webnovel

32

Flashback

Gusto ko na ring sumunod sa kanila kasi wala nang kwenta ang mabuhay pa. Ginawa ko ang lahat, nagpakahirap ako para sa kanila kaya ngayong wala na sila sa mundong ito, wala nang rason para ipagpatuloy pa ang pagdurusa ko.

Kasi bakit pa ba ako lalaban kung wala nang dahilan? Patay na ang ama at kapatid ko. Para saan pa ang mabuhay kung wala na sila sa aking tabi?

Siguro sasabihin ng iba na dapat akong mabuhay para sa sarili ko pero paano kung pati sarili ko ay sumusuko na? Buong buhay ko ay ang pamilya ang pinakasentro ng buhay ko. Sila ang  naging buhay para sa akin.

Ayoko na. Ayoko nang maghintay ng umaga pa. Miss na miss ko na silang dalawa. Gusto ko na uli silang makita. Gusto ko na uli silang mayakap at humingi ng tawad kasi kung hindi ko hinayaang mahulog ang puso kay Cholo, hindi pa sana sila ngayon patay. Nagpakatanga ako at nangarap ng gising.

Ang akala ko ay mapanghahawakan ko ang mga salita ni Cholo na kaya niya akong pangalagaan, na poprotektahan niya ako pero nasaan siya ngayon? Hindi man lang ba siya nagtaka kung bakit nawawala ako? Hindi man lang ba niya ako hinanap? Wala ba talaga akong halaga sa kaniya?

Bumuhos ang ulan sa magkatabing lapida nina Diego at tatay kasabay nang pagpatak ng mga luha ko pero hindi ako tuminag sa pagkakatalungko. Tulalang nakatitig lang ako sa kawalan. Hindi ko maramdaman ang lamig. Wala akong maramdaman sa loob kundi kahungkagan. Manhid na ang buong katawan ko. Parang manikang de-susi na nawalan ako ng baterya.

Tiningala ko ang madilim na kalangitan at itinaas ang palad para saluin ang butil ng ulan. Bakit ba ganito ang kapalaran ko? Ganoon na ba ako kasama sa dating buhay ko para maranasan ang ganito kabigat na sitwasyon? Naging mabait naman po ako. Hindi ako nagtanim ng kahit na anong galit sa ina ko kahit inabandona niya ako noon. Hindi ako nagreklamo kahit minsan noong hindi ako nakapunta sa kahit isang Christmas party dahil wala akong maiambag na pagkain. Hindi ako naging mapag-imbot sa kapwa ko.

Ang tanging hiniling ko lang ay mapagsilbihan pa sina tatay at Diego, maibigay sa kanila ang buhay na pinangarap ko para sa aming lahat. Sila ang kasiyahan ko kaya ang pagkuha sa kanila mula sa akin ay parang pagpatay na rin sa akin.

Tumayo na ako at mapait na tumayo. Nakangiti kong pinahid ang mga luha.

"Wag po kayong mag-alala diyan. Susunod po ako. Hindi ko hahayaang kayo lang dalawa diyan. P-papunta na po ako 'Tay, Diego. Hintayin niyo po ako."

Matamlay na tumalikod ako at halos hilahin na ang sarili para makalakad lang. Yakap ko ang basang katawan at kanina pa kumakalam ang tiyan ko pero hindi ako nakakaramdam ng gutom. Pagod ako oo pero alam kong hindi tulog o pahinga ang makakapagpapawi nito.

Pumatak na naman ang mga luha ko pagkaalala sa buong pamilya na sa isang iglap ay nawala na lang bigla sa loob lang ng isang araw. Humahagulhol na napaluhod na lang ako at isinubsob ang mukha sa damuhan.

"Ayoko na... Hindi ko na kaya... Tama na pakiusap... Mahina po ako. Hindi ko po ito kaya... Sana sa iba niyo na lang ibinigay kasi hindi ko po talaga kaya. Mahina po ako... Napakahina po."

Bigla na lang nawala ang marahas na buhos ng ulan sa akin. Nagtaas ako ng tingin at ang una kong nakita ay itim. May tao sa paanan ko na nakataas ang payong. Ikinurap ko ang mga mata na hilam sa luha para makita ko ang mukha nito pero sa ikalawang pagkurap ko ay parang nagsayaw ang paligid. Hinawakan ko ang dibdib at ipinilig ang ulo nang unti-unting magdilim ang lahat sa akin.

Namalayan ko pa ang pag-alalay ng kung sino sa akin bago ako mawalan ng malay.

Cholo... Salamat at dumating ka.

Pagmulat ko ng mga mata ay umaga na at nasa isang hindi pamilyar na silid na ako. Umupo ako sa kama at blangko ang matang inilibot ang tingin sa paligid.

Walang tunog na namalisbis na naman ang mga luha ko nang maalala ko na naman ang lahat. Bakit pa ba ako nagising? Sana hindi na lang ako nagising kasi ayoko nang mabuhay. Ayoko na po... Sawa na ako.

