webnovel

The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World)

Anorwa, the another world. Mundo ng mga diwata na akala nati'y sa isang kuwentong pantasya lamang. Doo'y muling magtatagpo ang landas ni Nate at Chelsa. Ngunit sa kasamaang palad, sila'y nasa magkalabang pangkat. Ang pangkat ng kabutihan at pangkat ng kasamaan. A Fight For Love And Forever

xiunoxki · Fantasie
Zu wenig Bewertungen
22 Chs

CHAPTER 4: Ang Misyon

NASA BULWAGAN KAMI na dinaanan na namin kanina kung nasaan ang gintong truno ng reyna at ang sahig na may tila mapa. Nakaupo sa trono niya ang reyna habang nasa kanan niya ang lumilipad na saday na si Philip. Kasama na namin si Rama at ang isa pang saday na babae. Mas maliit siya kay Philip, kumbaga, teenager pa lang ata na saday. At kanina pa ang saday na 'to na palipad-lipad sa paligid ko, pinagmamasdan niya ata ang bawat anggulo ng hitsura ko. Kanina, hinawakan niya ang mga tainga ko, ang likod ko at buhok ko. At ngayon, nakatitig na naman siya sa mukha ko. Na halos maduling na ako dahil tinitingnan ko rin siya.

Ang mga mata ng saday ay malaki para sa mukha nila at kulay asul ang mga 'to. Patulis din ang tainga nila tulad sa karaniwang diwata. Ang buhok nila, may pagka-orange. At ang pakpak nila parang pakpak ng tutubi.

Sa kakatitig sa 'kin ng saday na 'to, nami-memorized ko na ang hitsura niya. Dahil nakatitig na rin ako sa kanya. Nakatali ang mahaba niyang orange na buhok. Nakasuot siya ng yellow-green na parang bestidang lagpas ng konti sa tuhod ang haba na parang bulaklak ang palda na may kulay dilaw na halo. May dilaw rin siyang sapatos.

"Shem-shem, ano ba ang ginagawa mo?" sabi ng saday na si Philip.

Siguro itong saday na 'to ang sinasaway ni Philip? Kami lang naman kasi ang narito sa bulwagan – ang reyna, si Pinunong Kahab, si Rama at ang dalawang saday.

"Hindi ba ako nananaginip? Talagang tao siya?" manghang sabi ng saday at sinundot-sundot pa ang dulo ng ilong ko.

"Oo, Shem. Tao siya." si Rama ang sumagot. Nasa tabi ko siya.

Lumipad palapit sa 'min si Philip. "Siya ang magiging gabay mo habang narito ka. Puwede mong itanong sa kanya ang lahat," sabi niya.

"Makakasama-sama mo rin si Rama, Nate," dugtong ni Pinunong Kahab.

"Magpahinga ka na, Nate," sabi ni Reyna Kheizhara. "Alam kong napagod ka… Alam kong… naguguluhan ka pa rin."

Wala akong naging tugon sa reyna. Pinasamahan niya ako kay Rama at sa saday na si Shem-shem sa magiging kuwarto ko rito sa palasyo habang narito ako sa mundo nila. Makakasama ko rin sina Rama at Shem-shem sa kuwarto.

"Ito ang magiging silid natin," sabi ni Rama. Tahimik na ngiti lang ang naging tugon ko at pumasok na kami.

Tumuloy agad ako sa kama at tahimik na naupo. Ni 'di na ako nag-abalang pagmasdan ang kabuuan ng kuwarto. Sina Rama at Shem-shem na kanina pa ako kinakausap habang papunta kami rito sa kuwarto ay tumahimik na lang din at nagpaalam sila. Hinayaan nila akong mapag-isa at tatawagin na lang nila raw ako para sa hapunan. Sabi ni Reyna Kheizhara magkakaroon nang malaking piging para sa pagsalubong sa 'kin. Isang party ata ang tinutukoy niya. Ngumiti ako nang marinig ko 'yon. Pero sa totoo lang… hindi ako masaya. Gusto ko nang bumalik sa mundo ng mga tao.

