"I CAN barely recall but it's all coming back to me now... now!" Naiinis na isinara ni Sindy ang steno pad na pinagsusulatan niya ng draft ng nobela niya at hinaklit ang headphone sa mga tainga. Muntik nang mabasag ang eardrums niya dahil sa palahaw ng kapitbahay niyang si Kylie. Malakas na malakas na ang tugtog ng CD ng Spongecola sa laptop niya pero nanunuot pa rin sa kanyang mga tainga ang boses ng mga nagbi-videoke sa katabing apartment.
"Aba! Alas-dose na pero wala pa rin silang balak manahimik. Hindi ba nila alam na nakakabulahaw na sila? Paano ba naman ako makakatapos ng istorya kung ngawa sila nang ngawa?"
She was a romance novel writer. Sa gabi siya nagtatrabaho dahil tahimik at mas malamig. Walang masyadong istorbo. Pero mukhang hindi siya makakatapos ng istorya. Nakasalalay pa mandin sa nobelang isinusulat niya ang pambayad niya sa kanyang mga bayarin. Mag-isa lang siyang namumuhay at malayo siya sa pamilya niya. Wala siyang aasahan kundi ang sarili niya.
Sinimulan ni Kylie ang pagkanta ng isa pang kanta ni Celine Dion na "To Love You More." Tumayo siya. "Okay! That's enough! Sobra nang noise pollution ito. This is not just pollution. Terrorism na ito!" Humahangos na pumunta siya sa kabilang apartment. Tatlong pinto ang apartment na iyon at siya ang nasa dulo. Pumasok siya sa bukas na gate. Kung tatawag siya, malamang ay wala ring makakarinig dahil sa ingay. "Kylie! Kylie!" tawag niya habang nakatayo sa pinto.
Hawak ni Kylie ang Magic Sing microphone sa isang kamay at baso naman ng brandy sa kabila. "I'll be..." Nabitin ang pagkanta nito at bumaling sa kanya. "O, neighbor! Mabuti naman at lumabas ka ng lungga mo," anunsiyo pa nito gamit ang mikropono. "Makiki-party ka ba sa amin?"
"No. I have more important things to do than to party. I have work to do."
"On a Saturday night? That's boring!"
Nagtawanan ang mga kasama nito.
Humalukipkip siya. Mukhang nakainom na ang mga ito. "Puwede bang hinaan ninyo ang volume ng kantahan ninyo? Nakaka-distract kasi sa pagsusulat ko. I have a deadline on Monday. Nakakabulahaw kayo," aniya at ngumiti nang pilit.
"Ano ba naman iyan? Killjoy!" angal ng isang kaibigan nito.
"Pasensiya na, friends. Old maid kasi," ani Kylie at humalakhak sa mic.
She was horrified. Old maid daw siya! Mas matanda sa kanya si Kylie. Beinte-siyete na ito at magte-twenty-five pa lang siya. Pero dahil boring daw siyang tao at walang hilig lumabas sa "bat cave" niya, wala raw siyang makikilalang lalaki. Destined to be an old maid din daw siya dahil sa pagiging romance novel writer niya. There was a myth that romance novel writers usually looked for the type of guy they wrote about in their novels. At dahil mapili, nagiging matandang dalaga.
Pinalagpas na lang niya ang pang-iinsulto ni Kylie. After all, she was tipsy. Baka hindi nito alam ang sinasabi. "Mahihinaan na ba ninyo?" tanong niya.
"Miss, baka naman puwedeng one hour pa," hirit ng boyfriend ni Kylie at itinaas ang isang daliri. "Birthday naman ng love ko. Saka hindi pa dumadating ang guest of honor niya. Nakakahiya naman kapag boring na ang party pagdating niya."
"Isang oras? It is already twelve midnight. Dapat tumahimik na kayo. Or else, magrereklamo na ako."
"Napakiusapan na namin ang mga kapitbahay. Sabi nila, okay lang daw sa kanila na kumanta kami. Makisama ka naman sa amin."
Siya pa pala ang walang pakisama ngayon. Siya na nga ang napeperhuwisyo. "They don't have work to do. I have." At kung hindi niya matatapos ang nobela niya, wala siyang magiging suweldo. Sa kangkungan na rin siya pupulutin.
"Ganito na lang, Sindy," wika ni Kylie at lumapit sa kanya. "Kumanta ka lang nang isang beses. `Tapos hihinaan na namin."
"Ha?" Pati siya ay mag-eeskandalo? "Bakit pa ako kakanta?"
"Kasi birthday ko. Saka isang kanta lang naman." Itinaas nito ang kamay. "Promise! Hihinaan na namin pagkatapos."
Kaysa makipagkulitan ay pinagbigyan na lang niya ang mga ito. Pinili niya ang kantang "In My Life" na madalas niyang kantahin kapag nasa KTV sila ng mga kaibigan niyang writer. Saka niya naalala na ilang buwan na rin silang hindi nakakakanta sa KTV dahil marami silang gastusin. Ni hindi na siya nakakapaglibang.
Kailangan niya nang tapusin ang kantang ito at nang makapagtrabaho na siya. Pagbibigyan lang niya ang pangungulit ni Kylie at ng mga kaibigan nito.
Umugong ang palakpakan nang matapos siyang kumanta. "Wow! Ang galing mo palang kumanta, Sindy!" sabi ni Kylie.
"Isang kanta pa riyan!" hirit ng mga kaibigan nito.
"Hindi. Babalik na ako sa trabaho," aniya saka iniabot ang mic kay Kylie.
Pagpihit ng seradura ay natigilan siya sa paghakbang nang makita ang lalaking nakasandal sa hamba ng pinto at pumapalakpak habang nakatitig sa kanya. "Sing once more, Sindyrella. Sing my favorite song."
Natigagal siya habang nakatingin sa lalaki. "Oh, God! Gabryel!"
Isinulat sa mga panahon na feeling ko isa akong aping writer. Hanggang ngayon naman api pa rin. Hahaha!
So me, Sonia, and Sheena Rose call ourselves Mga Aping Prinsesa. I think si Heart Yngrid na ang pumalit sa role ni Sheena.
So, basically ito ang mga panahon na wish ko lang may Gabryel Honasan sa buhay ko na sasagip sa kaapihan ko.