webnovel

Expressing Love

"AKO NA ANG bahala," sagot ni Cass sa binata nang sagutin niya ang tawag nito. Dalawang araw na niya itong hindi nakikita at ang natatanging oras na nagpaparamdam ito ay kung tatawagan siya nito ng umaga.

Tinatanong nito ngayon kung bakit pinabalik niya ang breakfast na pinadala nito sa kanya. "I can cook my own meals, Ansel," walang emosyong sabi niya. "May mga natira pa tayong ingredients dito. Sayang naman."

"Oh... um, okay," sagot naman nito at hindi na siya nagsalita, sa halip hinintay niya na ito mismo ang magsabi ng gusto nitong sabihin. "Sorry pala hindi ako nakauwi kagabi. Ginabi na rin kasi ako sa pinuntahan ko kaya hindi na ako nakabalik."

Wala ka pa rin naman ngayon, naisaisip niya. Hindi na nga siguro siya magtataka kung ang gagawin ng binata sa nalalabi nilang araw sa Villa ay hindi magpakita sa kanya. Mabuti na lang pala hindi naging sila at mas magiging masakit sa kanya kung naging sila at biglang maging ice-cold na naman ito.

"Caz?"

"Ano?"

"Galit ka ba sa akin?"

Mapait na natawa lang siya sa sinabi nito. Obvious ba? "Bakit naman ako magagalit sa'yo? Ano namang ginawa mo sa akin?"

"Hindi ko alam. You just sound like if you ever see me, sasakalin mo ako."

Natawa naman siya sa suhestiyon nito. "Pwede rin. Kaya 'wag kang magpapakita sa akin, ah. Tuloy mo lang 'yang pagtatago mo, maganda 'yan."

"Caz."

"Ano na naman? Caz ka ng Caz diyan."

Natahimik naman ang binata at saglit niya itong hinintay bago siya na mismo ang nagbaba ng tawag. Nang marinig niyang mag-ring ang phone niya, hindi na niya sinagot iyon. Sa halip, nag-focus na lang siya sa paggawa ng pancake at doon na napunta ang buong atensyon niya.

Ayaw niyang magmukhang mahina rito. Kaya kahit labag sa kalooban niyang hindi ito pakitunguhan nang maayos, gusto niyang iparating rito na hindi siya ang tipo ng babaeng basta lang pagkakandarapaan ito.

Hanggang sa may pumutol sa kanyang atensyon nang marinig niyang nag-ring ang doorbell. Buti na lang at patapos naman na siya kaya nagawa niyang lumakad sa pinto at pagbuksan kung sino man ang kumatok. Isang dosenang pulang rosas ang tumambad sa kanya. Ngunit hindi si Ansel ang may hawak ng mga bulaklak, isa sa mga staff na laging nagdadala ng pagkain nila ang may hawak noon.

Malawak ang ngiti ni Kuya Staff nang ibigay nito sa kanya ang mga rosas. "Hi, Miss. Ito na lang raw ang ipapalit ni Mr. Dela Cruz sa tinaggihan mong breakfast. Pampa-good vibes sabi niya. Ang sweet ng boyfriend mo ano, Miss?"

Walang ganang kinuha niya ang rosas. Syempre, rosas pa rin iyon at kahit nagmula man sa magaling na lalaking iyon ay kukunin niya. Sayang naman na pinagpipitas ang mga rosas kung hindi mapapakinabangan.

"Yeah, ang sweet nga," deadpan niya habang binabasa ang note na kasama roon. "Thank you, Kuya."

"Walang anuman, Miss. Enjoy your day."

Binigyan niya ito ng ngiti na mabilis ring nawala nang isinara na niya ang pinto. Tinanggal niya ang note mula sa rosas at itinapon niya lang sa basurahan. Hinanapan niya naman ng vase ang rosas at sinalinan iyon ng tubig bago niya inilagay ang mga bulaklak. She smiles slightly and leans closer to smell the roses.

Ngayon lang din siya nakatanggap ng rosas kaya syempre hindi siya mag-aaksaya ng panahon para ma-appreciate iyon. Saglit niya lang iyon ginawa, bago tinalikuran ang rosas at nagsimula nang kumain.

