10 DAYS. 10 days na ako sa mundong 'to, ang Anorwa. Mundo ng mga diwata at iba pang kakaibang nilalang, mga nilalang na akala mo sa mga fantasy story mo lang matatagpuan, mga mythical creatures na para sa mga tao'y gawa-gawa lang ng imahenasyon at malikot na pag-iisip, mga nilalang na sa mga kuwento lamang nabubuhay. Tinatawang silang mga 'norwan', mga nilalang na naninirahan sa mundo ng Anorwa. Sa sampung araw ko rito, hindi pa rin nasasagot ang mga tanong: Nasaan na si Chelsa? Buhay pa ba siya? Narito ba siya? At si Tito Chelo, sino ang kumuha sa kanya? Nasaan na siya sa mundong ito? Madalas kong itanong kay Pinunong Kahab sa tuwing may pagkakataon kung ano na ang balita kina Chelsa, dahil nangako silang hahanapin nila sila. Pero laging sagot ni Pinunong Kahab, wala pa ring magandang balita. Gusto ko na ngang dumirekta sa reyna, kaso hindi ko siya makita.
Sa mga nagdaang araw, lalo akong nangungulila kay Chelsa. Hindi naman siguro sa pagiging makasarili 'yon na hindi ko man lang gaanong iniisip ang mga tropa ko at ang parents ko, pero kasi, alam kong maayos sila. Ang inaalala ko lang, kung ano na ang iniisip nila sa ilang araw kong pagkawala. Lalo na ang mga kasama ko sa bahay, siguro sobrang nag-aalala na sila at nagsumbong na kina mommy at daddy. Baka si mommy, napauwi na ng Pinas. Nabanggit ko na kay Pinunong Kahab ang bagay na 'yon, nagpaalam pa ako kung puwede akong bumalik sa mundo ng mga tao para magpaalam at nang 'wag na silang mag-alala sa 'kin. Pero sabi ni Pinunong Kahab, hindi na ako maaring bumalik pa. Maaring magkaproblema kasi, baka matunugan ng mga itim na diwata ang tungkol sa 'kin. Kaya maari akong makabalik, kapag tapos na ang misyon ko – iyon ay kung umayon sa 'min ang kapalaran at buhay pa ako.
Isang sobrang lalim na buntong-hininga na may hugot ang pinakawalan ko at napangiti sa magandang tanawin na nakikita ko. Namamangha talaga ako sa view ng kalangitan dito sa Anorwa sa tuwing gabi, napakaganda ng mga bituing nagkikislapan at may iba't ibang kulay, ngayon ko lang naranasang makita sila na sobrang dami at siksikan sa kalangitan. At ngayong nakahiga ako sa damuhan at pagod na pagod ang nananakit kong katawan, mas maganda silang pagmasdan, 'yong tipong paghigop ng mainit na sabaw sa malamig na panahon. Habang pinagmamasdan ko ang mga bituin, naaalala ko si Chelsa. Bilang star niya, nabigo ko ba siya? Hinihingi niya ba ang tulong ko kaya nagpakita siya sa 'kin no'n sa tabing dagat? Pa'no kung kailangan niya ng tulong tapos narito ako imbes na hanapin siya at tulungan? Hindi ko na alam ang gagawin ko!
Inangat ko ang kanang kamay ko, parang tangang sinusubukang abutin ang mga bituin.
"Ngiti mo'y tulad ng maningning na bituin sa langit
Ako'y napatulala at napahanga
At napaibig mong bigla
Hiling ko'y bumaba ang tala
At makasama ka… Chelsa…"
Biglang naisip kong tula. At muli akong huminga nang malalim. Naalala ko nang gawan ko siya ng kanta at awitin 'yon sa kanya kahit parang tumutula ako kapag kumakanta. Pero madadaan namin kasi 'yon sa hitsura kaya 'di ako kailangang maging magaling kumanta. "Nakikita mo ba sila? Napakaganda nila, hindi ba?" sabi ko. Kinakausap ko si Chelsa. Ini-imagine kong nasa tabi ko siya't nakahiga at kapwa kami parang sirang sinusubukang abutin ang mga bituin.
"Oo, nakikita ko." May sumagot at hawak niya ang nakaangat kong kamay. "Hindi ako bulag," dagdag pa niya.
Natigilan ako nang makita ko sa uluhan ko ang nakatayong hawak ang kamay ko. Mabilis kong binawi ang kamay ko at napabangon ako. Si Mapo Nhamo, ang ugpok na naninilbihan sa palasyo.
"Maogma," bati ko sa ugpok na si Mapo Nhamo.