Bumukas ang pinto at pumasok ang isang may katandaan ng babae.

"Mabuti at gising ka na, ineng. Naku, simula ngayon ay mas alagaan mo pa ang iyong sarili. Buntis ka pa naman. Ang bilis ng pintig ng pulso mo. Kinumpirma ng kumadrona naming kapitbahay. Siya kasi ang tumingin sa iyo matapos kang himatayin. Nasaan ba ang asawa o pamilya mo, ineng? Bakit ka nila hinahayaang mag-isa sa daan? Ano ba ang pangalan mo, ha?"

Ngali-ngali ko nang sabihin na wala na ni isang tao na natira sa akin pero tumimo sa buong atensiyon ko ang naunang sinabi nito. B-buntis ako? Magkakaroon kami ng anak ni Cholo? Kung ganoon ay dalawa pala kaming papatayin ko kung itinuloy ko ang balak kagabi.

Nanlamig ako sa naisip. Hinawakan ko ang pipis na tiyan. Hindi. May dahilan pa pala ako para mabuhay. Binigyan pa ako ng dahilan ng Diyos para mabuhay.

Handa na akong kitlin ang sariling buhay pero dumating ang sinag ng araw sa buhay ako.

Ito iyon. Sa anak namin ni Cholo ako kakapit.

Matapos magpasalamat sa babae ay bumalik ako sa bahay sa Sta. Barbara at agad na nag-empake. Babalik ako sa Cerro Roca. Babalik ako kay Cholo. Wala nang pipigil sa akin dahil bigla na ring nagsialisan ang mga tauhan ni Ymir sa bahay matapos nilang ihatid sa punerarya ang kapatid. Hindi ko alam kung bakit at wala na akong balak na alamin pa.

Kahit wala akong gana ay pinilit ko ang sarili na kumain para kahit papaano ay may lakas ako sa mahabang biyahe.

Sa daan ay umidlip ako saglit para lang magising na umiiyak dahil napanaginipan ko sila. Hinaplos ko ang tiyan at pinangako sa sarili na gagawin ko ang lahat para maprotektahan ang anak, isang bagay na nabigo akong gawin sa pamilya ko.

Nang makababa sa terminal ay hindi na ako nag-aksaya ng oras. Pumunta agad ako sa bahay ni Cholo na tinuluyan ko noon. Kaso walang tao kaya dumiretso na ako sa mansiyon ng mga Gastrell. Kinailangan ko pang iwan ang nag-iisang ID ko sa guard ng subdivision para lang papasukin niya ako.

Naghintay ako sa kabilang kalsada para makakuha ng tiyempo na makapasok. Dapat si Cholo ang makausap ko ng direkta. Kailangan niyang malaman agad ang kalagayan ko bago pa man pumagitna uli sa amin si Ymir.

Inilabas ko ang baong tubig at naupo sa lilim ng isang puno sa tapat ng isang abandonadong bahay. Nakakandado na ang warak na bakod nito at sira-sira na ang iilang bintana.

Naghintay ako ng ilang oras sa maaaring palatandaan na nasa loob si Cholo. Ang segundo ay naging minuto na naging oras. Hirap man dahil nanghihina na ako pero nilakad ko uli ang guardhouse para magtanong pero wala rin akong nakuhang sagot kaya bumalik lang ako sa dating pwesto at kinain ang natitirang crackers na dala.

Hindi. Hindi ako susuko. Makikita ko si Cholo at makakausap ko siya. Kahit ilang oras akong maghintay dito ay ayos lang para sa anak namin. Siya na lang kasi ang tanging pag-asa ko. Kakapit ako sa kaniya kahit na anong mangyari.

Dumaan pa ang ilang oras at hindi ko na namalayan na nakatulog pala ako na nakasandig sa puno. Tanghali na pero buti na lang at mahangin kaya hindi masyadong mainit.

May narinig akong ugong ng dumarating na sasakyan kaya agad akong tumayo at sumilip para sinuhin ito. Kinabahan ako ng kaunti dahil baka hindi ko namalayang nakauwi o nakaalis na ba si Cholo habang natutulog ako.

Parang tumigil sa pagtibok ang puso ko nang huminto ang sasakyan sa harap ng mansiyon. Bumukas ang pinto at lumabas si Cholo na naka-barong Tagalog. Naiyak na ako sa labis na kasiyahan. Salamat at dininig ang mga panalangin ko.

Kinuha ko ang bag na nasa lupa at isinukbit sa balikat. Handa na sana akong tawirin ang kalsada nang makita ko ang pagbaba ni Elizabeth at ang pag-abot nito sa kamay ng nakangiting si Cholo. Ngumiti ang babae dito sabay halik sa mga labi ng lalaki na tinugon naman nito ng paghapit sa bewang ni Elizabeth. Parang sinuntok ako sa sikmura sa nasaksihan. Nabitiwan ko ang hawak na bag at natulala na lang sa magkapareha na magkahawak-kamay na pumasok sa loob ng bahay.

