webnovel

Hasang

Maaliwalas ang araw na iyon sa siyudad ng San Ibanez, ang siyudad na pinanggalingan ng kasalukuyang Binibining Pilipinas, ang siyudad na tinaguriang textile at seafood capital of the Philippines, isa sa mga siyudad na malinis at may matiwasay na pamumuhay. Sa kabila ng magagandang puna sa siyudad ay mayroon pa rin itong tinatagong madilim na nakaraan. Pinapagitnaan ng siyudad ng San Ibanez at Montalban ang bayan ng Malilum, isa sa mga bayang nababalot ng hiwaga at kababalaghan. Ang mga katangiang ito ng bayang iyon kung minsan ay tumatagas sa mga kalapit nitong lugar at isa na rito ang San Ibanez.

"Saan ka ba pupunta?" tanong ni Arsenio.

"Doon sa batis ng ilang." masayang tugon ni Bernard.

"Ha? Ano'ng gagawin mo doon?"

Lumapit si Bernard kay Arsenio habang pinapakiramdaman ang mga kasamahan sa terminal ng tricycle. Nanigurado siya na walang ibang makakarinig sa kanyang sasabihin. Binulong niya kay Arsenio ang kanyang natuklasan sa batis.

"Pare, may nakita akong babae na naliligo doon." nanginginig na bulong niya kay Arsenio.

Natawa na lang ang isa sa sinabi ni Bernard. Hindi siya makapaniwala na sa panahong ito ay may mga naliligo pa sa batis, lalong-lalo na't babae. Sa tingin niya ay ginu-good time siya ng kaibigan o di kaya ay dala lamang to sa sobrang libog.

"Maniwala ka sa akin pare. Apat araw na siyang naliligo roon." paliwanag ni Bernard. "Siya lang mag-isa. Tuwing, alas tres ng hapon."

"Gago! Ang sabihin mo, apat na araw mo na siyang binobosohan doon!" natatawang tukso ni Arsenio.

"Masisisi mo ba ako? Pare, maganda siya, makinis at hubo't hubad talaga siyang lumalangoy sa batis." mas mahinang bulong ni Bernard.

"Ulol! Nalilibugan ka lang." wika ni Arsenio. "Apat na araw? Ang swerte mo naman."

Ilang saglit pa ay balisang nilingon ni Bernard ang palibot, umaasa na walang nakarinig sa kanilang bulungan. Alas dos na ng hapon at lalo siyang sinabik.

"Ano na, sasamahan mo ba ako?" tanong ni Bernard. "Malay mo, makakaiskor tayo mamaya."

"Gago! Sige na, para matahimik ka lang." wika ni Arsenio. "Isa pa, nahihiwagaan ako sa babaeng ikinikwento mo."

Ang batis sa may ilang ay nagmumula sa isang talon na kung tawagin ng mga taga San Ibanez ay Tinaguan falls, matatagpuan iyon malapit sa dulo ng siyudad sa hangganan ng Malilum. Napapalibutan ito ng makakapal na halaman at punong kahoy. Kung hindi mo ito sasadyain ay hindi mo ito mararating kaya ipinagtaka ni Arsenio kung paano nalaman ni Bernard na mayroong naliligo sa batis samantalang hindi naman ito malapit sa sentro ng bayan at hindi ito nadadaanan ng mga tricycle.

Kung kaya't ikinwento ni Bernard kung paano niya talaga natuklasan ang babaeng naliligo sa batis. Maaliwalas din ang araw na iyon, tulad nito. Sabado at hindi siya pumasada, nangahoy siya sa ilang. Noong una ay naligaw siya ngunit alam niyang malapit na siya sa hangganan ng Mount Malilum. Sandaling nakaramdam siya ng nakakapangilabot na katahimikan hanggang sa makarinig siya ng napakagandang tinig ng isang babaeng kumakanta. Sumunod nito ay ang tunog ng tubig na dumadaloy mula sa isang talon at natanaw na nga niya ang batis at ang babaeng naliligo rito.

Tila isang kwento na pambata, rated-r nga lang.

Ilang sandali pa ay nakarating na rin sila sa lugar na tinutukoy ni Bernard at bigla nga nilang narinig tinig ng babaeng kumakanta na nagmumula sa direksyon ng batis. Sabik na sabik na lumapit si Bernard sa isang makapal na palumpong at nagtago sa mga dahon nito. Ginaya rin ito ni Arsenio subalit sa pagmamadali niya ay lumikha ito ng kagyat na ingay at napalingon ang babae sa kaluskos ng mga dahon sa kanilang kinaroroonan. Tumigil ito sa pagkanta.

