webnovel

34

Flashback

"Karina! Karina!"

Sunod sunod na katok ang nakapagpatayo sa akin mula sa pagkakasalampak sa basang sahig ng maliit na banyo. Kagagaling ko lang sa pagsusuka at umiikot pa ang paningin ko. Hinang-hina na pinahid ko ang laway at luha bago kumapit sa dingding para makatayo.

Ilang buwan na rin mula ng lumipat ako ng bahay. Nanatili pa rin ako sa Sta. Barbara at naghanap ng mapagkakakitaan. Maselan ang pagbubuntis ko lalo na at nasa unang tatlong buwan pa lang ang bata pero wala akong mapagpipilian. Kailangan kong kumayod para makakain. Sa awa ng Diyos ay nakapasok naman ako sa isang karinderya bilang tagahugas ng pinggan.

Mahirap. Napakahirap ang mabuhay sa araw-araw na walang katapusan ang pagod at lungkot pero kinakaya ko naman. Hahaplusin ko lang ang tiyan at magkakaroon na ako ng lakas na harapin ang buong araw.

May mga umaga na halos hindi ako makatayo dahil sa pagsusuka at pagkahilo pero binabalewala ko lang iyon. Kailangan kong magtrabaho para mabayaran ang upa sa maliit na kwarto, makabili ng pagkain at iilang gamit bilang paghahanda sa panganganak ko.

Sa mga pagkakataong ito ay hindi ko maiwasang mahiling na sana ay may kahit isang tao man lang na naiwan para damayan ako. Yung aalalay sa akin kapag nahihilo ako. Yung magsasaing para pag-uwi ko ay kakain na lang kami. Yung magbibigay ng suporta sa akin. Maliit na bagay pero araw-araw kong hinihiling na sana man lang ay may ipadala ang tadhana para tumulong sa akin.

Kung sana ay buhay pa sina Tatay ay Diego. Kung sana ay kinausap man lang ako ni Cholo noon. Kahit hindi niya ako gustuhin basta ba ay susuportahan niya ang anak namin. Sobra pa sa sapat iyon para sa akin kasi nahihirapan na talaga ako. Napapagod na akong magutom. Sawa na akong walang makapitan. Araw-araw na lang.

"Karina! Karina!" sigaw muli ng tao sa labas.

Pinahid ko ang mga nalaglag na naman na luha sa mga mata at binuksan ang plywood na pinto. Naabutan ko sa labas si Kristine, ang anak ni Aling Pita na may-ari ng karinderya na pinagtatrabahuan ko.

"Bakit?" nanghihina kong tanong at sumandal sa hamba ng pinto. Tagaktak ang pawis ko sa mukha pero hindi ko na ito pinagkabaalahan pang pahirin. Nanlalamig na ako at gusto ko nang bumalik sa pagkakahiga.

"Ang tagal mong magbukas! Nagsusuka ka na naman, ano? Mabuti na lang at inutusan ako ni nanay na maghatid ng pagkain dito kundi nahimatay ka na naman ng walang kasama. Halika na. Pasok tayo sa loob."

Kinuha ni Kristine ang kamay ko at inalalayan ako papasok. Umupo ako sa nag-iisang silya sa silid at ipinikit ang mga mata. Gusto ko na namang masuka pero pinipigilan ko lang. Wala na kasi akong lakas.

Narinig kong pinagbubuksan ni Kristine ang mga kaldero na nasa ibabaw ng pinagtagpi-tagping kahoy para matawag na lamesa.

"Tutong na naman? Kahapon tutong din ang kinain mo. May matino ka pa bang kinakain, Karina? Tingnan mo nga iyang sarili mo! Ang payat-payat mo na. Ang liit na ng mga braso mo, jusko! Ano bang sustansya ang makukuha mo mula rito? Naku! Baka maging malnourished ang anak mo niyan."

Ibinuka ko ang mga mata kasabay ng pagtulo ng luha. "Eh... isang kilo ng bigas na lang kasi ang naiwan sa akin kaya kailangan kong pagkasyahin. Sayang naman ang pagkain kung itatapon ko. Nilalaga ko na lang. May saging naman ako diyan. Ginagawa kong ulam."

Nailing na lang si Kristine sa sinabi ko. "Eh bakit hindi ka nagpunta sa bahay? Alam mo namang bukas kami sa iyo palagi."

Hindi ako sumagot. Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa kaniya na naiilang ako sa mga tingin na ipinupukol ng kaniyang ama sa akin na may halong malisya.

"Sobra na ang naitutulong niyo sa akin."

"Ilang beses ko bang sasabihin na ayos lang iyon. Pagkain lang iyon, ano. Eh nabili mo na ba iyong vitamins na inireseta sa iyo? Iyong gatas nabili mo na?"