HINDI ALAM NI CASS kung matutuwa ba siya o hindi sa panibagong pakulo ng binata. Hindi pa rin ito nagpapakita sa kanya pero kung anu-anong pakulo ang ginawa nito ng isang araw. Bago siya umalis ng bahay ay may nagdala naman sa kanya ng isang dosenang chocolate na katulad ng rosas ay may note na namang nakalagay. Hindi na niya binasa ang note at diniretso lang iyon sa basurahan.

Kumuha lang siya ng isang chocolate bago niya iyon ibinalik sa ref. Pa-cute na naman ang binata at hugis puso pa talaga ang lalagyan ng chocolate.

Hindi niya tuloy alam kung mali ba ang kalendaryo na hawak ng binata dahil parang iniisip siguro nito na Valentines na. At ang mas lalong hindi niya maintindihan ay kung bakit siya ang pinadadalhan nito ng kung ano.

Ngayon namang casually lang siyang nagpapakain ng mga pato ay biglang may lumapit sa kanyang tatlong lalaking staff. May dalawang may hawak ng wireless na electric guitar at ang isa ay may ipinasa sa kanyang isang rosas. "Hi, Miss," bati ng nag-abot sa kanya ng rosas.

Tipid na ngiti lang ang ibinigay niya dahil kung ayaw niya lang mapahiya ang mga ito ay nag-walk out na siya.

"May nagpapa-request nga pala na haranahin ka namin. Hindi kami usually gumagawa ng ganito kaso nagbayad na kasi siya ng extra."

"Si Ansel."

"Ah, oo. Si Sir Ansel."

"Oo nga. Bakit ang sabi niya ba ngayon kunwari secret admirer siya?"

Nagtatakang nagtinginan lang ang mga staff at tumango naman ang kausap niya. "Oo, Miss. Mukha namang nalaman mo agad kaya sige, tutugtog na lang kami."

Nang marinig niya ang opening guitar riff ng mga ito ay hindi niya napigilang magulat. Ang kanta kasing tinutugtog ng mga ito ay ang Party Tonight na mula sa Regular Show. Hindi niya inaasahan iyon, ang alam kasi niya ay dahil harana ay senti at romantic ang maririnig niya.

Mukha tuloy nag-mi-mini concert ang mga ito roon. At kahit galit siya, hindi niya mapigilang mapangiti at napasayaw na rin siya habang tumutugtog ang mga iyon. Inalok niya pa ng sayaw ang lead singer ng impromptung bandang iyon. Wala na siyang pakialam sa paligid niya dahil syempre, minsan lang naman siya makakasayaw sa kanta nang pinakamamahal niyang animated show.

Nang matapos iyon, habol na niya ang hininga ngunit gumaan na rin ang mood niya at nakaya niya na ring ngumiti. "Thank you, Kuya," sinserong sabi niya at nagawa niya pang yakapin ang lead singer na tinanggap lang naman nito. Natuwa pa siya rito at hinalikan niya pa ito sa pisngi.

"No problem, Miss. Nahirapan rin kami mag-prepare pero ang ganda naman ng kanta. Ngayon ko nga lang narinig," may kung anong kinuha ang lalaki sa bulsa at ibinigay ito sa kanya. "Ito pala, isa sa continuation ng notes na pinabibigay sa'yo ni Sir Ansel."

Kinuha niya iyon at simpleng ibinulsa lang. Masaya na lang siyang kumaway kaway sa impromptu band bago nagpatuloy sa plano niyang gawin ngayong araw. Hindi naman tumigil ang mga regalo at sorpresa ng binata at ang pagdating ng mga notes.

Tinanggap niya lang ang mga regalo at inilagay lang sa bulsa ang mga notes. Wala siyang binasa dahil alam niya namang baka hindi naman totoo ang mga nakasulat doon. Siguro pinagtritripan lang siya nito at pilit sinusuyo kasi galit siya.

Hindi naman siya papatinag. Ngayong alam na niya kung paano ito ma-inlove ay proprotektahan niya na lang ang puso niya.