Pabagsak akong nahiga. Napatulala. Hindi pa mag-sink in sa 'kin ang lahat. Ni 'di ko alam ang iisipin ko. Ang shit lang talaga!

~~~

PAGSAPIT NG GABI, siya namang pagliwanag ng buong Palasyo ng Ezharta at ng buong kaharian. Matatanaw mula sa taas kung nasaan ako ang liwanag ng paligid – ang sakop ng palasyo at ang malapit na mga kabahayan. Napakaraming bituin sa langit. Parang ang lapit lang nila sa kinaroroonan ko. Kabaliktaran ng pakiramdam ko kung makikita ko pa ba si Chelsa. Kanina sa pagpupulong, tinanong ko ang reyna tungkol kay Chelsa at Tito Chelo. Wala silang direktang naging sagot. Sabi ng saday na si Philip, ipapahanap nila sina Chelsa at Tito sa mga sundalo. Aalamin daw nila ang nangyari sa mga ito.

"Nate, tayo na sa pagdiriwang."

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga bago ko nilingon ang nagsalita, si Rama. Nakalutang siya. Siya ang nagdala sa 'kin kanina rito nang hilingin ko sa kanyang dalhin niya ako rito sa mataas na bahagi ng palasyo. Magkakaroon ng pagdiriwang dahil sa pagdating ko. Pero kailangan pa ba talagang magdiwang gayung nalalagay ang kanilang kaharian sa panganib? At sa 'kin pa nakasalalay ang kaayusan nito? Ako? Ako na gusto nang lisanin ang mundo nila. Kahit pa talaga pinaliwanag na nila ang lahat, wala pa rin akong idea sa ginagawa ko rito – hindi ko tinatanggap ang kapalaran kong pinahayag nila sa 'kin – ang tungkulin kong dapat kong gampanan sa kanilang mundo.

"Bakit?" tanong ni Rama nang mapalingon ako sa ibang direksiyon.

"Parang nakita ko si Bangis?" sagot ko.

"Malabo iyon. Imposibleng mapadpad dito si Bangis, lalo sa ganitong oras."

"Pero bakit? 'Di ba, pag-aari siya ni Pinunong Kahab."

"Dahil nga mabangis iyon," sabi lang ni Rama at inilipad na niya ako pababa.

"Puwede mo bang ibalik ako ro'n mamaya pagkatapos ng hapunan?" hiling ko kay Rama nang lumapag na kami.

"Walang problema, Nate. Mukhang gusto mo ang matataas na lugar, ha?"

"Parang gano'n na nga," sagot ko kay Rama at nagtungo na kami sa dining area ng palasyo. Sa mataas na bahagi talaga kasi tulad ng pagkahilig ko sa mga extreme rides, nawawala ang bigat ng iniisip ko. Nakakahinga ako nang maayos. At gusto ko ang pakiramdam na para akong lumilipad – tulad ng pagpapalipad ko sa hangin ng mga problema.

~~~

NASA MAHABANG MESA ako kasama sina Rama, Pinunong Kahab at ang mga miyembro ng konseho ng palasyo. May ilang sundalo rin na nasa ibang mesa naman. Sina Philip at Shem-shem, nasa mesa na nakapatong sa mesa namin. Ang reyna, mag-isa siya sa mesa. Nakangiti siyang pinagmamasdan ang lahat, pero napansin kong malungkot ang mga mata niya. Palihim akong nagtanong kay Shem-shem kung bakit hiwalay ang mesa ng reyna, 'di ko direktang tinanong na parang malungkot ang reyna. Sagot ni Shem-shem, dahil siya ang reyna. 'Yon lang.

