webnovel

The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World)

Anorwa, the another world. Mundo ng mga diwata na akala nati'y sa isang kuwentong pantasya lamang. Doo'y muling magtatagpo ang landas ni Nate at Chelsa. Ngunit sa kasamaang palad, sila'y nasa magkalabang pangkat. Ang pangkat ng kabutihan at pangkat ng kasamaan. A Fight For Love And Forever

xiunoxki · Fantasie
Zu wenig Bewertungen
22 Chs

CHAPTER 13: Ang Hari’t Mga Reyna Ng Anorwa

"SILA ANG BUHAY ng bawat kaharian," pagsisimula ni Shem-shem at itinuro ng palad niya ang limang diwatang ipinakilala niyang hari at mga reyna ng Anorwa. "Ang hari at ang mga reynang tagapangalaga ng Batong Elpio na siyang nagbibigay sa kanila ng mga kakaibang katangian – kapangyarihang mahirap pantayan. Nasa katawan nila ang makapangyarihang bato, nagiging kaisa nila ito kaya walang sino man ang makakakuha nito. At ang bato mismo ang pumipili sa dapat na magmay-ari sa kanya. Lahat ng kapangyarihan na magagawa ng kanilang lahi, ay napapaloob sa kanila. At mayroon pa silang mga kakayahan na sila lamang ang nakakaalam. Nagsanay sila upang palakasin ang kanilang kapangyarihan at patunayan sa lahat na sila'y karapat-dapat bilang isang tagapangalaga. At kanilang kapangyarihang taglay ay depende sa kung anong hawak nilang Batong Elpio. Kilala mo na Nate si Reyna Kheizhara ng kahariang ito ng Ezharta. Hayaan mong mas ipakilala kita sa kanya."

Tumango ako. Naisip kong makinig na lang sa mga sasabihin ni Shem-shem.

"Sila ay mahuhusay na mandirigma. Ngunit bilang isang ama at ina ng kaharian, hindi sila maaring basta na lamang makipaglaban. Mabagal din ang pagtanda nila, si Reyna Kheizhara, isang daa't pitumpot-limang taong gulang na siya. Ang aming reyna ang pinakabata sa hari't mga reyna ng Anorwa. At siya lamang ang Tagapangalagang dalaga na nang mapili ng Batong Elpio. Ang ibang Tagapangala ay nasa sinapupunan pa lamang ay nakatakda na ang tadhana. Nahirapan si Reyna Kheizhara noon na tanggapin ang kanyang kapalaran. Ayaw niyang talikuran ang simple niyang pamumuhay."

~ Si Reyna Kheizhara, nakukontrol niya ang mga puno't halaman. Dahil sa taglay niyang Elpio, ang Bato ng Gubat. Siya ang pinakamahusay na manggagamot sa buong Anorwa. Kaya niya ring gamitin ang mga puno't halaman sa pakikipaglaban – ang dahon, bulaklak, ugat at ang mismong puno ay maaring maging sandatang nakamamatay. Sa tuwing may pagkakataon, lihim na nag-iikot si Reyna Kheizhara sa buong kaharian ng Ezharta gamit ang kakayahan niyang maglaho. Bawat sulok ay ginagalugad niya upang gamutin ang mga nasirang kagubatan at ilang mga hayop na kailangan ng tulong. Mapagmahal na reyna si Reyna Kheizhara at naniniwala siya sa wagas na pag-ibig. Kaya naman pinayagan niya noon ang diwatang si Chelo at ang taong minamahal nito na magsama kahit pa iyon ay isang malaking kasalanan sa mundo ng Anorwa, at nagbunga ang kasalanang iyon, si Chelsa – ang diwatang may sumpa. Gustong-gusto ng reyna ng Ezharta ang kuwento tungkol sa pagmamahalan ng mga pusong ipinagtagpo ng tadhana. Dati rin siyang nagmahal, ngunit nang siya ang mapili ng Batong Elpio bilang Tagapangalaga, kinailangan niyang isakripisyo ang kanyang nararamdaman sa kanyang nobyo noon na labis niyang minamahal at labis ding nagmamahal sa kanya. Sapagkat ang mapipiling tagapangala na magiging reyna ng kaharian ay hindi na maaring magmahal pa o magkaroon ng kabiyak – ang buong kaharian na kanyang nasasakupan na ang kanyang magiging pamilya. Naging napakadilim ng panahong iyon para kay Reyna Kheizhara, lalo pa't ipinaglaban siya ng diwatang kanyang iniibig. Naparusahan ang binatang diwata, pinutulan ito ng pakpak at antena na mismong harapan niya isinagawa. Mahigit isang-daang taon na mula nang maganap ang pangyayaring iyon, ngunit nananatiling sariwa iyon sa isip ng kaawa-awang reyna. Ang inibig niyang diwata ang isa pang rason kung bakit siya lihim na nag-iikot, dahil umaasa siyang muling makita ang lalaking minsang naging buhay at mundo niya – umaasa siyang muli itong masilayan. ~

