Natapos na ni Marble ang lahat ng mga gawain sa buong kwarto nang maisipang dalhin ang mga librong bigay ng kanilang madam sa kwarto ni Vendrick tutal andun naman ang kanyang Ate Lorie na magbabantay sa kanyang alaga pansamantala.
"Ate, okey lang ba kung maglinis muna ako sa kwarto ni Vendrick ngayon?" paalam niya sa dalaga.
"Oo sige. 'Wag kang mag-alala, okay na ako. Ako nang bahala kay senyor. B-basta 'pag nagtanong ang mga amo natin tungkol sa'kin, sabihin mo wala na akong sakit ha?" bilin nito.
Nakangiti siyang tumango at nagmadali nang lumabas ng kwarto bitbit ang mga libro.
"Senyorito Vendrick!" mahina niyang tawag sa binata sabay katok nang marahan sa pinto nito.
Ilang segundo lang ay bumukas na agad ang pinto ngunit 'di niya nakitang dumungaw si Vendrick, hinayaan lang nitong nakabukas ang pinto para makapasok siya.
Ang lapad ng kanyang ngiti habang isinasara ang pinto. Alam na kasi niyang magulo na naman ang loob ng kwarto nito, malaki na naman ang makakaltas sa utang niya.
"Maglilinis na ako ng kwarto---" nakangisi niyang wika pagkaharap lang sa binatang nakapameywang at maasim ang pagkakatitig sa kanya.
Napamulagat siya pagkakita sa buong kwarto at dismayadong napatingin sa lalaki.
"Ano'ng nangyari dito? Hindi ka ba naligo? Hindi ka kumain? Asan ang mga hinubad mong damit?" 'di makapaniwalang sunud-sunod niyang tanong at gusto nang mapahikbi habang naglalakad papunta sa mahabang sofa at inilapag do'n ang bitbit na mga libro saka sinalat ang ibabaw ng center table.
Ang giatay na 'to, 'di man lang nagtira kahit kunting alikabok lang sa kwarto nito. Ang linis, kahit saan siya tumingin, nangingintab sa linis ang buong palibot.
Nanggigigil siyang napalingon ritong sumunod pala sa kanya papunta sa sofa at umupo nang nakade-kwatro saka kinuha ang isang libro na kanyang dala, binuklat iyon, binasa, pagkuwa'y ibinigay sa kanya.
"'Pag nasagutan mo lahat ng mga test d'yan, bayad ka na sa lahat ng utang mo sa'kin."
Nagliwanag bigla ang kanyang mukha sa tuwa. Totoo ba ang narinig niya? Seryoso ito?
"Weh, 'di nga?" pabara niyang sambit, 'di ipinahalatang naexcite siya agad.
Tumingin ito sa kanya, matagal bago sumagot.
"Sige 'wag na lang," biglang bawi nito.
Agad niyang hinablot ang iniaabot nitong libro sabay tabi dito ng upo.
"Asan d'yan ang sasagutan ko?" usisa niya.
Muli itong tumingin sa kanya.
"Alam mo kung ano'ng isasagot mo?" tanong nito.
"Syempre hindi. English 'yan eh. 'Di mo ba kita, English and Writing," mabilis niyang sagot, binasa pa ang pamagat ng libro.
Inilamukos na lang ng katabi ang palad sa mukha, dismayado sa kabobohan niya saka iritadong binawi ang libro sabay buklat duon.
"O basahin mo," utos sa kanya, itinuro ang ipinababasang tanong.
"Aysus ang dali lang niyan. What is da isnonim op chawtic?" basa niya.
"Ano? Ano'ng isnonim op chawtic?" halos iisa na lang ang kilay ng binata sa pagsasalubong ng mga 'yon.
"Ang bobo mo naman. Ayan oh, isnonim op chawtic daw." Inis niyang itinuro ang ipinababasa nito.
Bigla siya nitong binatukan.
"Grabe ka talaga sa kabobohan," sumusukong sambit ng binata.
"Synonym of chaotic 'yan, hindi isnonim op chawtic," pagtatama nito.
Napapairap na lang na sumulyap siya rito.
"Ito naman kung makabobo parang 'di rin nagkakamali," nakasimangot niyang saad.
"Pa'no'y mas matindi ka pa sa grade 1. Simpleng english lang, 'di mo alam," sermon nito.
"Turuan mo na lang kaya ako," nagtatampo nang wika.
Natahimik sandali ang binata. Inilapag ang aklat na hawak, kumuha ng ibang libro.
"O ito, maganda 'to, business Math and finance skills," anito saka binuksan ang libro.
"Alin ang maganda d'yan? Sabihin pa nga lang math, bali-baliktad na ang utak ko," nakairap na naman niyang reklamo.
"Hindi ba't mukhang pera ka naman, kaya bagay sa'yo 'to," pambabara nito.
Ang talim ng titig na ipinukol niya sa binata.
Nang mapansing nagtatampo na siya'y inakbayan siya ng binata saka ito na ang nagbasa para sa kanya.
"In mathematics, a basic algebraic operation is any one of the traditional operations..." simula nito hanggang matapos ang binabasa.
