"Lewis gising na!!!"
Nasa harap ako ngayon ng bahay nila Lewis dahil tuturuan ko siyang mag-bike, bukas kasi ay start na ng bagong school year kaya hindi na siya makakasabay sakin sa pagpasok sa school.
Nagbabaka sakali parin kasi akong matututo na siyang mag bisekleta bago pa man ako makapag-highschool.
"Lewis baba na diyan!!" Sigaw ko ulit.
"Sandali lang, di pa ako naliligo!"
"HUWAG KA NA MALIGO!!!"
"Eto na nga, ang ingay mo!" Bumaba naman na ito, at kinuha ang bike niya.
Mga limang minuto ko na siyang tinuturuan, o kulang pa, ay bigla siyang nagsalita.
"Makoy?"
"Hmm?" Sagot ko habang patuloy na inaalalayan yung bike niya sa likod.
"Kapag natuto ba akong mag-bike i-aangkas mo pa ba ako?"
"Syempre hindi na." Biro ko sakanya, pero imbis na magsalita ay bumaba ito ng bike.
"Oh, saan ka pupunta?" tanong ko sa kanya.
"Uuwi na, pagod na ako." sabi niya tsaka naglakad na pauwi.
"Ayaw mo nang matuto?" tanong ko sa kanya na patuloy parin sa paglalakad papuntang bahay nila.
'Ikaw lang naman diyan yung namimilit na matuto ako.'
Hindi ko alam kung sumagot pa ito, pero siguradong uuwi na talaga yun. Kaya isinunod ko nalang din yung bike niya.
. . .
Magmula nung natapos kaming mag-bike ni Lewis ay napansin kong hindi ito umiimik, kahit ilang beses ko pa siyang kulitin. Sinubukan ko na rin itong patawanin gamit ang mga malupit kong jokes pero hindi pa rin ito umeepekto, kaya umuuwi muna ako sa bahay.
"Lewis anong tawag sa hindi pa natututong lumipad na ibon?" Agad akong pumasok sa kwarto ni Lewis, pagkabalik ko galing sa bahay.
Ibabato ko na sana yung punchline ng joke ko nang bigla siyang nagsalita.
"Anong tawag mo sa Makoy na hindi marunong kumatok?" Sarkastiko niyang tanong habang nakahiga siya sa kama niya, at nakatingin sa'kin ng masama.
"Edi poging Makoy." nginitian ko lang siya at kinindatan habang naka pogi sign.
Nakita ko siyang na ngiti ng bahagya bago niya maibato sa'kin yung unan niyang Bulbasaur, tsaka siya tumalikod.
Pinulot ko yung ibinato niyang unan sa sahig.
"Ito naman, okay lang naman sayo dati na pumasok ako dito kahit hindi kumakatok ah," sabi ko sa kanya at nahiga ako sa tabi niya, naramdaman niya ata ang ginawa ko kaya umurong ito.
"May problema ba?" tanong ko pero hindi nanaman siya umiimik.
Ganito siya kapag may iniisip, o kaya pag nalulungkot.
Kaya pinatunog ko yung pack ng gummy worms na nasa kamay ko na kinuha ko kanina sa bahay.
Awtomatiko siyang lumingon at tinignan ang hawak ko.
"Gusto mo?" Tanong ko sa kanya, habang inaalog ko yung laman ng supot.
Tumango-tango lang siya at agad ko namang ibinigay iyun sa kanya,na agad din naman nitong binuksan.
Pinapanood ko lang ito habang masaya siyang kumakain.
Pakainin mo lang kasi si Lewis ng gummy worms ay mawawala na ang lungkot nito.
Minsan pag nalulungkot ako sinusubukan ko ring kumain ng gummy worms, pero magkaka-diabetes na ako hindi parin nawawala yung lungkot ko.
"Thank you Makoy!" Puno pa yung bibig niya habang nagsasalita.
"Huwag kang mag-thank you papalitan mo yan. Kay Kuya Matt yan!" Biro ko sa kanya, at nalunok niya ata lahat ng nasa bibig niya ng dahil sa sinabi ko.
Ibinato niya sakin yung plastik ng gummy worms. "Bakit mo hinayaang kainin ko? Wala akong pampalit!!" sabi niya.
Natawa naman ako sa naging asta nito, at ibinalik sa kanya pabalik yung supot ng gummy worms. Kinuha niya naman ito pero hindi na kumain, mukhang umepekto na ata yung gummy worms.
"Sayo talaga yan, napansin ko kasing nalungkot ka kanina." Sabi ko bago tumahimik ulit ang paligid.
Ilang minuto ang lumipas bago niya binasag ang katahimikang pumapagitna samin.
"Makoy, kamukha ko kaya yung nanay ko?"
Nagulat ako sa tanong nito, dahil ngayon lang siya nakapagbanggit ng tungkol sa mga magulang niya.
"O baka yung tatay ko yung kamukha ko?"dagdag pa niya.
Hindi ko alam ang dapat kong sabihin dahil bago sa akin 'tong topic na'to.
