"I'M sorry, ma'am, the lines are broken. Ni wala ring tawag na makapasok." Anito.
"Papano'ng gagawin ko? Mag-aalala ang asa...never mind." At wala sa sariling sumilip ito sa labas ng hotel.
Maraming tao sa labas kahit malakas ang ulan. May mga helicopter pang umaaligid. At saan man siya tumingin ay may mga reporters at cameraman. Pawang abala, hindi malaman kung saan anong uunahin. Lumapit si Kiona sa isa.
"Sarado ang mga kalsada. Imposibleng makalabas kayo dito. Hihintayin n'yong tumigil ang bagyo. Isa pa ay delikado. Walang makapagsasabi kung saan patungo ang lahar. At mukhang bibigay ang dike." Kwento sa kanya ng reporter.
Namukhaan niya ito, ngunit hindi na niya inalam pa kung saang istasyon ito konektado.
"I need to call home. Mag-aalala sila sa akin. Can you help me? Tanong niya sa reporter.
"I'll see what we can do." Anito, ibinigay ni Kiona ang telepono nila sa bahay, pati na rin ang cellphone number ni Cassius.
"Pakisabi na huwag silang mag-alala. I'm safe. I'll be home as soon as the typhoon stop."
"We'll try to tell them, Ma'am." Iyon lang at tinawag ito ng isang kasamahan. May bago daw developments.
Ang napansin lang ni Kiona ay excited ang mga ito sa bawat trahedyang magaganap. Parang hindi mahalaga kung sino ang apektado. Ang mahalaga'y may ibabalita sila.
Nagpasiya siyang bumalik na lamang ng silid. Gusto sana niyang um-order ng pagkain, ngunit nakokonsensiya siya. Alam niya kung ano ang hirap ng mga apektado ng lahar. Kahit papano'y mapalad siya dahil may masisilungan siya.
——
SAMANTALA'Y gising na gising din si Cassius ng mga oras na iyon. Ginising siya ng kanyang Mama upang ipaalam na mayroon ngang bagyo. At ang sentro ay ang Central Luzon, kung saan naroroon si Kiona.
Telepono ang unang dinampot ni Cassius. Ngunit hindi niya makontak si Kiona o ang hotel na tinutuluyan nito. Agad itong nagbihis.
"Saan ka pupunta, iho?" Tanong ng Mama niya nang makitang nakabihis na siya, hawak ang susi ng sasakyan.
"Susunduin ko si Kiona." Aniya.
"Anak, delikado. At saka sarado ang mga kalsada. Hindi ka makakapasok ng Pampanga. Papalakas ang bagyo."
"Hindi ako matatahimik, Mama. Kailangang malaman ko kung anong nangyayari kay Kiona. Magbabakasakali ako." At tuluyan na itong lumabas ng bahay, hindi alintana ang malakas na pag-ulan at ang pagtutol ng Mama niya.
Sa labas pa lang ng subdivision, stranded na siya. Hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Ngunit desidido si Cassius, hindi niya alam kung papaano, basta't pupuntahan niya si Kiona.
Madaling araw na ay hindi pa rin nakakalabas ng Maynila si Cassius. Maya't maya ay nagbabakasakali siya na makontak si Kiona.
——
UMAGA. Tumambad kay Kiona ang pinsala ng bagyo na tila wala pa ring balak tumigil. Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Puno ang kalsada ng mga inililikas na mamamayan. Kung saan-saan ang mga iyon nakasakay.
Pati ang hotel na tinutuluyan nila ay hindi rin nakaligtas sa pinsala. Itinumba ng bagyo ang sign-board nito, at generator na lamang ang nagbibigay ng kuryente sa kanila.
Awang-awa si Kiona sa nakikita niya. May mga batang paslit at mga sanggol.
Nakapukaw ng pansin sa kaniya ang isang babae at ang tila iisang buwang sanggol. Tanging kumot ang nakatakip sa ulo, habang walang tigil ang pag-iiyak ng sanggol. Mukhang gutom na gutom. Hindi malayong magkasakit iyon dahil sa ulan. Hindi na nag-isip pa si Kiona. Sinagasa niya ang ulan at nilapitan ang mag-ina.
