webnovel

Chapter 10

[Jillian's POV]

"Jill? Totoo ba 'to? Ang aga mong pumasok?" hindi makapaniwalang tanong ni Luke sa akin pagkarating na pagkarating niya sa opisina.

"Miracles do happen," naka-ngiti namang sagot sa kanya ni Elise na ngayon ay nasa kabilang desk na at nag ta-trabaho.

"Nangako kasi ako kay Sir West na magiging isang mabuting empleyado na ako."

"Wow," naglakad si Luke patungo sa desk niya. "Katakot-takot na naman bang verbal abuse ang ginawa sa'yo nung monster boss na 'yun kaya napilitan kang pumasok sa opisina ng maaga?"

Parang nag-pantig ang tenga ko nang tawagin ni Luke si Sir West na 'monster boss.' He's Luke and I love him at alam kong concern lang siya sa akin pero hindi ko alam kung bakit ako biglang nairita sa kanya.

"Mabait naman si Sir West eh! Hindi lang siya...uhmmm... showy!"

Pinaandar ni Luke ang swivel chair papalapit sa akin at bigla-bigla ay idinampi niya ang likod ng kanyang kamay sa noo ko.

My heart skips a beat. Ang lapit-lapit kasi niya sa akin eh.

"What are you doing?"

"Chine-check ko lang kung nilalagnat ka. Pinagtatanggol mo kasi ang monster boss natin eh."

Hindi ko halos naintindihan 'yung sinabi niya kasi busy na akong matunaw rito sa tingin at ngiti niya.

Pakshet na ngiting 'yan oh! Mula umpisa hanggang ngayon lagi na lang akong pinanghihinaan ng tuhod dahil diyan. Tapos yung lips pa niya! My gosh yung lips niya! Kahit wala namang ginagawa eh parang nangaakit na sunggaban mo ito ng halik.

Bigla akong napalayo kay Luke.

"Magtitimpla lang ako ng kape."

Tumayo ako sa pwesto ko at dali-daling naglakad doon sa may water dispenser.

Cupid, kill me now! Bakit ganun?! Ang tindi pa rin ng epekto sa akin ng taong 'yun? 'Di ba dapat nag m-move on na ako kasi nga may trabaho ako na i-match make siya kay Elise?!

Napabuntong hininga ako.

Kung alam ko lang na mangyayari ang lahat nang 'to, edi umpisa pa lang nag move-on na ako para mas madali ang trabaho ko ngayon!

Pero kung umpisa pa lang nag move-on na ako, hindi mangyayari ang lahat nang 'to.

Hay buhay.

Kumuha ako ng isang pakete ng kape at ibinuhos ko ito sa mug ko. Habang nilalagyan ko ito ng mainit na tubig galing sa water dispenser, dumating naman si Elise at nag timpla rin ng kape.

"Kamusta pala ang lakad niyo ni Luke kagabi?" tanong ko sa kanya.

"You mean, kamusta ang movie? Maganda naman. Bitin nga lang."

"I see.

Nilingon ko si Elise at pinagmasdan habang nag titimpla siya ng kape. Petit siya. Siguro mga nasa 5'0 lang ang tangkad. May pagka morena ang kutis at meron siyang mahabang buhok na lagi niyang itinitirintas. Sobrang simple lang niyang manumit at mag-ayos but that makes her look attractive. Isa pa, masiyahin kasi si Elise kaya naman madali siyang pakisamahan.

With or without Cupid's arrow, hindi talaga malabong magka-gusto sa kanya si Luke.

"Uhmm Elise.."

"Hmm?"

"H-how do you find Luke?"

Nilingon niya ako, "what do you mean?"

"Ibig kong sabihin, kamusta si Luke sa'yo as a person?"

"Oh. Paano ba? Hmm, he's kind, makulit, ang hilig mag patawa. At oo nga pala, kahapon nung nanood kami ng sine, napatunayan kong ang gentleman din niya!"

Ngumiti ako at tumango, "oo nga, ganun na ganun siya."

Siniko ni Elise ng mahina ang braso ko, "idagdag mo pang ang gwapo niya, 'di ba?"

Tumango ako bilang pag sang-ayon sa kanya.

"Bakit mo pala na-itanong?"

"Wala naman. Tara balik na tayo."

Sabay kaming naglakad ni Elise pabalik sa kanya-kanya naming pwesto. Napansin ko pang ngiting-ngiti siya sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.

Mukhang kahit si Elise ay malaki ang pag-asang magka-gusto kay Luke.

Ano pang silbi ko? Ba't pa ako nandito? Eh mukhang hindi ko na kailangan gawin ang trabahong 'to!

Na-imagine ko bigla si Cupid. Kung nandito lang siya for sure kung anu-ano na namang pangaral ang sasabihin niya sa akin.