Maraming pagkain sa mesa. Hindi na ako nag-tanong kung anong mga luto 'yon. May karne rin at parang may mga hita ng manok pa pero mas malalaki. Makulay ang mga nasa mesa na karamihan ay mga gulay at prutas. Sariwa ang mga pagkain at malalasahan 'yon. Masaya ang lahat at nagtatawanan habang nagkukuwentuhan. Ngumingiti rin ako kahit paano. Ayaw ko namang magpaimportante at makasira sa mood nila. Pero talagang wala ako sa mood – 'di ko madaya ang sarili ko. Ni 'di ko nga gaanong ma-appreciate ang ganda ng lugar; ang enggrandeng mga mesa at upuan, ang ayos ng mesa, ang mga pagkakaayos ng plating ng pagkain, ang magagandang plato, baso at kutsara, maging ang mga ilaw na chandelier na nakakalat sa kisame na kulay ginto at napapalamutian ng mga kulay berdeng bato. Parang naging pangkaraniwan na lang sa 'kin ang mga 'yon.

Napansin ako ni Rama kaya tinanong niya ako kung ayos lang ako. Sagot ko, ayos lang, sabay pilit na ngumiti. Pinasubukan niya sa 'kin ang kulay dark-violet na inumin na sa palagay ko ay alak. At hindi ako nagkamaling alak nga 'yon. Matamis pero may sipa ang alchool. Sabi niya, meron din no'n sa mundo natin. Sa ubas din daw gawa ang alak na 'yon at sa mundo nila 'yon unang nagawa. Dinugtong pa ni Shem-shem na sa mundo nating mga tao, maraming bagay na unang nanggaling sa mundo ng Anorwa.

Ibig sabihin, may mga kaalaman silang naibahagi sa mga tao.

Naaliw ako sa lasa ng alak, pero 'di ko pa rin maitago ang nararamdaman ko sa loob ko. Gusto kong mapag-isa lang muna. Kaya nagpasya akong magpasama kay Rama para ihatid ako sa lugar na alam kong mapapanatag ako.

"Puwede mo na akong iwan," sabi ko kay Rama. Nasa taas na bahagi na muli kami ng palasyo, isa sa mga tore. "Tatalon na lang ako kapag bababa na ako," biro ko.

"Ang tungkol ba sa naging pagpupulong ang iniisip mo? Tungkol sa iyong misyon?" tanong ni Rama. Na hindi man lang napansin 'yong biro ko.

Napatingin ako sa malayo at napabuntong-hininga. Bahagya akong yumuko at pinatong ang mga kamay ko sa sementong harang ng berandang kinaroroonan namin. "Oo," tahimik na sagot ko habang sa kawalan nakatanaw.

Naramdaman ko ang pag-angat sa hangin ni Rama. "Naiintindihan kita, Nate. Alam kong kailangan mo pa ng panahon," sabi niya at iniwan na niya ako.

Pinagmasdan ko ang kalawakan ng paligid na maabot ng aking mga mata. Natanong ko sa sarili ko kung seryoso ba talaga ang mga diwata sa sinabi nila kanina sa pagpupulong. Muli akong nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Mababaliw na ako rito! Gusto kong sumigaw, 'yong pinakamalakas kung sigaw na talagang todo! Kaso baka kung ano ang isipin ng mga diwata rito sa palasyo. Baka akala nila nilulusob na kami.

