webnovel

Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang

Palibhasa'y lumaki sa kalsada bilang isang mandurukot, alam ni Gabriel na hindi siya isang pangkaraniwang bata. Ngunit malalaman niya kung gaano talaga siya ka-espesyal ngayong nahanap na siya ng misteryosong si Bagwis, isang matandang lalaki na laging naka-amerikana. Ngayon, para sa kaligtasan ng ating mundo, kailangan niyang harapin ang ibat' ibang uri ng mga engkanto, lamanlupa, at higit sa lahat, ang malupit na Lupon ng mga Aswang. Sapagkat sa kanyang mga ugat dumadaloy ang Dugo ng mga Datu.

MT_See · Fantasie
Zu wenig Bewertungen
24 Chs

Ang Pinakamatinik na Mandurukot sa Mundo

Araw-araw, daan-daang Katoliko ang nagdarasal sa simbahan ng Baclaran. Karamihan ay dumaraing at humihingi ng tulong sa kani-kanilang mga suliranin sa buhay. May nagdarasal para sa mga may sakit. May nagdarasal para sa mga pinansyal na pangangailangan. May nagdarasal para sa mga anak na mag-eexam. May mga humihingi ng trabaho, asawa, at anak. At siyempre, hindi rin mawawala ang mga taong nagtitinda ng kung anu-ano.

Sa bandang likuran ng simbahan ay nakaluhod ang isang batang lalaki na taimtim na nagdarasal. Nakapikit ang kanyang mga mata at tanging ang labi lamang niya ang gumagalaw. Makalipas ang ilang minuto ay nagkrus siya at dahan-dahang umupo.

Pangkaraniwan lamang ang itsura ng batang lalaki, yung tipong hindi mo mapapansin kapag nakasalubong mo sa daan. Maamo ang kanyang mukha. Malaki ang kanyang mga mata na kulay kape. Makinis ang kanyang kutis ngunit makikitang naluto na sa araw ang kanyang kayumangging balat. Ang kanyang itim na itim na buhok ay makapal ngunit maayos na nakasuklay. Bagamat kupas at luma na ang kanyang suot na t-shirt at pantalong maong, malinis naman ito at maayos.

Tumayo ang bata at naglakad papalabas ng simbahan. Hindi siya nagmamadali. Natutunan niya mula sa kanyang karanasan na mas madaling nahuhuli kapag nagmamadali ang isa.

Malayu-layo na rin ang nalakad ng bata bago napansin ng aleng katabi niya sa simbahan ang kanyang bag. May laslas ang ilalim nito. Wala na ang kanyang wallet at cellphone.

May isa na namang nabiktima si Gabriel Cruz, ang pinakamatinik na mandurukot sa mundo.

###

Hapon na ng dumating si Gabriel sa Divisoria. Galing siya ng Luneta, at bago doon ay dumaan siya sa Recto at Tutuban. Natutunan kasi niya na mas malimit na nahuhuli yaong mga mandurukot na naglalagi o nagtatagal sa lugar kung saan nila ginawa ang krimen. Kayat agad siyang lumilipat ng lugar pagkatapos ang isang matagumpay na pandurukot.

Kalimitan siyang tumatambay sa mga matataong lugar tulad ng mga palengke, simbahan, paaralan, at mga parke. Madali kasi siyang makakalapit sa mga taong nakursunadahan niya. Gayundin naman ay madali siyang makakalayo at mawawala kapag nakuha na niya ang gusto niya.

Musmos pa lamang ay natututo na siyang mangdukot. Wala na siyang mga magulang kayat lumaki siya sa kalsada kasama ng ibang mga batang pulubi. Marami na siyang natutunang mga taktika at paraan sa pangdurukot. At ngayon ngang labing-tatlong taong gulang na siya ay talagang bihasang-bihasa na siya. Sa isang tingin lang ay alam na niya kung sino ang mga taong hindi maingat sa kanilang mga bag, aling wallet ang hindi naibulsang mabuti, at aling cellphone ang madaling dukutin.

Isang may edad na babae ang nakakuha ng kanyang atensyon. Napansin niya na hindi sinasara ng ale ang zipper ng dala-dala nitong bag kapag kinukuha ang kanyang wallet tuwing magbabayad. Isang perpektong biktima. Pasimpleng sinundan ni Gabriel ang matanda.

Tumigil ang babae sa harap ng isang tiangge at tumingin ng mga daster. Tumigil din si Gabriel sa katapat na tindahan at kunwa'y namimili ng mga piniratang DVD. Hindi niya tinitingnan ng direkta ang babae. Tanging sa gilid lamang ng kanyang mga mata ito tinatanaw. Ito ay upang hindi siya magmukhang kaduda-duda kung may makakapansin man sa kanya.

