webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urban
Zu wenig Bewertungen
107 Chs

Chapter 92- The Deal

"ILABAS NIYO AKO RITO!"

Kinalampag niya ang rehas. "Ang mamamatay tao na mga Lopez ang dapat nandito!" Nagsisigaw siya hanggang sa may dumating na pulis.

"Hoy! Ano 'yan ha?" bulyaw ng lalake.

Tumalim ang kanyang tingin sa dumating.

Mabilis siyang tumayo at hinarap ito.

"Ilabas niyo ako rito," matigas niyang utos.

Sa kanyang ikinagulat ay humalakhak ang kausap.

"Nagpapatawa ka ba? Isang Lopez ang kinalaban mo sa tingin mo makakalaya ka pa?" Saka ito muling humalakhak.

Hinayaan niya ang lalake hanggang sa tumigil ito.

"Nasaan ang cellphone ko?" nagtatagis ang mga ngiping asik niya.

"Hindi pwede," matigas nitong wika na ikinagalit na naman niya.

"Kailangan ko ng abogado! Ilegal itong ginagawa ninyo sa akin!

Kakasuhan ko kayo ng illegal detention kapag hindi niyo ibinalik ang cellphone ko!"

Nagsukatan sila ng tingin ng pulis bago ito nagsalita.

"Maghintay ka," anang lalake at tumalikod.

Napatingin as kawalan si Isabel.

Kung galit siya sa mga Delavega mas napopoot siya sa mga Lopez.

Humigpit ang kanyang pagkakahawak sa malamig na rehas.

'Papatayin ko kayo mga demonyo! Humanda kayo sa oras na makalabas ako!'

Humagkis ang kanyang tingin sa pulis na paparating. Lumapit ito sa kanya.

"O, heto ang cellphone mo."

Mabilis niyang hinablot at agad hinanap ang pangalan ng taong kailangan.

Hinintay niyang umalis ang pulis bago tinawagan ang pakay.

Kung hindi siya makakaalis dito, mabubulok na siya sa bilangguang ito sa oras na maiharap siya sa korte.

Kahit hindi siya tunay na abogada alam niyang makukulong siya sa pagkakaugnay sa krimen na ginawa ng kapatid, at kapag nangyari 'yon katapusan na niya.

Sumagot ang nasa kabilang linya.

"Isabel napatawag ka?"

"Warren, makinig ka may sasabihin ako. "

---

Dumiin ang pagkakahawak ni Gian sa basong may lamang alak.

Nasa isang bar siya at nag-iisa sa VIP room habang umiinom ng alak.

Ito lang ang pansamatalang makakapag-alis ng sakit na kanyang nararamdaman.

Nilagok niya ang alak sa baso bago muling nagsalin.

Umiinom lang siya pero hindi niya magawang magpakalasing.

Mas maraming dapat haraping problema kaysa sa sarili niya.

Sa dami ng pinagdaanan at paglalayo nila ni Ellah noon ay natutunan niyang magtimbang ng mga bagay-bagay.

Maraming dapat unahin kaysa sariling damdamin.

Akala niya noon masyadong matigas si Ellah kapag binabalewala ang pag-ibig niya at mas inuuna ang kumpanya at pamilya.

Hindi pala gano'n.

Noong malayo siya sa kasintahan ay natutunan niyang magsakripisyo, magtiis at masaktan.

Bumukas ang pinto na siyang ikinatingin niya.

"Gian pare!" Mabilis itong humakbang palapit sa kanyang kinaroroonan. "Kumusta?"

Agad tumalim ang kanyang tingin sa dumating.

Pinapupunta niya ito upang linawin ang nangyari. Dahil sa kaibigan nagsimula ang gulo.

"Bakit ka nakialam?"

Saglit natigilan si Vince. "P-pasensiya na hindi-"

"Kung hindi mo ako inunahan hindi ito mangyayari!" Ibinagsak niya ang baso sa mesa.

Napalunok ang kausap. "Nahihiya ako, hindi ko alam na magkakaganito."

"Dahil sa pangingialam mo naghiwalay kami ni Ellah," mariin niyang saad.

"ANO?" Nabaghan ito sa narinig.

"Inunahan mo ako.

Ako dapat ang magsasabi sa mga Lopez sa lahat lalo na sa nangyari sa mga magulang ni Ellah pero..." matalim niya itong tinitigan.

Hndi na makatingin ang kaibigan.

"Hindi ka nakapaghintay. Bakit? Para saan?"

