HABANG naglalakad patungo sa Mansyon ay hindi mapalagay ang kaniyang isip kung bakit siya ipinatawag nito sa kalagitnaan ng gabi. Abot-abot ang pagtambol ng kaniyang dibdib dahil sa mga naiisip niyang dahilan. Itinikom niya ang kaniyang bibig dahil sa kabang nararamdaman. Dinala siya ng sundalo sa silid kung saan siya nagising ng pagtangkaan niya ang buhay ng Gobernador.
"P-Pumasok kana. Siguradong naghihintay na siya sa iyo sa loob," sabi ng sundalo.
"Huh..Hindi mo ba ako sasamahan sa loob?" tanong niya sa sundalo ngunit umiling ito at iniwan siya sa pinto ng silid.
Napakunot ang noo niya dahil magisa nalang siya sa harap ng pinto. Napabuga siya ng hangin bago magsalita.
"A- Andito na po ako. Si E-Esmeralda po.." utal niyang sabi.
"Tuloy ka,"
Pumasok siya at nakayukong lumakad papasok. Magkadaop ang kaniyang mga kamay at nanginginig.
"Iangat mo ang iyong mga mukha." Nakita niyang nakaupo ito sa kaniyang lamesa. May suot itong manipis na salamin at may isinusulat.
"Ah G-Gobernador bakit po ninyo ako ipinatawag? May kailangan po ba kayo sa akin?" utal niyang tanong.
Hinubad ni Greco ang kaniyang salamin at tumayo. Lumakad at umupo sa kaniyang mesa.
"Kailangan kita.." magaan at kalmado niyang sabi.
Hindi niya maitago ang pamumula ng kaniyang pisngi sa sinabi ng Gobernador. "Kailangan kita para sa paggawa ng tsaa. May mga dumating na mga halamang gamot galing sa aking ina. Hindi ko alam ang mga ito. Ayoko ng matulad sa insidenteng nangyari sa halaman na dinala ko dito sa aking mansyon," nawala ang kabang naramdaman niya.
"A-Ahh Akala ko po kung ano na.."
"Mayroon pa ba dapat?"
"W-Wala po..Ahh nasaan napo ang mga halamang gamot?"
Itinuro niya ang isandaang maliiit na kahon na nakasalansan sa gawing gilid. Mga pinatuyong dahon ng mga halamang-gamot ang mga ito. Isa isa ng binuksan ni Esmeralda ang mga ito. At humingi siya ng tinta at papel kay Greco.
"Marunong kang magsulat? At bumasa?" hindi lahat ng mga nasa probinsya sa Imperyo ay marunong magsulat at magbasa kaya napatingin sa kaniya si Greco.
"Tinuruan ako ng aking ama. Ang angkan niya ay maharlika ngunit mas pinili niyang manatili sa San Ferrer para sa amin,"
Habang ginagawa ni Esmeralda ang pagsusulat at pagamoy sa mga dahon ay wala ng nagawa si Greco kundi ang pagmasdan siya. Ilang beses 'din siyang nahuli ni Esmeralda na nakatingin sa direksyon niya ngunit mabilis na iniiwas ni Greco ang mga mata dahil wala siyang maisasagot kapag nagsimula itong magtanong.
Napaupo na siya mga kahon at hindi na napigilan ang sariling makatulog habang nakadukdok ang ulo. Tumayo si Greco at binuhat niya ang babae sa kaniyang kama. Alam niyang pagod ito sa maghapong pagtatrabaho sa bukid at gulayan kaya bigla itong gumaan kumpara ng buhatin niya ito sa paliguan.
Nahawakan niya ang mga palad nito at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ayaw niya itong bitawan. Alam niya ang epekto ng mga kamay nito ng mga oras na iyon. Hindi niya napigilan ang sariling pagmasdan ang mukha nitong nasusunog na sa gitnang bukid.
Mahimbing na itong natutulog sa kaniyang kama ng biglang may kumatok kaya binitawan niya ang kamay ni Esmeralda at tinungo ang pinto.
