webnovel

Patayin (5)

Editor: LiberReverieGroup

Hindi pa nakakabawi sa pagkagulat ang mga sundalo nang magningas ang Purple Spirit sa buong katawan. 

Halos lumuwa ang mga mata ng sundalo dahil sa Purple Spirit glow na iyon. 

[Isang Purple Spirit!]

[Ang batang iyan ay isang Purple Spirit!]

Hindi sila makahanap ng salitang bibigkasin nang lumabas ang Purple Spirit glow sa katawan ni Jun Wu Xie. At bigla itong kumilos ng sobrang bilis na hindi na nila halos makita!

Natagpuan ito ng mga sundalo ng Condor Country sa kanilang likuran nang ito ay tumigil sa paggalaw. Para silang nabato sa kanilang kinatatayuan.

Humupa na ang Purple Spirit glow sa katawan ni Jun Wu Xie, maya-maya ay narinig ang sunod-sunod na animo'y wisik.

Mahigit sampung ulo ang agad na naputol sa katawan ng mga sundalo. Mas lalong dumami ang dugong nakakalat sa paligid. Para itong ulan na bumubuhos sa lahat.

Dahan-dahang naglakad palapit si Jun Wu Xie sa munting Emperor na nakakapit sa kamay ng lalaki.

Ang pulang buhok nito, namumulang mga mata ay hindi na pamilyar sa kaniya. Hindi niya na maramdaman ang kainosentehan nito sa mga matang iyon.

Hindi gumalaw ang lalaking may hawak sa munting Emperor. Nanigas ang katawan nito sa ilalim ng tila ulan na dugo. Maya-maya ay nagpakawala ito ng malakas na alulong kay Jun Wu Xie.

"Hindi ko siya sasaktan." Mahinang saad ni Jun Wu Xie.

Hindi niya kilala ang lalaki, ngunit pamilyar sa kaniya ang boses nito.

Iyon ang alulong ng lalaking sakay ng huling karwahe sa kumboy ng Buckwheat Kingdom.

Naubos ang sundalo ng Buckwheat Kingdom at itong lalaking ito ay nagsilbing tagapagligtas ng munting Emperor.

Naniniwala si Jun Wu Xie na mayroon pa ring natitirang koneksyon dito at sa munting Emperor.

Pahina ng pahina ang alulong ng lalaki, nanatiling walang buhay ang mga mata nito. Subalit dahan-dahan nitong pinakawalan ang munting Emperor. Hindi na nito kayang labanan ang kamatayan sa mga oras na iyon. Ang mga panang tumarak sa likod nito ay halos ubusin ang kaniyang dugo. Lumuwag ang mahigpit na hawak ng lalaki at ang malaki nitong katawan ay tuluyan nang bumagsak sa lupa…

Nanatili ang munting Emperor sa kinatatayuan nito, nakatitig sa lalaki. Ngunit mukhang hindi nito naiintindihan ang pangyayari. Nakatayo lang itong parang bato doon.

Nagmadaling lumapit si Jun Wu Xie sa lalaki upang suriin ang mga sugat nito. Ngunit labis niyang ikinagulat ang kaniyang nakita. Totoo ngang sa itsura ng lalaki ay masasabi mong malakas ito ngunit ang ugat nito sa katawan ay gulo-gulo. 

Biglang naalala ni Jun Wu Xie ang sinabi ni Fan Zhuo tungkol sa eksperimentong isinagawa ng Twelve Palaces.

Kung hindi siya nagkakamali, naisagawa sa lalaking ito ang eksperimentong iyon.

Ngunit ang lason ay nanuot na hanggang sa mga buto nito at naialay na ang espiritu nito. Para na itong isang puppet na walang sariling desisyon at pag-iisip. Agad na umimpis ang katawan ng lalaki, mula sa pagiging halos higanteng itsura nito, naiwan itong isang buto't-balat ngayon.

Mabilis ang mga pangyayari. Gusto man itong iligtas ni Jun Wu Xie, hindi niya alam kung paano.

Natuyo ang payat na katawan ng lalaki ngunit ang mga mata nito ay nagkaroon ng kaunting liwanag. Nakatitig ito sa munting Emperor na parang marami itong gustong sabihin sa bata ngunit wala itong lakas at wala na rin itong oras.

"Ako na ang bahala sa kaniya." Nang tumitig si Jun Wu Xie sa mata ng lalaki, sa hindi malamang dahilan ay biglang pumasok sa kaniyang isipan si Jun Qing. 

Ngumiti ang lalaki sa huling pagkakataon. Ngiting kailanman ay hindi na makikita ng munting Emperor. At sa oras na iyon, pumikit na ang mga mata nito.

Siguiente capítulo