Noong nakarang araw pa alam na niyang ang kaibigan ang nagpaalam kay don Jaime dahil ang don mismo ang nagsabi at kahit alam na niya hindi pa rin nagtapat si Vince at pinalagpas niya 'yon ngunit hindi na ngayon.

"Pare sorry nadulas ako, akala ko kasi sinabi mo na noon sa mga Lopez kaya-"

"Hindi ka ba nag-iisip?" bulyaw na niya sabay tayo.

Natahimik ang kausap.

"Kung sinabi ko na sa kanila sa palagay mo tatahimik ang mga Lopez?

Kaya sila tahimik dahil wala akong binanggit. Ngayon nagkakagulo na ang lahat.

Naghiwalay na kami ni Ellah, nakulong si Isabel at binaril ni don Jaime si mang Isko! "

"Binaril? Napatay ni don Jaime?" Mulagat na tanong ni Vince.

Kumuyom ang kanyang kamay.

Ang lakas ng loob nitong magtanong gayong ito ang may kagagawan.

Bigla niyang hinablot ang kwelyo nito. "Kasalanan mo itong lahat!"

Kitang-kita niya ang pagkaalarma ng kaharap. Ngunit hindi to gumanti.

"Pare, pasensiya na nahihiya ako sa totoo lang. Hindi ko talaga sinasadya pare. "

Nagtiim ang kanyang bagang at pinakawalan ito sa halip ay hinawakan niya ng mahigpit ang botelya ng alak.

Pigil na pigil niya ang sariling saktan ang kaibigan kaya panay ang higit niya ng hininga at mariing ipinikit ang mga mata.

"Magpapaliwanag ako kay Ellah, sasabihin kong hindi ka niya dapat iwan lalo na sa sitwasyon mo ngayon."

"Galit na galit siya, kinasusuklaman niya ako. Hindi makakatulong kung  magpapakita ka."

"Pasensiya na pare. Nahihiya ako sa inyo ni Ellah, lalo na kay don Jaime."

Tumunog ang kanyang cellphone at natigilan sa nakita.

Ayaw niya sanang sagutin ngunit kailangan.

"Roman."

"Mr. Acuesta, I have good news! Pwede ba tayong magkita?"

Tumalim ang kanyang tingin sa kawalan.

"Tungkol saan?"

"Tagumpay ang produkto. Gagawa tayo ng pinakamalaking shipment! Magkita tayo ngayon."

"Pupunta ako." Tinapos niya ang usapan at humakbang paalis.

"Pare saan ka pupunta?"

"Wala ka ng pakialam," matigas niyang tugon ng nakatalikod.

"Ano? Paano kung delikado 'yan? Si Delavega ang kausap mo hindi ba?

Kailangan mo ng tulong!" Lumarawan ang pag-aalala sa anyo ng kaibigan.

Sa narinig ay humagkis ang matalim niyang tingin dito.

"Pagkatapos ng ginawa mo sa palagay mo pagkakatiwalaan pa kita?" Tuluyan na siyang humakbang palabas.

" Gian! "

Hindi na niya pinakinggan ang kaibigan.

Siya naman talaga ang totoong may kasalanan idinamay lang niya ito.

Sakay ng kotse ay nilisan niya ang lugar.

Sa kabila ng mga hinaharap na sakit at problema kailangan pa rin niyang ituloy ang nasimulang misyon.

Malapit na siyang magtagumpay ngayon pa ba niya bibitiwan?

Pagdating ng rest house ay ikinabit niya ang isang maliit na spy camera sa kanyang damit.

Sa liit nito aakalain lang na butones ng suot niyang black longsleeve.

Pababa na siya nang tumunog ang kanyang cellphone.

"Warren?"

"Nasaan ka sir?"

"Nandito sa tapat ng resthouse kararating ko lang ikaw saan ka?"

"Nandito rin kailangan nating mag-usap. Lalabas ako."

"Tungkol saan?"

"Kay Isabel."

Agad tumahip ang kanyang dibdib sa narinig.

"Bakit daw?"

Namatay ang linya.

Base sa tono ng kausap parang may hindi magandang nangyari. 

Nahagip ng kanyang tingin ang paparating na si Roman kasama ang mga tauhan nito.

Bagama't kinabahan ay pinanatili niyang kalmado ang sarili.

Haharap siya kay Roman Delavega kaya dapat wala itong makikitang kakaiba.

Huminga siya ng malalim bago bumaba ng sasakyan.

Sinalubong siya ng senior.

"Rage Acuesta!" Magaan siya nitong niyakap.

"Is is true Roman?"

"Yes!" Lumawak ang ngisi ng senior.

Iginiya siya nito paupo sa sofa at nagharap sila.