"Misyon ko?" nasabi ko. "Oh, shit!"

~~~

~ SA PAGPUPULONG KANINA ~

"SIMULAN NA NATIN ang pagpupulong," may awtoridad na sabi ng reyna. Malamig ang boses niya. Seryoso. Parang hindi siya 'yong reynang pinuri ako kanina.

Seryoso rin ang lahat. 'Yong tipong may malaking paparating na kung ano? Isang pagsubok o panganib na kailangan malutas. Naging mabigat ang awra ng paligid.

Napakuyom ako. Pinukol ako ng tingin ng reyna. "Tungkol po ba 'to kina Chelsa at Tito Chelo?" lakas-loob kong natanong. "Alam n'yo po ba kung nasaan sila?"

Umiwas ng tingin sa 'kin ang reyna.

"Ipapahanap namin sila sa mga kawal. Mahuhusay ang aming mga sundalo sa paghahanap. Aalamin namin ang tungkol sa kalagayan nila." Ang saday na si Philip ang sumagot.

"Tama. Ganoon nga," sabi ni Reyna Kheizhara. "Maasahan ka ba namin, Pinunong Kahab sa bagay na iyon?"

Tumayo si Pinunong Kahab. "Opo, mahal na reyna," sagot niya sa reyna.

"Kung gano'n, ano'ng dahilan kung bakit n'yo ako pinapunta rito? Kung wala namang kinalaman kay Chelsa?"

Muli akong pinukol ng tingin ng reyna. "Nasa panganib ang aming kaharian. May mga nagtatangkang sirain ang kaayusan ng Ezharta. May mga gustong pagharian ang kaharian ko," pahayag ng reyna.

"Sino sila?" tanong ko.

"Mga itim na diwata. Mga diwatang nagpasakop sa itim na mahika at nasilaw sa kapangyarihan," sagot ni Philip.

"Pero ano'ng kinalaman ko sa kanila?" tanong ko at inilibot ko ang tingin sa lahat. "Normal na tao lang ako."

"Ayon sa Aklat ng Isi, kung saan nakatala ang kasaysayan at ang mga nakaraang pangyayari sa mundo ng Anorwa at ang maaring mangyari sa kasalukuyan, sa siglong ito, lalaganap ang kaguluhan sa aming mundo. Tatangkaing sakupin ng kampon ng kadiliman ang Anorwa. At magsisimula iyon, sa aming kaharian. At ayon sa aklat na nalalaman ang laha nang magaganapt, isang binatang mula sa ibang mundo na iibig sa isang diwata nang wagas ang maaring magligtas sa aming mundo at wawakas sa kaguluhan. Ang binatang iyon ang lulupil sa kadiliman. At ikaw ang binatang iyon, Nate."

"Pero, ako lang ba ang umibig sa isang diwata sa buong mundo ng mga tao?"

"Ang diwatang tinutukoy sa Aklat ng Isi ay isinumpa, may dugong tao at diwata. Si Chelsa lamang ang diwatang ganoon."

Saglit akong natigilan sa sinabi ng reyna. "Pero pa'no ko gagawin 'yon? Pa'no ko sila lalabanan?" naguguluhang natanong ko.

"Sa ngayon, hindi pa namin alam." Bahagyang napayuko ang reyna.

"Magsasanay ka, Nate. Maaring may itinatago kang lakas na hindi mo pa natutuklasan sa iyong sarili. Kakayahang naghihintay na madiskobre. Dahil hindi maaring magkamali ang Aklat ng Isi sa mga nasasaad dito,," sabi ni Pinunong Kahab.

"Gagawin ka naming isang diwata. Mabubuhay ka bilang isang norwan," sambit ni Philip.

"Norwan?"

"Norwan ang tawag sa mga nilalang na naninirahan sa mundo ng Anorwa," sagot ng reyna. "Magiging isa ka na sa amin. Magiging diwata ka tulad ni Kahab at ng iba pang narito."

"Pero hindi puwede 'yon. Pa'no naman ang buhay ko sa mundo namin? Nakakatuwa dahil nakakalipad kayo, pero hindi ako maaring maging tulad n'yo."

"Pansamantala lamang iyon. Habang nandito ka sa aming mundo… at iyon ay kung – " hindi naituloy ni Reyna Kheizhara ang dapat na sasabihin niya.

"Kung?" tanong ko. At saglit natahimik ang lahat.

"Kailangan mong magtagumpay," madiing sabi ng saday na si Philip.