Hindi na naman ako sumagot. Paano ay wala pa akong naibibili ni isa sa mga sinabi nito kasi ni singko ay wala ako ngayon. Naubos kahapon dahil maagang naningil sa upa si Manang Tata. Gusto ko sanang makiusap na sa akinse na ako magbabayad pero naalala kong hindi ako nakapagbigay noong nakaraang buwan kaya ngayon ay nagtitiis ako sa pag-uulam ng saging at asin.

"Sige na. Ako nang bahalang bumili para sa iyo. Ibabawas na lang namin paunti-unti sa sahod mo. O sige na. Kumain ka na. Nakapaghain na ako. Mabuti na lang at nagdala na rin ako ng kanin. Monggo ang ulam namin. Narinig kita kahapon na gusto mong kumain nito kaya sinadya kita rito."

"Salamat, Kristine. Salamat sa lahat-lahat. Ang laki na ng utang na loob ko sa pamilya niyo," naluluha kong wika.

Iniikot nito ang mga mata at pinameywangan ako. "Sige na. Kain na. Wag ka nang magdrama at naaalibadbaran ako. Aalis na rin ako para mamalengke para bukas." Linggo ngayon kaya sarado ang kainan.

"Salamat uli."

Nginitian niya ako bago lumabas ng pinto. Tumayo naman ako at kinuha ang isang mangkok na puno ng ginataang munggo. Pagkatapos ay naupo ako sa maliit na katre at hayok na kumain. Kagabi ko pa gustong kumain nito kaso nga lang ay wala na akong pera pambili.

Laking ginhawa ang naramdaman ko pagkatapos simutin ang buong mangkok. Unti-unti na ring nagbalik ang aking lakas at nawala na rin ang pagkahilo ko. Inaantok nga lang ako.

Pinasadahan ko ng tingin ang buong silid. Isang silya, isang mesa, at isang katre. Iyan lang ang tanging laman ng munting bahay ko. Ang mga damit at iba ko pang gamit ay nakalagay pa rin sa bag.

Walang kahit na anong appliance rito kahit electric fan kaya napakainit lalo na sa gabi. Pinagkakasya ko lang ang sarili sa pamaypay na karton at pagdampi ng basang bimpo sa katawan para mabawasan kahit papaano ang alinsangan.

Bawat gabing dumadaan ay iginugupo ako ng lungkot at pangungulila. Matutulog akong umiiyak at gigising na may mga luha sa mga mata. Sa tuwina ay nilalakasan ko ang loob sa pamamagitan ng paghaplos sa lumalaki ng tiyan. Magiging matatag ako para sa anak. Mabubuhay ako para sa kaniya.

Iyan ang mahigpit kong ipinangako sa sarili hanggang sa manganak ako. Nang matapos na ang paglilihi ay naging ekstra pa ang pagtatrabaho at pag-iipon ko. Pero kahit ganoon ay hindi pa rin sapat ang pera ko pampaospital kaya sa huli ay sa bahay na rin ako nanganak. Kinakabahan pa ako dahil sa last ultrasound ay nauuna ang mga paa ng anak. Mabuti na lang at sa huling punta ko sa hospital ay umikot na siya.

"Umire ka, inday. Sige, ire pa. Nakikita ko na ang ulo. Sige. Hingang malalim."

Ginawa ko ang sinabi ng kumadrona. Ibinigay ko ang buong lakas sa pag-ire.  Maya-maya pa ay umaalingawngaw sa buong lugar ang malakas na iyak ng bata.

Lupaypay na pumikit ako at huminga nang malalim. Kanina pa ako naliligo sa sariling pawis at nawawalan na rin ako ng lakas. Gusto ko na sanang magpahinga, umidlip saglit pero nangibabaw ang kagustuhan kong makita muna ang anak.

Kahit hinang-hina ay sumulyap ako sa duguan na bata na binabalot sa puting tuwalya. Kinagat ko ang ibabang labi kasabay ng pag-uulap ng mga mata dahil sa magkahalong awa at tuwa. Tuwa dahil nairaos ko rin ang panganganak. Awa dahil ang liit ng anak ko. Halatang kulang sa sustansiya.

"Napakaguwapo ng anak mo, inday. Foreigner ba ang ama nito? Ang tangos ng ilong," sabi ng kumadrona nang inilagay na niya sa tapat ng dibdib ko ang umiiyak na anak.

Patuloy pa rin ako sa pag-iyak habang tulalang nakatitig sa anak. Para akong nahipnotismo rito. Totoo ngang napakaguwapo niya kahit parang buto't balat siya.

Nanginginig ang mga kamay na hinaplos ko ang kaniyang pisngi.

"Papangalanan kitang Errol. Errol Versoza. Mahal na mahal na mahal kita, anak. Higit pa sa buhay ko."

Hinalikan ko ang ulo nito at ngumiti. Ang guwapo ng anak natin, Cholo. Sana makita mo rin ang nakikita ko ngayon. Baka kapag nakita mo siya ay magbago ang isip mo.