Nasa hindi kalayuan ang mga tauhan at hindi niya nakita si Warren doon.

Tama lang 'yon, anuman ang sasabihin nito dapat hindi kahina-hinala ang mga kilos sa paningin ng kalaban.

"Magkakaroon ng pinakamalaking shipment dahil kaliwaan ang mangyayari."

Sinalinan nito ng alak ang baso at ibinigay sa kanya.

Tinanggap niya 'yon. "Kaliwaan?"

"Babalik na rito ang galing ng China at tayo ay magpapadala ng panibagong produkto. Import at export ang mangyayari."

Natigilan si Gian.

Kung gano' n dapat na niyang mapaghanda si Hendrix.

"Ito na ang pinakamalaking transaksyon na mangyayari."

"Kailan?"

Sumandal ito sa kinauupuan bago tumingin sa kanya na para bang nanantiya pa rin.

"Well I can't tell the exact date, pero ngayong linggo na ito ang plano."

Nilagok niya ang alak bago nagsalita.

"Kailan mo ako dadalhin sa pagawaan mo?"

"Kailan mo gusto?"

Napatitig siya sa kaharap.

Bago magaganap ang kaliwaan kailangang malalaman na niya ang lahat ng pagawaan nito sa buong Pilipinas.

Sasagot na sana siya nang tumunog ang cellphone tanda na may nag text.

Pasimply niya itong binasa dahil nakamasid ang senior.

Iisang letra lang ang nakalagay sa phonebook niya at 'W' 'yon.

Binasa niya.

W:

Sir magkita tayo sa dating lugar dito sa exit may kailangan akong sabihin.

Ibinalik niya sa bulsa ng pantalon ang cellphone bago hinarap ang kausap.

"Excuse me Roman. May important call lang."

"Sure."

Tumayo siya at kalmadong naglakad patungong banyo.

Pagdating doon ay  dumeretso siya sa dulo kung nasaan ang exit na walang CCTV.

Naroon ang tauhan.

"Anong tungkol kay Isabel?" halos pabulong niyang tanong.

Hinarap siya nito.

"Ang sabi niya nanganganib na raw ako dahil may hinala na ang kalaban na may espiya dito," pabulong din nitong sagot.

"Kahit sa umpisa pa lang nanganganib ka na.

Paano naman niya nalaman na may hinala na ang kalaban?"

"Parang may alam siyang mangyayari."

Biglang nanlaki ang kanyang mga mata sa mga naiisip.

"Sandali may sinabi pa ba siyang iba?"

"Hiningi niya ang numero ng anak ni Roman."

"Ano! Bakit ngayon mo lang sinabi!"

Tumahip ng husto ang kanyang dibdib may hinala na siya sa gagawin ng babae.

"Pero proteksyon daw 'yon laban sa kalaban, " nalilitong tugon ng kausap.

Tumiim ang kanyang bagang at biglang hinawakan sa magkabilang balikat ang tauhan.

"Warren makinig ka," tinitigan niya ito sa mga mata.

"Nilinlang ka ni Isabel. Siguradong iba ang pakay niya kay Xander Delavega."

"Anong ibig mong sabihin?" Kabadong tanong na ng kausap.

Binitiwan niya ito at umatras.

"Ilalaglag tayo ni Isabel."

"ANO! PUTA! BAKIT?"

"Wala na tayong oras saka na ako magpapaliwanag kung nagkausap na sila ni Xander parehas na tayong nanganganib ngayon."

"Anong gagawin natin?"

Dinukot niya mula sa likuran ang isang kalibre kwarentang baril at ikinasa.

"Tumakas ka na habang may oras pa."

"Hindi ko gagawin 'yan!"

Humagkis ang kanyang tingin dito.

"Madadamay ka at ayaw kong mangyari 'yon!"

"Damay na ako. Hindi ako papayag na mag-isa ka. " Ikinasa nito ang mahabang armas na dala.

"Ayaw kong may mapahamak ng dahil sa akin," mariin niyang wika.

"Hindi mo lang ito misyon, misyon din namin 'to ng mga kasama ko, " mariin din nitong tugon.

Tumiim ang kanyang bagang bago bumaling rito.

"Maghanda ka, baril, bomba, bullet proof lahat Warren!"

"Opo! "

"Kailangan nating lumaban ng sabayan ngayon.

Tangina hindi ako makapaghanda!

Baka dito na tayo mamatay!"

"Hindi ako papayag! Maghahanda ako! "

"Bilisan mo. Oras ang kalaban dito. Bilang ang oras natin!"

"Opo sir!" tumakbo ito paalis sa lugar.