Naisip ko, kung gano'n kalakas si Reyna Kheizhara, bakit kailangan pa ako? Sa kahariang 'to, masasabing siya na ang pinakamalakas sa lahat. Pero isasagot niyan ni Shem-shem, dahil 'yon ang nakasulat sa Aklat ng Isi. So, shut up na lang ako.

Itinuro ni Shem-shem ang nag-iisang hari. "Si Haring Vhalcon, ng Kaharian ng Buenavha, ang may hawak ng Bato ng Lupa." Kung si Reyna Kheizhara ay berde at ginto ang kulay ng kasuotan, ang haring pinakilala ni Shem-shem naman ay dark-orange at ginto ang kulay ng suot. "Nasa korona ni Haring Vhalcon ang bato na sagisag ng kanilang kaharian. Tulad din ng nasa korona ni Reyna Kheizhara at iba pang mga reyna, makikita sa korona nila ang replika ng Batong Elpio na pinangangalagaan nila at sagisag ng kani-kanilang kaharian."

Hugis dahon ang nasa korona ni Reyna Kheizhara, kulay berde ito na may patayo at mga pahalang na paikot na guhit. Ang haring si Vhalcon naman ay square na ligth-brown na bato na may tatlong nakaukit na linyang pahiga.

~ Si Haring Vhalcon, lupa at mga bato naman ang kaya niyang makontrol. Bukod sa paggamit niya rito bilang sandata, nakagagawa siya ng tirahan ng mga hayop mula sa mga bato kahit pa isang palasyo ay magagawa niya kung gugustuhin niya. Matipuno ang haring si Vhalcon at maamo ang mukha. Mabait siyang hari ngunit may pagkamatigas ang ulo. Hirap ang saday na tagapayo niya sa kanya. Madalas siyang magsanay sa likod na palasyo ng Buenevha, isang malawak na disyertong may mga batong malalaki. Siya ang pinakamalakas sa buong Anorwa, na kayang bumuhat ng isang mahigit tatlong libong kilo. Madalas siyang tumakas sa palasyo niya at pumunta sa mabatong burol. Gumagawa siya ng mga kuweba roon na puwedeng tirhan ng mga ilang na hayop. Walang ibang nakakaalam ng lihim na lugar na iyon na kanyang ginawa, napapalibutan ito ng matataas na bundok na bato. Gustong-gusto niya ang mga hayop at mas gusto niyang kasama ang mga ito kaysa sa mga taga-palasyo. May lihim siyang pagtingin sa reyna ng Sakharla – isang lihim na hindi maaaring maging totoo. ~

Sunod kong tiningnan ang nasa korona ng reynang nakatayo sa Kaharian ng Hamerha – bilog na dilaw na bato na may linyang paikot na guhit.

"Siya si Reyna Lecia ng Hamerha," pakilala sa 'kin ni Shem-shem sa magandang reyna na may mahabang kulot na blonde na buhok. Dilaw at ginto ang kasuotan niya. "Hawak niya ang Bato ng Hangin."

~ Nakukontrol ni Reyna Lecia ang hangin. Kaya niyang gumawa ng ipo-ipo na maaaring makawasak ng isang bayan. Masiyahin at mapagmahal na reyna si Reyna Lecia. Mapagmasid din siya at alam niya agad kung mayroong suliranin sa sinasakupan niyang kaharian na kailangan ng tulong. Madali siyang lapitan ng sino mang Hamerhan. Ayaw niya ng kaguluhan at nais lamang ay kapayapaan. Gustong-gusto niya na masaya lang lagi sa loob ng kanyang palasyo maging sa buong kaharian ng Hamerha. At kapag ginalit siya, matitikman ang bangis niya, sa bilis niya kumilos at sa lakas ng hangin na maaari niyang magawa, titilapon ang daan-daang kalaban sa hangin. ~

Itinuro niya naman ang nakatayo sa isa pang kaharian. "Siya naman si Reyna Seherys ng Kaharian ng Sakharla." Itim na itim ang mahabang buhok ng reyna. Asul at ginto naman ang kasuotan niya. Pahigang oblong na kulay asul ang bato sa kanyang korona na may mga nakaukit na paalun-along guhit.