Napansin ko naman siyang kumakain ulit ng gummy worms, kaya lumapit ako sa kanya at inakbayan.
Kumuha din ako ng gummy worms atsaka kumain.
Tinitigan ko yung mukha niya ng malapitan habang siya ay nakatingin sa malayo, ilang saglit ay tumingin na rin siya sakin.
"Kapag kamukha mo yung mama o kaya papa mo paniguradong maganda at gwapo mga yun." Sabi ko sa kanya habang nasa ganoon paring posisyon, at nakatitig parin siya sakin.
"Tignan mo 'tong mahahaba mong pilikmata." Sabi ko habang kunwaring sinusukat ko ito gamit ang aking kamay.
"Itong kilay mo na ang ayos-ayos" sabi ko sabay haplos-haplos ng aking daliri sa kanyang kilay, at nung narating ng daliri ko yung peklat niya ay palihim ko itong pinanggigigilan.
Hindi ko alam pero obsessed ako sa peklat niya sa kilay, ang ganda kasing tignan sa kanya.
"Itong maliit mong ilong." dagdag ko sabay pisil sa ilong niya. Nakatitig parin naman ito sakin.
Pinisil ko yung pisngi niya at tinignan yung nag-pout niyang labi na may mga asukal pa.
Natawa ako bago nagsalita, "May labi kaba Lewis? Ang nipis kasi eh." Sabi ko, tsaka niya ako itinulak.
"Baho ng hininga mo." Sabi niya, agad ko namang inamoy ang aking hininga pero amoy gummy worms naman.
"Joke lang." Sabi nito tsaka tumawa, imbis na mainis, ay natuwa ako dahil sa wakas tumawa na rin siya.
"Ahm, gusto mo ba malaman kung sino mga magulang mo Lewis?" Casual pero lakas loob kong tanong sa kanya. Ayaw ko kasing nakapagsabi ng nakaka-offend sa kanya.
"Mahal kaya nila ako Makoy?" Sinagot niya naman ng tanong, yung tanong ko sa kanya.
Tinignan ko si Lewis at hindi ko maiwasang maawa sa kanya. Dahil ako nga na kasama ang magulang sa bahay ay kwinikwestyon ang pagmamahal sa akin ng aking Ama.
Siya pa kayang hindi pa nakakasama ang magulang mula ng nagkamuwang dahil ipinamigay, at hindi man lang naranasan magkaroon ng nanay at tatay. Lagi akong nagkukuwento sa kanya ng tungkol sa aking Daddy, pero mas doble pala ang nararamdaman niyang sakit sa nararamdaman ko.
"Makoy, sa tingin mo bakit nila ako pinamigay?" Muling tanong nito sakin.
"Kung ano mang rason nila Lewis, sigurado ako na iyon ay para sa ikabubuti mo."
"Ibig sabihin nun mahal nila ako?"
"Oo naman." Sagot ko sakanya pero parang hindi na siya nakikinig sakin dahil nakatingin na siya sa labas ng bintana.
"Makoy tignan mo!"
Tumingin ako sa labas ng bintana at nakita kong umuulan habang tirik na tirik ang araw.
Namangha naman ako sa aking nakita dahil kulay ginto ang mga kulay ng patak ng ulan dahil sa sinag ng araw na tumatama sa mga ito.
"May ikinakasal lang na tikbalang." Sabi ko naman, kanya na nasa tapat na ng bintana na mukhang manghang-mangha sa nangyayari.
"Makoy tara ligo sa ulan!!"
"Hindi kaba talaga naligo kanina?" Tanong ko sa kanya.
"Makoy ang ganda sa labas!" Mukang maliban sa gummy worms ay alam ko na ang isa pang magpapasaya kay Lewis.
"Tara na!!" Sabi niya tsaka niya na ako hinila palabas ng kaniyang kwarto.
Magpapaalam sana siya kay Lola Tessie, pero kasalukuyan siyang nag si-siesta alas-tres na kasi ng hapon.
Kaya lumabas nalang siya mag-isa at nagtatatalon sa labas ng kanilang gate.
Pinapanood ko lang siyang naglalaro at tuwang tuwa. Hanggang sa napilit niya na rin akong maligo sa ulan.
Nakasakay kami ngayon sa bike niya habang tinatahak ang ulan. At kanina pa niya ang ingay, at gulo sa likod ko.
"Ang saya Makoy!!!" sigaw niya habang nakatayong nakaangkas sa aking likuran.
Ramdam na ramdam ko nga ang saya ni Lewis, kasabay ng mga dumadaming patak ng ulan sa aking mukha at ligamgam ng sikat ng araw. At sobrang saya ko rin dahil masaya na ulit ang bestfriend ko.
Nagpedal lang ako ng nagpedal kasama si Lewis sa gitna ng ulan na nasa ilalim ng araw.
"Sana laging may ikasal na tikbalang!!" Natawa ako sa huling isinigaw nito bago tuluyan ng naging ambon ang malakas na ulan.
Nadala naman kami ng aking bisekleta sa may gilid ng ilog, kung saan kami laging namimingwit ni Lewis.