Sunod-sunod na ang kumplikasyon ng sitwasyon.

Hindi lang siya makapaniwala na babaliktad ang dating kakampi at ngayon bilang na ang oras nila.

Ayaw niyang sisihin ang tauhan sa ginawa nito dahil wala itong alam sa nangyari kay Isabel.

Sino ang mag-iisip na kalaban na pala ito?

Kung tutuusin kasalanan niya dahil hindi niya naipaalam sa tauhan.

Napapikit ang binata, pagdilat ay tinawagan si don Jaime.

"Hello Gian? "

"Don Jaime nanganganib tayo."

"Ano? Bakit?"

"Si Isabel kakampi na ng mga Delavega."

"ANO!"

"At ngayong gabi posibleng itatakas siya."

"PUNYETA!"

"Ngayon ko lang nalaman ngayon pang nandito ako sa teretoryo ng kalaban."

"Punyeta Gian! Umalis ka na diyan baka kung anong mangyari sa 'yo!"

"Ito na ang huli kong pagkakataon hindi ako papayag na hindi magtagumpay sa plano ko."

"Anong plano?"

"Makikita ko na ang pagawaan."

"Gian mapanganib 'yan!"

"Don Jaime, ang kailangan dapat hindi makatakas si Isabel. Kapag nangyari 'yon katapusan na natin."

"Papatayin ko ang hayop na 'yon!"

"Ibababa ko na ho ito at kailangan ko ng bumalik."

"Mag-iingat ka. Gian ako ang natatakot sa'yo! "

"Opo don Jaime kayo rin mag-ingat."

Matapos ang usapan ay pinakalma niya ang sarili.

Nakabalik si Warren at binigyan siya ng bulletproof vest at isang hand gun.

"Salamat."

"Huwag sana tayong mamatay ngayon sir."

"Huli na 'to Warren pangako kapag nakaligtas tayo hihinto ka na sa pagiging espiya," mariin niyang tugon.

"Ito na ang huli.

Bakit ba bumaligtad si Isabel anong nangyari?"

Habang isinusuot ang vest ay nagpaliwanag siya.

 

"May kasalanan siya sa mga Lopez.

Nalaman na nilang ang kapatid ni Isabel ang pumatay sa mga magulang ni Ellah. Alam mo rin noon pa hindi ba?"

"O-opo sir."

"Kasalukuyan siyang nakakulong ngayon kaya kakampi na siya sa kalaban dahil alam niyang wala siyang laban sa mga Lopez.

Sa nangyayari ngayon alam kong ito na ang una at huling pagkakataong makalapit pa ako kay Roman kaya kailangang maisagawa ko na ang plano bago pa malaman ng kaaway kung sino ako."

"Kung gano'n sasamahan kita."

"Warren buhay natin ang nakataya rito may pagkakataon kapang umatras."

"Damay na ako at gusto kong magtagumpay kasama mo."

"Paano kung mabibigo ako?"

"Kapag nabigo ka ibig sabihin patay ka na.

At kung mamamatay man ako, karangalan ko 'yon dahil kahit minsan nakagawa ako ng tama sa mundo bago mawala."

"Warren!"

"Sir, marami na akong nagawang kasalanan isa na ang pagpatay sa anak ni don Jaime walong taon na ang nakakaraan."

Nanlaki ang kanyang mga mata at kinabahan sa narinig.

"Anong sinabi mo?" Natigil siya sa ginagawa.

"Bago pinatay ang anak ni don Jaime ay alam ko ng si Francis ang gagawa.

Pero pagkatapos niyang patayin ay nakonsensiya siya, sasabihin niya raw sa mga Lopez ang totoo kaya pinapatay siya ni Roman Delavega.

Sir, ako ang pumatay sa anak ni mang Isko."

Sa pagkakataong ito natahimik siya.

"At noong malaman ko kung sino ang tunay na kalaban natatakot ako na baka malaman ng mga Alvar ang ginawa kong pagpatay kay Francis.

Ako mismo ang nagpaalam na ang mga Delavega ang nagpapatay sa kanya ang hindi nila alam ako ang gumawa."

"Napakasama mo Warren."

"Alam ko sir. Kaya sa pagkakataong ito gagawa ako ng tama bago mamatay."

"Hindi tayo mamamatay."

"Salamat sir."

Bumalik siya sa kinaroroonan ng kalaban si Warren ay pumunta sa kung saan.

'Hindi ako dapat mabigo. Hindi ngayon!'

Sa hindi kalayuan ay nakita niya si Roman na nakatalikod at mas kumabog ang kanyang dibdib.