Oo na Cupid. Alam ko naman na kailangan kong gawin 'to for the sake of those five people---at kabilang na ang soulmate ko---na nanganganib ang love life dahil sa kapalpakan ko.

Ibinalik ko na ang focus ko sa manuscript na pino-proofread ko. Ayoko nang ipasa 'to kay Sir West na hindi na-proofread ng maayos. Sa trabaho ko man lang makabawi ako sa kanya.

Nakapag-focus na naman ako sa trabaho ko. Ilang chapters na rin ang nababasa ko nang bigla akong kinalabit ni Elise.

"Jillian.."

"Hmm?" tugon ko habang hindi inaalis ang tingin sa computer screen.

"Bakit umiilaw ang kwintas mo?"

Bigla akong natigilan sa pagbabasa at tinignan ang gold compass na naka-sabit sa leeg ko. May kulay pulang ilaw na lumalabas galing doon sa bato na nasa gita ng compass.

Teka anong nangyayari?!

Nginitian ko si Elise, "Ah, a-ang galing 'no? M-may flashlight kasi 'yan. Built-in. Para, alam mo na, pag nag brownout."

Oo! Alam kong ang ewan nang palusot ko. At yung ilaw na lumalabas sa kwintas ko ay malayong-malayo sa ilaw na lumalabas sa isang flashlight o isang bumbilya. Yung ilaw na nasa compass ngayon ay parang sinag ng araw kaso kulay pula nga lang.

"Ganun ba? Ang galing naman!" sabi ni Elise at mukhang paniwalang-paniwala siya sa sinabi ko.

Thank god madaling utuin ang isang 'to!

"Uy wait, pupunta lang ako sa restroom!" paalam ko sa kanya habang hawak-hawak ko ng mahigpit ang compass.

Nagmadali ako palabas ng office kaya lang bigla kong nakasalubong si Sir West. At may kasama siyang babae. Matangkad, mestiza, balingkinitan ang katawan, nakalugay ang mahaba niyang buhok na may natural curl sa dulo, mapungay ang mata, at oo maganda siya. Mukha siyang model. At---at---bakit ngiti siya nang ngiti kay Sir West ha?!

"Jillian? Saan ka pupunta?" tanong ni Sir West.

"Sa restroom lang po," sagot ko naman nang hindi ko inaalis ang tingin sa babaeng kasama niya.

Mukhang nahalata niya ang pagtataka sa istura ko kaya naman agad niya itong ipinakilala sa akin, "Jillian, this is Enid Dimasalang. She will be our new graphic artist."

"Hi Jillian! Nice to meet you!" masiglang bati ni Enid sa'kin sabay lahad ng kamay.

I took her hand at nakipag shake hands naman ako. "Hi Enid! Welcome sa aming company. Proofreader nga pala ako dito."

"Wow! Excited na akong makatrabaho kayo! By the way, ang ganda naman ng necklace mo," tinuro niya ang compass na nabitiwan ko nang makipag-kamay ako sa kanya. Umiilaw pa rin ito kaya agad akong napahawak dito.

"Thanks! Ang ganda-ang ganda rin ng bracelet mo," tinuro ko naman yung bracelet niyang may butterfly na charms.

Sa totoo lang sasabihin ko sanang maganda siya kaya lang tinamaan ako ng too much insecurity kaya hindi ko na tinuloy.

Sorry na, babae lang din ako at madaling ma-insecure sa mas maganda sa akin!

Nag thank you siya sa akin then he and Sir West excused themselves. Ipapakilala raw niya si Enid sa mga kasamahan namin.

Ako naman ay dumiretso sa comfort room. Chineck ko muna ang bawat cubicle kung may tao. Buti na lang at wala. I locked the door.

"Cupid?" tawag ko sa hangin. "Uy, Cupid, naririnig mo ba ako?"

"Sa dinami-rami naman ng lugar na tatawagin mo ako, bakit sa CR pa?"

Napalingon ako sa likuran ko at ayun, nakatayo si Cupid at naka-crossed arms pa habang naka-ngisi sa akin.

"Miss mo na 'ko agad?" tanong niya.

"Hindi, loko! Look at this!" hinubad ko ang compass sa leeg ko at ipinakita sa kanya. "Umiilaw siya!"

"Wag mong hubarin!" agad ko namang isinuot ito sa leeg ko.

Hinawakan ni Cupid ang compass.

"Bakit pulang ilaw ang lumalabas dito?" tanong niya.

"Aba malay ko! Sa'yo nanggaling 'yan! Ano bang ibig sabihin nang pag-ilaw nito?"