"May mga kapangyarihan kayo, 'di ba? Hindi n'yo ba sila kaya?" nilingon ko si Pinunong Kahab. "Hindi n'yo ba magagawa?"

"Nakahanda kami sa kung ano mang suliraning darating. Ngunit hindi dapat ipagsawalang bahala ang nakatala sa Aklat ng Isi," sagot ni Pinunong Kahab.

"Pero hula lang naman siguro 'yon?"

"Hula o prediksiyon na mangyayari, na magaganap," sagot ng reyna. "Ang mga nakatala sa Aklat ng Isi na mga nangyari na sa mundong ito ay hindi na mabubura. Pero ang mga nakatalang maaring maganap ay mababago pa. Iyon ay isang babala. Babalang kailangang sundin. Kaya namin hinihingi ang tulong mo dahil iyon ang nakatala."

"Pero?" hindi matanggap ng isip ko ang mga naririnig ko. "Hindi ba, lima ang kaharian sa mundong 'to? Ba't 'di kayo humingi ng tulong sa ibang kaharian. May mga kapangyarihan kayo. Matatalo n'yo sila. Kung magtutulungan kayo at magkakaisa, matatalo n'yo 'yon."

"Hindi kami maaring humingi ng tulong sa ibang kaharian," isa sa mga lalaking konseho ang sumagot.

"Maari nilang pababain ang aming Reyna sa kanyang trono kapag nalaman ng ibang kaharian ang kaguguluhang nagsisimula sa aming kaharian. Kaya nga masuwerte kaming ang Ezharta ang nangangalaga sa Aklat ng Isi," dugtong ng babaeng miyembro ng konseho.

"At kapag nalaman ng ibang kaharian ang nagaganap sa Ezharta, lalo na ng Kaharian ng Alharga, na siyang kataas-taasang kaharian sa aming mundo, maaring pamunuan nila ang aming kaharian. Kapag nangyari iyon, mawawalan kaming mga Ezhartan ng karapatan sa aming sariling lupain." Isa sa mga Lankaw ang nagsalita.

"At wala namang katiyakang magagawa nga nilang wakasan ang nagbabadyang pananakop ng kadiliman. Maari lamang iyong magdulot ng mas malalang kaguluhan. At ang malalang maapektuhan ay ang mga naninirahan sa aming kaharian, ang mga inosenteng Ezhartan," pahayag ni Philip.

"At hindi ko mapapayagan iyon," madiing sambit ni Reyna Kheizhara.

"Isang lihim ang pagdating mo sa aming mundo, Nate," sabi ni Pinunong Kahab. "Kaya kailangan mong maging katulad namin. Kanina, hindi ka nakita ng iba na iba sa aming mga diwata. May pulbos akong lihim na inihip sa iyo para sa paningin ng mga diwata, isa kang katulad namin. Ang mga may kinalaman lamang sa lihim na misyong ito ang nakakaalam ng tungkol sa 'yo. Gagawin namin ang lahat para tulungan ka. Kaya sana, huwag mo kaming talikuran. Tulungan mo kaming iligtas ang aming kaharian."

Napakuyom ako. Nanginginig ang mga kamay ko. Hindi ako makahinga. Wala na akong naisagot.

"Pero hindi sana nangyari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa reyna." Nilingon ko ang nagsalita. Isa sa mga lankaw na mabagsik ang hitsura. Salubong ang kilay at may balbas. "Kung hindi lang sana pinayagan ng reyna ang pag-iibigan ng lapastangang diwatang iyon at ng babaeng tao."

"Walang kinalaman ang pangyayaring iyon sa kaguluhang ito," sagot ni Philip na napataas ang boses.

"May Punto si Lankaw Balsol. Kung sa umpisa pa lamang ay pinarusahan na ang nagkasalang diwata at ipinatapon sa malayong lugar ng ating kaharian, hindi na isinilang ang babaeng diwatang may sumpa," may paninising komento ng isang babaeng lankaw.