Paano kung sa oras na ito alam na kung sino siya?

" Roman."

Hinarap siya ng tinawag at ngumiti ito.

Mukhang wala pang alam, nakahinga siya ng maluwag.

"Let's go?" tanong nito.

Tumango siya at lumabas sila patungo sa sasakyan.

Naroon si Warren at nagtagpo ang kanilang mga mata.

Nakasuot ito ng itim na t-shirt at itim na pantalong maong at leather jacket na tila may mga laman.

Alam niyang sinunod ni Warren ang utos niya.

Siya dumeretso sa kanyang kotse.

"Sumabay ka na sa amin, mamaya mo na balikan ang kotse mo," anang senior.

"Hindi na, susunod na lang ako."

"Okay ikaw ang bahala."

Nang umusad ang sasakyan ay saglit siyang pumikit.

Walang dapat mahalata ang kalaban sa kanila ni Warren.

Nangangamba siyang anumang oras ay malalaman na ng kalaban ang totoo dahil kay Isabel.

Ang plano niyang pulido ay naging pagpapatiwakal.

Suicide ang misyon na ito!

---

Hawak ni Isabel ang pagkakataong makalaya ngayon matapos makuha ang numero ni Xander Delavega sa pamamagitan ni Warren.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata habang tinitimbang ang plano kung tuluyan na nga ba siyang maging kakampi ng kalaban. Kung tuluyan na nga ba niyang tatalikuran ang kakampi.

Inalala niya ang pag-uusap nila ni Warren kanina.

"Ano 'yon?"

"Nasaan ka?"

"Nasa rest house kasama ang mag-ama bakit?"

"May numero ka ba ni Xander Delavega?"

"Meron bakit?"

Inilibot niya ang tingin sa buong paligid at nang masigurong walang tao ay mas hininaan niya ang boses.

"Warren makinig ka, malakas ang kutob kong alam na ng kalaban na may espiya sa kanila, dapat ka ng umalis diyan."

"Ano? Paano mo nalaman?" kababakasan ng takot at pangamba ang tono ng kausap.

"Hindi ba malapit ng magtagumpay ang plano? Sigurado akong hindi magtatagal malalaman nila ang tungkol sa'yo kaya bigyan mo ako ng contact number ni Xander Delavega para may panlaban tayo sa oras na magkaalaman na."

"Sandali dapat malaman ito ni sir Gian!"

Natigilan siya.

Ibig sabihin alam na nito ang totoo.

"Oo sabihin mo, pero bigyan mo ako ng numero ni Delavega."

"Hindi ka na raw kasali sa plano hindi ba?"

"Oo pero dapat pa rin akong tumulong, kaya ibigay mo na, kailangan nating maging handa bago mahuli ang lahat."

"Oo sige, ipapasa ko."

"Salamat, mag-iingat ka."

"Ikaw rin."

Natapos ang usapan at saglit lang nakatanggap siya ng mensahe mula sa taong tinawagan.

Ibinigay ni Warren ang numero ng anak ni Roman.

Tumiim ang kanyang tingin sa numero doon bago ipinikit ang mga mata.

Walang ibang makakapitan kundi ang mas mahinang kalaban.

Pagdilat ng kanyang mga mata kasabay ang kanyang desisyon.

Tinawagan niya ang numero. Saglit lang at may sumagot sa kabilang linya.

"Who's this?"

"Xander Delavega?"

"Sino 'to?"

Tumalim ang kanyang tingin sa kawalan.

"Kilala kita at kilala ko rin ang kalaban ninyong mag-ama."

"Anong pinagsasabi mo?"

"Lopez at Villareal, hindi ba sila ang mortal ninyong kaaway?

Alam ko kung saan matatagpuan ang matagal niyo ng hinahanap na si Gian Marasigan Villareal."

"Sino 'to!"

"Makikilala mo ako at sasabihin ko ang lahat-lahat ng nalalaman sa isang kundisyon."

"Sabihin mo ano 'yon?"

"Kailangan kong makalaya, kapag nakalabas ako ng kulungan sasabihin ko lahat ng hindi ninyo alam."

"Nasaan ka?"

"Nasa Zamboanga City Jail. Bilisan mo Xander dahil Lopez at Villareal ang kalaban kapag nahuli ka ito na ang pinakamatindi ninyong pagbagsak."

"May alam ka sa kanila?"

"Kagaya ng sinabi ko alam ko lahat, ibibigay ko lahat ng impormasyong alam ko, maging ang buhay ko mamatay lang ang mga Lopez."

"Alas dose ng hating gabi ilalabas ka diyan."