Hindi ako sinagot ni Cupid. Nakatitig lang siya sa compass at parang may malalim na iniisip. Yung itsura niya parang nabo-bother siya.

"Cupid?"

He cupped the compass using both of his hands at nang bitawan niya ito, nalawa na ang pulang liwanag na lumalabas dito.

"May kailangan lang akong punatahan," sabi niya at bago pa ako makapag-salita, nawala na lang siya sa harapan ko.

Okay, ano ba ang problema? Sana naman nag-aabala siyang i-share sa akin 'di ba?!

Since huminto na naman ang pag-ilaw ng compass, bumalik na rin ako sa opisina para ituloy ang trabaho ko. Mukhang naipakilala na ni Sir West si Enid sa mga katrabaho namin. Nakita ko kasi siya na in-occupy na ang isang bakanteng table at kasalukuyan siyang tinutulungan sa pagaayos ng isa sa mga editors namin na lalaki na halatang pinopormahan siya. Yung iba namang mga ka-trabaho kong lalaki ay titig na titig kay Enid na akala mo eh nakakita sila ng dyosa.

"Ang ganda niya girl!" bulong sa akin ni Elise. "Bakit niya naisipang mag trabaho sa publishing company? Seriously, pwede siyang maging model! Pwede nga siyang maging cover girl ng mga magazines natin eh!"

I just shrugged my shoulders at ibinalik na ulit ang atensyon ko sa pinoproofread kong manuscript.

Nung lunch time, sabay-sabay kaming bumaba nina Luke at Elise. Sa totoo lang, ayokong sumabay sa dalawang ito kasi masyadong masakit kada iisipin kong kailangan ko silang i-matchmake. Gusto ko sanang dumistansya muna kaya lang naisip ko rin na pagka nag stay naman ako sa office, si Sir West naman ang makakasabay ko at hindi na talaga kakayanin ng konsensya ko kung mas magiging malapit pa siya sa akin. Kaya pinili ko na lang si Luke at Elise na makasama.

Nang makababa naman kami sa cafeteria, nakita namin si Enid na pinapaligiran ng mga lalaki naming ka-workmate. Mukhang nag-aagawan sila kung kanino sasama si Enid. Si Enid naman ay mukhang naiilang na sa mga katrabaho naming lalaki kaya naman nilapitan siya agad ni Elise and invited her to join us.

"Thank you talaga. Hindi ko alam ang gagawin ko kanina," sabi ni Enid.

"No worries! Naku pagpasensyahan mo na ang iba naming kasamahan. Ganun lang talaga sila pero mababait naman ang mga 'yun," pagpapaliwanag naman ni Elise.

"Oo nga! Hindi lang sila sanay na makakita ng magagandang babae," dagdag pa ni Luke.

"Ah, so hindi kami maganda ni Jillian?!" tanong ni Elise habang pinanliliitan niya ng mata si Luke!

"Syempre naman magaganda kayo! At alam mo na!" Luke gave him a meaningful look at napatawa si Elise.

"I know, I know!"

Napatingin ako sa kanilang dalawa. Alam niyo yung pakiramdam na para bang may bagay na silang dalawa lang ang nagkakaintindihan? And the way they look at each other, bakit parang ang meaningful?

Nakakaramdam ako na para bang magiging madali ang trabaho ko.

Gusto kong maging masaya sa thought na 'yun pero may kirot pa rin akong nararamdaman.

Nakakwentuhan namin si Enid ng mas matagal habang nag lu-lunch kami. She's actually nice. May pagka-mahinhin din pala siyang kumilos na hindi ko nahalata kanina. At may pagka-inosente rin. Taga-probinsya pala siya at ngayon ay nakikitira lang siya sa kaibigan niya. Buti na lang pala at napasok agad siya ng trabaho.

A few minutes bago matapos ang lunch break, sabay-sabay kaming umakyat sa opisina. Dahil katapat lang ng pinto ng opisina namin ang pinaka office ni Sir West, natanaw ko siya doon na busyng-busy na may binabasa sa computer screen niya.

Bigla tuloy akong napaisip kung kumain na ba siya ng lunch o hindi pa? Parang hindi kasi siya bumaba kanina eh. O baka naman may dala siyang lunch? O baka ine-expect niya na sabay kaming mag l-lunch pero pag labas niya ng opisina niya eh wala na ako?

Nakaramdam ako ng konsensya.

Anak ng isda naman oh! Alam kong makokonsesnya ako pag sinabayan ko siya sa pagkain at mapapalapit siya lalo sa akin. Pero nakokonsensya rin ako sa thought na akala niya magsasabay kami pero iniwan ko siya dito mag isa.

Seryoso, nakakabuwang ang ganitong problema! Hindi ko alam na pwede palang mahati ang konsensya ko at sabay akong makonsensya sa dalawang magkaiba at total opposite na bagay.