Bigla siyang nagseryoso at matamang nakinig habang nakaawang ang mga labi.
"Gets mo ba?" usisa ng binata nang mapansing seryoso siya sa pakikinig.
"Ah gano'n pala 'yon," anya saka bumaling dito.
"Nakuha mo?" usisa na uli nito.
Tumitig siya sa mga mata nito pagkuwa'y sa libro nang nakaawang ang bibig saka ngumisi.
"Ano'ng ibig sabihin niyon?" maang niyang tanong.
Muntik nang maitapon ni Vendrick ang hawak na libro sa sobrang gigil sa kanya.
"Ikaw ba talaga"y nakapag-aral ng elementary hanggang high school? Kahit yata biakin ko 'yang utak mo walang laman 'yan kundi puro kalokohan!" sermon na naman nito, tila totoong gurong habang pinapagalitan siya.
Napahikbi tuloy siya, nasaktan sa sinasabi nito.
"Kahit naman gan'to ako kabobo, may laman naman kahit papa'no ang utak ko. Merun pa nga 'yong hypothalamus eh," nakayuko niyang sagot, gusto nang maiyak.
"Hypothalamus, i-spell mo nga 'yon?"
Natigil siya sa paghikbi, nag-isip.
"Pwede bang utak na lang?" baling dito.
Binatukan na uli siya ng binata.
"Bakit kasi hindi mo na lang ako turuan, hindi kung anu-ano pa'ng sinasabi mo!" sobrang sama na ng loob na wika niya.
Natahimik ito, pagkuwa'y napabuntunghininga, maya-maya'y binabasa na nito ang bawat pangungusap saka ipinapaunawa sa kanya. Bawat salita binibigkas muna nito saka naman niya bibigkasin.
"Negative times negative? Ano isasagot mo?" sinubukan na siya nito.
Pumilantik siya sabay ngisi.
"Ambilis ayy, negative times negative equalis love."
"Ano?!" bulalas nito halos umusok na ang ilong sa panggalaiti sa kanya, kulang na lang ihagis siya sa pinto.
Hinampas niya ito sa balikat saka ngumiti.
"Relaks ka lang, bro. Gan'to kasi 'yan, madali kong natututunan ang isang bagay 'pag inihahalintulad ko sa totoong buhay. Application ba. Negative times negative equalis positive. Parang love din 'yan," mahaba niyang paliwanag.
Natigilan ito, napatitig sa kanya. Siya nama'y nagpatuloy sa pagpapaliwanag.
"'Pag kasi gusto mo ang taong ayaw sa'yo, hindi kayo magkakatuluyan niyan. Dapat parehas kayong positive o 'di kaya parehas kayong negative. Sa love kasi kahit negative, nag-aattract sila, parang---" bigla siyang natahimik pagkuwa'y sumulyap sa katabi.
"Example, tayo. Lagi tayong nagbabangayan, pareho nating ayaw ang isa't isa. Kaya negative attraction tayo. Halimbawa din kami ni Sir Gab. Parehas kaming mabait sa isa't isa, positive times positive, kaya 100% positive 'yon. Pwedeng magkatuluyan ang mga gano'n," patuloy niya habang iminumuwestra ang mga kamay para maipaliwanag nang maayos ang gustong sabihin.
"Hindi ko kasi nauunawaan ang isang bagay kung 'di ko inihahalintulad sa totoong buhay kahit ga'no mo pa ituro sa'kin 'yon," aniyang may himig nang lungkot ang tinig.
Gano'n talaga seguro siya kabobo.
"Gets mo ba? Kaya kailangang may example ka para--" bahagya lang siyang napasulyap rito pero biglang napatitig nang mapansin niyang tila ito natulala habang 'di inaalis ang tingin sa kanya.
"Huh? Bakit natameme ka d'yan? Ang galing ko mag-explain no?" anya sabay ngisi.
Ngunit nanatiling seryoso ang mukha nito, tila ang lalim ng iniisip. Bakit?
Napako ang mga mata niya rito lalo na nang kabigin siya palapit sa mukha nito. Duon niya lang naamoy ang amoy alak nitong hininga.
"Nakainom ka ba?" taka niyang tanong sabay tulak dito nang maramdamang dumiin ang hawak sa kanyang beywang saka siya tumayo.
"Matulog ka na nga. 'Di mo naman sinabi saking nakainom ka. Kaya pala kanina ka pa wala sa mood magturo eh," utos niya rito't tiniklop na ang hawak nitong libro.
Bigla itong napangiti sabay yuko.
"Huh, negative attraction equals love. Bago 'yon ah," late nitong reply na tila ba ngayon lang narinig ang paliwanag niya.
"Tama naman 'yon ah."
Tumingala ito sa kanya, tumitig na uli. Ismid lang ang kanyang isinagot.
"I'm leaving tomorrow."
Dadamputin na sana niya ang mga libro nang muli itong magsalita.
"Eh 'di umalis ka! Pakialam ko ba sa'yo," pasuplada niyang sagot saka nagmamadaling binibitbit ang mga libro palabas ng silid, nagdadabog na bumalik sa kwarto ng matanda.