Lihim na napangiti si Isabel.

Kalahating oras na lang malaya na siya.

Alam niya hindi siya nagkakamali ng desisyon.

Pinatay ng mga Lopez ang kanyang ama kaya hindi siya makakapayag na hindi rin ito mamamatay.

'Maghintay ka Jaime Lopez malapit na ang kamatayan mo!'

---

"Ben nakarating na ba ang mga tauhan sa kinaroroonan ni Isabel?"

"Opo don Jaime."

"Magaling, bantayang mabuti si Isabel. Huwag na huwag ninyong hayaang makatakas ang babaeng 'yon maliwanag!"

"Opo don Jaime!"

Hindi nila naisip na posibleng bumaligtad ang babaeng 'yon at ngayon ay sila ang nagigipit.

Nakausap na niya ang hepe doon kaya nakapaghanda na ang mga ito.

Pagkatapos makipag-usap ay tinungo ng don ang silid ng ospital kung nasaan ang ama ni Isabel.

Mabuti na lang tumawag si Gian kaya nakapaghanda siya.

Pagbukas ng pinto ay nagsalubong ang tingin nila ng matanda.

"D-Don Jaime..."

Agad bumalasik ang anyo ng don pagkarinig sa mahinang tinig ng tumawag.

Nanginig ang kanyang laman sa kaalamang buhay pa nga ito.

Matalim ang tingin niya samantalang malamlam sa kaharap.

Bahagya niya itong nilapitan.

"Mabuti naman gising ka na."

Sinikap nitong makaupo sa kabila ng tama sa dibdib.

"Nahihiya ho ako sa inyo. Patawarin niyo po sana ako sa nangyari. Salamat at binuhay niyo pa ako don Jaime."

"Masyado kang maswerte Isko. Pinakiusapan ako ni Gian na huwag kang patayin bilang pagtanaw niya ng utang na loob.

Pero kung ako lang 'yon, hindi na kita bubuhayin pa."

Napayuko ang matanda.

"S-si Isabel wala siyang kasalanan. Ako ang nakakaalam ng lahat. Don Jaime walang kasalanan ang anak ko."

Nagtagis ang kanyang bagang.

Hindi nito dapat malaman na bumaligtad na ang anak dahil kung magkataon dadagdag pa ito sa problema.

"Wala kayong magagawa laban sa akin. Pinatay ninyo ang anak ko. Kulang pa ang buhay ninyo bilang kabayaran!" Dinuro niya ito sa pamamagitan ng tungkod na hawak.

"Magpasalamat ka na lang at buhay ka pa."

Tinalikuran niya ito.

"Sandali, alam ba niyang buhay pa ako?"

Sa narinig ay napalingon siya sa matanda.

Nakabadha ang takot sa anyo nito na mas nagpaigting ng kanyang galit.

"Ang lakas ng loob mong sabihin 'yan?"

"Don Jaime, kailangang malaman ni Isabel na buhay pa ako baka kung ano ang gagawin niya natatakot akong-"

"TUMAHIMIK KA!" dumagundong sa apat na sulok ng silid ang tinig ng don.

Nanginig si mang Isko at napayuko sa takot.

"D-Don Jaime, pakiusap, hindi ko hihilingin na makita ang anak ko, sana lang ay malaman niyang buhay pa ako. Kilala ko siya, may mga bagay na nagagawa niya kapag-"

"Huwag kang mag-alala dahil magkikita kayo at mamamatay sa bilangguan ng magkasama."

Lumabas siya ng silid.

"Don Jaime pakiusap!"

Kung hindi dahil kay Gian ay hindi niya mapapayagang may mabubuhay pa sa mag-ama!

---

Hindi na mapakali si Isabel.

Tatlong minuto na lang bakit wala pa ang mga magliligtas sa kanya?

Hindi kaya natunugan na ng mga Lopez?

Kinabahan siya sa naisip.

Napansin niya ring may tila pinagkakaabalahan ang mga pulis dito na para bang naghahanda ang mga ito sa isang laban.

"Shit!"

Siguradong alam na ng mga Lopez at kanino pa ba nakakuha ng impormasyon?

"Walang hiya ka Gian! Humanda ka kapag nakatakas ako!"

Nahagip ng kanyang mga mata ang pagdating ng walong kalalakihan na may mahahabang armas.

Tumingin ang mga ito sa kanya kaya napaatras siya.

Pumwesto ang mga ito sa labas ng kanyang selda.

'Shit! Shit! Mukhang wala akong kawala!'

Sigurado siyang mga tauhan ito ni Jaime Lopez.

