webnovel

Siguro, Hindi na

"Ang tunay na nagmamahal,

Handang magparaya,magpalaya at umunawa."

"Ang mga oras na lumipas na, Kailanman hindi na maibabalik pa."

"Wishes do come true, Kung mageeffort ka para matupad ito."

Tuwing naaalala ko yung mga sandali na kasama kita. Hindi ko maiwasang matawa. Hindi ko maiwasang malungkot. Hindi ko maiwasang manghinayang. Hindi ko maiwasang masaktan at hindi ko maiwasan ang umiyak.

It's been 7 months since we broke up. Ang tagal na din nuh? Dapat naka-move on na ako. Dapat nakalimot na ako. Dapat napalitan na ng iba ang alaala mo. Pero hanggang ngayon di ko magawa. Nakatatak pa rin lahat sa puso't isip ko. Ikaw ba ganun din? Ikaw ba may naaalala pa na mga sandaling kasama mo ako? Siguro wala na…

Tanda mo pa ba yung araw na muli tayong nagkita? Ang galing kong manggising nun eh. Ang galing kong mambulabog. Sobrang namiss kasi kita nun. Almost a year din kasi tayong hindi nagkita. Tanging cellphone lang yung communication natin. Naalala mo pa? Siguro, hindi na…

Eh Yung araw na nakasama kitang gumala kasama yung mga tropa at mga pinsan ko. Tanda mo pa ba? Siguro hindi na…naalala ko lang kasi kung paano mo ako inalalayan habang naglalakad. Matangkad ka kasi sakin kaya nakaakbay ka sakin nun habang pinapayungan mo ako. Naiinis pa nga ako sayo kasi pakiramdam ko that time kung ituring mo ako parang tropa lang. Hindi ko man lang naisip noon na ang sweet ng ganung gesture. Yung pinapayungan ka ng kasintahan mo habang naglalakad. Yung nakaalalay sya sayo habang naglalakad. Tanda mo pa ba yun? Siguro, hindi na...

Tanda mo pa ba nung gabi din na yun magkatext tayo at inaway kita? Kasi nga pakiramdam ko tuwang-tuwa ka nung inirereto ako ng tropa mo sa kaibigan nya. Wala naman kasing nakakaalam na tayo kaya tawa ka lang ng tawa nung sinabi ng tropa mo yun. Sabi ko sayo nun sa text "Pano pala kung may gustong kumuha sakin edi papayag ka?" tapos ang reply mo "Kung may magtanong sayo at kukunin ka hindi ako papayag." Ang sweet no? kinilig ako sa text mo na yun. Sobra yung saya na naramdaman ko dahil sa simpleng text mo na yun. Tanda mo pa ba nung itinext mo sakin yan? Siguro, hindi na…

Naalala ko din yung gabi bago ang birthday ko. Wala pang alas-dose nagtext ka na para batiin ako. Advance kasi ang orasan mo. I still considered you na unang bati ko. It was the sweetest message I've ever received kahit na sobrang cliché naman ng mensahe mo. Pakiramdam ko nun ako na yung pinaka maswerteng birthday celebrant. Dahil lang sa simpleng mensahe na yun. Nung mga oras na yun all I wish for myself is sana magtagal tayo but wishes do come true kung mageeffort ka na matupad ang hiling mo.

Dun ako nagkulang. Puro ako hinala. Kinulang ako sa tiwala. Napuno ako ng pagdududa. Nagduda ako sa nararamdaman mo para sakin. Dahil sa mga bagay na yun kaya naghiwalay tayo. Dahil dun kaya pinili mong bumalik tayo sa dati. Magkaibigan. Nung una hindi ako sumuko. Pinilit kong ayusin yung relasyon nating ako ang pumutol. Tanda mo ba yung gabing may okasyon kila tita? Yung gabing nakainom ako at pinilit kong gumamit ng motor? Tanda mo ba yung reaksyon mo nun? Blangko ang facial expression mo pero alam kong galit ka. Galit ka dahil pinapag-alala kita. Alam mo bang sinadya ko yun? Dahil dun sa ginawa ko nabuhayan ako ng loob. Inakala ko kasi na kaya ka nagalala dahil mahal mo pa ako. Akala ko kasi may pag-asa pa. Akala ko kasi pwede pa. pero akala ko lang pala. Nawala lahat ng pag-asa ko nung isang gabi na pinilit kong makipagbalikan ulit. Ang sagot mo sakin sobrang ikli pero punong-puno ng laman. "Wag ka ng maghintay kasi dumaan na." simpleng pahayag,madaming kahulugan. Simpleng pahayag,masakit kung alam mo ang tunay na nilalaman.