"Maogma," tugon niya. Walang ngiti sa mukha, kita ang kulubot niya sa tulong ng liwanag ng buwan. "Ito ba ang silid tulugan mo?" sarkastikong tanong niya.
"Mauna na po ako," sabi ko na lang at mabilis akong naglakad papasok ng palasyo bitbit ang sangtron ko. Baka kasi gamitan ako ng mahika niya mula sa patulis niyang sombrero. Pero nabigla ako do'n, ah. Kailangan talagang hawakan ang kamay ko? Haist! Panira ng moment.
~~~
NAPAGKASUNDUAN NAMING TATLO nina Rama at Shem-shem na pumunta sa taas ng tore. May dala kaming matamis na inumin mula sa katas ng prutas, lasang mangga na may buko na may orange, na may halong alcohol, na idea ko. At meron din kaming pulutan, nagprito kami ng patatas, na ikinagulat ko dahil gumagawa rin pala sa mundong ito ng potato chips at french-fries, at mas masarap ang gawa nila at mas malalaki. Ewan ko kung pa'no ko nasabing mas masarap ang potato chips at french-fries sa mundong ito, pero iba talaga.
"Jamming time!" pasigaw kong sabi. Ngayon naman, iniisip kong kasama ang buong tropa at na kay Nicole kami. Ang emo ko lang ngayong gabi. Lakas maka-shit!
"Di-yaaa?" sambit ni Rama. "Ano'ng sabi mo?"
"Dya-ming. Jamming time," ulit ko.
"Tam?"
"Taym. Jamming time."
"Jamming time." Nakuha ni Rama.
"Jamming time," ulit naman ni Shem-shem. Ang cute lang talaga ng boses niya.
"Ano iyon?" tanong ni Rama.
"Itong ginagawa natin. Nagja-jamming tayo. Tawag namin ng mga tropa ko sa ganitong inuman," paliwanag ko. "Tropa, 'yong mga kaibigan ko sa mundo namin."
"Aaaa… Jamming time!" sigaw ni Rama at nag-umpisa kaming mag-inuman. "Tropa tayo, Nate!" napangiti ako sa sinabi niya.
May social life din silang mga diwata. Ginagawa rin daw 'to nina Rama. At normal din ang inuman sa mga sundalo lalo na kung may pinagdiriwang sila. Mula sa katas ng mga prutas at ibang uri ng bulaklak ang ginagawang alak nila. Sabi pa ni Shem-shem, maaring sa lahi nga raw nila natutunan ng mga tao ang gumawa ng alak na mula sa prutas ng ubas noong unang panahong naimbento ito. Nakalagay sa bote na may malaking bunganga ang alak namin na may dalawang hawakan. Tig-isa kami ng baso ni Rama na manipis na mahaba. Si Shem-shem, nakaupo sa balikat ni Rama at nakikiinom ng pakonti-konti sa baso niya.
"Nate, Chelsa ang pangalan niya, hindi ba?"
Natigilan ako sa tanong ni Rama at nilingon ko siya. Uminom muna ako sa baso ko tsaka sumagot. "Oo. Si Chelsa, GF ko."
"GF?" tanong ni Shem-shem.
"Kasintahan, nobya."
"Gaano mo siya kamahal?"
Tumingala ako. "Parang mga bituin," sagot ko kay Rama.
"Hindi mabilang, na kagandahan, kamukinang, kumikislap at makulay. Ganoon mo siya kamahal, Nate? Napakaromantiko mo naman pala, Nate," may kilig na sabi ni Shem-shem. Para pang kumikislap ang mga mata niya.
Napangiti ako sa sinabi ni Shem-shem. Hindi man gano'n ang mga salitang naiisip ko nang sabihin kong parang mga bituin ang pag-ibig ko kay Chelsa, pero parang gano'n na rin siguro – nasabi kong parang mga bituin, dahil napapangiti ako kapag nakikita ko sila. Si Chelsa, siya ang kaligayahan ko. Pero ngayon, para akong isang napakalungkot na love song dahil wala siya. Isang kulang na puzzle. 'Yong pakiramdam na naliligaw ako sa maze. Madilim at puno ng katanungan. Isang bituing naliligaw sa kawalan.
"Isa kang laberinto at palaisipang gusto ko.
Gusto ko ang hiwaga mo't misteryo
Gusto kong pasukin ang iyong mundo…"
Patulang sambit ko sa gitna ng katahimikan.
"Ano iyon, Nate?" tanong ni Rama.
"Isang tula?" tanong naman ni Shem-shem.