Anak ng konsensya!

Iniwas ko na lang ang tingin ko kay Sir West at bumalik sa pwesto ko. Ipinasak ko ang headset ko sa aking tenga at pinakinggan ang "Shake it off" ni Taylor Swift habang nag p-proofread. Baka sakali kasing ma-shake it off ko ang mga iniisip ko dahil sa kantang ito.

A few minutes bago mag-uwian, natapos ko ang 70k+ words na manuscript na pinroofread ko then I send it to Sir West's email. Alam ko naman na maya't-maya siya nag ch-check ng email kaya kahit hindi ko na siya sabihan, makikita niya agad ang manuscript.

Pag-patak na pag-patak ng 5pm sa orasan, pinatay ko agad ang desktop ko at nagmamadali kong inayos ang gamit ko. Wala naman talaga akong lakad, sadyang ayoko lang maiwan mag-isa rito sa opisina o kaya naman maharang ni Sir West o ni Luke. Isa pa, gustong-gusto ko nang umuwi sa bahay dahil katakot-takot na tanong ang gusto kong ibato kay Cupid.

Nagpaalam na ako kina Luke, Elise at sa iba pang mga kasamahan ko.

"Wow Jillian on the dot ka mag o-out ngayon ah!" pang-asar sa akin ni Edgar, yung isa naming editor.

"Shut up! Minsan lang 'to!"

Palabas na sana ako ng pinto kaya lang, narinig ko ang pag slide ng pinto ng office ni Sir West. Wala na sana akong balak lumingon kung hindi lang niya ako tinawag.

"Jillian, I need you in my office."

Napa-buntong hininga na lang ako. My gawd! Sir West naman eh! Iniiwasan na nga kita eh. Bakit ganyan ka pa?

"Sorry Jillian, hindi ka pa rin on time makakapag-out," asar ulit ni Edgar. I just rolled my eyes at him. Makakaganti rin ako sa mokong na 'yan balang araw!

Sinundan ko si Sir West sa office niya.

"Bakit po?"

"Ahm, napasa mo na ba 'yung manuscript?"

"Yep. Nasa email niyo na po."

"Ah ganun ba? Wow," sabi niya na hindi man lang nag abala na tignan ang email niya. Kasi malamang, nakita na niya yun.

"Uuwi ka na?" tanong niya ulit.

"Yep. Naiwan kasi mag-isa yung-yung pinsan ko sa apartment ko. Eh hindi siya marunong mag hugas ng pinggan. Kaya kailangan ko nang umuwi," palusot ko naman.

"I see. Ay tamang-tama p-pauwi na rin ako. Uhmm s-sabay na tayo?" natataranta siyang pinatay ang desktop niya at inayos ang gamit niya. "Saglit lang 'to. Mabilis na mabilis lang."

"Sir West, u-una na po ako."

"H-ha? E-eto, okay na ako."

Huminga ako ng malalim, "no Sir West. Hindi po ako sasabay sa inyo. Boss kita eh. Hindi pwede."

Biglang natigilan si Sir West sa pag-aayos ng gamit niya. Nagkatinginan lang kami ng diretso sa mata. Because of that, I saw a mixed of hurt and disappointment in his expression.

"I-I didn't mean anything like that, Jillian. I just want to be your friend."

Iniwas ko ang tingin ko sa kanya, "I'm sorry."

Tinalikuran ko si Sir West at dali-dali akong lumabas ng opisina. My knees are trembling. There's a part of me na gustong bumalik sa opisina at sumabay kay Sir West. Kasi nakita ko ang expression niya kanina. Nakita ko ang pakikitungo niya sa akin. He is so sincere at siya lang kauna-unahang lalaking nagpakita sa aking ng ganito kaya naman nakokonsensya ako sa pagtaboy ko sa kanya.

Kaya lang hindi ko pwedeng kalimutan na kaya lang din naman siya ganyan sa akin is because of that one stupid arrow.

Naisipan ko nang sumakay ng taxi para mas mabilis akong makauwi. Kaya lang, nang naglalakad na ako papuntang taxi bay, natanaw ko si Enid na palabas na rin ng building.

Lalapitan ko sana siya at isasabay na since sa pagkakaalam ko, malapit lang ang lugar niya sa amin, kaya lang napahinto ako nang tumakbo siya papalapit sa isang babae.

Bigla akong napatago sa poste sa gilid ko at napahawak ako ng mahigpit sa gold compass.

Wala siyang suot na belo pero namumukhaan ko siya.

Siya yun, ang babaeng naka-itim na nag utos sa akin na nakawin ang pana ni Cupid.

Bakit sila magkakilala ni Enid?!