Nasilayan ni Arsenio ang mukha ng babaeng kinahuhumalingan ni Bernard at natulala siya. Mapupungay ang maliliit nitong mga mata, tila iginuhit ang kanyang mga kilay sa kapal at sobrang pantay nito, matangos ang kanyang ilong at bagama't maputla ang hugis puso nitong mga labi ay umaayon naman ito sa kanyang balat na may mapusyaw na kayumangging kulay. Kasama ang mahaba at diretso nitong buhok na basang-basa ng tubig ay mapagkakamalan itong kandidata ng Binibining Pilipinas. Mababaw lamang ang bahaging iyon ng batis at dahil sa mga kaluskos na narinig ay bigla itong tumayo.

Napalunok si Arsenio sa kanyang nakita.

Maiyag ang kurbada ng katawan ng babae. Nilunok ni Arsenio ang bawat bahagi ng katawang ng babae na kanyang nasilayan dahil totoo nga ang sinabi ni Bernard. Hubo't hubad itong naliligo sa batis. Natulala siya at animo'y napako sa kanyang kinalalagyan hanggang sa magsalita ang babae.

"Sino'ng naryan?"

Nang maramdaman ni Arsenio na naigagalaw na niya ang kanyang braso ay nanatili pa rin ito sa kanyang pinagtataguan. Sa anumang dahilan ay nakaramdam siya ng kaba at hiya ngunit hindi tulad ni Bernard na presko at bulastog. Bago pa man niya mabawalan ang kaibigan ay lumabas na si Bernard mula sa kanyang pinagtataguan, malinaw sa ekspresyon at galaw nito na kanina pa siyang libog na libog sa napakagandang babae sa kanyang harapan.

"Babe! Mag-isa ka lang ba?" tanong ni Bernard. "Gusto mo bang samahan kita?"

Sa nakamamanghang sitwasyon na iyon ay nanatiling tahimik si Arsenio sa kanyang pinagtataguan habang patuloy na kinakausap ni Bernard ang babae gamit ang kanyang mapanlimbang na tono. Binati ng babae si Bernard ng inosente at matamis na ngiti.

"Baka pwede mo naman akong pagbigyan." walang pakundangan sambit ni Bernard. Napalingon siya sa kinaroroonan ni Arsenio at nagtaka kung bakit hindi pa ito lumalabas mula sa pinagtataguan hanggang sa naisip niya ang marahil ay ginagawa ng kaibigan sa likod ng mayabong na palumpong.

"Aba, ang sira ulo." bulong niya sa sarili. "May balak pa yatang bidyeohan ako sa akto."

Muling itinuon ni Bernard ang atensyon sa babae nang bigla itong magtanong kung kanina pa ba siyang nakakubli sa mga halaman at kung mag-isa lang itong nagtungo sa batis. Pinaunlakan naman ni Bernard ang mga tanong ng babae habang unti-unti siyang lumapit sa gilid ng batis.

"Ang totoo niyan, apat na araw na kitang pinupuntahan dito sa batis." saad ni Bernard. Napataas ng kilay ang babae.

"Kung ganoon ay matagal mo na akong binobosohan?" muli nitong tanong.

"Ano pa nga ba ang magagawa ko? Hindi kita matiis." wika ni Bernard. "Napakaganda mo kasi."

"Kung ganoon ay dapat lang na makilala kita." sinuklay niya ang kanyang basang buhok gamit ang kanyang dalawang kamay. "Ano'ng pangalan mo?"

"B-Bernard." nangangatog niyang tugon.

"Ikinagagalak kitang makilala Bernard." wika ng babae. "Ang ngalan ko ay Mera. Gusto mo bang maligo kasama ko?"

Nanigas sa kinatatayuan si Bernard sa narinig na imbitasyon mula sa inosenteng babae. Hindi niya inasahan na papatusin ng dalaga ang kanyang paglalandi rito. Hindi na nag-aksaya ng oras si Bernard at agad itong naghubad at lumusong sa batis. Sa sobrang pagkasabik ay nalimutan niyang pinapanood sila ni Arsenio na hanggang ngayo'y tahimik pa rin na nakatago sa mga palumpong. Lumapit si Bernard kay Mera ng walang sabisabi at kumapit sa baiwang ng dalaga.

"Hindi ko akalain na malibog ka rin." wika ni Bernard. "Ang swerte ko nga naman."

"Maswerte ka talaga Bernard." ani Mera. "Alam mo ba na iilan lang ang nakakalapit sa akin."