Pabalik-balik ang kanyang paglalakad sa pagkataranta nang biglang makarinig ng

napakalakas na pagsabog.

"AAAAH!"

Napasigaw siya nang halos mayanig ang buong lugar.

Kasabay ay ang sunod-sunod ng putok ng baril!

Sinalakay siya ng takot at sumiksik sa dulo ng selda.

Nasundan pa ulit ng pagsabog na mas ikinataranta ni Isabel.

Nanginginig na tinakpan niya ng mga kamay ang mga tainga.

Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ni Delavega at ng mga tauhan ni Lopez at ng mga pulis.

Sa kalagitnaan ng gabi ay umalingawngaw ang mga nakakabinging pagsabog ng bomba at palitan ng putok ng mga dekalibreng baril.

Maging ang mga lalakeng nakabantay sa kanya ay nagsitakbuhan at nagkaroon ng matinding labanan.

Wala na siyang ginawa kundi ang sumigaw sa takot habang nakasiksik sa sulok.

Ilang sandali pa tumigil ang mga putukan ng mga baril kaya narinig niya ang yapak na patungo sa kanyang kinaroroonan.

Sumulyap siya at nakita ang mga lalakeng may bitbit na mahahabang armas.

Mas lalo siyang nahintakutan paano kung tauhan ito ng mga Lopez?

"Ikaw ba ang sinasabi ni boss?" tanong ng isang lalaking naka itim ng maskara at may bitbit na mahabang armas.

"Si Xander ba ang nagpadala sa inyo?"

Tumango ito.

"A-ako nga. "

Nakahinga siya ng maluwag, dumating na ang kanyang hinihintay!

Sinenyasan nito ang mga tauhan sa likod.

Mabilis ang kilos ng mga ito at saglit lang nakalabas na siya.

Habang naglalakad ay nadadaanan nila ang mga pulis maging ang mga tauhan ng mga Lopez na wala ng buhay habang nakahandusay.

Nangilabot siya sa nasaksihang mga katawang   naliligo ng mga dugo.

Wasak ang buong lugar.

Pagdating sa labas ay sumakay sila sa isang maitim na van na naghihintay.

Subalit pagkapasok niya ay bigla ring napalabas ulit nang sumalubong ang dulo ng baril ng isang lalake.

"Ikaw ba si Isabel?"

"Ako nga, Xander Delavega. " Kilala naman niya ito dahil noon sa anibersaryo.

"Malaya ka na."

Pumasok siya ng sasakyan at walang anumang iniwan ang naturang lugar.

"Ngayon sabihin mo, saan ko makikita si Villareal?"

"Sasabihin ko kapalit ng pera."

Natahimik ang kausap.

"Kaliwaan tayo, kapag nasa akin na ang pera ibibigay ko ang impormasyong kailangan ninyo."

"Magkano?"

"Isang bilyon ang halaga ng impormasyon."

---

"Here we are!" masiglang saad ng senior.

Kulang ang salitang pagkatigagal sa binata nang malaman kung nasaan ang pagawaan.

"Welcome to my humble mansion Rage."

Tinapik nito ang kanyang balikat bago naunang maglakad papasok sa tahanan.

Tahimik silang sumunod.

Bahay nito mismo ang pagawaan?

Nakahilera sa malawak na sala ang mga tauhan nitong may hawak na mahahabang armas.

"Magandang gabi senior."

Tumango si Roman.

Bumaling ang tingin ng mga ito sa kanya habang siya deretso ang tingin.

Dumaan sila ng pasilyo at sa dulo ay may elevator, may taong naghihintay roon.

"Magandang gabi senior."

"Ihatid mo kami sa lab."

"Opo."

Pagsapit nila sa pinto ay may kumislap na kulay pulang tila laser na tumama sa isang metal na hawak ng tauhan.

Itinapat nito ang bagay na 'yon sa pulang umiilaw.

Bilog ito na parang magnet na sa tingin niya ay parang passcode upang makapasok sa loob.

Bumukas ito at pumasok sila.

Napansin niyang may pinindot na letter 'U' ang inutusan.

Underground.

Habang nasa loob ay hindi maiwasang mangamba ni Gian.

Anumang oras ay maaari ng malaman ni Roman ang katotohanan.

Sa kabila ng nakaambang panganib ay hindi niya kayang itigil ang plano dahil malaki ang tsansa na ito na ang una at huli dahil sa pagbaligtad ni Isabel.

Isang minuto bago tumigil ang elevator ibig sabihin malalim ang naturang underground.

Bumukas ang pinto at tinungo nila ang malaking glass door nasa gilid ay may finger print scanner.