"Misis, ang mabuti pa ay huwag na kayong tumuloy sa evacuation center. Dito nalang kayo. Kawawa naman si baby." Aniya. Nakatitig lamang sa kanya ang ina. "Please, for your child's sake, stay here." Bulalas ni Kiona.
Lalong natigilan ang ina. "Puwede kayong tumigil sa silid ko, nag-iisa lang ako doon. Maalagaan nating mabuti si baby doon." At inakay niya papasok ng hotel ang mag-ina.
Diretso sila sa silid ni Kiona. Mangha ang babae, noon lang siguro nakapasok sa ganoon ka-garang silid. Malambot ang kama, may mga sariwang bulaklak, carpeted ang sahig at malamig dahil sa aircon.
"Ibaba mo si baby sa kama. Kailangang mapunasan natin siya at mapalitan ng damit." Aniya sa babae.
Sunod-sunuran lang ito sa kanya. Hindi parin makapaniwala sa nagaganap.
Lingid kay Kiona nagkaroon ng automatic reaction mula sa iba pang evacuees na nasa labas nang makita ng mga itong inakay ni Kiona papasok ng hotel ang isang babae.
Nagsipasok din ang mga ito sa hotel. Walang nagawa ang management kung hindi ang i-accomodate ang mga iyon. Lalo na at maraming miyembro ng press ang nasa paligid. Malaking kasiraan sa kanila kung tatanggihan nilang pasilungin ang mga tao.
Inorder ni Kiona ng pagkain ang babae at infant's formula para sa sanggol. Huminngi rin siya ng extra kumot at bedsheet. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganoon na lamang ang malasakit niya sa sanggol. At hindi siya nagsasawang pagmasdan ang mukha nito.
"Ano'ng pangalan niya? She's pretty." Aniya.
"Cherry Ann." Tugon ng babae.
"She is lovely." Kahit papano'y nakalimutan niya si Cassius dahil sa sanggol. Pati si Dolly ay naaaliw sa sanggol na si Cherry Ann. Silang dalawa ang nag-yaya sa sanggol, habang nagpapahinga ang ina nito.
——
SAMPUNG oras na sa sasakyan si Cassius at hindi pa ito kumakain. Subalit walang mahalaga kung hindi ang makarating sa kinaroroonan ni Kiona.
Wala pa ring balak tumigil ang ulan. Tila pinaparusahan ang mga tao sa lugar na iyon. Ayon sa radyo sa sasakyan ay patuloy ang pagdaloy ng lahar at may posibilidad na bumigay na ang malaking bahagi ng dike.
Iyon ang ikinatatakot nang husto ni Cassius. Kapag nangyari iyon, pati ang kinaroroonan ni Kiona ay maapektuhan ng husto. Parang gusto na niyang murahin si Kiona dahil sa pagpipilit nitong mag-pictorial. Sa dami ng lugar sa Pilipinas, sa lahar area pa naisipang mag-pictorial!
"Damn you all!" Dabog nito. Damn Kiona for giving him so much fear.
——
DAHIL sa gutom at pagod, nakatulog na sa sasakyan si Cassius. Naalimpungatan lang ito dahil sa radyo ng sasakyan.
"May panawagan po dito si Miss. Kiona Ty para sa kamag-anakan at pamilya niya sa Metro Manila." Seryosong pinakinggan ni Cassius ang field reporter na nagre-report station.
"Kung natatandaan po natin, itong si Ms. Ty ang nag-encourage sa management ng isang hotel dito na patuluyin ang ilang evacuees. Bigyan ng matutuluyan at pagkain, ganoon din ang first aid para doon sa mga nagkakasakit o naaksidente sanhi ng bagyong Viring." Patuloy ang reporter.
Hindi makapaniwala si Cassius sa naririnig. Tila nagdududa pa kung tama ang narinig niya.
"Ano'ng panawagan ni Ms. Ty, Karen?"
Tanong ng announcer sa radyo. Hindi nga nagha-hallucinate si Cassius. Si Kiona nga ang pinag-uusapan ng dalawa.