Sa narinig ay lalong sinabik si Bernard. Samantalang patuloy na pinagmamasdan ni Arsenio ang dalawa mula sa malayo. Aaminin niyang natukso siyang lumabas nang makita niyang lumusong ang kaibigan sa tubig ngunit may kung anong pwersa ang pumigil sa kanya. Hindi ito tama. May kakaiba sa lugar na ito at may kakaiba sa babaeng naliligo sa batis. Dahan-dahang bumaba ang kamay ni Bernard na kanina lang ay naka angkla sa baiwang ni Mera. Napahalinghing ang dalaga.

"Halikan mo ako Bernard." utos ni Mera.

Imbes na halikan ng lalaki ang mga labi ng dalaga na kanina pa nagsusumamo ay ibinaling nito ang kanyang pansin sa dibdib ni Mera at hindi kaginsa-ginsang sinungaban ang suso ng dalaga. Lalong nanabik si Bernard nang marinig ang mahinhin na daing ng dalaga.

Dahan-dahang inakyat ni Bernard ang kanyang mga halik papunta sa makinis na leeg ni Mera. Humalimuyak ang balat nito na parang simoy ng hanging dagat sa ilalim ng mainit na sikat ng araw at lalong nabighani si Bernard nang muli niyang marinig ang nakakasabik na halinghing ni Mera. Inutusan siya ng dalaga na huwag titigil subalit huminto ito sa kanyang ginagawang pagmomolestya nang mapansin niya ang dalawang guhit sa leeg ng dalaga.

Noong una ay inakala niyang galos lamang iyon hanggang sa makita niyang bumukabuka ito kasabay ng paghinga ng dalaga at sa loob ng mga luping iyon ay mayroong mga hasang ng isda. Nabitawan ng lalaki ang kanina'y mahigpit na pagkapit sa dalaga. Nawalan ng balanse si Bernard dahil sa pagkasindak at natumba ito sa tubig ngunit dahil na rin sa takot ay di na niya inalintana ang mga galos, mas importante na makatayo siya at makatakas mula sa nilalang na iyon.

Sa mga sandaling iyon ay naalala niyang, hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang kaibang si Arsenio. Nakaahos na si Bernard sa batis bagama't hubad pa rin ito sa katotohanan. Tatawagin na sana niya si Arsenio nang bigla itong lumabas mula sa kanyang pinagtataguan. Napahinto tuloy si Bernard sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya malaman kung alin ang una niyang gagawin, ang tumakbo o ang tabunan ang kanyang sarili.

"Senyo! Senyo takbo na! Hindi tao ang babaeng iyon." sigaw ni Bernard sabay turo kay Mera na ngayo'y nakangiti kay Arsenio.

"Natural." wika ni Arsenio. "Sino ba naman ang matinong babae na maliligo sa batis ng hubo't hubad tuwing hapon bago ang takip-silim?"

Lalong nakaramdam ng takot si Bernard nang muling marinig ang tinig ni Mera ngunit sa pagkakataong ito ay muli itong kumanta sa isang matamis na tono na tila umaalingawngaw mula sa ilalim ng tubig.

Sa puso ko ang punyal ni Kupido'y tagos

ginto at pilak ma'y walang silbing sagot

walang aliw, wala ng ibang pwedeng gamot

kundi laman ng 'sang lalaking hayok

Patuloy na kinanta ni Mera ang mga salitang iyon. Paulit-ulit iyong tumatak sa isipan ni Bernard hanggang sa mawalan ng sariling loobin ang lalaki at mamuti ang kanyang mga mata. Unti-unti siyang naglakad pabalik sa direksyon ng batis, lumusong, hanggang sa makaabot ito sa bahagi na lagpas tao ang lalim. Lumubog siya at hindi na umahong muli. Sumunod si Mera na marahang naglakad hanggang sa tuluyan na rin itong maglaho sa ibabaw ng tubig.

Pinagmasdan ni Arsenio ang paglubog ng araw. Magtatakip-silim at oras na para maghasik ng lagim ang mga nilalang ng dilim sa bayan ng Malilum. Huminga siya ng malalim at tinanggal ang alampay na nakabalot sa kanyang leeg na ni minsa'y hindi niya inaalis tuwing namamasada ng tricycle. Mas madali kasi na magpanggap kung suot niya ito.

"Hapunan muna." bulong niya sa sarili at tuluyan na nga siyang naglakad papunta sa batis, lumusong sa tubig at lumangoy hanggang sa maglaho ito sa kadiliman ng tubig.

-WAKAS