HATINGGABI na nang magsimulang umandar muli ang mga sasakyan. Sa mga oras na iyon, masamang-masama na ang pakiramdam ni Cassius. Pakiramdam niya ay hindi na niya kaya pang magmaneho. Nanginginig na siya sa ginaw at blurred na ang tingin niya sa mga kasalubong.
Abot naman ang dasal ni Kiona. Maya't maya ay sinubukang i-dial ang number ni Cassius. Ngunit wala siyang naririnig na response. Hindi pumapasok ang tawag.
Alas-sais ng umaga ng tumunog ang telepono ng mga Gregorio. Pulis ang tumatawag. "Nasa ospital po, Misis, ang anak ninyo. Medyo naaksidente, pero wala naman pong pinsala. Mahina lang ang pagkabangga ng sasakyan niya." Sinabi ng pulis kung saang ospital naroon si Cassius.
Tatawagin pa lamang ni Mrs. Gregorio si Kiona ay nasa likuran na niya ito. Mukhang hindi natulog.
"Ma, ano'ng nangyari?"
"Si Cassius, nasa ospital. Naaksidente raw."
"Ho?!" Parang kandilang naupos si Kiona. Hanggang tuluyan ng nawalan ng malay.
"Naku, Diyos ko! Ano bang nangyari sa batang ito?" Tinawag ni Mrs. Gregorio ang katulong.
Ilang saglit lang ay muling nagkamalay si Kiona. Si Cassius ang tinatawag. "Anak, ligtas na si Cassius. Wala raw namang naging pinsala sabi ng pulis."
Nakahinga ng maluwag si Kiona, ganoon pa man ay sinisisi pa rin ang sarili. Inisip kung ano ang maaaring nangyari kay Cassius. Paano kung mabilis ang naging takbo nito noong mabangga sa isang poste?
———
"CASSIUS! I'm sorry. I'm sorry." Paulit-ulit na sinasabi iyon ni Kiona, habang yakap-yakap ang nakahigang si Cassius. Gaya ng sinabi ng mga pulis, wala itong tinamong pinsala. Ngunit kasalukuyang mataas ang lagnat.
"Kiona, I missed you." Anito. Muling ipinikit ang mga mata.
"Lagnat lang naman ang sakit niya. Maya-maya ay bababa na iyon. I think, he's already sick noong ma-aksidente, kaya mabagal ang pagpapatakbo niya. Good for him, hindi siya nadisgrasya." Paliwanag ng doktor.
Hindi umalis si Kiona sa tabi ni Cassius. Hanggang bumuti na ang pakiramdam nito at pwede nang umuwi.
———
"PAPALITAN ko ang damit mo, at huwag kang magtatangkang bumangon diyan. Magpalakas ka muna." Ani Kiona. Kahit na nakakalakad na itong mag-isa ay inaalalayan pa rin niya ito hanggang makapasok ng silid.
"Kaya kong magbihis." Anito.
"Hindi mo kaya. Ako ang bahala sa iyo. Mahiga ka lang diyan." Nagkibit-balikat si Cassius, humiga raw, e, di humiga. May naisip itong kapilyuhan.
"Kiona, masakit ang ulo ko. Buong katawan ko, masakit." Daing niya. Taranta namang lumapit si Kiona.
"Akala ko ba magaling ka na? Ibabalik kita sa ospital."
"Huwag na. Dito na lang ako. Aray ko, ang ulo ko." Agad namang hinilot ni Kiona ang noo niya. Pagkatapos bihisan. Ipinaghanda ng pagkain. At buong tiyagang pinakain si Cassius na lingid sa kanya ay malakas pa sa kalabaw. Tumunog ang cellphone ni Kiona.
"Yes?"
"Kiona, I need you today. Ano bang nangyari sayo? Kailangang mag-rehearse tayo. Sabado na ang show." Si Dolly. Napatingin si Kiona sa asawa. Awang-awa sa kalagayan nito. Hindi niya kayang iwan.
"I'm sick, Manay Dolly. Hindi ko kaya ang katawan ko. I'm really not feeling well." Alibi niya.
"Ganoon ba? Okay, magpahinga ka hanggang gusto mo but be sure to report before the show."
"I will. Thanks, Manay Dolly. I'll make it up." At ipinagpatuloy nito ang pagsisilbi kay Cassius.
"Sino'ng tumawag?" Tanong nito.
"Si Manay Dolly, my manager."
"Bakit hindi ka mag-report sa trabaho mo? Huwag mo na akong alalahanin dito." Pasakit-bukid pa ni Cassius.