Namaywang si Tyrione at dire-diretsong pumasok sa loob. May harang ang bandang kama ni Greco kaya hindi niya makikita si Esmeralda. Luminga-linga pa siya ng mapansin ang pagkunot ng noo ni Greco.
"Ano ang kailangan mo?"
"Nasaan siya?"
"S-Sino?"
"Y-Yung babae? Nakita ko siyang pumasok dito kanina. Umalis na ba siya?"
"Ah si Esmeralda? Oo. Sabi ko kasi bukas na niya ipagpatuloy ang kaniyang ginagawang pagtatala,"
Hinila niya ang kaibigan at sapilitang pinalabas. "Gusto ko ng magpahinga, Tyrione.."
"O sige. Sige kamahalan.." may tono ng pang-aasar.
Binalikan niya si Esmeralda at nakatagilid na ito. Mahimbing paring natutulog sa kama. Hinayaan niya itong mamahinga 'ron samantalang siya naman ay naupo sa gilid ng kama.
Hindi siya naging ganito sa ibang mga babae sa imperyo na halos idulog ang kanilang mga katawan sa kaniya. Ngunit ang mga maharlika ay iniiwasan siya dahil wala sa kaniya ang trono. Tanging si Esmeralda lamang ang nakagawang tignan siya sa mga mata. Isa siyang lalaki at alam niya ang magiging kahihinatnan kapag nagsimula siyang magkaroon ng pagtangi sa isang babae. Kaya tumayo siya at naupo sa ginagawa niya.
~~~
KINABUKASAN nagising si Esmeralda sa malambot na kama. Napaupo siya sa kama habang inaalala kung paano siya napunta sa kamang iyon. Bumaba siya at hinanap niya si Greco. Natagpuan niya itong na nakadukdok sa lamesa nito.
"G-Gobernador.." mahina niyang tawag ngunit hindi ito magising kaya kumuha siya ng ilang pinatuyong dahon at gumawa ng tsaa. Dinala niya ito kay Greco na noo'y unti-unti naring kumikislot. Sa kaniyang muling pagtawag ay iniangat na nito ang ulo at sinundan ang amoy ng mabangong amoy ng tsaa.
Inilapag ni Esmeralda ang tsaa sa mesa ni Greco. "Makabubuti po ang tsaa na ito para mapunan ang nawala ninyong lakas at maganda sa memorya," masigla niyang sabi.
"S-Salamat."
"Kailangan ko po muna umuwi at magpalit ng damit."
"Bakit hindi mo nalang gawin iyan dito?"
"A-Ano po? Naroon po ang aking kasuotan at—" hindi na niya natapos nang biglang tumawag ng alipin si Greco sa labas. May pumasok na babae na nakasuot na pang-dama.
"Aliya, siya si Esmeralda. Bigyan ninyo siya ng kasuotan at ibigay ninyo sa kaniya ang lahat ng kailangan niya,"
Sumama si Esmeralda kay Aliya palabas ng silid ni Greco.
Dalawang dama pa ang nagdala ng mga kasuotan kay Esmeralda. Laking gulat niya ng bigla siya nitong hubaran at i-eksamin ang katawan niya.
"A-Anong ginagawa ninyo?" gulat niyang sabi.
"B-Binibini..ngayong nakasama na po ninyo si Prinsepe Greco ng nakaraang gabi kailangan po namin gawin ito," bulong dama at biglang napangiti.
"N-Nagkakamali kayo..h-hindi ko siya nakasama—" ngunit parang mga bingi ang mga ito. Sila ang nagpaligo kay Esmeralda at nagbihis ng damit.
'Mali ito. Hindi ko siya nakasama tulad ng iniisip ninyo,' bulong niya habang hinahatid muli sa silid ni Greco.
Suot ang maganda at eleganteng seda lumakad siya papalapit kay Greco. Pati pagkakaayos ng buhok niya ay nabago. Napako ang tingin sa kaniya ni Greco ngunit gayon nalang ang pagsimangot ni Esmeralda sa lalaki.
"Mali ang iniisip nila tungkol sa atin," tangi lang niyang nasabi sa harap ng lalaking natulala.