~ Kontrolado ni Reyna Seherys ang ano mang uri ng tubig. Maging ang pagpapaulan ay makakaya niyang gawin. Maaari niya rin mahati ang dagat. Kaya niya rin gawing yelo ang tubig at magamit ito sa pakikipaglaban. Madalas siyang mag-anyong hayop tulad ng kabayong kulay dilaw at may mahabang itim na balahibo sa likod at maglakad kasama ang iba pang kakaibang uri ng hayop sa kagubatan. Nag-aanyong ibon din siya at lumilipad kasama ng iba pang uri ng ibon. Lumalangoy rin siya bilang isang isda kasama ng mga nilalang sa ilalim ng dagat. Mas nain siyang ubusin ang oras niya sa pakikihalubilo sa mga hayop at kausapin ang mga ito. Minsan pa, nagugulat na lamang ang mga tagasilbi sa kanyang palasyo dahil bigla na lamang siyang mag-aanyong malaking sama at gagapang sa kabuuan ng palasyo at minsan ay isang tigre. Siya ang reyna na lihim na iniibig ng hari ng Buenavha. ~

"Siya si Reyna Alythea," pakilala ni Shem-shem sa reynang nakatayo sa pinakamaliit na kaharian na sinasabi niyang pinakanakakataas na kaharian – hugis paruparo itong napapagitnaan ng apat na kaharian. Hugis tatsulok na kulay pula ang batong nasa koruna nito. Maikli lang ang buhok niya na kulay brown. Maganda siya na mababakas sa mukha ang tapang.

~ Si Reyna Alythea ang pinakanakakataas na reyna sa mundo ng Anorwa. Siya ang nagtataglay sa pinakamalakas na kapangyarihan. Araw-araw siyang nagsasanay na mas palakasin ang mga kakayahan niya tulad ng pagpapagalaw ng ano mang bagay at patuloy siyang nagtutuklas ng iba't ibang klaseng mahika. Para sa kanya, hindi siya dapat maging mahina, dahil siya ang reyna ng Alharga na pinakanakakataas na kaharian sa Anorwa. Istrikto siya at talaga namang batas ang bawat salita niya, ngunit sa kabila no'n, isa siyang mapagmahal na reyna. Para sa kanya, ang mga Alhargan at maging ang lahat ng norwan sa Anorwa ang nagmamay-ari ng kanilang mundo. At siya bilang isang reyna ay nagsisilbi lamang para sa kaayusan ng lahat. Tinitingala siya at kinatatakutan ng lahat dahil sa kapangyarihan niyang apoy. ~

"At isa pa nga pala, Nate, kaya rin ng hari at mga reyna na magpalabas ng ano mang naisin nilang sandata mula sa kanilang mga kamay. Kristal na mga armas sa pakikipagdigma – pinakamatibay na kristal, pinakamatalas at pinakamalakas sa buong Anorwa," pahabol ni Shem-shem.

"Hulaan ko, ang kulay ng kristal ay depende rin sa bato at kulay na sumasagisag sa kaharian?"

"Tama ka, Nate. Galing mo do'n!"

Oo naman! Bawat gamit siguro sa bawat kaharian sa mundong ito ay color coding. Natapos ang pagpapakilala ni Shem-shem sa hari't mga reyna ng Anorwa.

Biglang dumating si Rama, hangos na hangos siya. "Nate, Shem, pinapatawag kayo ng Reyna at ni Pinunong Kahab." Tumango na lamang ako at 'di na nagtanong pa. Gusto ko pa sanang alamin pa ang lahat-lahat tungkol sa Anorwa, sa mga nilala na narito at mga hiwagang bumabalot dito, ngunit mukhang hindi na dapat pa patagalin kung ano man ang dahilan ng pagpapatawag sa 'min ni Reyna Kheizhara at Pinunong Kahab. "Magbaltas na lang tayo, napagod ako sa paghahanap ko sa inyo," suggestion ni Rama.

"Kaya mo?" tanong ko.

Ngumiti lang si Rama. Naupo sa balikat niya si Shem-shem at hinawakan niya ako sa balikat. Itinuro ko sa aking noo ang dalawang daliri ko sa kanang kamay, ang gitna at hintuturo.

"Anong ginagawa mo?" pagtataka ni Rama.

"Ako si Guko," sagot ko.

"Ha?"

"Wala. Sige na, gawin mo na." Napapikit ako nang may kung anong puwersa akong naramdaman. At sa pagdilat ko, nasa ibang lugar na kami.