Dahil sa mensaheng yun humina ang determinasyon kong maangkin ka ulit. Nasaktan ako. Nagalit ako. Nagalit sayo. Sayo ko isinisi lahat. Kaya nga hindi kita pinansin nung hinabol mo ako. Hindi kita pinansin nung nag walk-out ako. Pinairal ko kasi yung pride ko. Yun na lang kasi ang meron ako that time kasi nga wala na tayo at ayaw mo ng makipagbalikan. Ang babaw ko nuh? Masyado akong immature. Dahil kung tutuusin kasalanan ko naman. I'm the one who initiated the break-up, you just agreed to that. Kasalanan ko. Nakipaghiwalay ako kasi pakiramdam ko hindi ka masaya. Kasi pakiramdam ko hindi tulad ng pagmamahal ko sayo ang nararamdaman mo para sakin. Kaya pride ang pinangibabaw ko, pride ang pinairal ko. Pero alam mo bang nanghinayang ako nung pinalagpas ko yung gabing yun? Kung kinausap lang sana kita edi sana nasabi ko ang nararamdaman ko. Kung kinausap lang sana kita edi nasabi ko yung dahilan ng pakikipaghiwalay ko. Kung kinausap lang sana kita edi sana narinig ko yung side mo. Nakakapanghinayang pero tapos na eh. Tanda mo pa din ba yung gabing yun? Siguro, hindi na…

Eh yung araw na nagkasakit ka? Tanda mo pa? ako may kasalanan nun eh. Ako ang dahilan kaya ka nilagnat. Pinilit kasi kitang maligo kahit kagagaling mo lang sa initan. Diba kinagabihan nun dumaan ako sa inyo para i-check ang kalagayan mo? Sumaglit lang ako nun para makapagpahinga ka. Isa pa manunuod kasi ako ng liga nun kaya umalis din ako agad. Diba katext pa kita nun kahit nanunuod ako sa court? Tinanong kita kung uminom ka na ng gamot at kung okay ka na ba. Ang sabi mo hindi pa. Ang shunga lang nuh? Magtanong pa daw ba kung okay ka eh nakita ko naman kung pano ka mamaluktot sa higaan mo dahil sa sobrang taas ng lagnat mo. Then I asked you kung gusto mo bang bumalik ako and you replied Yes. Dali-dali akong bumalik sa inyo para samahan ka. Para alagaan ka. Alam mo bang ang saya ko nun? Kasi pinabalik mo ako. Pero ang pinaka nagpasaya sakin nun ay yung nag-request kang yakapin kita. Niyakap kita. Ginawa mo akong Human Heat Absorber. Pero ayos lang sakin kahit i-absorb ko pa yung lagnat mo. Basta gumaling ka. Basta matulungan kita. Masaya ako nun kasi sa unang pagkakataon kinailangan mo ako. Sa unang pagkakataon natulungan kita. Sa isip-isip ko nga nun sana lagi ka na lang may sakit. Para kailanganin mo ako. Tanda mo ba yun? Siguro, hindi na…

May pangyayari pa nga na nakasama kita ng magdamag. Yung gabing nag stargazing tayo sa terrace. Sabi ko sayo nun hindi pa ako nakakakita ng bulalakaw. Sabi mo sakin maghintay lang ako at makakakita din ako. Alam mo bang bilib ako sayo? Kasi mayamaya nga lang ay nakakita ako. I saw a falling star while I'm with you. Alam mo bang humingi ako ng sign dati? Na kapag nakakita ako ng falling star habang kasama kita ibig sabihin ikaw yung tamang tao para sakin? Ikaw yung the one ko? Unfortunately ngayon ko lang naalala yung sign na yun. Ngayon lang habang sinusulat ko to. Tanda mo rin bang pagkatapos kong makakita ng bulalakaw biglang umulan? Naalala mo pa? siguro, hindi na…