Huli na ba ako? Sila na ba uli? Pero naghiwalay ba talaga sila o sadyang ako lang ang naging hadlang sa kanilang dalawa?

Paano na ang anak natin, Cholo? Lalaki ba siyang patuloy na makikihati sa pagmamahal mula sa iyo? Paano na kami? Paano na tayo?

Ipinilig ko ang ulo sa naisip. Kalokohan. Kahit kailan ay walang naging kami. Binayaran niya ang katawan ko pati ang pagpapanggap ko bilang asawa niya. Bayad ako sa serbisyo ko. Binili niya ang oras ko kaya kay laki ko namang gaga kung hanggang ngayon ay mag-iilusyon pa rin ako na may kapupuntahan kaming dalawa.

Mula't sapul ay pagmamay-ari na siya ni Elizabeth. Siya ang mahal at patuloy na mamahalin samantalang ako ay isang alaala lamang sa mga gabing malamig.

Pinahid ko ang hindi ko na namalayan na tumulong luha saka kinapalan ang mukha na tinawid ang daan. Hindi ako pumunta para sa pag-ibig ni Cholo. Nagpunta ako para sa anak namin. Iyon lang. Mas mahalaga ang kinabukasan ng anak ko kaysa sa pansariling kaligayahan ko.

"Ma'am, sino po ang hanap nila?" tanong ng sekyu na lumabas sa gate.

Lumunok muna ako ng laway bago sumagot. "Kuya, nasa loob ba si Cholo? Gusto ko po sana siyang makausap. Importanteng importante po. Pakisabi si Karina Versoza po ito."

Tumango ang mukhang mabait na mama. "Sige. Ipapaalam ko. Dito ka lang muna."

Nakahinga ako nang maluwag sa narinig. Buo ang pag-asa ang dibdib na naghintay ako sa gilid hanggang sa makabalik ang guard.

"Miss, pasensiya na pero tumanggi po si Sir Cholo na kausapin kayo. Iniutos din niya na escortan kayo paalis."

"H-ho? B-bakit naman po? Manong maawa na po kayo. Pakitawag naman po siya ulit. Pakisabi po na emergency lang po talaga. Kailangan na kailangan ko po kasi siya ngayon," pakiusap ko rito. Naguguluhan ako kung bakit niya ako itinataboy. Ano ba ang nagawa ko para tratuhin niya ako ng ganito? Hindi ba dapat ay magtaka pa siya kung saan ako galing nitong mga nakaraang linggo?

"Miss pasensiya na talaga pero trabaho lang. Umalis na po kayo kung hindi ay mapipilitan akong magpatawag ng back-up."

May bumusina sa likod ng gate kaya napilitan akong tumabi para mabuksan ang gate at makalabas ang kotse. Naglumikot ang mga mata ko sa loob. Ito na ang magandang pagkakataon para makapasok ako sa loob. Desperada na ako. Gagawin ko na ang lahat para makausap si Cholo.

Hinintay ko ang paglabas ng kotse at bumuwelo na para sa pagtakbo. Ngunit wala akong nagawa ni isa sa mga plano dahil sa lalaki sa loob ng sasakyan. Napako ako sa kinatatayuan nang maghinang ng ilang segundo ang mga mata namin ni Cholo na nakasuot ng headphone at itim na salamin. Nakita ko pa kung paano nito ibiniling ang ulo sa gilid bago pa man ito tuluyang matakpan ng tumataas na bintana ng kotse.

Ilang segundo akong nakatitig sa lugar kung saan naroroon ang kotse kanina. Ano ang nangyari? Bakit hindi siya lumabas? Bakit parang hindi niya ako kilala? Bakit umaakto siyang hindi niya ako nakita?

Laylay ang balikat na pinulot ko ang bag at napapahiyang naglakad na palayo. Sa isip ay paulit-ulit ang ginawa kong panonood sa pambabalewala niya sa akin kanina.

Hinawakan ko ang tiyan at mapait na ngumiti. Tayo na lang talaga ang natitirang magkakampi sa mundong ito anak. Ikaw na lang at ako ang magkasangga mula ngayon. Mabubuhay ako para sa iyo. Tutuparin ko ang mga pangarap na ipinangako ko kay Diego at tatay para sa iyo.

Pasensiya ka na at mukhang matutulad ka na naman sa akin na lalaki na hindi buo ang pamilya. Pasensiya na talaga.

Hayaan mo at balang-araw ay makikita mo rin ang ama mo pero hindi pa sa ngayon. Papaghilumin muna ni nanay ang mga sugat. Magpapalakas muna si mama para sa iyo. Para sa iyo.

Nang araw na iyon ay naranasan ko na naman kung paano mabigo at masaktan. Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon ay naranasan ko na namang mawalan at maabandona ng mga taong lubos kong minahal.

At sa lahat at sa bawat na pagkakataon na iyon, ilang ulit na nadudurog ang puso ko na ang tanging gusto lang ay may manatiling tao sa tabi ko na mamahalin ako.