Muling nagsalita ang lankaw na lalaki na si Balsol. "At posibleng nabali na ang masamang pangitain ng Aklat ng Isi, dahil walang iibigin ang binatang tao na isang isinumpang diwata. Posibleng wala na ring mangyaring kaguluhan dahil maiiba na ang takbo ng pangyayari o kapalaran ng lahat. Hindi na sana natin pagdadaanan ang nagaganap nang trahedyang ito sa ating kaharian." Tumayo ang lankaw na may katandaan na. "Sa aming bayan, sa dulo ng kagubatan ng Zeraa, may mga naitala nang paglusob at may mga sundalo na sa aming bayan ang nasawi." Napalakas ang boses nito.

"Isinisisi ninyo ba ang reyna, Lankaw Balsol?" tanong ni Philip. Mukhang uminit ang ulo niya.

Hindi kumibo ang tinanong na si Langkaw Balsol. Pero makikitang iyon nga ang gusto niyang ipahiwatig. At maging ang ibang lankaw mukhang may mga itinatagong pagsisi rin sa reyna.

"Hindi pa naitatala sa Aklat ng Isi ang mga mangyayaring ito ngayon nang payagan ng reyna ang pagmamahalan ng manggagamot na diwata at ng tao. At alam ninyong lahat na pinarusahan ang diwatang iyon. Pinutol ang kanyang mga antena at pakpak." Isa sa mga konseho ang nagsalita.

Tumayo ang babaeng lankaw at muling nagsalita. "Pero nagsimula ang lahat nang payagan ng reyna ang isang tao na umibig sa ating uri, na ipinagbabawal na kasalanan ng ating lahi. Na milyong taon nang ipinagbabawal sa ating mundo. Lumakas ang loob ng kampon ng kadiliman at ilang krimenal sa ating kaharian, dahil ang mismong Reyna ay nagawang suwayin ang isang mortal na kasalanang ipinagbabawal."

"Magdahan-dahan kayo sa pananalita ninyo, Lankaw Balsol at Lankaw Khayem," isa na naman sa mga konseho ang nagsalita at tumayo pa ito.

"Hayaan ninyo sila. Narito tayong lahat para pakinggan ang bawat isa," makatuwirang pahayag ng reyna.

Mukhang malala nga talaga ang mga nangyayari. Napapaisip ako kung may kinalaman ba talaga ako rito? Dapat ba narito talaga ako? Baka naman may saltik lang ang aklat na 'yon at nagka-error? Nagpatuloy sila sa pag-uusap sa mga dapat at hakbang na gagawin. Nagkaroon pa rin ng sagutan at bangayan. Pero wala na ako halos maintindihan sa sinasabi nila. Dahil sumama lang naman ako rito para kay Chelsa at Tito Chelo. Pero 'di 'yon ang dahilan kung bakit nila ako pinapunta rito. At pakiramdam ko naglolokohan lang kami at may itinatago sila sa 'kin. At 'yong 'di natuloy na sasabihin sana ng reyna, alam kong 'kung buhay ka pa' 'yon. Labanan 'to, alam kung may mamamatay.

Sa huli pagkatapos ng pagpupulong, sinabi sa 'kin ng reyna. "Nakasalalay sa iyo, Nate, ang kaligtasan ng aming kaharian. Pakiusap, tulungan mo kami. Dahil kapag nahuli ang lahat, maaring kaligtasan na mismo ng buong mundong ito ang nakataya. At ang mas nakakapangamba na pinakamalalang maganap, maging ang mundo ninyong mga tao ay madamay. Ang buong daigdig na ito ay masisira."

Hindi ko na masyado talagang naintindihan ang mga pinag-usapan nila. Nang nagsialisan ang lahat, nilapitan nila ako at lahat sila umaasa sa 'kin para iligtas ang kanilang kaharian. Napa-shit na lang ako.

Nilapitan ako ni Pinunong Kahab at tinapik niya ako sa balikat. Kami na lang ang narito. "Mukhang mahaba-habang panahon ang ilalagi mo sa aming mundo, Nate. Hindi magiging madali ang lahat. Umaasa ang buong kaharian sa iyo," sambit niya.

Shit! Nasigaw ko sa utak ko.

~~~

NAPAHINGA AKO MALALIM. Medyo malamig na sa kinaroroonan ko at ang lakas ng ihip ng hangin. Napatingin ako sa baba. Naisip ko, ano kaya kung tumalon na lang ako? Kaso mukha naman akong tanga no'n. Magpapakamatay naman pala ako ba't 'di na ako lumaban. Pero dapat ba talagang lumaban ako? Haist! Shit!