang mga magagandang bagay na 'to. Maraming salamat sa'yo, anak." Gusto na naman niyang maiyak.
Pero panay lang palakpak ang matanda habang yakap niya, iisa lang ang isinisigaw.
"Yehey gaganda na si nanay! Gaganda na si nanay!"
*************
"Dude, saan ka ba nagpunta kagabi? 'Di mo ba alam na muntik nang magwala si Chelsea sa galit nang 'di ka sumipot sa engagement party?" kabubukas pa lang niya sa pinto ng kwarto ay bungad na agad ni Gab.
Bigla ang pagkulimlim ng kanyang mukha sabay talikod rito.
"Dude, akala ko ba iyon ang gusto mo? Matagal mo na siyang gusto 'di ba? Pero ba't 'di ka sumipot kagabi?" pangungulit nito, hinabol pa siya kahit nang bumalik siya sa pagkakahiga sa kama at pumikit.
Katahimikan...
Marahil ay napansing wala siyang balak pag-usapan ang tungkol sa nangyari kagabi kaya bigla rin itong tumahimik.
Ngunit hindi niya inaasahan ang biglang lumabas sa bibig nito matapos ang tatlong minuto marahil.
"Dude, malapit nang mapasa akin si Marble," masigla nitong wika.
Agad siyang nagdilat ng mga mata saka salubong ang kilay na bumangon sabay harap sa kaibigan.
"What did you say?" kunwa'y 'di niya narinig ang sinabi nito.
"Dude, alam na niyang nagpunta ako sa Cebu. Sinabi ko sa kanya kanina, 'tsaka sabi ko boto sa'kin ang mga magulang niya. Ang sabi niya naniniwala daw siyang mahal niya ako." Tumawa ito nang malakas, biglang naexcite sa sinabi saka siya bahagyang sinuntok sa balikat.
"Dude, she's going to be mine, soon," kinikilig nitong sambit.
Lalong kumulimlim ang kanyang mukha. 'Di alam kung matutuwa ba para sa kaibigan o uumbagan ito ng suntok. Ang alam lang niya, nag-akyatan yata lahat ng kanyang dugo sa ulo't bigla iyong uminit, gusto nang sumabog. Talagang makakapatay siya ng tao kung 'di niya kokontrolin ang sarili.
Bigla siyang bumaba sa kama at kuyom ang mga kamaong lumapit sa ref malapit sa may pinto ng kwarto, binuksan iyon at kumuha ng isang bote ng 'De Loach Vineyards', salubong pa rin ang mga kilay na ininom ang laman niyon na tila ba tubig lang ang nasa loob ng bote.
"Hey Dude," ani Gab na agad nakalapit sa kanya at inagaw ang bote saka ito naman ang uminom.
Mangani-nganing sapakin niya ito, pero nagpigil siya. Hindi nga niya alam kung ano ba talaga ang nararamdaman niya ngayon, tapos bigla siyang mananapak.
Pigil ang galit na isinara niya ang pinto ng ref at tumalikod na uli sa kaibigan saka nagtungo sa sofa, dinampot ang remote ng tv at binuksan iyon.
Sumunod na uli ang huli at inilapag ang bote ng red wine sa center table pagkuwa'y bumaling sa kanya.
"Dude, ano kaya kung magpakasal tayo nang sabay? What do you think?" masaya na uli nitong sambit.
Talagang nanggigigil na siya at gusto nang ipukpok sa ulo nito ang hawak na remote. Pero mas pinili niyang 'wag na lang magsalita.
"Dude, bibilhan ko si Marble ng Phone mamaya, 'tsaka reregaluhan ko siya ng madaming damit para marami siyang maisukat sa first date namin," patuloy ng kaibigan.
Duon na siya gigil na napatitig rito, tikom ang bibig na pinagmasdan ang mukha nito.
"Are sure nothing bad would happen to her when she becomes yours?" Nawala ang compusure niya, tila lahat ng galit na nararamdaman at halu-halong emosyon ay nadala ng mga salitang 'yon.
Natigilan ang kaibigan. Mataman siyang tinitigan.
Isang matalim na titig ang kanyang iginanti sabay baling na uli sa TV.
"Dude, are you angry with me?" pakli nito.
'Damn!' Ba't ba siya nagagalit nang gan'to nang dahil lang sa mga pinagsasasabi nito tungkol kay Marble?
Pilit niyang kinampante ang sarili at muling tumingin sa kaibigan.
"I'll make it straight to the point, Dude. I'm supporting you because I know how you feel for her. But if somebody hurts her beacuse of you, you'll never see me smile at you again," malamig ang boses na saad niya, kasinlamig yata ng yelo sa loob ng ref, may halo pang bagbabanta para sa kaibigan saka ito tinapik-tapik sa balikat at tumayo para bumalik sa pagkakahiga sa kama.
Naiwang natitigilan ang kaibigan, pilit inunawa ang kanyang sinabi.