Itinapat ng senior ang hinlalaki roon at saglit lang bumukas ang pinto.

Bumungad ang napakalawak na pagawaan.

Nakikita na ang mga nasa loob.

Napakaliwanag ng buong lugar at abala ang napakaraming tao roong nakasuot ng purong puti habang may takip sa mukha.

Aakalin mong ospital ito at doktor ang mga tao.

May mga tila kahon na napakahaba at may kulay dilaw na tila pulbos sa loob.

Sa gitna ng gusali ay may isa pang pinto.

"Hindi ba tayo papasok?"

"Kailangan pa ba? Nakita mo na hindi ba?"

Kung hindi siya makakapasok hindi niya mapag-aralan ng husto ang lugar.

"I need to Roman, wala ka bang tiwala sa akin?" lakas-loob niyang tanong.

Muling itinapat ng senior ang daliri at bumukas ito pumasok sila subalit biglang may tumunog na tila alarm.

"Stop," anang kasama.

Mula sa control room ay pinindot ng tauhan ang buton ng alarm at natigil ito.

"Bakit nag-alarm?"

"Wala kang access para makapasok."

Napansin niyang silang dalawa lang ang pumasok.

Sumarado ang pinto.

Hinarap niya ang napakalawak na pagawaan at napatakip ng kamay sa ilong nang sumalubong ang matapang na amoy ng kung ano.

Nakakasilaw ang mga nakahilerang ilaw sa itaas ng kisame.

May parating na tauhan at nilapitan nito ang kasama.

"Magandang gabi po senior."

Binigyan sila ng tig-iisang mask bilang pantakip ng ilong at bibig at puting coat.

Itinakip nila 'yon kagaya ng mga naroon at isinuot ang coat.

Pasimply niyang inayos ang aparatong nakakabit sa kanyang damit.

"Let's go?" ani Roman.

Nagsimula silang humakbang.

Nahagip ng kanyang tingin ang mga nakapalibot na CCTV sa kabuuan ng lugar.

"Ito lang ba ang pagawaan mo?"

"Hindi, marami pa, nasa iba-ibang sulok ng Pilipinas pero maliliit na 'yon. Ito ang pinakamalaki."

Habang naglalakad ay sabay na bumati ang mga naroon.

"Magandang gabi senior Roman."

Tumingin ang mga ito sa kanya.

"Magandang gabi rin, sige lang ituloy ninyo ang trabaho, alalahanin ninyong malapit na ang shipment."

Ito na ang tinatrabaho ng mga ito upang maipadala sa China.

Nagmasid siya sa buong paligid.

Napapalibutan ang buong pagawaan ng salaming dingding na bullet proof at fire proof maging ang pinto ay ganoon din.

Ang mga naglalakihang bakal bilang suporta ng gusali ay gawa sa titanium  ganoon din ang bubong nito.

Mahirap pasukin. Masyadong protektado ang lugar.

"Lahat ba ng nandito ay sa bahay mo dumadaan?"

"Hindi. May pinto ito sa dulo at doon sila dumadaan.

Sa ilalim nito ay ang basement, naroon ang mga trak na magkakarga ng produkto, doon din ang garahe ng mga sasakyan ng mga tauhan."

"Dinadala ito sa warehouse hindi ba?"

"Oo para kung magkahulihan man hindi madadamay ang bahay ko."

"Such a brilliant idea Roman."

Ngumisi ang matanda.

"Hindi pa ito nalalaman ng publiko, at kung sakaling dumating na sa bansa ang galing China ay tayo ang magiging kauna-unahang distributor ng mga inuming 'yon at sigarilyo."

Nasa kalagitnaan ng papaliwanag ang senior nang biglang tumunog ang cellphone nito.

Kinabahan siya.

"Hello, Xander?"

Kumabog ng husto ang kanyang dibdib.

Naalarma ang binata at umilap ang mga mata.

Kinapa niya ang baril sa likuran.

Sigurado siyang walang armas ang mga nandito maliban sa kalaban at sa kanya.

Tumingin sa kanyang gawi ang kalaban.

"Ano? Totoo ba 'yan? Si Villareal?"

Tumalim ang tingin nito sa kanya.

Tumayo siya ng tuwid at inihanda ang sarili sa laban.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa baril.

'Magkakamatayan na!'

Hello po sa lahat ng naghihintay.

Ito na po ang update sana ay magustuhan ninyo.

Maraming salamat po sa pagbabasa at patuloy na suporta.

Please keep voting at comment po.

Thank you.

Phinexxxcreators' thoughts