That same night ang lakas ng trip natin. Yung tipong ang ingay-ingay na natin pero yung mga kasama natin plakda parin. Hindi pa rin nagigising. Nung gabing yun I managed to control my emotion. Grabe naman kasi yung trip mo. Tanda mo pa ba yung ginawa mo nung gabing yun? Idinikit mo yung labi mo sa labi ko. Mga 10 seconds din yata na magkadikit lang yung lips natin. Tapos bigla kang namula sabay goodnight. Alam mo bang nag-trigger na naman ang pagiging assuming ko? Gustong-gusto ko na naman lunukin ulit ang pride ko at makipagbalikan ulit sayo. Pero nagpigil ako. Kasi okay na tayo eh. Okay na tayo as friends. Sisirain ko pa ba? Isa pa sabi mo nga mas okay ng wag na tayong magbalikan para wala ng masaktan. Pero alam mo bang nakakalito ka ng puso't isipan? Kapag nakakainom ka kasi ng alak ang sweet mo sakin. Pinaparamdam mong mahal mo ako. Pinaparamdam mo yung gusto kong iparamdam mo sakin ng hindi ka lasing. Tanda mo ba yung gabing nasa bar kayo ng mga kaklase mo? Tumawag ka sakin nun. Kumanta ka pa nga ng "Beautiful in my eyes" eh. Nag-assume tuloy ako na para sakin yun. Hindi pala. Para sa kaklase mo pala yun. Yung kaklase mo na syang mahal mo na ngayon. Alam mo bang pinamanhid ko na yung sarili ko. Para di na ako makaramdam ng sakit tuwing magkasama kayo at kausap mo ako sa phone. Gaya nung gabing magkasama ulit kayo sa inuman. Pinilit kong maging okay kasi kasama ko ang mga kaibigan ko. Pinilit kong maging masaya. Tanda mo din bang pinakausap pa kita sa isang kasama ko nung gabing yun? Kasi nga nagkakatuwaan kami nung mga kaibigan ko. Alam mo bang umasa na naman ako? Kasi pagkatapos nyong mag-usap ng kaibigan ko ang sabi mo nagseselos ka. Nagseselos ka sa kasama ko. Pero naisip ko baka dala lang yun ng kalasingan mo. Pero inulit mo pa kasi eh. Kinabukasan inulit mo yung sinabe mo. Tuluyan na akong umasa. Umasa ulit ako na baka pwede pa. umasa ulit ako na baka may pag-asa pa. Pero binawi mo din yung sinabe mo by saying sorry. Nagsorry ka dahil sa mga sinabi mo. Alam mo bang ang sakit nun. Kasalanan ko naman. Masyado akong umasa. Tanda mo din ba yung gabi na yun? Siguro, hindi na…

Eh yung gabing pinayuhan kita? Yung gabing pinigilan ko ang puso kong tumibok para lang payuhan ka. Pinayuhan kita ng dapat mong gawin para magkaayos kayo ng mahal mo. Kahit papano masaya ako. Kasi natulungan ulit kita. Tanda mo pa ba yun? Siguro, hindi na…

Habang sinusubukan kong lumimot. Habang sinusubukan kong bumitaw sayo. Habang sinusubukan kong magsimula ng bago. Bumabalik sa isipan ko ang mga simpleng pangyayari na yan. Ang mga alaala na yan. Simple pero tumatak sa puso't isip ko. Simple pero sobra akong natuto. Yung mga mensahe mo na nagbigay ng iba't ibang emosyon sakin,lahat yun tinandaan ko. Lahat yun tumatak sa isip ko at nagmarka sa puso ko.

Ikaw ang nagturo sakin ng maraming bagay sa larangan ng pag-ibig. Ikaw ang nagturo sakin kung pano magmahal ng tama. Ang tunay na nagmamahal, handang magparaya, magpalaya at umunawa. Mahirap man bumitaw, kailangan na eh. Tapos na kasi ang kwento natin. Tanggap ko ng hindi ako yung tamang tao para sayo kahit ikaw ang tamang tao para sakin. Hindi ko man maitama ang lahat ng pagkakamali ko. Hindi ko man mapunan ang pagkukulang ko. May isang tao na gagawa nun kapalit ko. At may isang taong nakalaan para sakin na syang mamahalin ko sa tamang paraan na itinuro mo.

Darating din yung araw na muling mabubuksan ang puso kong pinagkulungan ko sayo. Darating din yung araw na mapaguusapan natin ang nakaraan at tatawanan na lamang natin ito. Darating din yung araw na mapaguusapan natin ang nakaraan na wala na akong sakit na mararamdaman.

"Ang mga oras na lumipas na, kailanman hindi na maibabalik pa."

Tanda mo pa ba?

Siguro, hindi na...