"Nang hindi pa kami magkakilala ni Chelsa, isang simpleng magkaklase lang kami, habang dumaraan ang araw mula nang magtama ang aming mga mata, 'yon ang mga salitang pumasok sa isip ko," sagot ko. "Sa totoo lang, hindi ko pa 'yon nababanggit sa kanya. Nahihiya ako. Sa dami ng pinagdaanan namin, may mga bagay pa rin akong hindi nasasabi sa kanya, tulad ng tulang 'yon. Wish ko, hinihiling ko, na masabi ko 'yon sa kanya. Lalo pa ngayong napasok ko na nang tuluyan ang mundo niya…"
"Umiiyak ka?" natatawang tanong ni Rama.
"H-Hindi. Napuwing lang ako."
"Palusot din ba ninyo iyan sa inyong mundo?"
"Hindi mo kami maloloko, Nate," may pang-aasar na sambit ni Shem-shem.
Napangisi na lang ako. Tinapik ni Rama ang likod ko. At sabay kaming uminom ng alak. Tapos nagtawanan kaming tatlo. Na hindi alam ang eksaktong pinagtatawanan – pero siguro pinagtatawanan nila ako, napasinghot kasi ako at nagpunas sa mga mata ko. Basta, pinutol naming tatlo ang madramang tagpo. Pero bigla ring nahinto. Isang dagundong ang narinig namin at umuga ang kinauupuan namin. Tumagal nang halos siyam na segundo ang pagyanig na 'yon.
"Lindol ba 'yon?" nagtatakang tanong ko. Walang sumagot sa 'kin. Tahimik na nakatingin lang sa isang direksiyon sa malayo sina Rama at Shem-shem, bakas ang kanilang pagkabahala.
~~~
~ SA VERLOM ~
ANG 'VERLOM' AY silid sa pinakamataas na tore ng palasyo ng Ezharta. Animo'y hardin ang silid na may mga puno't halaman na hindi matatagpuan sa mundo ng mga tao, at may mga kakaibang prutas at naggagandahang bulaklak. Bukas ang bubungan nito kung saan makikita ang langit. May mga liwanag na lilipad-lipad sa paligid, mga alitaptap na nagsisilbing tagabantay ng silid. Sa gitna ng Verlom, may malaking pabilog na batong mahiwagang nakatayo, ang 'Batong Verlom', kung saan isinunod ang pangalan ng silid. Katapat ng bato ang trono ng reyna na nakapuwesto sa gilid na napapagitnaan ng dalawang puno na may puting dahon at pulang mga bulaklak. May rebultong nakatayo sa kabilang dako na katapat din ng bato, ang Bathalang isinasamba ng buong Anorwa, ang Diyos na may likha ng lahat, na siya ring Diyos na sinasamba ng karamihang tao sa mundo ng mga tao. Sagrado ang silid ng Verlom, kung saan ang reyna o ang hari at ang tagapayo nito lamang ang maaring makapasok. Lahat ng palasyo sa limang kaharian ng Anorwa ay may silid ng verlom. Sa silid na ito, nananalangin ang reyna o hari para sa kaligtasan ng kanyang kaharian. At dito, makikita o matatanaw niya ang bawat sulok ng sinasakupan niya at malalaman ang mga nangyayari sa pamamagitan ng paghawak sa mahiwagang Bato ng Verlom. Kumabaga, magical CCTV, kung saan namu-monitor ng reyna o hari ang nagaganap sa kanyang kahariang pinaghaharian.
Napaatras si Reyna Kheizhara, kasalukuyan niyang inaalam ang nangyayari sa kabuuan ng Kaharian ng Ezharta nang maramdaman niya ang pagyanig na siya ring naramdaman nina Nate. Napabitaw siya sa Bato ng Verlom, hindi niya nakita ang sanhi ng pagyanig. May mahikang pumipigil sa kapangyarihan niyang malaman ito.
"Nagising na siya," puno ng pangambang sabi ni Reyna Kheizhara.
"Hindi nagtagumpay ang mga sundalong pinadala natin para hanapin ang kuta ng mga habo. Halos nalibot nila ang buong Ezharta, pero hindi nila ito natagpuan. May mga nakasagupa sila, at marami ang nalagas sa bilang nila, ngunit walang saysay iyon dahil hindi pa rin nila natagpuan ang pinamumugaran ng mga itim na diwatang nagnanais sirain ang kapayapaan ng ating mundo," pag-aalala ni Philip.