Ilang minuto din ang lumipas bago nakapili ang babae ng bibilhin. Lumapit ito sa isang tindera at inabot ang hawak na daster. Pagkatapos ay binuksan ng babae ang bag na nakasabit sa kanyang balikat at kinuha ang kanyang wallet. Hindi niya isinara ang zipper ng kanyang bag.

Dito ay kumilos si Gabriel. Sigurado ngunit hindi nagmamadali ang kanyang mga galaw. Naglakad siya papalapit sa babae ngunit sa ibang direksyon siya nakatingin. Nang makalapit ay mabilis niyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng bag ng babae. Base sa kanyang karanasan, ang unang makikita kapag binuksan ang bag ng isang babae ay wallet at cellphone. Ito kasi ang malimit na kinukuha at ibinabalik sa loob ng bag. Kayat ng maramdaman ni Gabriel ang isang bagay na hugis parihaba, mabilis ngunit maingat niyang inilabas ang kanyang kamay sa bag ng babae at ibinulsa ang nakuhang gamit. Hindi na niya kailangan pang tingnan ito para malaman na cellphone ang kanyang nakuha.

Halos isang segundo lang ang lumipas mula ng ipasok ni Gabriel ang kanyang kamay sa bag ng babae hanggang sa makuha niya ang cellphone nito.

Dire-diretso lang ang lakad ni Gabriel, hindi nagmamadali. Nang marating niya ang kalsada ay agad siyang sumakay sa unang jeep na dumaan.

###

"Gab, mukhang tiba-tiba ka na naman, ah!" sabi ni Teban habang nanlalaki ang mga mata sa dala ni Gabriel.

Nakaupo si Gabriel sa lapag, nagpapahinga, habang si Teban ay nakaupo sa lamesa at tinitingnan ang mga wallet, cellphone, at kung anu-anong bagay na nakuha ni Gabriel at ng mga kasama niyang batang mandurukot. Sa isang sulok naman ay abalang kumakain ang mga batang pulubi ng kanin at instant mami.

Dito sa bodegang ito nanunuluyan si Gabriel. Pag-aari ito ni Teban, ang lalaking namumuno sa kanilang maliit na sindikato ng mga batang pulubi at mga mandurukot. Si Teban ang nakapulot sa kanya noong anim na taong gulang pa lamang siya. Tumakas kasi siya sa bahay-ampunan at nagpagala-gala sa kalsada.

"Marami-rami yan, ah," sabi ni Gabriel, "Siguro naman makakabili ka na ng masasarap na pagkain para sa mga bata. Hindi yung puro noodles na lang!"

Natawa si Teban. "Aba! Oo naman! Basta palaging ganito, sigurado pare-pareho tayong kakain ng masarap. Ay, oo nga pala," sabi ni Teban sabay dukot sa kanyang bulsa.

Nilabas niya ang isang maliit na kahon at ibinato kay Gabriel. Mabilis naman itong nasalo ng batang lalaki gamit ang kaliwang kamay.

"Para sa'yo yan. 'Di ba birthday mo ngayon?" nakangiting sabi ni Teban.

Tiningnan ni Gabriel ang hawak na kahon, halatang nagulat.

"R-Regalo mo sa'kin?"

"Oo naman! Kala mo nakalimutan ko ano. Teka, ilang taon ka na nga ba?"

Isang masayang ngiti ang isinagot ni Gabriel.

"Thirteen na ako ngayon." Mabilis na binuksan ni Gabriel ang kanyang regalo at nagulat sa kanyang nakita. Dahan-dahan niyang kinuha ang laman ng kahon.

Isang kuwintas.

"Wow! Ang ganda naman nito!"

Napangiti si Teban. "Buti naman at nagustuhan mo. Mahal yan, ah. Totoong silver yan!"

Tiningnan ni Gabriel ng seryoso si Teban. "Maraming salamat, ha!"

"Naku, wala 'yon. Sige na magpahinga ka na."

Humiga si Gabriel sa nakalatag na banig, tinitigan ang kisame. Napangiti siya. Bagamat sakim, mabait si Teban sa kanila. Hindi siya nananakit at totoong may malasakit. Patas din siya pagdating sa hatian. Sadyang mahirap lang ang buhay sa kalsada kaya napilitan siyang gamitin ang mga bata para makakuha ng pera. Natitiyak ni Gabriel na hindi masamang tao si Teban.

Ipinikit na niya ang kanyang mga mata at masayang niyakap ang kapayapaan ng pagtulog.