"Reid Alleje?" Napaisip si Precious nang sumakay ng kotse. "May kapangalan ka! Hindi ba Reid Alleje rin ang may-ari nitong riding club?"
Di siya makatingin nang diretso kay Reid dahil umandar ang pagka-slow ng pinsan niya at pagiging matapobre ng tiyahin niya.
"Anak, hindi kaya siya ang may-ari nitong riding club?" bulong ni Camilla
"Mommy, sabi ninyo driver siya, eh!" angal ni Precious.
"Hija, siya ba ang may-ari?" tanong ni Camilla.
Tumango siya. "Opo."
Nanlaki ang mata ni Camilla at iginala ang tingin sa buong riding club. At dahil sa Lakeside Café pa sila idinala ni Reid ay halos naikot na nila ang riding club.
"May class ka rin naman pala sa pagpili ng boyfriend," wika ni Camilla. "At least hindi ka tumulad sa mommy mo."
Nagkatinginan sila ni Reid. Di man ito magsalita ay naiirita ito sa sinabi ni Camilla. Di naman siya makakontra dahil nakatatanda ito. Kailangan pa bang idamay ang isang taong nananahimik na?
"Are you okay?" malambing na tanong ni Reid.
"Yes."
"I am not!" mariin nitong sabi.
Pagdating sa Lakeside Café ay nagpaalam na si Reid na may aasikasuhin sa opisina. Subalit ang totoo ay nasasagad na ito sa kayabangan ng dalawa. Di yata nito matanggap na may mas mayabang dito at di niya mabara dahil mga babae.
"Aalis ka na agad?" malungkot na tanong ni Precious.
"Next time maybe. I have an important meeting to attend to," pormal na wika ni Reid.
Nanghihinayang na lang itong sinundan ng tingin ni Precious. "Mommy, he is perfect, right?"
"Bagay kayong dalawa, anak," narinig niyang bulong ni Camilla.
Paano ba siya nagkaroon ng ganitong klaseng kamag-anak? Alam namang nobyo niya si Reid ay pinag-iinteresan pa ng mga ito.
"Bakit po napadalaw kayo, Auntie?" tanong niya.
"Naiinip kami sa condo mo. Wala ka na palang cable," sabi ni Camilla. "Sana nag-iwan ka ng pampa-salon namin."
"Nasaan ang perang ibinigay ko sa inyo?"
"Pang-taxi lang iyon papunta dito," sagot naman ni Precious.
Uminom siya ng summer fruit shake para kalmahin ang sarili. Malapit nang maputol ang pisi niya. "Sasamahan ko po kayo sa salon. Pero pagkatapos nito, ipapahatid ko na kayo pabalik sa Manila. Marami po akong trabaho."
"Why are you suddenly so cold to us?" anang si Precious. "Matagal na nga tayong hindi nagkita tapos ganyan ka pa sa amin."
Huminga siya nang malalim. "I don't have all the time in world. Marami akong responsibilidad dito sa riding club."
Palibhasa ay di naranasang magtrabaho ng mga ito. Kahit pa nobyo niya si Reid, di kailangang madamay doon ang trabaho niya. Hindi naman kasi iyon ang tamang oras para I-entertain ang mga ito.
"Precious, ang pagkakatanda ko may property banda dito ang lolo mo," sabi ni Camilla habang papalayo na siya. "Natatandaan mo ba?"
"Wala po akong matandaan. Baka ibinenta na natin, Mommy."
"Baka nga," usal ni Camilla.
Bigla siyang kinabahan nang marinig iyon. Hindi ba alam ni Camilla na sa kanya ipinamana ang lupain sa lakeside?
Baka naman napag-usapan lang. Wala siyang dapat na ikatakot.
"HELLO, Attorney Cabral! How's your appointment with Auntie Camilla? Matutulungan po ba ninyo sila sa paghabol sa abogadong naka-dispalko ng pera nila?" tanong niya nang tawagan ito sa cellphone. Katatapos lang niyang I-ultrasound ang mga pregnant mares.
"Wala namang problema, hija. Kaya naming habulin ang abogado nila. Nai-consult ko na iyon sa anak kong abogado sa States. Pero hindi naman iyon ang pinag-usapan namin ng auntie mo nang pumunta siya."
"Ano po?"
"Tinatanong niya kung ano na ang nangyari sa lakeside estate na pag-aari ng lolo mo. Nakalimutan yata niya na sa iyo iyon ipinamana." Di na marahil naalala ng auntie niya sa dami ng mga ari-ariang minana nito.
"Sinabi po ninyo ang tungkol sa testamento?"
"Oo. di pa ako tapos magsalita, galit na galit na silang umalis ng anak niya. Kaya mag-iingat ka, hija," paalala nito. "Anuman ang mangyari, nandito lang naman ako para suportahan ka."
Pagdating sa clinic ay lumapit sa kanya si Felix. "Ma'am, ipinapatawag po kayo ni Sir Reid sa Red House." Ang Red House ay ang administrative building ng riding club kung saan nag-o-opisina si Reid.
Di niya maipaliwanag ang kabang nararamdaman niya habang papunta sa opisina ni Reid. Nang pumasok siya ay naroon na sina Camilla at Precious na matatalim ang tingin sa kanya.
"Come in, Tamara. May sinasabi sa akin ang auntie at pinsan mo. Sinasabi nila na sila ang may-ari ng lakeside estate na kinatatayuan ng Lakeside Mansions at hindi ikaw," anang si Reid sa mababang boses.
"How dare you do this to us?" nanggagalaiting wika ni Camilla. "Sa amin ang lupaing iyon. Ayon sa testamento ni Papa, sa amin mapupunta ang lupa kapag tumuntong ka ng edad na twenty-five at wala ka pang asawa."
"Wala kang karapatan doon."
Naestatwa siya sa kinatatayuan. Pati ang lupang natitira sa kanya ay pinag-iinteresan na rin ng mga ito. At siya pa ngayon ang masama. Bakit naman nag-iwan na lang ng kamag-anak sa kanya ay iyon pang mga halimaw at gahaman sa pera. Matapos waldasin ang pamana sa mga ito, pati siya ay aagawan.
"I acquired that property in a legal way," she said in a formal voice. Kinokontrol niya ang panginginig ng boses niya. Ang totoo ay nasasaktan siya. "Mapapatunayan iyon ni Attorney Cabral."
"Magiging legal lang na sa iyo iyon kung may asawa ka."
Napalunok siya at sinulyapan si Reid. "Kasal po ako."
Nagimbal si Camilla. Napasinghap si Precious. "Oh, Reid! I am sorry. Niloko ka ng pinsan ko. Hindi mo alam na kasal siya, hindi ba? Niloko ka rin niya. She's not the right woman for you."
"Alam ko na kasal siya," wika ni Reid at tumayo sa tabi niya.
"Alam mo?" di makapaniwalang usal ni Precious.
"Siyempre. I married her nine years ago." Pinagsalikop ni Reid ang palad nila. "And until now, that marriage is legal and binding."
"That's not true!" nanggagalaiting wika ni Camilla. "It must be a fake wedding. Sa amin ang lakeside estate. Ipagsasabi namin sa press ang panloloko ninyo. I am sure they will have a field day. Masisira ang pangalan ninyo!"
Please support me on Patreon and you can read some of my unprinted books, books that are already out of print and not on ebook, and to be released stories.
Be a patron here:
https://www.patreon.com/filipinonovelist