Matapos kong i-park ang bike ni Lewis sa ilalim ng puno, ay nakita ko si Lewis na nakatingala habang nakaupo sa gilid ng ilog.
Naupo ako sa tabi niya at tinignan din ang napakagandang double rainbow na tinitignan nito.
"Anong mga kulay ang ang nakikita mo Makoy?" tanong niya sakin na hindi parin inaalis ang titig sa bahaghari.
Alam kong kahit sabihin ko yung pangalan ng bawat kulay sa bahaghari ay wala siyang ideya sa itsura ng mga ito.
Tumingin ako sa tinitignan niya bago nagsalita.
"Red, ito yung kulay na magdedescribe sa init na nararamdaman mo tuwing nasa ilalim ka ng tirik na sikat ng araw, o kaya kapag nakakain ka ng sili. O kaya kapag nakikita kong namumula yung mukha mo sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, that heat that you felt on your cheeks looks red." Tumingin siya sakin, tumango, tsaka ibinalik ulit ang tingin sa rainbow.
"Orange, kung ang red ay heat ang orange naman ay warm. Pinagsama ito ng kulay ng lagi mong nakikitang kulay na yellow, at red na kulay na dugo na kinatatakutan ko.
Excitement At pagiging energetic din tulad mo ang magdedescribe sa kulay na Orange
at ganito din ang kulay ng paglubog ng araw."
"Yellow," nagkatinginan kami ni Lewis pagkabanggit ko sa kulay na yellow.
"Yellow ang kulay ng mundo ko,"sabi niya habang tumatawa ng marahan, at tumingin muli sa bahaghari.
"Green." pagkasabi ko nun ay lumapit ako sa kanya at hinawakan ko ang kanyang kamay.
"Pumikit ka," sabi ko sa kanya na ginawa niya naman. Inilapag ko ang kanyang kamay sa mga damong kinauupuan namin.
"Ang mga damong hinahawakan mo ay kulay green, pati ang mga dahon ng puno ay green. Masasabi kong green ang kulay ng ating kalikasan at ang buhay ng mga puno't halaman ay green"
"Ano yung green-minded?" Inosenteng tanong niya sakin.
"Malalaman mo rin yun Lewis" Sabi ko sa kanya dahil maski ako ay diko rin alam ibig sabihin nun.
"Blue, pumikit ka at pakinggan mo ang tunog ng alon na umaagos sa ilog, at yang langit na gustong
-gusto mong dalhin sa kisame mo, kulay blue ng kulay nun, tapos kapag sinasabing I'm feeling blue' ibig sabihin daw nun ay malungkot."
"Tapos, brief ko kulay blue," bulong ko sa kanya, sabay tawa at napailing lang siya tsaka ako binatukan.
"Indigo, yung pakiramdaman na tumalon ka sa pagkalalim lalim na lawa, tapos lumubog ka sa pinakailalim ng lake na iyon ng ilang segundo.Deep, cold, quiet and still, that is indigo.
"Violet, ang kulay ng mga paborito mong ubas, at naaalala mo yung ube halaya ni Lola Tessie that looks violet.Pati yung mga kulay ng mga nabugbog ko, at na black-eye dahil nambubully sila sayo, that looks violet!" Sabi ko bago na kami nagkatawanan.
Ilang saglit na ay unti unti nang nawawala ang bahaghari dahil lumulubog na ang araw.
"Tinanong ko lang naman kung anong kulay eh, dami mo nang sinabi Makoy." Sabi ni Lewis sakin habang hinahaplos haplos ang damo.
"Green, was the color of the grass, green, green,green." naririnig kong pakanta kanta ito.
"Ayaw ko lang kasing ipakita sayo, gusto ko ring maramdaman mo yung kulay na nakikita ko Lewis." Sabi ko sa kanya, at halos diko na makita ang mukha niya dahil dumidilim na ang paligid pero nakatingin siya sa akin at lumapit.
"Thank you, for showing me the colors," pagkatapos niyang sabihin ito ay yumakap siya sakin.
"And letting me feel each of them," dagdag niya, pinipilit kong aninagin ang mukha niya pero hindi ko ito makita.
Niyakap ko na din ng mahigpit si Lewis, dahil kasabay ng mga kulisap na nagtutugtugan sa paligid naming dalawa, at tuluyang paglubog ng araw, alam kong dito na matatapos ang isang yugto ng aking buhay, kasama ang aking matalik na kaibigan na si Lewis. At bukas pagsikat ng araw ay panibagong yugto na ang aking haharapin.
"Lewis" nakayakap parin ako sa kanya.
"Hmm??"
"Alam mo ba magdedescribe sa kulay na puti?"
"Ulap?" sagot niya.
"Hindi"
"Eh ano?"
"White lady!!!"
Pananakot ko sa kanya at kumaripas kami ng takbo papunta sa bike, at mabilis na nagpedal pauwi. Ang higpit naman ng yakap sakin ni Lewis habang nakaangkas sa aking likod.
Sana lagi tayong ganito.
End of Chapter IV