Napaupo ang reyna sa tronong napapagitnaan ng dalawang punong may puting dahon at pulang mga bulaklak. "Maging ako ay walang nagawa. Hindi ko sila natunton. Hindi ko sila nahanap sa Verlom. Masyado silang malakas para harangan ang kapangyarihan ko… o sadyang mahina lamang ako at walang kuwentang reyna kaya hindi ko nagawa…"
"Mahal na Reyna, hindi ka mahina. Hindi ka maaring maging mahina. Walang reynang mahina. Hindi dapat maging mahina ang isang reyna, mahal na Reyna Kheizhara. Ikaw ang lakas ng kaharian, kaya kailangan mong maging malakas."
"Kailangan nang maging ganap na diwata ng binatang iyon." Napatayo ang reyna. "Siya na lamang ang pag-asa natin."
"Hindi ko alam kung sapat na ba ang lakas niya at mga naituro ni Kahab. Pero mukhang tama ka, mahal na Reyna. Nasusunod ang nakatala sa Aklat ng Isi. Ginawa natin ang lahat, pero nabigo tayo. Nasa kamay ng binatang iyon nga ang kaligtasan natin, ng ating kaharian… ng ating mundo."
"Kailangan nating manalig sa kanya – ang binatang taong wagas na umibig sa isinumpang diwata – si Nate, ang ating tagapagtanggol." Nagliwanag ang reyna tanda ng paghahanda.
~~~
~ PAGPUPULONG NG MGA PINUNONG SUNDALO ~
Sa silid kung saan nagpupulong ang mga sundalo sa pamumuno ni Pinunong Kahab, naramdaman din ng lahat ang pagyanig. Naroon sa silid ang lahat ng nakakataas na mga sundalo ng palasyo, kabilang sina Mira at Mapo Nhamo. Isa sa mga namamahalang tagasilbi sa palasyo si Mapo Nhamo, ngunit isa rin siyang mahusay na mandirigma. Isa siyang duwendeng hindi dapat maliitin ang kakayahan sa pakikipaglaban. Naroon din sa silid ang ilang representanteng sundalo ng bawat bayan ng kaharian ng Ezharta.
"Naganap na ating kinatatakutan. Nagising na siya," sambit ni Pinunong Kahab na napatayo pa at napaalalay ang kanyang mga nanginginig na kamay sa pahabang mesa na pinagpupulungan nila.
"Patawad pinuno, kung nabigo kami sa aming misyon na tuntunin ang kuta ng mga habo," paghingi ng tawad ni Darum, isa sa mga nakakataas na sundalo ng palasyo. Isa si Darum sa namuno sa paghahanap sa kinaroroonan ng mga itim na diwata.
"Wala kang dapat na ihingi ng tawad, Darum. Alam kong ginawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya. Nalagasan tayo ng mga kasamahan. Masyado silang malakas. Kaya ngayon, ituon na lamang natin ang ating panahon sa pagpapalakas ng ng ating puwersa. Hintayin na lamang natin silang sumugod at magpakita. At lalaban tayo sa kanila nang buong lakas. Sasalubungin natin ang kanilang puwersa ng harapan!"
"Hoooo!" sigaw ng lahat.
Naupo si Pinunong Kahab. "Kahit paano, masasabi kong handa na ang binatang si Nate. Kailangan nang simulan ang paglalakbay para sa kanyang mga pakpak." Pinukol ng tingin ni Pinunong Kahab sina Mira at Mapo Nhamo.
~~~
~ SA SILID ~
"Ano'ng problema, Nate?" tanong sa 'kin ni Rama. Napatayo pa siya mula sa higaan niya. "Isang masamang panaginip?"
Nilingon ko si Rama. Madilim ang silid at tanging liwanag mula sa batong berde na nakapatong sa mesa ang nagsisilbi naming ilaw. Hindi ko siya nasagot agad, umiling ako at mahinang sinabing 'ayos lang ako, bumalik ka na sa pagtulog mo'. Pero tama siya, isang masamang panaginip ang gumising sa 'kin at napabangong-upo ako't napasigaw. Kaya yata nagising si Rama. Hindi mainit, pero pinagpapawisan ako ngayon at nanginginig. Sa sobrang pagka-miss ko kay Chelsa, kaya ko siguro siya napapanaginipan, at dinarasal ko talaga bago ako matulog na sa panaginip ko man lang at makita ko siya. Pero hindi gano'ng panaginip, bangungot 'yon, at ilang araw ko nang napapanaginipan ang nakakatakot na panaginip na 'yon. Kanina sa panaginip ko, sakal ako ni Chelsa, nanlilisik ang mga mata niya. Gusto niya akong patayin. Wala siyang imik at tanging galit niya lamang ang meron siya. Parang hindi siya si Chelsa.