"I can't. Ako ang may kasalanan kung bakit nagkasakit ka. Ayokong iwan ka dito. Walang mag-aalaga sa iyo."
Buong mag-hapon ay iba't ibang parte ng katawan ni Cassius ang sumasakit. Buong tiyaga namang minamasahe at hinilot ito ni Kiona. Lumabas ito sandali ng silid upang ikuha ng juice si Cassius. Pagpasok ng silid ay may kausap sa telepono si Cassius. Nag-iba ang timpla ni Kiona, pagkat alam na alam niya kung sino ang kausap nito.
"I'm sorry. Busy ako this past few days. I'll try. Oo—" At inagaw ni Kiona ang cellphone. Inihagis sa sahig.
"W-what's wrong?!"
"Hindi kita inaalagaan para makipagkita ka sa kabit mo! Ayan ang juice mo, bahala ka sa buhay mo!!" Inihagis din ni Kiona kay Cassius ang isang basong juice, pagkatapos ay pabagsak na isinara ang pinto.
Tulala si Cassius. Ngayon lang niya nakitang nagalit si Kiona. Mapulang-mapula ang magkabilang pisngi nito at nanlilisik ang mga mata. Parang tigreng pinasok ng kung sino ang teritoryo.
Inayos ni Cassius ang sarili bago hinanap ang kabiyak. Nasa likod ng bahay ito, naka-upo sa gilid ng pool, umiiyak. Habang nakababad ang paa sa tubig ng pool. Lumapit si Cassius, inakbayan si Kiona. Lalong lumakas ang hikbi nito.
"Ano bang ikinagagalit mo? I'm no seeing anybody."
"Bakit pa siya tumatawag kung wala kayong relasyon?"
"Mapipigil ko ba iyon? At saka, e, di tumawag siya. Hindi naman porke't tinatawagan niya ako, eh, nakikipagkita na ako sa kanya."
Totoo ang sinabi ni Cassius. Madalas na tumatawag sa kanya si Katerin, ngunit iniiwasan na niya ito, sa hindi maipaliwag na dahilan. He's just not interested anymore. Hindi lang naman si Katerin ang iniiwasan niya ngayon. Lahat ng babae. Pati na rin iyong asawa ng Hapon. Wala rin namang mangyayari kahit ilabas niya ng mga iyon, dahil hindi na siya kuntento. Wala na ang init na nararamdaman niya para sa mga babae niya.
"Ayokong tumatawag siya dito. Sasabunutan ko ang babaing iyon!" Napayapa na ni Cassius ang kabiyak. Nakasandal ang ulo nito sa dibdib niya.
"Promise. Hindi ko na kakausapin kapag tumawag ulit. Ang mabuti pa, maligo na lang tayo." Aniya.
"Akala ko ba, may sakit ka pa?"
"Ha? O-oo nga. Kaya lang baka gusto mong mag-swimming, sasamahan kita kahit mapulmunya pa ako." Palusot ni Cassius.
"Bukas na lang. Halika na sa itaas baka mabinat ka." Dinama ulit ni Kiona ang leeg at noo ng asawa. Mainit. "Mainit ka pa, e. Nabinat ka na siguro. Halika na, uminom ka na ng gamot."
Habang naglalakad ay ngiting aso si Cassius. Ibang init naman ang nadama ni Kiona sa kanya. Init na matagal na niyang kinikimkim, simula ng magtungo si Kiona sa Pampanga. Agad na ini-lock ni Cassius ang pinto pagpasok nila. Naghubad ng damit.
"Bakit naghubad ka?" Tanong ni Kiona, agad na inihanda ang gamot ng asawa.
"Masakit ang katawan ko at saka naiinitan ako." Anito. Lumapit si Kiona at iniabot ang tableta. Kinuha iyon ni Cassius, ngunit muling ipinatong sa headboard. Hinila sa tabi niya si Kiona.
"Akala ko ba'y masakit ang katawan mo?" Nakangiti si Kiona. Alam ang nasa isip ng asawa.
"May alam akong mas effective na pampaalis ng sakit ng katawan. Halika dito." Tanghaling tapat nagtalukbong ng kumot ang mag-asawa.
"You tricked me. I'll get even." Ani Kiona habang tumatawa.
"Alam mo bang miss na miss kita, Miss Ty? Habang nagkawang-gawa ka, giniginaw ako sa sasakyan ko. Magbabayad ka ng malaki ngayon."
"I missed you too."