Naunang umalis ng bahay si Kiona. Hindi na rin ito nagpapasundo dahil gagabihin daw siya.
"Wala ka bang napapansin sa asawa mo?" Tanong ng mama niya habang nag-almusal siya.
Maganda ang gising ni Mrs. Gregorio, at kahit paano'y masaya na si Cassius doon. Mawala man ang isang babaing minamahal niya, tiyak namang hindi siya iiwan ng first love niya. Si Mrs. Gregorio.
"Wala naman. Mainitin lang ang ulo. Bata pa kasi. Ayun, nagdadabog na naman kanina. Tumataba raw siya. Can you imagine that, Ma? Nadagdagan lang ang sukat niya sa medida, parang end of the world na."
"Ikaw naman, ganoon talaga ang mga babae. Dapat pagpasensiyahan mo, kasi nga mas bata sa iyo si Kiona. Isa pa, I think, she's pregnant."
Naibalik ni Cassius ang kapeng ininom.
"What? Pregnant? Si Kiona!? You're kidding, Ma."
"Look at her! Ikaw ang dapat unang makapansin dahil ikaw ang kasama niya. Ikaw ang katabi sa pagtulog. Hindi mo ba napapansin ang katawan niya? She's not just gaining weight, she's getting rounder everyday. At kung makikita mo kung paano siya kumain! My, siya ang umuubos ng mga niluluto ko, lalo na iyong dinuguan. Ayoko sanang pakainin siya noon, kaso iyon ang hinahanap niya. Baka maging negro ang apo ko."
"Ma, naniniwala ka ba naman doon. Wala naman sa lahi natin ang negro. At saka, look at her mukhang ibinabad sa gata, wala na yatang dugo. Mas dapat nga sigurong pakainin mo ng dinuguan." Tumindig si Cassius at hinagkan ang ina.
"I'll go ahead, Ma. Just call me kung may kailangan ka."
"Mag-iingat ka, iho."
Habang nasa daan ay iniisip ni Cassius ang pinag-usapan nila ng Mama niya. Paano kung buntis nga si Kiona? At maghihiwalay sila?
Shit! Hindi siya papayag na ipalaglag ni Kiona ang bata. Kakausapin niya si Kiona pagbalik niya mamayang gabi.
Ngunit wala siyang pagkakataon pag-uwi niya.
Hindi pa dumarating si Kiona. Tumawag ito, na gagabihin daw. At huwag nang hintayin.
Kinabukasan, naman ay tulog na tulog pa ito, kahit papaalis na siya.
Pinagmasdan niyang mabuti ang kabiyak.
Tama ang mama niya. Hindi lamang tumataba si Kiona, bumilog ito, lalo na ang tiyan. Kabisado niya ang katawan ni Kiona. Hinagkan niya ito sa noo bago lumabas ng silid.
"You're going to keep that baby, Kiona." Aniya.
"I CAN'T believe this, Kiona!" Exasperated ang baklang si Dolly. Masikip na masikip ang mga gowns and dresses na gagamitin ni Kiona sa Super Model Search.
"Hindi pa naman ako mataba, Manay. Siguro busog lang ako."
"Anong tawag mo diyan? Bakit naman ngayon ka pa tumaba, hindi ka nga baboy, pero hindi ko kailangan ang katawang pang-bold star. You have to loose weight!" Utos ng bakla. Mainit ang ulo nito.
"Anong gagawin ko? Hindi na nga ako kumakain." Angal ni Kiona.
"Bahala ka! Magpuyat ka, magpagutom ka, mag-shabu ka, I don't care!"
At padabog siyang iniwan ni Dolly. Mangiyak-ngiyak na si Kiona. Dati-rati ay napapalampas niya ang mga sumpong ni Dolly, ngunit ngayon ay apektado siya.
Hindi lang si Dolly, pati na rin si Cassius. Nasasaktan siya kaagad kapag may nasabi itong hindi niya gusto. Masyado siyang nagiging maramdamin. At saka hindi niya mapigilan ang pagkain, ng marami at antok, lalo na kapag umaga.
GABI ng pageant at nasa sasakyan siya ni Cassius.
Nagpilit itong ihatid siya, kahit tutol ang bakla, ang gusto nito ay siya ang kasabay ni Kiona pagpasok ng hotel.
"I want to ask something, Kiona." Seryoso si Cassius.
Kinabahan si Kiona. Bakit naman ngayon pa, masyado na siyang natetensiyon.
"Ano iyon?"
"Buntis ka ba?"
"Ha?! Paano mo naman nasabi iyan? Hindi ako buntis."
Kahit si Kiona ay naguguluhan. Pakiramdam niya ay buntis na nga siya ng mga oras na iyon.
Bigla-bigla ang dating ng kaba niya.
"Sigurado ka? Kailan ka huling... alam mo na. Your period."
Hindi makapagsalita si Kiona. Kailan nga ba? Matagal na, but definitely hindi ngayong buwang ito. Two months, three months. Hindi niya sigurado.
"My god! Cassius, anong gagawin ko? Paano kung tama ka?"
"Ako ang tinatanong mo? Well, this is my answer. You are going to keep that baby. Kung maghihiwalay parin tayo, bahala ka. All I want is that child. If you have to go, hindi kita pipigilan, just let me be the father, kung hindi mo siya kayang alagaan. I will understand. Ang hindi ko matatanggap ay ang ilaglag mo iyan."
"Ilaglag? Are you crazy? I'm keeping my baby!" Bulalas ni Kiona, umiiyak.
"What made you think na kaya kong gawin ang iniisip mo?"
"I'm sorry. Iniisip ko lang ang trabaho mo. May kontrata kang pinirmahan. Mai-eskandalo ka."
"Anong gagawin ko, Cassius? You must help me. Idedemanda ako ni Dolly kapag nalaman niya. I won't have my career anymore." Tuluyan ng napaiyak si Kiona.
"I will help you. I don't know how, but I will help you."
Ang mahalaga kay Cassius ay hindi ipalaglag ni Kiona ang bata. Kahit papano'y masaya na siya doon.
"Will you watch me." Pagbabago ni Kiona ng usapan.
"I will."
"Hindi ka aalis, kaparis dati."
"Hindi. Goodluck. You will make it."
"Salamat."
KAPARIS ng inaasahan ng lahat, kasama si Kiona sa napiling semi-finalist. At isang sandali na lang ay i-a-announce na ang number ng mga finalist.
Maganda ang dating ni Kiona sa mga hurado.
Kakaiba ang glow ng pagkatao ni Kiona. Parang kay sarap lapitan at kausapin. Mukhang masayang-masaya. Kaya naman hindi na napansin ng mga judges ang medyo pamimilog ng katawan nito. Slim pa rin naman kung tutuusin.
Pinakamalakas ang palakpak ni Cassius nang piliin si Kiona bilang isa sa mga finalists. Isa rin si Melissa sa mga iyon. Panay ang sulyap nito kay Kiona at sa kinaroroonan ni Cassius.
Kumpleto na ang katibayan niya, ilang sandali na lang ay ibubulgar niya ang lahat. Inspirado rin si Melissa dahil sa binabalak niya, kaya't maganda rin ang score nito sa mga judges. Pumapangalawa kay Kiona.
"The nineteen-ninety-seven Super Model of the Philippine is..." Pinutol ng host ang sasabihin upang lalong bigyan ng excitement ang mga manonood.